Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 8: Ang Pangangaral sa Bundok: ‘Isang Daang Kagalinggalingan’


Aralin 8

Ang Pangangaral sa Bundok: “Isang Daang Kagalinggalingan”

Mateo 5

Layunin

Himukin ang mga miyembro ng klase na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa mga alituntuning itinuro niya sa Pangangaral sa Bundok.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Mateo 5:1–12. Sa isang bundok sa Galilea ay itinuro ni Jesus sa kanyang mga disipulo ang mga Lubos na Pagpapala [Beatitudes].

    2. Mateo 5:13–16. Ipinahayag ni Jesus na ang kanyang mga disipulo ang “asin ng lupa” at ang “ilaw ng sanglibutan.”

    3. Mateo 5:17–48. Ipinahayag ni Jesus na siya ay dumating upang tuparin ang batas ni Moises, at itinuro niya ang isang mas mataas na batas.

  2. Karagdagang pagbabasa: Lucas 6:17–36; Mosias 13:28–35; Alma 34:13–16; 3 Nephi 12; Eter 12:11; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Lubos na Pagpapala, Mga,” 134; at “Pangangaral sa Bundok,” 207.

  3. Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, bigyan ang bawat miyembro ng klase ng bolpen o lapis at isang piraso ng papel.

  4. Kung makukuha ang sumusunod na mga materyal, gamitin ang mga ito sa aralin:

    1. Ang larawan ng Sermon sa Bundok (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 212).

    2. Isang lalagyan ng asin at isang ilawan.

  5. Mungkahi sa pagtuturo: Si Jesucristo ang Dakilang Guro. Habang pinagaaralan ninyo ang Pangangaral sa Bundok, pansinin ang mga paraan ng kanyang pagtuturo at maghanap ng mga paraan kung paano ninyo siya pamamarisan bilang guro. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit A, Paksa 10, “Magturo nang Tulad ng Pagtuturo ni Jesus,” 19–20, para sa iba pang mga mungkahi sa kung paano masusundan ang halimbawa ng Tagapagligtas bilang isang guro.)

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Bigyan ang bawat miyembro ng klase ng isang piraso ng papel at bolpen o lapis. Ipaliwanag na ang mga banal na kasulatan ay kinapapalooban ng maraming paanyaya mula sa Tagapagligtas. Maaari ninyong naising ipabasa sa mga miyembro ng klase ang mga paanyaya ng Tagapagligtas sa Mateo 11:28–29 at 3 Nephi 27:27. Hilingin sa mga miyembro ng klase na isulat ang Inaanyayahan ako ng Tagapagligtas na: sa itaas ng papel. Pagkatapos ay ipaliwanag na ang araling ito ay nakatuon sa Pangangaral sa Bundok, na naglalaman ng maraming paanyaya mula sa Tagapagligtas. Himukin ang mga miyembro ng klase na humanap ng mga paanyaya habang tinatalakay ang aralin at isulat ang mga ito sa piraso ng papel.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, talakayin kung paano naaangkop ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntunin ng banal na kasulatan. Dahil hindi madaling itanong ang bawat katanungan o talakayin ang bawat punto ng aralin, piliin nang may panalangin ang mga pinakamainam na makatutugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase.

1. Itinuro ni Jesus ang mga Lubos na Pagpapala sa kanyang mga disipulo.

Ipaliwanag na maraming daang taon pagkatapos na maibigay ng hindi pa mortal noon na Cristo ang batas ni Moises sa Bundok ng Sinai, ang mortal na Mesiyas ay bumaba sa isa pang bundok upang ipahayag ang higit na mataas na batas sa isang diskurso na tinatawag na Pangangaral sa Bundok. Ipakita ang larawan na Pangangaral sa Bundok.

Ang unang mga turo sa sermong ito ay kilala bilang ang mga Lubos na Pagpapala (Mateo 5:1–12). Ang salitang lubos na pagpapala (beatitudes) ay nagmula sa Latin na beatus, na ang ibig sabihin ay mapalad, masaya, o pinagpala. Basahin ang mga Lubos na Pagpapala at talakayin ang mga ito tulad ng nakabalangkas sa ibaba.

  • Mateo 5:3. Ano ang ibig sabihin ng “mapagpakumbabang-loob”? (Maging mapagpakumbaba. Tingnan din sa 3 Nephi 12:3.) Bakit mahalaga na maging mapagpakumbaba tayo? Paano tayo magiging higit na mapagpakumbaba?

  • Mateo 5:4. Ano ang ilang mga paraan na inilalaan ng Panginoon upang maaliw tayo? (Tingnan sa Juan 14:26–27 at Mosias 18:8–9 para sa ilang halimbawa.) Paano kayo naaliw sa mga oras ng pagdadalamhati?

  • Mateo 5:5. Ano ang ibig sabihin ng maging maamo? (Maging magiliw, mapagpatawad, o mapagkawanggawa.) Paano tayo magiging maamo? (Tingnan sa Mosias 3:19; Alma 7:23; 13:28.)

  • Mateo 5:6. Ano ang ipinangako ni Jesus sa mga “nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran”? (Tingnan sa Mateo 5:6; 3 Nephi 12:6.) Ano ang maaari nating gawin upang sa halip na hangarin ang mga bagay ng daigdig ay hangarin natin ang mga bagay na nauukol sa katuwiran?

  • Mateo 5:7. Paano tayo makapagpapakita ng habag sa iba? Bakit kailangan natin ang habag mula sa Panginoon? (Tingnan sa Alma 42:13–15.)

  • Mateo 5:8. Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng magkaroon ng dalisay na puso? Paano natin mapadadalisay ang ating mga puso? (Tingnan sa Helaman 3:35.) Bakit kailangan nating magkaroon ng dalisay na puso para makita natin ang Diyos at mamuhay sa kanyang piling? (Tingnan sa Moises 6:57.)

  • Mateo 5:9. Paano tayo magiging mga tagapagpayapa sa ating mga tahanan at pamayanan?

  • Mateo 5:10–12. Bakit inuusig kung minsan ang mabubuting tao? Paano tayo dapat tumugon sa pag-uusig? (Tingnan sa Mateo 5:44; Lucas 6:35.)

Kung ginamit ninyo ang gawaing pantawag-pansin, hilingin sa mga miyembro ng klase na isulat ang mga paanyaya na nasa mga Lubos na Pagpapala na sa pakiramdam nila ay malaki ang maitutulong sa kanila.

2. Ipinahayag ni Jesus na ang kanyang mga disipulo “ang asin ng lupa” at “ang ilaw ng sanglibutan.”

Basahin at talakayin ang Mateo 5:13–16. Habang tinatalakay ninyo ang mga talatang ito, maaari ninyong naisin na magpakita ng isang lalagyan ng asin at isang ilawan.

  • Sinabi ni Jesus na ang kanyang mga disipulo “ang asin ng lupa” (Mateo 5:13; Doktrina at mga Tipan 101:39). Ano ang ilang gamit ng asin? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng, ang asin ay pampalasa at pangpreserba.) Paano magiging “ang asin ng lupa” ang mga Banal sa mga Huling Araw?

  • Anyayahan ang isang miyembro ng klase na basahin ang Doktrina at mga Tipan 103:9–10. Anong mahahalagang bagay ang idinaragdag ng mga talatang ito tungkol sa kahulugan ng pagiging “ang asin ng lupa”? Paano tayo magiging “mga tagapagligtas ng tao”? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng pagbabahagi ng ebanghelyo at paggawa ng gawain sa templo.)

  • Paano magiging “ang ilaw ng sanglibutan” ang mga Banal sa mga Huling Araw? (Mateo 5:14; tingnan din sa talata 16). Ano ang mangyayari kung ang isang kandila ay ilalagay sa “ilalim ng isang takalan”? (Mateo 5:15; pansinin na ang takalan ay isang malaking basket). Bilang mga miyembro ng Simbahan, paano natin kung minsan inilalagay ang ating ilaw sa ilalim ng isang takalan? Paano natin mapaliliwanag ang ating ilaw sa paraan na maaakay nito ang iba na “luwalhatiin ang [ating] Ama … na nasa langit”? (Tingnan sa Mateo 5:16; 3 Nephi 18:24.)

3. Itinuturo ni Jesus ang isang mas mataas na batas kaysa sa batas ni Moises.

Talakayin ang Mateo 5:17–48. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata.

  • Sinabi ni Jesus na siya ay dumating upang tuparin ang batas ni Moises, hindi para sirain ito (Mateo 5:17–18). Paano niya tinupad ang batas ni Moises?

    Ipaliwanag na ang batas ni Moises ay “maibibigay sa mga anak ni Israel, … sapagkat sila ay mga taong matitigas ang leeg, mabilis sa paggawa ng kasamaan, at mabagal sa pag-alaala sa Panginoon nilang Diyos.” Iyon ay “isang batas ng mga gawain at ng mga ordenansa, … na kanilang [Israelita] susundin sa araw-araw, upang mapanatili sila sa pag-alaala sa Diyos at sa kanilang tungkulin sa kanya” (Mosias 13:29–30). Ang mga nakaunawa sa batas ay “matatag na umaasa kay Cristo, hanggang sa matupad ang mga batas. Sapagkat, sa layuning ito ibinigay ang mga batas” (2 Nephi 25:24–25).

    Tinupad ng Tagapagligtas ang batas ni Moises nang magbayad-sala siya para sa ating mga kasalanan (Alma 34:13–16). Pagkatapos ng Pagbabayad-sala, ang mga tao ay hindi na inutusang maghandog ng mga hayop, na kinailangan bilang bahagi ng batas ni Moises upang maituro ang pagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Sa halip, ang mga tao ay inutusang “mag-aalay [kayo] bilang pinaka-hain … ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:20; tingnan din sa talata 19).

  • Sinabi rin ni Jesus na ang katuwiran ng kanyang mga disipulo ay dapat na “hihigit … sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo” (Mateo 5:20). Ano ang kulang sa “katuwiran” ng mga eskriba at mga Fariseo? (Ang tanging pinagtutuunan nila ng pansin ay ang panlabas na anyo ng batas at ipinagwawalang-bahala ang kahalagahan ng panloob na katapatan. Kung natupad nila ang batas na tulad ng kung paano ito ibinigay ay maaaring nakilala nila si Jesus bilang ang Mesiyas.)

Sa gawing kaliwa sa itaas na bahagi ng pisara ay isulat ang Narinig ninyo na sinabi. Ipaliwanag na sa Pangangaral sa Bundok ay ginamit ni Jesus ang mga salitang ito noong tukuyin niya ang mga kautusan na bahagi ng batas ni Moises. Sa gawing kanan sa itaas na bahagi ng pisara ay isulat ang Datapwat sinasabi ko sa inyo. Ituro na ginamit ni Jesus ang mga salitang ito noong ituro niya sa kanyang mga disipulo ang mas mataas na batas.

  • Sa Mateo 5:21, anong sinaunang batas ang tinukoy ni Jesus? (Isulat ang Huwag kang papatay sa ibaba ng Narinig ninyo na sinabi.) Anong mas mataas na batas ang ibinigay ni Jesus na may kaugnayan sa kautusang ito? (Tingnan sa Mateo 5:22. Isulat ang Huwag magagalit sa ibaba ng Datapwat sinasabi ko sa inyo. Paano mas mataas ang kautusan na pag-iwas sa galit kaysa sa kautusang huwag papatay? Paano nakaaapekto ang ating damdamin ng pagkagalit sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos? Ano ang maaari nating gawin upang makontrol ang mga damdamin ng pagkagalit at hangaring alisin ang mga ito sa ating buhay?

  • Binanggit ng Tagapagligtas ang tungkol sa pagdadala ng “hain sa dambana,” na tinutukoy ang sinaunang kaugalian ng pagdadala ng sakripisyong alay sa dambana (Mateo 5:23). Ano ang sinabi ni Jesus na dapat gawin ng kanyang mga disipulo kung sila ay may galit habang naghahanda silang magdala ng hain sa dambana? (Tingnan sa Mateo 5:23–24.) Paano ito maiaakma sa atin?

  • Ano ang dapat nating gawin kapag nasaktan ng isang tao ang ating kalooban? (Tingnan sa Mateo 5:24; 18:15; Doktrina at mga Tipan 64:8–11.) Ano ang mga panganib ng paghihintay sa taong nakasakit sa ating damdamin na humingi sa atin ng kapatawaran?

  • Sa Mateo 5:27, anong sinaunang batas ang tinukoy ni Jesus? (Isulat ang Huwag kang mangangalunya sa ibaba ng Narinig ninyo na sinabi.) Anong batas ang ibinigay ni Jesus na kahalili ng kautusang ito? (Tingnan sa Mateo 5:28. Isulat ang Iwasan ang mahahalay na kaisipan sa ibaba ng Datapwat sinasabi ko sa inyo.) Ano ang ilang bunga ng maruruming kaisipan? (Tingnan sa Mosias 4:30; Alma 12:14; Doktrina at mga Tipan 63:16.) Ano ang maaari nating gawin upang mapanatiling dalisay ang ating mga kaisipan?

  • Isinasaad ng Pagsasalin ni Joseph Smith na ang mata at kamay na binanggit sa Mateo 5:29–30 ay sumasagisag sa mga kasalanan. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa kung ano ang dapat nating gawin sa ating mga kasalanan?

  • Sang-ayon sa nakatala a Mateo 5:33, paano ipinahiwatig ng mga tao noong kapanahunan ng Lumang Tipan na nagsasabi sila ng katotohanan? (Isulat ang Tuparin ang mga ipinangako sa Panginoon sa ibaba ng Narinig ninyo na sinabi.) Anong batas ang ibinigay ni Jesus bilang kapalit ng gawaing ito? (Tingnan sa Mateo 5:34–37. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie. Pagkatapos ay isulat ang Tuparin ang inyong sinabi sa ibaba ng Datapwat sinasabi ko sa inyo.)

    Sinabi ni Elder Bruce R. McConkie na: “Sa ilalim ng batas ni Moises ang panunumpa ay tunay na pangkaraniwan at malawak ang nasasakupan nito kung kaya, sa pang-araw-araw na buhay ay kakaunti lamang ang katotohanang nakapaloob sa mga pangungusap na ginawa nang walang panunumpa… . Sa ilalim ng perpektong batas ni Cristo ang salita ng bawat tao ay pangakong binitiwan, at ang lahat ng binibigkas na pangungusap ay kasing totoong tulad ng mga binigkas na salita na may kaakibat na panunumpa” (The Mortal Messiah, 4 na tomo [1979–81], 2:140).

  • Sa Mateo 5:38, anong sinaunang batas ang tinukoy ni Jesus? (Isulat ang Mata kung mata sa ilalim ng Narinig ninyo na sinabi. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “mata kung mata” ay tatanggapin ng taong nakasakit sa kanyang kapwa ang katulad na sakit bilang kaparusahan; tingnan sa Levitico 24:17–21.) Anong kautusan ang humalili sa batas na ito? (Tingnan sa Mateo 5:39–40. Isulat ang Iharap ang kabilang pisngi sa ibaba ng Datapwat sinasabi ko sa inyo.) Anong mga alituntunin ang itinuro ni Jesus nang banggitin niya ang tungkol sa paghaharap ng kabilang pisngi sa isang taong nananakit sa atin at ang pagbibigay ng ating balabal sa isang taong kumuha sa ating tunika?

  • Sa Mateo 5:43, anong sinaunang kaugalian ang tinukoy ni Jesus? (Isulat ang Mahalin ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway sa ibaba ng Narinig ninyo na sinabi.) Anong kautusan ang humalili sa kaugaliang ito? (Tingnan sa Mateo 5:44–47. Isulat ang Mahalin ang inyong kaaway sa ibaba ng Datapwat sinasabi ko sa inyo.) Paano tayo magkakaroon ng pagmamahal sa ating kaaway? (Tingnan sa Moroni 7:47–48 para sa halimbawa.) Paano mababago ang ating buhay kapag minamahal natin ang ating mga kaaway? Paano maaaring mabago ang kanilang buhay?

Kung ginamit ninyo ang gawaing pantawag-pansin, hilingin sa mga miyembro ng klase na tumingin sa pisara at isulat ang mga paanyaya sa Mateo 5:17–47 na sadyang makatutulong sa kanila.

  • Paano ang dapat na maging pag-unawa natin sa utos ng Tagapagligtas na maging sakdal tayo? (Ang iba pang kahaliling salin sa wikang Griyego ng salitang sakdal ay “kumpleto, tapos na, buung-buo na.” Paano makahihikayat sa atin ang utos na maging sakdal sa halip na magpahina sa ating kalooban?

    Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith na:

    “Naniniwala akong hindi nagbibiro ang Panginoon noong sabihin niya: na kailangan nating maging sakdal na tulad ng pagiging sakdal ng ating Ama sa langit. Hindi mangyayari nang minsanan ang lahat ng ito, kundi nang taludtod sa taludtod, at tuntunin sa tuntunin, halimbawa sa halimbawa, at magkagayon man ay hindi pa rin sa buhay na ito, dahil makararating pa tayo sa kabilang buhay bago natin makamtan ang kasakdalang iyon at magiging katulad ng Diyos.

    “Ngunit dito natin itinatatag ang pundasyon. Dito itinuturo sa atin ang mga simpleng katotohanang ito ng ebanghelyo ni Jesucristo, sa pansamantalang kalagayan na ito, upang ihanda tayo sa kasakdalang iyon. Tungkulin nating maging mas mabuti ngayon kaysa kahapon, at maging mas mabuti bukas kaysa ngayon… . Kung sinusunod natin ang mga kautusan ng Panginoon, tayo ay nasa landas patungo sa pagiging sakdal” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:18–19; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 93:11–14, 19–20).

  • Paano tayo tinutulungan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na makamit ang pagiging sakdal? (Tingnan sa Moroni 10:32–33; Doktrina at mga Tipan 76:68–70.) Paano tayo tinutulungan ng mga turo ng Pangangaral sa Bundok na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya”?

Katapusan

Magpatotoo na ang mga turo sa Pangangaral sa Bundok ay nakatutulong sa atin na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32). Himukin ang mga miyembro ng klase na isagawa ang mga aral na iyon sa kanilang buhay. Kung ginamit ninyo ang gawaing pantawag-pansin, hilingin sa mga miyembro ng klase na tingnan ang mga paanyaya na isinulat nila at pumili ng isa o dalawa na pagtutuunan nila ng pansin sa loob ng darating na linggo.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. “Higit na mabuting paraan” (Eter 12:11)

Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na dumating sa klase na nakahandang magbahagi ng mga ideya tungkol sa kung paano makatutulong sa kanila sa tahanan, sa paaralan, o sa trabaho ang mga aral sa Mateo 5.

2. Ang itinuturo ng Tagapagligtas hinggil sa diborsiyo

Kung may tanong kayo o ang mga miyembro ng klase tungkol sa Mateo 5:31–32, tingnan ang ikalimang karagdagang ideya sa pagtuturo sa aralin 14 (tingnan sa pahina 00 [60].

3. Pagpapalabas ng video

Ang ikalawang yugto ng “New Testament Customs,” na piling bahagi mula sa New Testament Video Presentations (53914), ay ipinapaliwanag ang katagang tagapagturo, na ginagamit sa Mga Taga Galacia 3:24–25 upang ilarawan ang batas ni Moises. Kung ipapalabas ninyo ang yugtong ito, talakayin kung paanong ang batas ni Moises ay isang tagapagturo upang dalhin ang mga tao kay Cristo.