Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 14: ‘Sino ang Aking Kapuwa Tao?’


Aralin 14

“Sino ang Aking Kapuwa Tao?”

Mateo 18; Lucas 10

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na maging mapagpakumbaba, magpatawad sa iba, at magpakita ng pag-ibig sa kapwa-tao.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Mateo 18:1–6, 10–11, 14. Itinuro ni Jesus na kailangan tayong magbalikloob at maging tulad ng maliliit na bata upang makapasok sa kaharian ng langit.

    2. Mateo 18:15, 21–35. Sa pamamagitan ng talinghaga ng walang awang alipin ay itinuro ni Jesus ang tungkol sa pagpapatawad.

    3. Lucas 10:25–37. Sa pamamagitan ng talinghaga ng mabuting Samaritano ay itinuro ni Jesus ang tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao.

  2. Karagdagang pagbabasa: Marcos 9:33–50; Mosias 3:17–21; 4:16–19, 26.

  3. Kung makukuha ang sumusunod na mga materyal, gamitin ang mga ito sa aralin:

    1. Ang mga larawang Si Cristo at ang mga Bata (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 216) at Ang Mabuting Samaritano (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 218).

  4. Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, anyayahan ang isang magulang na magsalita sa klase tulad ng nakabalangkas sa gawain.

  5. Mungkahi sa pagtuturo: Paminsan-minsan ay anyayahan ang mga miyembro ng klase (o iba pang miyembro ng purok) na tumulong sa aralin sa pamamagitan ng pag-uulat, pagbabahagi ng isang kuwento, pagbibigay ng patotoo, o pagtulong sa iba pang paraan. Kapag nagbibigay ng takdang gawain, linawin kung ano ang nais ninyong ipagawa sa isang tao at kung gaano katagal ninyo inaasahan na gagawin niya ito. (Tingnan sa Pagtuturo— Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit F, Paksa 12, “Paggamit ng mga Taong Mapagtatanungan Tungkol sa Paksa,” 170–171 at Yunit F, Paksa 14 “Mga Natatanging Ulat,” 175.).

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Anyayahan ang isang magulang na may maliit na anak (tatlo hanggang limang taong gulang) na dalhin ang bata sa klase, ipakilala siya, at maikling ilarawan ang ilan sa mga kahanga-hangang katangian ng bata. Kapag natapos na ang magulang, hilingan ang mga miyembro ng klase na mag-isip ng mga katangian na tulad ng sa bata na nais ni Jesus na taglayin natin. Isulat ang mga sagot sa pisara.

Ipaliwanag na tinatalakay ng araling ito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga katangiang tulad ng sa bata at pakikitungo sa lahat ng tao nang may kababaang-loob at kabaitan.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, talakayin kung paano natin masusundan ang halimbawa ng mga aral ng Tagapagligtas tungkol sa kababaang-loob, pagpapatawad, at pag-ibig sa kapwa-tao.

1. Itinuro ni Jesus na kailangan tayong maging katulad ng maliliit na bata.

Basahin at talakayin ang Mateo 18:1–6, 10–11, 14.

  • Bakit sa palagay ninyo lubhang nag-alala ang mga disipulo tungkol sa kung sino ang magiging pinakadakila sa kaharian ng Panginoon? (Mateo 18:1; Marcos 9:33–34). Paano tayo nakagagawa kung minsan ng gayunding mga pagkakamali? Paano natin maisasantabi ang gayong mga alalahanin?

  • Ipakita ang larawan ni Cristo at ng mga bata. Ano ang payo ni Jesus sa mga naghahangad na makamtan ang tunay na kadakilaan sa kanyang kaharian? (Tingnan sa Mateo 18:2–4; Marcos 9:35.) Bakit mahirap sundin ang payong ito kung minsan? Paano maihahambing ang payong ito sa itinuturo ng daigdig tungkol sa kung paano magtatamo ng kadakilaan?

  • Ano ang ibig sabihin ng maging tulad ng maliliit na bata? (Tingnan sa Mosias 3:19. Ipaliwanag na kahit na hindi perpekto ang mga bata ay marami silang katangian na kailangan nating taglayin upang manahin ang kaharian ng langit. Ang mga katangiang ito ay kinabibilangan ng kababaang-loob, kapakumbabaan, at kusang-loob na paniniwala.) Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga bata? Paano tayo magiging higit na tulad ng mga bata at maging higit na nagpapasailalim sa kalooban ng ating Ama sa Langit?

  • Ano ang ibig sabihin ng “magbigay ng ikatitisod ng isa sa maliliit na ito”? (Sa puntong ito, ang ibig sabihin ng magbigay ikatitisod ay maging dahilan ng pagkadapa.) Ano ang ilan sa mga paraan kung saan ang mga tao ay nagiging dahilan ng pagkadapa ng mga bata? (Maaaring maibilang sa mga sagot ang pagiging masamang halimbawa sa kanila, pambabatikos sa kanila sa nakasasakit na paraan, hindi pagtuturo sa kanila, at pang-aabuso sa kanila.) Ano sa paningin ng Panginoon ang mga kasalanang ito? (Tingnan sa Mateo 18:6.)

    Sinabi ni Elder M. Russel Ballard na: “Naririnig natin ang mga nakababagabag na ulat tungkol sa mga magulang o tagapag-alaga na lubhang nalalayo sa Espiritu ni Cristo kung kaya’t inaabuso nila ang mga bata. Kung ang pangaabusong ito ay pisikal man, o sa pananalita, o kaya’y hindi gaanong nahahalata ngunit kasing-tindi ng emosyonal na pang-aabuso, ito ay karumaldumal at mabigat na kasalanan sa Diyos” (sa Conference Report, Abr. 1991, 107; o Ensign, Mayo 1991, 80).

  • Paano makatutulong sa pangangalaga natin sa mga bata ang ating pagiging tulad ng isang bata? Ano ang maaari nating gawin upang maisagawa ang kalooban ng Diyos na “ang isa sa maliliit na ito ay [hindi] mapahamak”? (Mateo 18:14).

2. Sa pamamagitan ng talinghaga ng walang awang alipin ay itinuro ni Jesus ang kapatawaran.

Basahin at talakayin ang Mateo 18:15, 21–35.

  • Sa Mateo 18:15, ano ang sinabi ng Panginoon na dapat nating gawin kung nasaktan ang ating kalooban? Bakit ito ang pinakamabuting paraan sa paglutas ng mga alitan?

  • Ano ang tugon ni Jesus nang magtanong si Pedro kung gaano kadalas siya dapat magpatawad? (Tingnan sa Mateo 18:22. Ipaliwanag na ginamit ni Jesus ang mataas na bilang na ito upang ituro na dapat nating palaging patawarin ang ibang tao.) Bakit mahirap magpatawad kung minsan? Paano kayo pinagpala sa pagpapatawad ninyo sa iba o sa pagpapatawad nila sa inyo?

  • Upang lalong mabigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapatawad sa iba ay ibinigay ni Jesus ang talinghaga ng hindi marunong magpatawad na alipin (Mateo 18:23–35). Sinu-sino ang isinisimbolo ng hari at ng mga alipin? (Tingnan sa Mateo 18:35. Ang isinisimbolo ng hari ay ang Ama sa Langit at tayo ang isinisimbolo ng mga alipin.) Paano tayo katulad ng alipin ng hari sa ating pagkakautang sa Panginoon? (Tingnan sa Mateo 18:24–27.) Ano ang kailangan nating gawin upang mapatawad sa ating “pagkakautang”?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng hari sa pagpapatawad sa iba? (Tingnan sa Mateo 18:33.) Ano ang ilan sa mga panganib ng hindi pagpapatawad sa iba? (Tingnan sa Mateo 18:34–35.)

3. Sa pamamagitan ng talinghaga ng mabuting Samaritano ay itinuro ni Jesus ang tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao.

Basahin at talakayin ang Lucas 10:25–37. Ipakita ang larawan ng mabuting Samaritano.

  • Paano tumugon si Jesus sa isang tagapagtanggol [abugado] na nagtanong kung ano ang dapat niyang gawin upang magtamo ng buhay na walang hanggan? (Tingnan sa Lucas 10:25–28.) Paano nasasakop ng mga kautusang mahalin ang Diyos at ang ating kapwa ang kabuuan ng ebanghelyo? Paano natin mas lubos na masusunod ang dalawang kautusang ito?

  • Paano tumugon si Jesus nang magtanong ang tagapagtanggol ng, “Sino ang aking kapuwa tao?” (Tingnan sa Lucas 10:29–37.) Ano ang itinuturo ng talinghagang ito tungkol sa kung sino ang ating mga kapwa-tao?

    Sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter na: “Kailangan nating tandaan na kahit na tayo ang pumipili ng ating mga kaibigan, ang Diyos naman ang lumikha sa ating mga kapwa-tao—sa lahat ng dako. Hindi dapat magkaroon ng hangganan ang ating mga katapatan; hindi dapat na iilan lamang ang ating papanigan” (sa Conference Report, Okt. 1986, 44; o Ensign, Nob. 1986, 35).

  • Ano ang ginawa ng saserdote at ng Levita nang makita nila ang lalaking ninakawan at sugatan? (Tingnan sa Lucas 10:31–32.) Sa anong paraan maaaring mangailangan ang mga tao sa ngayon ng tulong? Ano ang ilang mga dahilan kung bakit hindi natin tinutulungan ang ibang taong nangangailangan? (Tingnan sa Mosias 4:16–19 para sa isang halimbawa.)

  • Paano tinulungan ng mabuting Samaritano ang lalaking ninakawan at sugatan? (Tingnan sa Lucas 10:33–35.) Anong mga katangian ng mabuting kapwa-tao ang taglay ng Samaritano? Paano kayo nabiyayaan ng “mabubuting Samaritano”? Paano tayo magiging “mabubuting Samaritano”? (Tingnan sa Mosias 4:26.)

Katapusan

Magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagpapakumbaba sa ating sarili, pagpapatawad sa iba, at pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa-tao. Hamunin ang mga miyembro ng klase na ipamuhay ang mga aral na ito.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. Sina Maria at Marta

Ipabasa sa isang miyembro ng klase ang Lucas 10:38–42.

  • Paano pinaglilingkuran ni Marta ang Panginoon? Ano ang “magaling na bahagi” na pinili ni Maria? Paano tayo kung minsan “naliligalig sa maraming paglilingkod” kung kaya’t hindi natin tinatanggap si Jesus na tulad ng dapat mangyari? Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito?

2. “Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata” (Marcos 10:14)

Habang tinatalakay ninyo ang aral ng Tagapagligtas na dapat tayong maging tulad ng maliliit na bata, maaari rin ninyong naising talakayin ang pangyayari sa kanyang pagbabasbas sa mga bata sa Marcos 10:13–16.

  • Paano tumugon ang mga disipulo ni Jesus nang dalhin sa kanya ang maliliit na bata? (Tingnan sa Marcos 10:13.) Ano ang sinabi ni Jesus sa kanyang mga disipulo? (Tingnan sa Marcos 10:14–15.) Ano ang ginawa ni Jesus para sa mga bata? (Tingnan sa Marcos 10:16.) Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesus mula sa pangyayaring ito? Paano natin higit na masusundan ang halimbawang ipinakita niya sa pangyayaring ito?

3. Karagdagang talakayan ng Mateo 18

  • Talakayin ang Mateo 18:8–9 at Marcos 9:43–48 (tingnan din sa Mateo 5:29–30). Ano ang ibig sabihin ng mga talatang ito? (Tinutukoy sa Pagsasalin ni Joseph Smith ang mga nakatitisod na elementong ito bilang ang mga taong nagliligaw ng ating landas. Mas makabubuting putulin natin ang ating pakikipag-ugnayan sa mga tao kaysa pahintulutan silang akayin tayo tungo sa kasalanan. Tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 9:40–48.)

  • Itinala sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 18:11 ang pagsasabi ni Jesus na hindi kailangan ng maliliit na bata ang pagsisisi. Bakit ganito ang kanyang sinabi? (Tingnan sa Moroni 8:11–12.) Paano naging “buhay kay Cristo” ang maliliit na bata? (Tingnan sa Moroni 8:12; Doktrina at mga Tipan 29:46–47.) Ano ang kailangan nating gawin upang maging “buhay kay Cristo”? (Tingnan sa Mateo 18:4; Mosias 3:19; Moroni 8:10.)

  • Basahin ang Mateo 18:11–14. Paano natin maisasagawa sa ating buhay ang talinghaga ng nawawalang tupa? Paano kayo o ang isang kakilala ninyo pinagpala ng isang taong sumunod sa prinsipyo ng talinghagang ito?

4. “Ang Panginoon ay naghalal ng pitongpu pa” (Lucas 10:1)

5. Ang kabanalan ng ugnayan sa kasal

Ipaliwanag na inilalarawan ng Mateo 19:1–12 ang isang situwasyon kung saan sinubukang hulihin ng mga Fariseo si Jesus sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanya kung naaayon ba sa batas ang diborsiyo (tingnan din sa Marcos 10:1–12). Ang diborsiyo ay mainit na paksa noon sa mga iskolar at pinuno ng mga Judio, at umasa ang mga Fariseo na ang kasagutan ni Jesus sa kanilang tanong ay magpapagalit sa mga Judio. Ipabasa nang malakas sa isang miyembro ng klase ang Mateo 19:3–9.

  • Ano ang sagot ni Jesus sa tanong ng mga Fariseo sa talata 3? (Tingnan sa Mateo 19:4–6. Sinabi niya sa kanila na ang diborsiyo ay hindi inordena ng Diyos.) Bakit pinahintulutan ni Moises ang diborsiyo sa mga Israelita? (Tingnan sa Mateo 19:7–8.)

Ipaliwanag na sa sinaunang Israel ay maaaring iwanan o diborsiyohin ng isang lalaki ang kanyang asawa sa maliliit na kadahilanan. Itinuro ni Jesus na sa perpektong daigdig, tulad ng kahariang selestiyal, ang diborsiyo ay hindi umiiral. Dahil hindi pa perpekto ang daigdig, ang diborsiyo ay pinahihintulutan ngunit hindi dapat mangyari maliban sa pinakamabigat na mga kadahilanan. Isinasaad sa Mateo 19:9 na ang isang lalaki na mang-iiwan sa kanyang asawa sa hindi gaanong mabigat na kadahilanan ay kasal pa rin sa kanya [sa asawang babae] sa mata ng Diyos, at ang asawang lalaki ay nagkakasala ng pangangalunya kung magpapakasal siya sa isa pang babae. (Tingnan sa James E. Talmage, Jesus the Christ, ika-3 edisyon [1916], 473–75, 484.)

  • Ano ang papel na ginagampanan ng kababaang-loob, pagpapatawad, at pagibig sa kapwa-tao sa isang matagumpay na kasal? Paano makatutulong sa atin ang pagsisikap natin na maging tulad ni Cristo sa pag-aasawa at sa iba pang mga pakikipag-ugnayan?

  • Paano natin matutulungan ang mga taong nakaranas ng matinding dagok ng diborsiyo?

6. Gawaing pangkabataan

Magsulat (o pasulatin ang mga miyembro ng klase) ng mga tanong tungkol sa aralin sa maliliit na piraso ng papel. (Bilang gawaing pagbabalik-aral, maaari kayong pumili ng mismong mga tanong na mula sa bawat bahagi ng aralin.) Ilagay ang mga piraso ng papel sa isang supot o kahon. Ipaayos nang pabilog sa mga miyembro ng klase ang kanilang mga upuan, at ilagay ang supot o kahon sa isang upuan sa gitna ng bilog. Hayaang maghalinhinan ang mga miyembro ng klase sa pagkuha ng mga tanong mula sa supot o kahon at sa pagsagot sa mga ito. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit F, Paksa 3, “Mga Pamamaraan ng Pabilog na Pagkakaupo”, 153–155.)