Aralin 34
“Iniingatan Ninyong Matibay ang mga Turo, na Gaya ng Ibinigay Ko”
Layunin
Tulungan ang mga miyembro ng klase na kilalanin ang kahalagahan ng pamumuhay nang naaayon sa mga doktrina ng ebanghelyo at pagtanggap ng mga ordenansa ng pagkasaserdote.
Paghahanda
-
Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:
-
I Mga Taga Corinto 11:1–3, 11–12. Itinuro ni Pablo ang ugnayan ng mga mag-asawa sa isa’t isa at sa Panginoon.
-
I Mga Taga Corinto 11:17–29. Itinuro ni Pablo na ang sakramento ay isang sagisag ng sakripisyo ng Tagapagligtas at dapat na tanggapin bilang pag-alaala sa Kanya.
-
I Mga Taga Corinto 12–14. Itinuro ni Pablo na maraming espirituwal na kaloob at ang lahat ng mga ito ay mahalaga sa Simbahan. Itinuro niya na ang pag-ibig sa kapwa-tao ay mas mahalaga kaysa alinman sa ibang mga kaloob o katangian. Itinuro niya na ang mga espirituwal na kaloob ay dapat gamitin para sa kapakanan ng lahat.
-
I Mga Taga Corinto 15. Itinuro ni Pablo na dahil kay Jesucristo, lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli. Binanggit din niya ang pagbibinyag para sa mga patay at ang tatlong antas ng kaluwalhatian.
-
-
Karagdagang pagbabasa: 3 Nephi 18:1–14; Moroni 7:44–48; 10:8–18; Doktrina at mga Tipan 46:1–26; 76:50–119; 88:27–32, 95–102.
-
Kung makukuha ang sumusunod na mga larawan, gamitin ang ilan sa mga ito sa aralin upang ilarawan ang pag-ibig sa kapwa-tao: Waiting Our Turn (62316), Sharing the Tricycle (62317); Family Fun (62384); Administering to the Sick (62342; Gospel Art Picture Kit 613); Home Teaching (Gospel Art Picture Kit 614); Serving One Another (Gospel Art Picture Kit 615).
-
Mungkahi sa pagtuturo: Upang mabisang maituro ang ebanghelyo, kailangan ng mga guro ang kaloob na maunawaing puso. Upang higit na maunawaan ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase, ang mga guro ay dapat na magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao at magabayan ng Espiritu Santo. Dapat ay buong panalanging isaalang-alang ng mga guro ang mga pangangailangan ng bawat miyembro ng klase at kung paano makatutulong sa pagtugon sa mga pangangailangang iyon. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit B, Paksa 1, “Isang Maunawaing Puso,” 33–34.)
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan
Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, talakayin kung paano naaangkop ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntunin ng banal na kasulatan.
1. Ang mga ugnayan ng mag-aasawa sa isa’t isa at sa Panginoon
Basahin at talakayin ang I Mga Taga Corinto 11:1–3, 11–12.
-
Anong tatlong ugnayan ang binabanggit ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 11:3? Bakit sa palagay ninyo pinagsama-sama ni Pablo ang lahat ng mga ugnayang ito? Anong mga katangian ang umiiral sa ugnayan sa pagitan ni Jesucristo at ng kanyang Ama? (Tingnan sa Juan 5:20; 8:29; 17:21–22.) Paano maaaring mapasaatin ang mga katangiang ito sa ating ugnayan kay Jesucristo? Paano maaaring mapaunlad ng mga mag-asawa ang mga katangiang ito sa kanilang ugnayan?
-
Ano ang ibig sabihin ng “ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae sa Panginoon”? (I Mga Taga Corinto 11:11). Bakit napakahalaga ng ugnayan ng mag-asawa sa kaharian ng Diyos? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa kung paano dapat pakitunguhan ng mag-asawa ang bawat isa?
Itinuro ni Pangulong Marion G. Romney na: “Ang [mag-asawa] ay dapat na magkasundo, may paggalang, at may konsiderasyon sa isa’t isa. Wala ni isa sa kanila ang dapat magbalak o sumunod sa isang nagsasariling hakbangin. Dapat silang magsanggunian, manalangin, at magpasiya na magkasama… . Tandaan na ni ang babae o lalaki ay hindi alipin ng isa. Ang mga mag-asawa ay pantay sa lahat ng bagay” (“In the Image of God,” Ensign, Mar. 1978, 2, 4).
Kung ginamit ninyo ang gawaing pantawagpansin, talakayin kung paano magsisilbing positibo o negatibong padila [switch point] sa ating buhay ang mga ugnayang ito.
2. Ang layunin ng sakramento
Basahin at talakayin ang I Mga Taga Corinto 11:17–29. Ipaliwanag na marami sa mga Banal sa Corinto ang hindi sumusunod sa layunin ng pulong-sakramento. Sa halip na ituon ang pansin sa ordenansa ng sakramento, sila ay nagtatalu-talo at kumakain at nag-iinuman nang labis (I Mga Taga Corinto 11:18–22).
-
Ano ang pangunahing layunin ng pulong-sakramento? (Tingnan ang Joseph Smith Translation ng 1 Corinthians 11:20, kung saan sinasabing ang layunin ay upang kainin ang hapunan ng Panginoon?)
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland na: “Dahil sa laki ng nakataya [ang sakramento] ay dapat na tanggapin nang mas taimtim kaysa sa dati. Ito ay dapat na maging makapangyarihan, mapitagan, at sandali ng pagmumunimuni. Dapat itong humimok ng espirituwal na damdamin at impresyon. Dahil dito kung kaya hindi ito dapat madaliin. Hindi ito isang bagay na dapat ‘mairaos lamang’ upang ang tunay na layunin ng pulong-sakramento ay maisagawa. Ito ang tunay na layunin ng pulong” (sa Conference Report, Okt. 1995, 89; o Ensign, Nob. 1995, 68).
-
Sang-ayon kay Pablo, ano ang mga layunin ng sakramento? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:23–26; tingnan din sa Lucas 22:19–20.) Paano natin higit na maitutuon ang ating mga puso at isipan kay Jesus habang tinatanggap natin ang sakramento?
-
Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa kahalagahan ng pagtanggap ng sakramento nang karapat-dapat? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:27–29.) Ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang sakramento nang hindi karapat-dapat? Bakit mahalagang bahagi ng sakramento ang pagsusuri ng ating pagiging karapat-dapat?
-
Paano kayo nabiyayaan ng pagtanggap ng sakramento? Paano magagawang higit na makabuluhan ang ordenansang ito sa ating buhay?
Kung ginamit ninyo ang gawaing pantawag-pansin, talakayin kung paanong ang ating saloobin sa sakramento ay maaaring maging padila (switch point) sa ating buhay.
3. Ang kahalagahan ng lahat ng espirituwal na kaloob
Talakayin ang I Mga Taga Corinto 12–14. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata. Ipaliwanag na iminumungkahi ng liham ni Pablo na ang mga Banal sa Corinto ay maaaring nagbigay ng labis na pagpapahalaga sa kaloob ng mga wika (I Mga Taga Corinto 14:2–14, 27–28). Sa mga kabanata 12–14, ipinaliwanag ni Pablo na ang lahat ng mga kaloob ng Espiritu ay mahalaga, ngunit dapat hangarin ng mga Banal ang mga kaloob na magiging kapaki-pakinabang sa lahat.
-
Ano ang mga espirituwal na kaloob? (Mga espirituwal na kaloob o kakayahan na ibinibigay sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:7–11; Doktrina at mga Tipan 46:11.) Bakit nagbibigay ang Diyos ng mga espirituwal na kaloob? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:26.)
-
Anong mga kaloob ng Espiritu ang naranasan o namalas na ninyo? (Maaari ninyong naising ilista at talakayin ang ilan sa mga espirituwal na kaloob na inihayag sa I Mga Taga Corinto 12:8–10, Moroni 10:8–17, at Doktrina at mga Tipan 46:13–25.) Paano kayo nabiyayaan ng mga kaloob na ito o kaya’y ang ibang mga tao?
-
Bakit kaya inihambing ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang bahagi ng katawan? (I Mga Taga Corinto 12:12–25. Upang ipakita na ang bawat miyembro ay mahalaga sa ibang mga miyembro at sa Simbahan sa kabuuan.) Paano natin maiaangkop ang paghahambing na ito sa iba’t ibang kaloob ng Espiritu?
-
Pinapayuhan tayo ng mga banal na kasulatan na hangarin ang mga espirituwal na kaloob (I Mga Taga Corinto 12:31; Doktrina at mga Tipan 46:8). Ano ang dapat na maging dahilan natin sa paghahangad ng mga espirituwal na kaloob? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 14:12; Doktrina at mga Tipan 46:9. Kung kailangan, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pagtibayin ay patatagin, turuan, pagbutihin, at bigyang-kaliwanagan.)
-
Ano ang itinuro ni Pablo na pinakadakila sa lahat ng espirituwal na kaloob? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 13. Bigyang-kahulugan ang bawat katangian ng pag-ibig sa kapwa-tao na binabanggit sa mga talata 4–7, at talakayin kung paano natin magagawa ang mga ito sa ating buhay. Maaari ninyong naising ilista sa pisara ang mga katangian.) Bakit mas mahalaga ang pag-ibig sa kapwatao kaysa sa iba pang espirituwal na kaloob? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 13:1–3, 8–13.)
-
Paano kayo pinagpala ng isa pang tao na nagpakita sa inyo ng pagkakawanggawa? Paano tayo magkakaroon ng higit pang pag-ibig sa kapwa-tao? (Tingnan sa Moroni 7:44–48.)
Kung ginamit ninyo ang gawaing pantawag-pansin, talakayin kung paano maaaring maging padila [switch point] sa ating buhay ang pag-ibig sa kapwa-tao.
4. Ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang mga antas ng kaluwalhatian
Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa I Mga Taga Corinto 15. Ipaliwanag na marami sa mga taga Corinto ang nagsimulang magtalu-talo tungkol sa katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli (I Mga Taga Corinto 15:12).
-
Anong mga patunay ng Pagkabuhay na Mag-uli ang binanggit ni Pablo? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:5–8.) Bakit sa palagay ninyo nagbanggit si Pablo ng napakaraming saksi ng Pagkabuhay na Mag-uli? (Tingnan sa II Mga Taga Corinto 13:1.) Bakit mahalaga sa inyo ang mga patunay tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli?
-
Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa kaugnayan ng Pagkahulog ni Adan at ng Pagkabuhay na Mag-uli? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:20–23.)
-
Paano ginamit ni Pablo ang doktrina ng pagbibinyag para sa mga patay upang ituro ang Pagkabuhay na Mag-uli? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:29. Ang ordenansa ng pagbibinyag para sa mga patay ay mawawalan ng kabuluhan kung wala ang Pagkabuhay na Mag-uli.)
-
Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga kaharian ng kaluwalhatian? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:35–44. Mabubuhay tayong mag-uli sa iba’t ibang kaharian ng kaluwalhatian—selestiyal, terestriyal, o telestiyal. Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:27–32.) Paano naiimpluwensiyahan ang uri ng inyong pamumuhay ng inyong kaalaman tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli at sa mga kaharian ng kaluwalhatian?
Katapusan
Magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa mga doktrina na aakay sa atin pabalik sa ating Ama sa Langit. Kung ginamit ninyo ang gawaing pantawag-pansin, anyayahan ang mga miyembro ng klase na suriin ang kanilang sariling buhay sa anumang mga padila [switch point]—mga saloobin at kilos, na kung susundin, ay makapagpapabago sa direksiyon ng kanilang buhay. Himukin silang piliin ang mga direksiyon na positibong makaaapekto sa kanilang buhay.
Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo
Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o dalawa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.
1. “Ang Dios ay hindi Dios ng kaguluhan” (I Mga Taga Corinto 14:33)
Ipabasa sa mga miyembro ng klase ang I Mga Taga Corinto 14:33. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang ilang paksa na kung saan ay maraming pagkalito at pagtatalu-talo sa daigdig? Bakit kaya sa palagay ninyo napakarami ng kalituhan sa daigdig? Paanong ang Diyos ang siyang “may-akda … ng kapayapaan”?
2. Gawaing pangkabataan
Bago magklase, mag-isip ng ilang situwasyon sa pang-araw-araw na buhay ng mga kabataan kung saan mayroon silang pagkakataon na magpakita ng pag-ibig sa kapwa-tao (halimbawa, pagkakita sa isang tao na nangangailangan ng tulong sa paaralan, hindi pagsang-ayon sa isang kapatid na lalaki o babae, o pagkakaroon ng kaibigan na malungkot o hindi pinapansin). Ilahad ang mga situwasyong ito sa mga kabataan, at itanong kung paano nila magagamit ang mga katangian ng pag-ibig sa kapwa-tao, na tulad ng itinuro ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 13, upang mapabuti ang situwasyon.