Tulungan ang mga miyembro ng klase na magkaroon ng mas malaking pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng buhay nina Elisabet, Zacarias, Juan Bautista, Maria, at Jose.
Paghahanda
Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:
Lucas 1:5–25, 57–80. Nagpakita si anghel Gabriel kay Zacarias at sinabi, bilang sagot sa panalangin, na ang asawa ni Zacarias na si Elisabet, ay magluluwal ng isang anak na lalaki. Ang anak na ito, na pangangalanang Juan, ang maghahanda sa mga tao para sa pagdating ng Panginoon. Nagalinlangan si Zacarias sa mga salita ni Gabriel at siya ay napipi. Naglihi si Elisabet kahit na matanda na siya, at si Juan ay isinilang. Nagpamalas si Zacarias ng panibagong lakas ng pananampalataya habang siya ay nagpopropesiya tungkol sa misyon ni Juan.
Lucas 1:26–56; Mateo 1:18–25. Sinabi ni anghel Gabriel kay Maria na siya ang magiging ina ng Anak ng Diyos. Sina Maria at Elisabet ay nangagalak sa balitang darating ang Tagapagligtas. Nalaman ni Jose na si Maria ang magsisilang sa Tagapagligtas.
Kung makukuha ang sumusunod na mga larawan, gamitin ang mga ito sa aralin: Nangangaral sa Ilang si Juan (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 207) at The Annunciation: The Angel Gabriel Appears to Mary (Gospel Art Picture Kit 241).
Mungkahi sa pagtuturo: Kapag ang tao ay nagtuturo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, “ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao” (2 Nephi 33:1). Ang pagkadama sa impluwensiya ng Espiritu ay nagpapalakas sa patotoo ng mga miyembro ng klase, sa kanilang pagmamahal sa Panginoon at sa bawat isa, at sa kanilang pangakong mamuhay nang matwid. May panalanging isaalang-alang kung ano ang magagawa ninyo upang maanyayahan ang Espiritu sa bawat aralin. (Tingnan sa mga pahina v–vi ng manwal na ito at sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, (33043 893) Yunit A, Paksa 9, “Magturo sa Pamamagitan ng Espiritu,” 17–18; at Yunit E, Paksa 2, “Pagtuturo sa Pamamagitan ng Espiritu,” 96–97.)
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo
Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o dalawa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.
1. “Upang mapagkilala mo ang katunayan tungkol sa mga bagay na itinuro sa iyo” (Lucas 1:4)
Ipinatungkol ni Lucas ang kanyang patotoo sa isang taong nagngangalang Teofilo (Lucas 1:3). Ano ang layunin ni Lucas sa pagsusulat ng kanyang patotoo? (Tingnan sa Lucas 1:3–4. Upang matulungan si Teofilo na malaman ang katiyakan ng mga bagay na naituro.) Paano kayo napalakas ng pakikinig sa iba na nagpapatotoo tungkol sa mga pangkaraniwang doktrina at kilalang mga pangyayari sa banal na kasulatan?