Bigyang-inspirasyon ang mga miyembro ng klase na sundan ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa isa’t isa.
Paghahanda
Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:
Lucas 22:7–30. Nakipagpulong si Jesus sa kanyang Labindalawang Apostol para sa Pista ng Paskua. Pinasimulan niya ang sakramento at tinuruan ang mga Apostol na dapat nilang paglingkuran ang iba.
Juan 13. Hinugasan ni Jesus ang mga paa ng mga Apostol at inutusan silang mahalin ang isa’t isa.
Juan 14:1–15; 15. Itinuro ni Jesus na, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.” Inihambing niya ang kanyang sarili sa isang baging at ang kanyang mga disipulo sa mga sanga ng baging. (Pansinin: ang mga talata mula sa kabanata 14 at 15 na tungkol sa Tagaaliw ay tatalakayin sa aralin 24.)
Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, makipag-ayos sa isang soloista o maliit na grupo ng mga nasa wastong gulang o mga bata na awitin ang “Magmahalan” (Mga Himno) sa simula ng klase. Kung hindi ito maaari, magdala ng tape ng awitin o maghandang ipaawit ito nang sabay-sabay sa mga miyembro ng klase.
Kung makukuha ang sumusunod na mga materyal, gamitin ang mga ito sa aralin:
Ang mga larawang Ang Huling Hapunan (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 225) at Hinuhugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 226).
Isang maliit na halaman na maglalarawan sa inyong talakayan hinggil sa Juan 15:1–8.
Mungkahi para sa pagtuturo: Ang pag-awit o pagpapatugtog ng isang himno o awit sa Primarya na may kaugnayan sa paksa ng aralin ay isang mabuting paraan ng pag-anyaya sa Espiritu sa oras ng aralin. Sinabi ng Panginoon, “Ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso; oo, ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin, at ito ay tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo” (Doktrina at mga Tipan 25:12; tingnan din sa Mga Taga Colosas 3:16). Ang mga himno at awitin sa Primarya ay makatutulong din sa mga miyembro ng klase na matutuhan ang mga doktrina ng ebanghelyo. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit F, Paksa 13, “May Musika Ba sa Inyong Silid-aralan?” 172–174.)
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo
Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.
1. Pagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Cristo
Sa talakayan ninyo tungkol sa sakramento, maaari ninyong naising talakayin ang sumusunod na mga tanong tungkol sa pagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Cristo. Ang ilan sa mga iminumungkahing sagot ay hango sa pahayag na ibinigay ni Elder Dallin H. Oaks sa pangkalahatang komperensiya noong Abril 1985 (tingnan sa Conference Report, Abr. 1985, 101–5; o Ensign, Mayo 1985, 80–83).
Kailan natin tinataglay sa ating sarili ang pangalan ni Cristo?
Kapag ipinapahayag natin ang ating paniniwala sa kanya.
Kapag tinataglay natin sa ating sarili ang awtoridad na kumilos sa kanyang pangalan at pairalin ang awtoridad na iyon.
Kapag nakikilahok tayo sa sagradong mga ordenansa ng templo.
Ano ang ipinapangako natin kapag tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo?
Ipinakikita natin ang ating kahandaan na gawin ang gawain ng kanyang kaharian at ang ating determinasyon na paglingkuran siya hanggang sa wakas (Doktrina at mga Tipan 20:37; Moroni 6:3).
Ipinapangako nating susundan siya nang taos-puso, susundin siya at magsisisi sa ating mga kasalanan (2 Nephi 31:13; Mosias 5:8).
Ano ang ipinapangako sa atin ni Jesucristo kapag tinataglay natin ang kanyang pangalan? (Tayo ay nagiging kanyang mga anak na lalaki at babae, na nagtataglay ng kanyang pangalan. Ang mga tatawagin sa kanyang pangalan sa huling araw ay dadakilain; tingnan sa Mosias 5:7–9; 15:12; Alma 5:14; 3 Nephi 27:5–6; Doktrina at mga Tipan 76:55, 58, 62).
2. Pagpapalabas ng video
Ang ikalimang yugto ng “New Testament Customs,” isang piling bahagi mula sa New Testament Video Presentations (53914), ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa mga pista noong panahon ng Bagong Tipan. Ang yugtong ito ay makatutulong sa mga miyembro ng klase na mailarawan sa kanilang isipan ang idinaos na Huling Hapunan at maunawaan ang pagtukoy sa disipulo na “nakahilig sa sinapupunan ni Jesus” (Juan 13:23).
3. Pagtatanghal ng miyembro ng klase
Ang mga paghahambing na tulad ng, “Ako ang tunay na puno ng ubas” ay maaaring mahirap maunawaan ng ilang tao, lalo na ng mga kabataan. Para sa mas personal na paglalarawan ng pagmamahal sa atin ni Jesucristo, anyayahan ang isa o dalawang miyembro ng klase na magbahagi ng karanasan kung saan nadama nila ang pagmamahal ng Tagapagligtas na nagbibigay sa kanila ng kalakasan, tulad ng pagbibigay ng lakas ng puno ng ubas sa mga dahon o mga sanga nito. Gawin ang pag-anyaya ng mga isang linggo man lamang, at himukin ang mga miyembro ng klase na hangarin ang inspirasyon ng Espiritu Santo sa pagpili ng karanasan na angkop na ibahagi.