Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 18: ‘Siya’y Nawala, at Nasumpungan’


Aralin 18

“Siya’y Nawala, at Nasumpungan”

Lucas 15; 17

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan ang kagalakan na nadarama kapag tayo ay nagsisisi at kapag tinutulungan natin ang iba na magsisi.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Lucas 15:1–10. Sa pamamagitan ng talinghaga ng nawawalang tupa at ng talinghaga ng piraso ng pilak ay itinuro ni Jesus ang kahalagahan ng mga kaluluwa.

    2. Lucas 15:11–32. Sa pamamagitan ng talinghaga ng alibughang anak ay itinuro ni Jesus na malaki ang kagalakan ng Ama sa Langit sa pagpapatawad sa taong nagsisisi. Tinuruan din ng Tagapagligtas ang kanyang mga tagasunod na maging mapagpatawad.

    3. Lucas 17:11–19. Ang isang lalaking ketongin na pinagaling ni Jesus ay nagbalik upang magpasalamat sa kanya.

  2. Karagdagang pagbabasa: Mateo 18:11–14.

  3. Kung makukuha ang mga larawang Ang Alibughang Anak (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 220) at Ang Sampung Ketongin (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 221), gamitin ang mga ito sa aralin.

  4. Mungkahi sa pagtuturo: Kadalasan ay nagtatanong si Jesus upang himukin ang kanyang mga tagapakinig na ipamuhay ang mga alituntunin na kanyang itinuro (tingnan sa Mateo 16:13–16; Lucas 7:41–42). Buong panalanging maghanda ng mga tanong na hihimok sa mga miyembro ng klase na makisali sa mga talakayan at makatutulong sa kanila na maunawaan at maipamuhay ang mga alituntuning itinuturo. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit E, Paksa 16, “Paggamit ng mga Tanong Upang Pumukaw ng Pag-iisip,” 128–130 at Yunit F, Paksa 7, “Angkop na mga Tanong para sa Pagtuturo ng Ebanghelyo,” 161.)

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magkuwento ng isang pagkakataon nang nawala nila ang isang bagay na mahalaga sa kanila o nang nawala ang isang miyembro ng pamilya. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

Gawaing Pantawag-pansin

  • Ano ang nadama ninyo nang mawala ang mahalagang bagay o tao sa inyong buhay? Ano ang nadama ninyo nang matagpuan ninyo ang bagay o ang tao na inyong hinahanap?

Maaari ninyong naising hilingan ang mga miyembro ng klase na magkuwento ng naging karanasan nila nang mawala at matagpuan nilang muli ang isang bagay.

Ipaliwanag na kadalasan ay nagtuturo si Jesus ng mga espirituwal na aralin sa pamamagitan ng pag-uugnay ng mga ito sa mga pangkaraniwang karanasan ng mga tao. Tinatalakay ng araling ito ang ilang talinghaga na nagtuturo ng kahalagahan ng paghahanap at pagkahanap sa mga nawawala.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang tinatalakay ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan na mahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang bawat isa sa atin at nais nilang makabalik tayo at mamuhay muli sa kanilang piling.

1. Itinuro ng Tagapagligtas ang kahalagahan ng mga kaluluwa.

Basahin at talakayin ang Lucas 15:1–10. Ipaliwanag na inilahad ni Jesus ang talinghaga ng nawawalang tupa at ang talinghaga ng piraso ng pilak matapos magbulung-bulungan ang mga Fariseo at eskriba na nagsasabing, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan, at sumasalo sa kanila” (Lucas 15:2).

  • Sa talinghaga ng nawawalang tupa, iniwan ng pastor ang siyamnapu’t siyam na tupa upang hanapin ang isa na nawawala (Lucas 15:4). Sa talinghaga ng piraso ng pilak ay buong sigasig na hinanap ng babae ang isang barya na nawawala (Lucas 15:8). Ano ang matututuhan natin mula sa mga inasal na ito ng pastor at ng babae? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10–13.)

  • Sa anong mga paraan maaaring “mawala” ang isang tao? Ano ang inyong pananagutan sa mga nawawala? (Tingnan sa Lucas 15:4–5, 8; Alma 31:34–35.)

    Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

    “Ang ilan sa ating nasasakupan … ay dumaraing sa sakit at pagdurusa at kalungkutan at takot. Tayo ay may dakila at sagradong tungkulin na lapitan at tulungan sila, iangat sila, pakainin sila kung sila ay nangagugutom, alagaan ang kanilang mga espiritu kung nauuhaw sila sa katotohanan at kabutihan… .

    “ … Nariyan ang mga minsan ay mainit sa pananampalataya, ngunit ngayo’y nanlamig na ang kanilang pananampalataya. Marami sa kanila ang nagnanais magbalik ngunit hindi nila alam kung paano ito gagawin. Kailangan nila ang mga kaibigan na lalapit sa kanila. Sa pamamagitan ng kaunting pagsisikap, marami sa kanila ang maibabalik upang muling sumalo sa piging sa hapag ng Panginoon.

    “Mga kapatid ko, aasahan ko, mananalangin ako na ang bawat isa sa atin … ay magpapasiyang hanapin ang mga nangangailangan ng tulong, na nasa mapanganib at mahirap na mga kalagayan, at iangat sila sa diwa ng pagmamahal tungo sa pagyakap ng Simbahan, kung saan magiging mainit ang pagtanggap sa kanila, aaliwin sila, itataguyod sila, at ilalagay sila sa landas ng kaligayahan at mabungang pamumuhay ng matitipunong bisig at mapagmahal na mga puso” (sa Conference Report, Okt. 1996, 118; o Ensign, Nob. 1996, 86).

  • Paano tayo dapat tumugon sa pagbabalik ng isang taong naligaw ng landas? (Ipahanap sa mga miyembro ng klase ang isang ideya na inuulit-ulit sa Lucas 15:5, 6, at 9. Tingnan din sa mga talata 7 at 10 at sa Doktrina at mga Tipan 18:15–16.)

2. Itinuro ni Jesus na ang Ama sa Langit ay nagagalak na magpatawad sa taong nagsisisi.

Basahin at talakayin ang Lucas 15:11–32. Ipakita ang larawan ng alibughang anak.

  • Sa talinghaga ng alibughang anak, ano ang ginawa ng bunsong anak na lalaki sa kanyang mana? (Tingnan sa Lucas 15:13. Pansinin na ang ibig sabihin ng alibugha ay mapag-aksaya.) Sa anong mga paraan nakagagawa ang mga tao sa ngayon ng pagkakamaling tulad ng ginawa ng alibughang anak?

  • Ano ang nangyari sa alibughang anak matapos niyang aksayahin ang lahat ng kanyang mana? (Tingnan sa Lucas 15:14–16.) Paano ito umiiral sa ating panahon?

  • Nang mangailangan ang alibughang anak, sino sa malayong bansa ang nagmalasakit sa kanya? (Tingnan sa Lucas 15:16.) Ano ang matututuhan natin mula rito?

  • Sino ang naisip ng anak nang makita niyang wala ni isa man sa malayong bansa ang nagmamalasakit sa kanya? (Tingnan sa Lucas 15:17.) Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagsisisi mula sa pag-uugali ng anak? (Tingnan sa Lucas 15:18–19.)

  • Ano ang ginawa ng ama nang makita niyang nagbalik ang kanyang anak? (Tingnan sa Lucas 15:20.) Paano tumugon ang ama sa pagtatapat ng kanyang anak? (Tingnan sa Lucas 15:21–24.) Paano naging katulad ng pagtugon ng Panginoon ang pagtugon ng ama kapag nagsisisi tayo? (Tingnan sa Lucas 15:7; Mosias 26:30; Doktrina at mga Tipan 58:42.)

  • Sa anong mga paraan tayo katulad ng alibughang anak? (Tingnan ang sipingbanggit na nasa ibaba.) Anong pag-asa ang ibinibigay sa atin ng talinghaga ng alibughang anak?

    Sa pagtukoy sa talinghaga ng alibughang anak ay ganito ang sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Hinihiling ko sa inyo na basahin ang kuwentong iyon. Dapat itong basahin nang paulit-ulit ng bawat magulang. Napakalawak nito kaya’t nasasakop nito ang bawat sambahayan, at higit pang napakalawak kung kaya’t nasasakupan nito ang buong sangkatauhan, dahil hindi nga ba tayong lahat ay mga alibughang anak na kailangang magsisi at makibahagi sa mapagpatawad na awa ng ating Ama sa Langit at pagkatapos ay sundan ang Kanyang halimbawa?” (“Of You It Is Required to Forgive,” Ensign, Hunyo 1991, 5).

  • Bakit nagalit ang nakatatandang anak na lalaki sa paraan ng pagtanggap ng kanyang ama sa nakababatang anak na lalaki? (Tingnan sa Lucas 15:25–30.) Paano tumugon ang ama sa reklamo ng nakatatandang anak? (Tingnan sa Lucas 15:31–32.) Bakit mahirap kung minsan na tanggaping muli ang isang “alibughang anak” na nagsisi? Ano ang matututuhan natin mula sa naging pagtugon ng lalaking ito sa kanyang nagbalik na anak? (Tingnan sa Lucas 15:32.)

3. Ang isang lalaking ketongin na pinagaling ni Jesus ay nagbalik upang magpasalamat sa kanya.

Basahin at talakayin ang Lucas 17:11–19. Ipakita ang larawan ng sampung ketongin.

  • Habang patungo ang Tagapagligtas sa Jerusalem ay pinagaling niya ang sampung ketongin (Lucas 17:11–14). Sa sampung ketongin na iyon, ilan ang nagbalik upang magpahayag ng pasasalamat? (Tingnan sa Lucas 17:15–16.) Ano ang ilang dahilan kung bakit tayo, tulad ng siyam na ketongin na hindi nagpasalamat, ay hindi palaging nagpapahayag ng ating pasasalamat para sa mga biyayang tinatanggap natin? Bakit mahalagang magpahayag tayo ng pasasalamat sa Panginoon?

  • Kahit na nalinis ang sampung ketongin, tanging ang nagbalik na lalaki ang lubusang gumaling (Lucas 17:14, 19). Ano ang kaibahan ng paggaling sa karamdaman at paggaling ng buong pagkatao? (Tingnan ang siping-banggit na nasa ibaba.) Paano nakatutulong sa paggaling ng ating buong pagkatao ang ating pasasalamat at pananampalataya?

Itinuro ni Obispo Merrill J. Bateman na: “Sa paggaling ng buong pagkatao, ang nagpasalamat na ketongin ay pinagaling kapwa sa loob at labas. Noong araw na iyon siyam na ketongin ang gumaling sa sakit nila sa balat, ngunit iisa lamang ang may pananampalataya upang gumaling ang kanyang buong pagkatao” (sa Conference Report, Abr. 1995, 16; o Ensign, Mayo 1995, 14).

Katapusan

Magpatotoo na nakadarama tayo ng malaking kagalakan kapag nagsisisi tayo at nagbabalik sa Panginoon at kapag tinutulungan natin ang iba na magbalik sa kanya. Maaari ninyong naising magpahayag ng pasasalamat sa mga talinghaga ni Jesus at sa iba pang mga turo na nagpapakita sa pagmamahal ng Diyos para sa kanyang mga anak at sa kanyang pagnanais na mahalin natin ang bawat isa.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay mga karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin

1. Ang talinghaga ng aliping walang kabuluhan

Basahin at talakayin ang talinghaga ng aliping walang kabuluhan (Lucas 17:5–10).

  • Inilahad ni Jesus ang talinghagang ito matapos hilingin sa kanya ng mga Apostol na, “Dagdagan mo ang pananampalataya namin” (Lucas 17:5). Ano ang matututuhan natin mula sa talinghaga na ito tungkol sa kung paano natin madaragdagan ang ating pananampalataya? (Maaaring maibilang sa mga sagot ang paglago ng ating pananampalataya sa pamamagitan ng masigasig na paglilingkod sa Panginoon.)

  • Bakit tayo mga aliping walang kabuluhan kahit na ginagawa natin ang lahat ng bagay na inuutos ng Panginoon na gawin natin? (Tingnan sa Mosias 2:20–25.) Ano ang inihahayag nito tungkol sa pagmamahal na iniuukol sa atin ng Panginoon?

2. Ang talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan

Basahin at talakayin ang talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan (Mateo 20:1–16).

  • Sa talinghagang ito, ano ang tinanggap ng bawat manggagawa sa ubasan?

Bigyang-diin na ang mga nagtrabaho sa loob ng isang oras ay tumanggap ng kabayaran na tulad ng mga nagtrabaho nang buong araw. Hindi tayo dapat magalala sa kung sino ang tumatanggap ng pinakamarami o kung sino ang mas gumagawa sa paglilingkod sa Panginoon. Ang perpektong Hukom sa lahat, na nakakaalam sa nilalaman ng ating puso, ay hahatol sa atin nang may awa at bibigyan tayo ng “nasa katuwiran” (Mateo 20:4, 7).

3. Pagpapalabas ng mga video

Ang ikaapat na yugto ng “New Testament Customs,” na pinili mula sa New Testament Video Presentations (53914), ay maaaring magamit sa pagpapaliwanag kung paano pinakikitunguhan ang mga ketongin noong panahon ng Bagong Tipan at kung gaano kalaking pagpapala ang pagbabago ng buhay ng sampung ketongin dahil pinagaling sila ni Cristo.

Ang yugtong ito ay naglalaman din ng impormasyon tungkol sa kung paano sinusukat ng mga Judio sa Bagong Tipan ang oras. Maaari ninyong naising ipalabas ang bahaging ito kung tinatalakay ninyo ang talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan (tingnan ang ikalawang karagdagang ideya sa pagtuturo), upang matulungan ang mga miyembro ng klase na higit na maunawaan ang puno ng sangbahayan na “lumabas nang malapit na ang ikatlong oras” at gayundin sa ikaanim, ikasiyam, at ikalabing-isang oras (Mateo 20:3, 5–6).