Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 22: ‘Manahin Ninyo ang Kahariang Nakahanda sa Inyo’


Aralin 22

“Manahin Ninyo ang Kahariang Nakahanda sa Inyo”

Mateo 25

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na ihanda ang kanilang sarili para sa Ikalawang Pagparito sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay, pagpapaunlad ng kanilang mga talino, at paglilingkod sa iba.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Mateo 25:1–13. Sa pamamagitan ng talinghaga ng sampung dalaga, itinuro ni Jesus na kailangan nating maghanda para sa kanyang Ikalawang Pagparito.

    2. Mateo 25:14–30. Sa pamamagitan ng talinghaga ng mga talento, itinuro ni Jesus na dapat nating pagyamanin ang mga kaloob na natatanggap natin mula sa Diyos.

    3. Mateo 25:31–46. Sa pamamagitan ng talinghaga ng mga tupa at kambing, itinuro ni Jesus na dapat tayong taos-pusong maglingkod sa isa’t isa.

  2. Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, magdala ng isang maliit na babasaging garapon, isang sisidlan ng langis o ng tubig na kinulayan, at, kung may makukuha, ang larawan ng Ang Ikalawang Pagparito (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 238).

  3. Kumuha ng isang piraso ng papel at pluma o lapis para sa bawat miyembro ng klase.

  4. Mungkahi para sa pagtuturo: Paminsan-minsan ay gumamit ng mga pahayag ng mga propeta sa mga huling araw, na matatagpuan sa manwal na ito at sa mga magasin ng Simbahan, upang makatulong sa pangangasiwa at paglilinaw ng mga talakayan sa klase at upang bigyang-diin na ang Panginoon ay patuloy na naghahayag ng kanyang kalooban sa ngayon. Gamitin ang mga sipingbanggit na ito upang itaguyod, hindi upang palitan, ang pagbabasa sa banal na kasulatan at talakayan sa klase.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Ipakita ang maliit na babasaging garapon, isang sisidlan ng langis o ng tubig na kinulayan, at ang larawan ng Ikalawang Pagparito.

Ipaliwanag na ang araling ito ay nakatuon sa tatlong talinghagang itinuro ng Tagapagligtas bilang tugon sa mga tanong ng kanyang mga Apostol tungkol sa kanyang Ikalawang Pagparito. Sabihin sa mga miyembro ng klase na gagamitin ninyo ang garapon at ang langis o ang tubig na kinulayan upang isagisag ang ating paghahanda para sa Ikalawang Pagparito.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, talakayin kung paano naaangkop ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntunin ng banal na kasulatan.

1. Inilahad ni Jesus ang talinghaga ng sampung dalaga.

Basahin at talakayin ang Mateo 25:1–13. Ipaliwanag na ang talinghaga ng sampung dalaga ay batay sa mga kaugalian ng mga Judio sa kasal. Noong panahon ni Jesus ay sinasamahan ng kasintahang lalaki at ng kanyang mga kaibigan ang kasintahang babae mula sa kanyang tahanan patungo sa tahanan ng kasintahang lalaki. Sa daan ay naghihintay ang mga kaibigan ng kasintahang babae upang makisali sa kanila. Kapag nakarating na sila sa tahanan ng kasintahang lalaki, silang lahat ay papasok sa loob para ganapin ang kasal. Ang mga kasalang ito ay karaniwang nagaganap sa gabi, kung kaya ang mga naghihintay sa kasintahang babae at kasintahang lalaki ay may dala-dalang maliliit na ilawan na may langis.

  • Sa talinghaga ng sampung dalaga, sino ang kinakatawan ng kasintahang lalaki? (Ang Tagapagligtas.) Sino ang kinakatawan ng mga dalaga? (Mga miyembro ng Simbahan.) Ano ang isinisimbolo kasalan? (Ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.) Ano ang isinisimbolo ng langis sa mga ilawan? (Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito.)

  • Ano ang kamangmangang ginawa ng lima sa mga dalaga? (Tingnan sa Mateo 25:3.) Ano ang mga ibinunga ng kanilang kakulangan ng paghahanda? (Tingnan sa Mateo 25:8–12.) Paano natin kung minsan nagagawa ang katulad na pagkakamaling ginawa ng mga mangmang na dalaga?

  • Ano ang katalinuhang ginawa ng lima sa mga dalaga? (Mateo 25:4.) Ano ang mga ibinunga ng kanilang paghahanda? (Tingnan sa Mateo 25:10.) Ano ang matututuhan natin mula sa mga inasal ng limang matatalinong dalaga? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:56–57. Kailangan nating ihanda ang ating sarili para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.)

  • Pinananatili sa ating isipan na ang langis sa talinghaga ay sumasagisag sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito, ano ang ilang paraan kung paano natin madaragdagan ang “langis” sa ating “mga ilawan”? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng tiyak na mga sangkap ng mabuting pamumuhay, katulad ng pagpapairal ng pananampalataya, pagtanggap ng mga ordenansa, pagtupad sa mga tipan, o paglilingkod.)

    Kung gagamitin ninyo ang garapon at ang langis o tubig na kinulayan (tingnan ang gawaing pantawag-pansin), ipaliwanag na ang garapon ay sumasagisag sa mga ilawan sa talinghaga. Maglagay ng isang patak ng langis o tubig sa garapon sa tuwing magmumungkahi ang isang miyembro ng klase ng maaari nating gawin upang makapaghanda. Maaari ninyong naising ibahagi ang sumusunod na mga kaisipan mula kay Pangulong Spencer W. Kimball:

    “Sa talinghaga, ang langis ay maaaring mabili sa palengke. Sa ating buhay ang langis ng pagiging handa ay unti-unting naiipon sa matwid na pamumuhay. Ang pagdalo sa mga pulong-sakramento ay nakadaragdag ng langis sa ating mga ilawan, nang patak-patak sa paglipas ng mga taon. Ang pag-aayuno, panalangin ng mag-anak, pagtuturo sa tahanan, pagpigil sa mga pita ng katawan, pangangaral ng ebanghelyo, pag-aaral ng mga banal na kasulatan— ang bawat pagpapakita ng dedikasyon at pagkamasunurin ay isang patak na nadaragdag sa ating imbak [na langis]. Ang mga gawa ng kabaitan, pagbabayad ng mga handog at ikapu, malinis na kaisipan at kilos, kasal sa loob ng tipan para sa kawalang-hanggan—ang mga ito rin ay nakaaambag nang malaki sa langis na magagamit natin sa hatinggabi upang malagyan ng langis ang ating natutuyuang ilawan” (Faith Precedes the Miracle [1972], 256).

Hilingan ang mga miyembro ng klase na isaalang-alang ang sumusunod na mga tanong:

  • Ano ang ginawa ninyo nitong nakaraang linggo upang madagdagan ang langis sa inyong ilawan? Ano ang ilang bagay na gagawin ninyo sa darating na linggo upang madagdagan ang langis sa inyong ilawan?

2. Inilahad ni Jesus ang talinghaga ng mga talento.

Basahin at talakayin ang Mateo 25:14–30. Ipaliwanag na noong panahon ng Bagong Tipan, ang isang talento ay halaga ng salapi.

  • Sa talinghaga ng mga talento, sino ang kinakatawan ng taong naglakbay sa isang malayong lupain? (Ang Panginoon.) Sino ang kinakatawan ng mga alipin? (Ang bawat isa sa atin.) Ano ang isinisimbolo ng mga talento? (Mga kaloob mula sa Diyos.)

  • Ano ang ginawa sa salapi ng mga alipin na binigyan ng limang talento at dalawang talento? (Tingnan sa Mateo 25:16–17.) Anong gantimpala ang kapwa nila tinanggap? (Tingnan sa Mateo 25:21, 23.) Ano ang itinuturo ng talinghagang ito tungkol sa walang hanggang gantimpala na ipagkakaloob sa atin ng ating Ama sa Langit? (Maaaring maibilang sa mga sagot ang mga tao na tila kakaunti lamang ang mga kaloob na nagmula sa Diyos ay makatatanggap ng lahat ng biyaya kung gagamitin nilang maigi ang kanilang mga kaloob.)

    Sinabi ni Elder James E. Faust ang ganito tungkol sa mga taong tila nakatanggap ng kakaunti lamang na talento:

    “Kung ang kanilang mga talento ay ginagamit upang itatag ang kaharian ng Diyos at paglingkuran ang iba, tatamasahin nila nang lubos ang mga pangako ng Tagapagligtas. Ang dakilang pangako ng Tagapagligtas ay, sila ay ‘makatatanggap ng [kanyang] gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating’ (Doktrina at mga Tipan 59:23)” (sa Conference Report, Abr. 1994, 5; o Ensign, Mayo 1994, 6).

  • Ano ang ginawa sa salapi ng alipin na binigyan ng isang talento? (Tingnan sa Mateo 25:24–25.) Ano ang sinabi ng panginoon sa kanya? (Tingnan sa Mateo 25:26–30.) Bakit nabibigo tayo kung minsan na pagyamanin ang mga talento at kaloob na ibinigay sa atin ng Diyos? Paano natin mapaglalabanan ang mga balakid sa pagpapaunlad ng mga kaloob na ito?

  • Itinuro ni Elder Marvin J. Ashton na, “karapatan at pananagutan natin na tanggapin ang ating mga kaloob at ibahagi ang mga ito” (sa Conference Report, Okt. 1987, 23; o Ensign, Nob. 1987, 20). Paano natin makikilala at matatanggap ang mga talento o kaloob na ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon? Bakit sa palagay ninyo mahalaga na ibahagi ang ating mga talento o kaloob? Anong mga biyaya ang dumating sa inyong buhay dahil sa napaunlad ninyo at naibahagi ninyo ang inyong mga talento o kaloob? Paano kayo napagpala dahil sa ibinahagi ng iba ang kanilang mga talento o kaloob?

  • Ang bawat tao ay nabigyan ng kahit isa man lamang na kaloob mula sa Diyos (Doktrina at mga Tipan 46:11–12), subalit ang ilang kaloob ay mas madaling makilala kaysa sa iba. Ano ang ilan sa mga kaloob na maaaring mahirap makilala ngunit maaaring magamit sa paglilingkod sa iba at pagluwalhati sa Diyos?

    Sinabi ni Elder Marvin J. Ashton:

    “Hayaan ninyong banggitin ko ang ilang kaloob na hindi palaging nakikita o napapansin ngunit napakahalaga. Maaaring kabilang sa mga ito ang inyong mga kaloob—mga kaloob na hindi gaanong nakikita gayunman ay tunay at mahalaga.

    “Pagbalik-aralan natin ang ilan sa mga di-gaanong napapansin na kaloob: ang kaloob ng paghiling; ang kaloob ng pakikinig; ang kaloob ng pagdinig at paggamit sa banayad na munting tinig; ang kaloob ng pagiging marunong tumangis; ang kaloob ng pag-iwas sa pagtatalo; ang kaloob ng pagiging mapagsang-ayon; ang kaloob ng pag-iwas sa walang-kabuluhang pag-uulit; ang kaloob ng paghahangad ng mabuti; ang kaloob ng pagiging hindi mapanghusga; ang kaloob ng pagbaling sa Diyos para sa patnubay; ang kaloob ng pagiging isang disipulo; ang kaloob ng pagmamalasakit sa iba; ang kaloob ng magnilaynilay; ang kaloob ng pag-aalay ng panalangin; ang kaloob ng pagbibigay ng makapangyarihang patotoo; at ang kaloob ng pagtanggap sa Espiritu Santo” (sa Conference Report, Okt. 1987, 23; o Ensign, Nob. 1987, 20).

Bigyan ang bawat miyembro ng klase ng bolpen o lapis at isang piraso ng papel. Hilingan silang isulat ang isa o dalawa sa kanilang mga talento o kaloob na kasama ang kahit isang bagay na gagawin nila sa susunod na ilang linggo upang gamitin ang mga ito sa paglilingkod sa iba.

Kung ginagamit ninyo ang garapon at ang langis o ang tubig na kinulayan, magdagdag ng ilan pang patak sa garapon. Ipaliwanag na habang pinauunlad natin ang mga talento o kaloob na ibinigay sa atin ng Diyos ay nagdaragdag tayo ng langis sa ating mga ilawan.

3. Inilahad ni Jesus ang talinghaga ng mga tupa at mga kambing.

Basahin at talakayin ang Mateo 25:31–46.

  • Itinuro ni Jesus na sa kanyang Ikalawang Pagparito ay paghihiwalayin niya tayo tulad ng paghihiwalay ng pastol sa mga tupa mula sa mga kambing (Mateo 25:31–32). Sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing, sino ang kinakatawan ng mga tupa? (Tingnan sa Mateo 25:33–34.) Sino ang kinakatawan ng mga kambing? (Tingnan sa Mateo 25:33, 41.)

  • Ano ang itinuturo ng talinghagang ito na kailangan nating gawin upang makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito at sa araw ng paghuhukom? (Tingnan sa Mateo 25:35–46.)

    Sinabi ni Elder Marion D. Hanks:

    “Itinuro ni Jesus sa kanyang mga tagasunod ang talinghaga ng mga tupa at mga kambing, na sumasimbolo sa paghuhukom na darating, na kung saan malinaw niyang tinukoy ang mga magmamana ng ‘buhay na walang hanggan’ at ang mga ‘mangapaparoon sa walang hanggang kaparusahan’ (Mateo 25:46). Ang pangunahing pagkakaiba ay ang mga dapat magmana ng kaharian na kasama niya ay naging ugali ang tumulong, naranasan ang kagalakan ng pagbibigay at ang kapanatagan ng kalooban sa paglilingkod. Tumugon sila sa mga pangangailangan ng mga nagugutom, nauuhaw, walang tahanan, walang kasuotan, maysakit, at nasa bilangguan… .

    “Wala nang mas lilinaw pa sa mataas na pagpapahalaga na ibinibigay ng Tagapagligtas sa buong pusong paglilingkod sa iba bilang isang mahalagang sangkap ng Kristiyanong pag-uugali at ng kaligtasan. Ang pagtulong, pagbibigay, at pagsasakripisyo ay, o nararapat na maging, likas na tulad ng paglaki at paghinga” (sa Conference Report, Abr. 1992, 10; o Ensign, Mayo 1992, 9).

Kung ginagamit ninyo ang garapon at ang langis o tubig na kinulayan, magdagdag ng ilan pang patak sa garapon. Ipaliwanag na habang naglilingkod tayo sa iba ay dinaragdagan natin ang langis sa ating mga ilawan. Matutulungan din natin ang iba na magdagdag ng langis sa kanilang sariling mga ilawan. Magbahagi ng mga halimbawa ng nakita ninyong paglilingkod, at anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng nakita nilang mga halimbawa.

  • Paano natin mapagpapala ang iba sa pamamagitan ng ating paglilingkod? Paano kayo napagpala ng paglilingkod sa ibang tao? Ano ang nadarama ninyo sa mga pinaglilingkuran ninyo? Ano ang nadarama ninyo sa mga naglilingkod sa inyo? Paano tayo magiging higit na sensitibo sa mga pangangailangan ng iba? Paano tayo magiging higit na masigasig sa paglilingkod sa iba?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin niyang, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa”? (Mateo 25:40; tingnan din sa Mosias 2:17).

Katapusan

Magpatotoo na dapat tayong maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Dapat nating paunlarin ang mga kaloob na ibinigay sa atin ng Diyos at sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagtatalaga ng ating buhay sa paglilingkod sa iba. Bigyang-diin na magagawa natin ang lahat ng bagay na ito, anuman ang ating mga katayuan.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o dalawa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. “A Poor Wayfaring Man of Grief”

Kasama ang mga miyembro ng klase, awitin o basahin ninyo ang mga salita sa himnong “A Poor Wayfaring Man of Grief” (Hymns). Pagkatapos ay basahin ang Mateo 25:40. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga damdamin tungkol sa mensahe ng himno at ng talata ng banal na kasulatan.

2. Pagpapalabas ng video

Maaari ninyong naising gamitin ang ikalimang yugto ng “New Testament Customs,” isang piling bahagi mula sa New Testament Video Presentations (53914), upang maipaliwanag ang ilang kaugalian ng piging sa kasalan noong panahon ng Bagong Tipan.