Himukin ang mga miyembro ng klase na sundan ang halimbawa ni Pablo at maging matapat na mga saksi ni Jesucristo maging sa gitna ng mga pagsubok at kahirapan.
Paghahanda
Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:
Ang Mga Gawa 21:1–22:21. Sa kabila ng mga pagtutol ng kanyang mga kasama, na natatakot na baka siya mamatay, ay naglakbay pa rin si Pablo patungong Jerusalem. Nag-ulat siya sa mga kapatid na naroon tungkol sa kanyang paglalakbay bilang misyonero. Nagpunta siya sa templo at kinuha ng galit na lupon ng mga tao. Dinakip siya ng punong kapitan ngunit pinahintulutan siyang makapagsalita sa mga tao. Isinalaysay ni Pablo ang tungkol sa kanyang pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang Mga Gawa 22:22–23:35. Tinanggihan ng mga tao si Pablo at tinangka siyang patayin. Inilayo ng punong kapitan si Pablo mula sa mga tao at inilagay siya sa isang kastilyo. Kinabukasan ay dinala ng punong kapitan si Pablo sa harapan ng Sanhedrin. Nagkaroon ng isa pang malaking pag-aalsa, at muling inilayo ng punong kapitan si Pablo at ipinadala sa kastilyo. Kinagabihan ay nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanyang tinatawag siya upang magbigay patotoo sa Roma at gayundin sa Jerusalem. Mahigit sa 40 mga Judio ang nagbalak na pumatay kay Pablo, at dinala siya kay Felix na gobernador, upang doon ay maging ligtas siya.
Ang Mga Gawa 26. Makalipas ang ilang taon na pag-uusig at pagkakulong, si Pablo ay dinala sa harapan ni Haring Agripa upang magpatotoo. Hindi tinanggap ni Agripa ang patotoo ni Pablo at ipinadala siya sa Roma upang makipagkita kay Cesar.
Ang Mga Gawa 27–28. Nasiraan ang barkong sinasakyan ni Pablo patungong Roma matapos ipagwalang-bahala ng kapitan ng barko ang kanyang payo. Nang makarating siya sa Roma, ikinulong siya, ngunit nangaral siya sa lahat ng mga nais makinig.
Kung makukuha ang sumusunod na mga materyal, gamitin ang mga ito sa aralin:
“Paul—A Chosen Vessel,” isang labing-isang minutong yugto ng NewTestament Video Presentations (53914). Panoorin muna ang yugtong ito kung maaari, upang malaman ninyo kung kailan ititigil ang video para sa talakayan.
Mapa ng paglalakbay ni Pablo sa Roma (mapa 8 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan).
Mungkahi sa pagtuturo: “Mahalagang pakainin ang inyong mga tinuturuan, upang maturuan sila ng isang bagay. Sa tuwing darating sila, dapat ay may kahit isa man lamang na kaisipan, ideya, inspirasyon na mapapasakanila dahil sa pagdalo sa klase. Ito ay maaaring isang kaisipan, kaisipang pangkaraniwan lamang—sa katunayan, habang ito ay nagiging mas simple ay lalo mong nagagawa ang dapat mong isagawa” (Boyd K. Packer, Teach Ye Diligently [1975], 154).
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Karagdagang Ideya sa Pagtuturo
Ang sumusunod na materyal ay mga karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang ideyang ito bilang bahagi ng aralin.
Pagbabalik-aral sa buhay ni Pablo
Upang matulungan ang mga miyembro ng klase na mapahalagahan kung paano tinupad ni Pablo ang kanyang misyon sa buhay na ito upang magpatotoo hinggil kay Cristo, hayaang tunghayan nila ang salitang “Pablo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Papiliin ang bawat miyembro ng klase ng isang pangyayari sa buhay ni Pablo nang magpatotoo siya hinggil kay Cristo. (Ang mga kaganapang hindi nakalista sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan ay maaari ding gamitin.) Anyayahan ang bawat miyembro ng klase na ibahagi sa klase ang kanyang napili, at ilista ang lahat ng mga kaganapan sa pisara. Pagkatapos ay hayaang tunghayan ng mga miyembro ng klase ang mga mapa ng paglalakbay ni Pablo (mga mapa 6–8 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) at tukuyin kung saan naganap ang bawat pangyayari. Tulungan ang mga miyembro ng klase na pagbalik-aralan ang angkop na mga banal na kasulatan kung kinakailangan upang malaman ang lugar na pinangyarihan..