Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 17: ‘Ano ang Gagawin Ko Upang Magmana ng Buhay na Walang Hanggan?’


Aralin 17

“Ano ang Gagawin Ko Upang Magmana ng Buhay na Walang Hanggan?”

Marcos 10:17–30; 12:41–44; Lucas 12:13–21; 14; 16

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na kailangan tayong maging handa na isakripisyo ang mga bagay ng mundong ito para magtamo ng lugar sa kaharian ng langit.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Marcos 10:17–30; 12:41–44. Isang mayamang kabataang lalaki ang nagtanong kung ano ang kailangan niyang gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan, at itinuro ni Jesus na ang pagtitiwala sa kayamanan ay maaaring maging hadlang sa pagpasok ng isang tao sa kaharian ng Diyos. Pinuri ni Jesus ang pobreng balo na naghulog ng dalawang lepta sa kabang-yaman.

    2. Lucas 12:13–21. Sa talinghaga tungkol sa mayamang hangal, itinuro ni Jesus ang mga panganib ng kasakiman. Pinayuhan niya ang kanyang mga tagasunod na hangarin ang mga kayamanan ng langit kaysa kayamanan ng mundo.

    3. Lucas 14:15–33. Sa talinghaga ng malaking hapunan, itinuro ni Jesus na ang mga susunod sa kanya ay nararapat na maging handa na talikuran ang lahat.

    4. Lucas 16:1–12. Sa talinghaga ng lilong katiwala, itinuro ni Jesus sa kanyang mga tagasunod na hangarin ang espirituwal na kayamanan na kasing sigasig na tulad ng mga taong naghahangad ng kayamanan ng mundo.

  2. Karagdagang pagbabasa: Mateo 19:16–30; Lucas 18:18–30; 21:1–4; Jacob 2:18–19.

  3. Kung makukuha ang larawang Christ and the Rich Young Ruler (Gospel Art Picture Kit 244), gamitin ito sa aralin.

  4. Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, gumawa ng bitag sa unggoy o gumuhit ng isa sa pisara (tingnan ang paglalarawan sa ibaba). Upang makagawa ng bitag sa unggoy, kumuha ng isang kahong may takip. Idikit ang takip sa kahon, at gumawa ng butas sa isang gilid ng kahon na sapat lamang na magkasya ang inyong palad ngunit hindi ang buong kamao. Maglagay ng isang pirasong prutas o ilang mani sa loob ng kahon.

  5. Mungkahi sa pagtuturo: Sinabi ni Nephi, “Inihalintulad ko sa amin ang lahat ng banal na kasulatan upang ito ay maging para sa aming kapakinabangan at kaalaman” (1 Nephi 19:23). Pag-aralan ang Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit E, Paksa 6, “Nakahihikayat na Pagtuturo ng Ebanghelyo,” 103–104 at Yunit E, Paksa 21, “Pagtulong sa mga Miyembro ng Klase na Ipamuhay ang mga Alituntunin ng Aralin,” 144–146, upang malaman kung paano ninyo matutulungan ang mga miyembro ng klase na maihalintulad o maipamuhay, ang mga banal na kasulatan sa kanilang buhay.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Ipakita ang bitag na inyong ginawa o iginuhit (tingnan sa bahaging “Paghahanda”). Ipaliwanag na ang ganitong bitag ay maaaring magamit na panghuli ng unggoy. Ang lalagyan ay matibay na itinatali sa lupa, at lalagyan ng pain (tulad ng mani o prutas) sa loob. Ang laki ng butas ay sapat lamang para maipasok ng unggoy ang kamay nito ngunit hindi niya mailalabas ang kamay niya kung hawak na nito ang pain (maaari ninyong ipakita ito). Makikita ng unggoy ang pain at ipapasok nito ang kamay upang kunin ito. Kapag nakuha na nito ang pain, nanaisin pa nitong mahuli kaysa bitawan ang pain. Hindi nito isasakripisyo ang gantimpalang ito para sa mas malaki pang gantimpala—ang kanyang kalayaan.

Bigyang-diin na minsan ay may mga pagkakamali rin tayong tulad ng sa unggoy. Kapag may natamo tayong bagay na kanais-nais, maaaring hindi tayo maging handa na mawala ito kahit na ito ay mangahulugan na may mawawala sa atin na mas higit pa. Ang araling ito ay tungkol sa ilang bagay na maaari nating isakripisyo upang matanggap ang pinakadakilang biyaya: ang buhay na walang hanggan na kasama ang ating Ama sa Langit at si Jesucristo.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang mga talata sa banal na kasulatan, tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan na maaari tayong mahilingan na magsakripisyo ng iba’t ibang bagay para sa kaharian ng Diyos. Dapat ay handang tayong isakripisyo ang anumang hilingin sa atin ng Diyos.

1. Ang pagtitiwala sa kayamanan ay maaaring maging hadlang sa pagpasok ng isang tao sa kaharian ng Diyos.

Basahin at talakayin ang Marcos 10:17–30; 12:41–44. Ipakita ang larawan ni Cristo at ng mayamang kabataang pinuno.

  • Ano ang sinabi ni Jesus sa mayamang kabataang lalaki na nagtanong kung paano makatatanggap ng buhay na walang hanggan? (Tingnan sa Marcos 10:17–21.) Bakit ikinalungkot ng kabataang lalaki ang mga tagubiling ito? (Tingnan sa Marcos 10:22.) Sa palagay ninyo bakit hiniling ng Panginoon na talikuran niya ang lahat ng kanyang mga ari-arian? Paano naaangkop sa atin ang tagubilin ng Tagapagligtas sa mayamang kabataang lalaki?

    Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith: “Ang mahirap para sa kabataang lalaki ay [dahil] marami ang kanyang ari-arian, at mas ninais pa niyang magtiwala sa kanyang kayamanan kaysa talikuran ang lahat at sumunod kay Cristo… . Walang sinuman na magtatamo ng kaloob na buhay na walang hanggan maliban lamang kung handa siyang isakripisyo ang lahat ng bagay sa mundo upang makamtan ito” (Gospel Doctrine, ika-5 edisyon [1939], 261).

  • Ano ang itinuro ni Jesus tungkol sa kaugnayan ng pagkakaroon ng kayamanan at pagpasok sa kaharian ng Diyos? (Tingnan sa Marcos 10:23–25.) Ano ang kaibahan ng pagkakaroon ng mga kayamanan at ng lubos na pananalig sa mga ito? Paano tayo magkakaroon ng tamang saloobin tungo sa mga bagay ng mundo? (Tingnan sa Mosias 4:19, 21.)

    Itinuro rin ni Pangulong Smith: “Ang Diyos ay walang kinikilingan. Ang mayaman ay malayang makapapasok sa kaharian ng langit na tulad din ng mahirap, kung itutuon niya ang kanyang puso at pagmamahal na mapasailalim sa batas ng Diyos at sa alituntunin ng katotohanan; kung iibigin niya ang Diyos, kung ang kanyang puso ay nasa katotohanan, at ang kanyang kaluluwa ay nasa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos, at hindi itinutuon ang kanyang pagmamahal at pag-asa sa mga bagay ng mundo” (Gospel Doctrine, 260–61).

  • Paghambingin ang mayamang kabataang lalaki at ang pobreng balo sa Marcos 12:41–44. Ano ang handang gawin ng balo na hindi handang gawin ng mayamang kabataang lalaki? (Tingnan sa Marcos 12:44. Handa niyang ibigay ang lahat ng mayroon siya para sa kaharian ng Diyos.) Paano tayo magkakaroon ng saloobing taglay ng pobreng balo?

2. Hangarin ang mga kayamanan ng langit, kaysa kayamanan ng mundo.

Basahin at talakayin ang Lucas 12:13–21.

  • Ano ang sinabi ni Jesus sa lalaking nag-aalala tungkol sa kanyang mana? (Tingnan sa Lucas 12:13–15.) Ano ang kasakiman? (Matinding pagnanais sa kayamanan o pag-aari ng iba.) Ano ang mga bagay na pinaghahangaran nang labis ng mga tao sa ngayon? Bakit mapanganib ang maging sakim?

  • Sa mundo na ito na kadalasang pinapahalagahan ang mga materyal na ariarian, paano natin matatandaan na ang ating halaga bilang indibiduwal ay hindi nasusukat sa dami ng ating ari-arian? (Tingnan sa Lucas 12:15.) Anong mga biyaya ang mas mahalaga kaysa materyal na pag-aari? (Tingnan sa Lucas 12:31–34; Doktrina at mga Tipan 6:7 para sa ilang halimbawa.)

  • Paano pinagpala ang lalaki sa talinghaga ng mayamang hangal? (Tingnan sa Lucas 12:16.) Ano ang ipinasiya niyang gawin sa labis niyang kayamanan? (Tingnan sa Lucas 12:18.) Ano ang ipinahiwatig ng kanyang mga kilos? (Tingnan sa Lucas 12:19–21. Ang kanyang puso ay nakatuon sa kanyang mga kayamanan.) Ano sana ang maaaring ginawa niya sa kanyang kasaganaan kung ang hangad niya ay makalangit na kayamanan, sa halip na makalupang mga kayamanan? (Tingnan sa Mosias 4:26; Doktrina at mga Tipan 52:40.)

  • Bakit itinutuon ng maraming tao ang kanilang mga puso sa makalupang kayamanan kahit na alam nilang pansamantala lamang ito? Paano natin malalaman kung masyado tayong abala sa mga materyal na ari-arian? Paano tayo magiging higit na bukas-palad sa ating materyal na kayamanan at iba pang mga biyaya, tulad ng panahon at talino? (Maaari ninyong naising himukin ang mga miyembro ng klase na pag-isipan pang mabuti ang bagay na ito sa labas ng klase, nang nag-iisa sila o kasama ang mga miyembro ng pamilya.)

3. Kailangan ay handang talikuran ng mga tagasunod ni Cristo ang lahat ng bagay upang maging tunay na mga disipulo.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Lucas 14:15–33.

  • Sa pagbibigay kahulugan sa talinghaga ng malaking hapunan ay itinuro ni Elder James E. Talmage na ang mga inanyayahang panauhin ay kumakatawan sa mga pinagtipanang tao, o sambahayan ni Israel. Nang hilingin ng alipin (Jesus) sa kanila na dumalo sa piging (tanggapin ang ebanghelyo), sila ay gumawa ng mga dahilan at tumangging dumalo (Jesus the Christ, ika-3 edisyon [1916], 452). Bakit hindi dumalo sa piging ang mga Israelita? Sino ang “mga dukha, at ang mga pingkaw, at ang mga bulag, at ang mga pilay” na hindi dumalo sa piging? (Lucas 14:21).

  • Paano maiaakma sa atin ang talinghaga ng malaking hapunan? Anong mga dahilan ang ginagawa natin sa hindi pagkain sa hapag ng Panginoon— halimbawa, hindi pagbabasa ng mga banal na kasulatan o hindi pagpunta sa templo? Paano natin maipapakita ang pagpapaunlak sa paanyaya ng Panginoon sa piging?

  • Itinuro ni Jesus na ang kanyang mga disipulo ay kailangang maging handang isakripisyo ang anumang bagay na hihilingin niya sa kanila (Lucas 14:26–33). Ano ang ilang bagay na hiniling na isakripisyo ng mga naunang disipulo? Ano ang ilang bagay na hinihiling na isakripisyo ng mga disipulo sa ngayon? Ano ang hiniling sa inyo ng Panginoon na isakripisyo? Paano kayo pinagpala sa pagsasagawa ng mga sakripisyong ito?

4. Hangarin ang espirituwal na kayamanan nang buong sigla at lakas.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Lucas 16:1–12. Upang matulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan ang talinghaga ng di-makatwirang katiwala, ibahagi ang sumusunod na impormasyon:

Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage na ginamit ng Panginoon ang talinghagang ito “upang ipakita ang pagkakaiba sa pagitan ng pagmamalasakit, pagiging maalalahanin, at debosyon ng mga tao sa mga bagay na may kinalaman sa salapi sa mundo, at sa hindi taos sa pusong mga pamamaraan ng marami na nagsasabing nagsisikap na makamtan ang espirituwal na mga kayamanan.” Hindi iminumungkahi ng Panginoon na tularan natin ang masasamang gawain ng di-makatwirang alipin, kundi dapat nating hangarin ang espirituwal na kayamanan na taglay ang kasigasigan at pagsisikap na tulad ng ipinamalas ng alipin sa paghahangad ng materyal na kayamanan.

Ipinagpatuloy ni Elder Talmage na, “Ang mga tao na makamundo ang kaisipan ay hindi nakakaligtaan ang paglalaan para sa kanilang hinaharap, at kadalasan ay buong pagkakasalang masigasig na nagtitipon ng maraming kayamanan; samantalang ang mga ‘anak ng liwanag,’ o ang mga naniniwala na mas nakahihigit ang espirituwal na kayamanan kaysa makamundong ari-arian, ay di-gaanong masigasig, masinop, at matalino” (Jesus the Christ, 463).

  • Hilingan ang mga miyembro ng klase na matahimik na paghambingin ang dami ng oras, pag-iisip, at lakas na inuukol nila sa pagkakamit ng salapi at mga ari-arian sa dami ng oras, pag-iisip, at lakas na inuukol nila sa paghahanap ng espirituwal na mga kayamanan. Paano tayo magiging higit na dedikado at masigasig sa paghahanap ng espirituwal na mga kayamanan?

Katapusan

Magpatotoo na upang makamtan ang buhay na walang hanggan, kailangan ay handa tayong isaisantabi ang mga bagay ng daigdig at paglingkuran ang Panginoon ng ating buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas. Himukin ang mga miyembro ng klase na magpasalamat sa mga makalupang pagpapala ngunit sikaping ilagay ang mga ito sa tamang kalalagyan.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. Kababaang-loob

Basahin at talakayin ang Lucas 14:7–11.

  • Paano ninyo nakita ang katotohanan sa pahayag ni Jesus sa Lucas 14:11?

2. Tunay na pag-ibig sa kapwa-tao

  • Ano ang matututuhan natin mula sa Lucas 14:12–14 tungkol sa kung paano maglingkod? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng hindi tayo dapat maglingkod kung ang layunin natin ay maghintay ng kapalit, at hindi natin dapat limitahan ang ating paglilingkod sa mga magbabayad o magpapasalamat sa atin.) Ano ang dapat na maging pakay natin sa paglilingkod?

  • Paano tayo tinutulungang higit na mapalapit sa Panginoon ng tunay na pagibig sa kapwa-tao?

3. Ang talinghaga ng mayamang lalaki at ni Lazaro

Ipabasa at ipatalakay sa mga miyembro ng klase ang talinghaga sa Lucas 16:19–31.

  • Matapos mamatay ang mayamang lalaki, ano ang hiniling niyang gawin ni Amang Abraham para sa kanyang mga kapatid? (Tingnan sa Lucas 16:27–28.) Paano tumugon si Abraham? (Tingnan sa Lucas 16:29–31.) Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa pakikinig sa propeta?

  • Ano ang itinuturo sa atin ng talinghagang ito tungkol sa kahalagahan ng pangangalaga sa mga dukha? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 104:18.)

Maaaring ikatuwa ng mga kabataan ang pagsasadula ng talinghagang ito. Ilagay ang dalawang miyembro ng klase (Abraham at Lazaro) sa isang panig ng harang kagaya ng hanay ng mga upuan (ang malaking gulpo), at isa pang miyembro ng klase (ang lalaking mayaman) sa kabilang panig. Gawing tagapagsalaysay ang pang-apat na miyembro ng klase. Ipabasa sa mga miyembro ng klase ang kanilang mga linya mula mismo sa Lucas 16:19–31, na binabasa ng tagapagsalaysay ang lahat ng linya na hindi binibigkas ng isa man sa mga gumaganap. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit F, Paksa 16, “Pagsasadula at Pagsasadrama,” 178–180.)