Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 1: ‘Upang Kayo’y Magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo’


Aralin 1

“Upang Kayo’y Magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo”

Isaias 61:1–3; Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 3:4–11; Juan 1:1–14; 20:31

Layunin

Himukin ang mga miyembro ng klase na patatagin ang kanilang mga patotoo kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bagong Tipan.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Isaias 61:1–3; Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 3:4–11. Sina Isaias at Juan Bautista ay nagpropesiya tungkol sa misyon ng Tagapagligtas.

    2. Juan 1:1–14; 20:31. Ang Apostol na si Juan ay nagpatotoo na si Jesucristo ang “tunay na Ilaw.” Ipinahayag niya na ang kanyang layunin sa pagsusulat ng kanyang patotoo ay upang tulungan ang iba na “magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo.”

  2. Kumuha ng kopya ng Gabay sa Pagaaral ng Miyembro ng Klase sa Bagong Tipan (35682) para sa bawat tao sa inyong klase. (Dapat ay na-order na ng purok ang mga gabay na ito sa pag-aaral bilang bahagi ng taunang order ng kurikulum. Ang isang miyembro ng pamunuang obispo ang dapat magbigay ng mga ito sa panguluhan ng Panlinggong Paaralan.)

  3. Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, hilingan ang ilang miyembro ng klase na maghandang basahin o ibuod ang isang paboritong talata sa Bagong Tipan at maikling ipaliwanag kung bakit nakapagbibigay inspirasyon o nakatutulong sa kanila ang talatang iyon.

  4. Kung makukuha ang sumusunod na mga larawan, gamitin ang mga ito sa aralin: Nagsusulat si Isaias Tungkol sa Pagsilang ni Cristo (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 113) at Nangangaral sa Ilang si Juan (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 207). Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, magdala rin ng ilang larawan na nagpapakita ng mga pangyayari sa Bagong Tipan, katulad ng Pinagagaling ni Jesus ang Bulag (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 213) at Si Maria at ang Nabuhay na Mag-uling Panginoon (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 233).

  5. Mungkahi sa pagtuturo: Himukin ang mga miyembro ng klase na kumpletuhin ang takdang babasahin sa bawat linggo at dumating sa klase na handang talakayin ang kanilang nabasa. Ang paghahandang ito ay makatutulong upang maisakatuparan ang pangako ng Panginoon na “siya na nangangaral at siya na nakatatanggap [sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan] ay nauunawaan ang isa’t isa, at sila ay kapwa pinagtitibay at magkasamang magsasaya” (Doktrina at mga Tipan 50:22).

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Magpakita ng mga retrato na naglalarawan ng mga pangyayari mula sa Bagong Tipan.

Hilingan ang mga miyembro ng klase na pag-isipan ang sumusunod na tanong:

Gawaing Pantawag-pansin

  • Anong mga pangyayari o turo sa Bagong Tipan ang partikular na nakapagbigay inspirasyon o nakatulong sa inyo?

Bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase upang makapag-isip, at pagkatapos ay anyayahan ang bawat isa sa mga inatasang miyembro ng klase na basahin o ibuod ang isang paboritong talata sa Bagong Tipan. Kung nais ng ibang miyembro ng klase na magbahagi ng paboritong talata, pahintulutan ang ilan sa kanila na makapagbahagi.

Ipahayag ang inyong damdamin tungkol sa pagkakataong makapagturo at pagaralan ang Bagong Tipan ngayong taong ito. Ipaliwanag na ang layunin sa taong ito ng pag-aaral ng Bagong Tipan ay upang tulungan ang mga miyembro ng klase na patatagin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at higit na matutuhan ang tungkol sa kanyang buhay at misyon.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, talakayin kung paano naaangkop ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntunin ng banal na kasulatan.

1. Sina Isaias at Juan Bautista ay nagpropesiya tungkol sa misyon ng Tagapagligtas.

Basahin at talakayin ang Isaias 61:1–3 at Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 3:4–11. (Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Lucas 3:4–11 ay matatagpuan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.)

Ipakita ang larawan ni Isaias na nagsusulat tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas. Ipaliwanag na mapatatatag natin ang ating mga patotoo tungkol kay Jesucristo at ang ating pasasalamat sa Bagong Tipan sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga salita ni Isaias at ng iba pa na nagpropesiya tungkol sa misyon ng Tagapagligtas.

  • Anong mga aspeto ng misyon ng Tagapagligtas ang inilalarawan sa Isaias 61:1–2? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase. Maaaring maibilang sa mga sagot ang mga nakalista sa ibaba.)

    1. “Ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo” (talata 1).

    2. “Magpagaling ng mga bagbag na puso” (talata 1).

    3. “Magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo” (talata 1).

    4. “Aliwin yaong lahat na nagsisitangis” (talata 2).

  • Paano natupad ni Jesus ang mga propesiyang ito? (Himukin ang mga miyembro ng klase na magbigay ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan at magbahagi ng pansariling mga karanasan).

    Ituro na binanggit ni Jesus ang talatang ito sa pagsisimula ng kanyang ministeryo upang ipahayag na siya ang Mesiyas (Lucas 4:16–21; tingnan sa aralin 6).

    Ipakita ang larawan ni Juan Bautista na nangangaral sa ilang. Ipaliwanag na si Juan Bautista ay nagpropesiya tungkol sa misyon ng Tagapagligtas bago sinimulan ni Jesus ang kanyang mortal na ministeryo.

  • Paano inilarawan ni Juan Bautista ang misyon ng Tagapagligtas? (Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 3:4–9. Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase. Kung walang makuhang Pagsasalin ni Joseph Smith ng mga talatang ito, isulat ang mga propesiya na tulad ng ipinakikita sa ibaba.)

    1. “Alisin ang kasalanan ng sanlibutan” (talata 5).

    2. “Magdala ng kaligtasan sa mga bansang di-binyagan” (talata 5).

    3. “Sama-samang tipunin ang mga yaong nangawala” (talata 5).

    4. “Isagawa ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga Gentil” (talata 6).

    5. “Maging isang ilaw sa lahat ng yaong nakaupo sa kadiliman” (talata 7).

    6. “Maisakatuparan ang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay” (talata 7).

    7. “Maggawad ng katarungan sa lahat” (talata 9).

    8. “Ipakita sa lahat ng makasalanan ang kanilang mga makasalanang gawa” (talata 9).

  • Paano natupad ni Jesus ang mga propesiyang ito? (Himukin ang mga miyembro ng klase na magbigay ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan at magbahagi ng pansariling mga karanasan.)

  • Ano ang nadarama ninyo kapag naiisip ninyo ang tungkol sa mga bagay na ginawa ni Jesus para sa atin? Ano kaya ang magiging buhay natin kung hindi ginawa ni Jesus ang mga bagay na ito para sa atin?

2. Ang Apostol na si Juan ay nagpatotoo na si Jesucristo ang “tunay na Ilaw.”

Basahin at talakayin ang Juan 1:1–14; 20:31. (Gamitin ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Juan 1:1–14 kung may makukuha nito. Matatagpuan ito sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.)

  • Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesucristo mula sa Juan 1:1–3, 14? (Tingnan sa listahan sa ibaba. Pansinin na “ang Verbo” sa Juan 1:1, 14 ay tumutukoy sa Tagapagligtas.)

    1. Siya “nang pasimula’y” sumasa Diyos Ama (Juan 1:1–2). Pansinin na ang misyon ng Tagapagligtas ay nagsimula sa daigdig bago pa ang buhay rito sa lupa, matagal na panahon bago pa siya isilang sa Bet-lehem.

    2. Siya ay Diyos (Juan 1:1). Ipaliwanag na kapag pinag-uusapan natin ang Diyos ay karaniwan nating tinutukoy ang Ama sa Langit. Gayunman, “ang personahe na kilala bilang Jehova noong kapanahunan ng Lumang Tipan … ay ang Anak, na kilala bilang Jesucristo, … na isa ring Diyos. Si Jesus ay kumikilos sa ilalim ng pamamahala ng Ama… . Marami sa mga bagay na isinasaad ng banal na kasulatan na ginawa ng Diyos ay isinagawa ni Jesus … sa katunayan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Diyos,” 46–47).

    3. Sa pamamagitan niya ang ebanghelyo ay ipinangaral sa daigdig bago pa ang buhay na ito (Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 1:1).

    4. Ginawa niya ang lahat ng bagay (Juan 1:3).

    5. Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos sa laman (Juan 1:14; tingnan din sa 1 Nephi 11:14–21). Ang doktrinang ito ay tinatalakay rin sa aralin 2.

  • Sinabi ni Apostol Juan na “nasa kanya [Jesus] ang buhay” (Juan 1:4). Pinatotohanan din niya na si Jesus “ang tunay na Ilaw, samakatuwid baga’y ang ilaw na lumiliwanag sa bawat tao na pumaparito sa sanglibutan” (Juan 1:9). Paano kayo nabigyan ng buhay at liwanag ng Tagapagligtas? (Habang tinatalakay ng mga miyembro ng klase ang tanong na ito, maaari ninyong naisin na sumangguni sa Juan 8:12; I Mga Taga Corinto 15:20–22; Moroni 7:15–18, 41; Doktrina at mga Tipan 88:6–14; at Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ilaw, Liwanag ni Cristo,” 79–80.)

  • Ano ang layunin ni Juan sa pagsusulat ng kanyang patotoo? (Tingnan sa Juan 20:31.) Ano ang ibig sabihin ng “sumampalataya na si Jesus ay ang Cristo”? (Ipaliwanag na ang Christ ay salitang Griyego na ang ibig sabihin ay hinirang. Kapag mayroon tayong patotoo na si Jesus ang Cristo, alam nating siya ang Anak ng Diyos at hinirang siya at noon pa inordenan na maging ating Tagapagligtas.) Paano kaya matutulungang mapatatag ng pag-aaral ng Bagong Tipan sa Panlinggong Paaralan sa taong ito ang inyong patotoo na si Jesus ay ang Cristo?

  • Ano ang maaaring gawin ng bawat isa sa atin at ng buong klase upang mapatnubayan ng Espiritu habang pinag-aaralan natin ang Bagong Tipan? (Tingnan sa Santiago 1:5–6; Doktrina at mga Tipan 50:17–22; 88:118.)

  • Paano maiaakma sa atin ang mga salita sa Juan 1:10–14, kahit na wala pa tayo sa daigdig noong panahon ng mortal na ministeryo ng Tagapagligtas?

    Itinuro ni Elder Thomas S. Monson na:

    “Hindi natin kailangang dalawin ang Banal na Lupain upang madamang malapit siya sa atin. Hindi natin kailangang lumakad sa baybayin ng Galilea o sa mga burol ng Judea upang lumakad sa nilakaran ni Jesus.

    “Sa tunay na kahulugan, ang lahat ay makalalakad sa nilakaran ni Jesus kapag naglalakbay tayo sa buhay na ito na taglay sa ating mga labi ang kanyang mga salita, nasa ating puso ang kanyang espiritu, at nasa ating buhay ang kanyang mga aral” (sa Conference Report, Abr. 1974, 70; o Ensign, Mayo 1974, 48).

Katapusan

Magpatotoo tungkol kay Jesucristo at ipahayag ang inyong damdamin hinggil sa pagkatuto tungkol sa kanya sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bagong Tipan.

Bigyang-katiyakan ang mga miyembro ng klase na ang kanilang mga patotoo tungkol sa Tagapagligtas ay madaragdagan habang hinahangad nila ang patnubay ng Espiritu sa kanilang pag-aaral ng Bagong Tipan at habang nakikibahagi sila sa mga talakayan sa klase. Himukin silang gamitin ang Gabay sa Pag-aaral ng Miyembro ng Klase sa Bagong Tipan habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan bilang paghahanda sa bawat klase..

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. Pananaw sa Bagong Tipan

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na buklatin ang pahina ng Mga Nilalaman ng Biblia at pagbalik-aralan ang mga pangalan ng 27 aklat sa Bagong Tipan. Ipaliwanag na ang Bagong Tipan ay maaaring hatiin sa apat na bahagi (maaari ninyong isulat ang mga ito sa pisara):

  1. Ang mga Ebanghelyo (Mateo, Marcos, Lucas, at Juan), na tala at patotoo tungkol sa buhay, misyon, at mga aral ni Jesucristo.

  2. Ang aklat ng Ang Mga Gawa, na ulat ng ministeryo ng mga Apostol makalipas ang pagkamatay at Pagkabuhay na mag-uli ni Jesus. Ang aklat na ito ay nakatuon sa mga gawa ni Pedro sa mga Judio at sa mga gawa ni Pablo sa mga Gentil.

  3. Ang mga sulat (liham) ni Pablo at ng iba pang mga pinuno ng Simbahan, na isinulat upang tagubilinan at palakasin ang mga Banal noong kanilang kapanahunan.

  4. Ang paghahayag ng Panginoon sa Apostol na si Juan sa pulo ng Patmos.

2. Mga pagpapalabas ng video

Kung may makukuhang Karagdagang Video ng Gabing Pantahanan ng Mag-anak (5x736 893), maaari ninyong naising ipalabas ang limang-minutong yugto na “Ano ang Palagay Ninyo kay Cristo?” Gamitin ang pagpapalabas ng video upang pasimulan ang Bagong Tipan at bigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng patotoo na si Jesus ang Cristo.

Kung may makukuhang New Testament Video Presentations (53914), maaari rin ninyong naising ipalabas ang “The Message of the New Testament,” palabas na may dalawang-minutong yugto.

3. “Siya ang … pumarito upang kaniyang patotohanan ang Ilaw” (Juan 1:8)

Ipabasa sa isang miyembro ng klase ang Juan 1:6–8.

  • Sino ang taong binabanggit sa mga talatang ito? (Juan Bautista.) Ano ang kanyang misyon? (Tingnan sa Juan 1:8.) Paano nating “patototohanan ang Ilaw” tulad ni Juan?