Himukin ang mga miyembro ng klase na maging higit na matapat na mga disipulo ni Jesucristo.
Paghahanda
Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan, bilang pagpapatuloy ng Pangangaral sa Bundok:
Mateo 6:1–6, 16–21. Tinuruan ni Jesus ang kanyang mga disipulo na maglimos, manalangin, at mag-ayuno nang lihim at mangagtipon ng mga kayamanan sa langit sa halip na sa lupa.
Mateo 6:7–13, 7:7–11. Ipinakita niya sa kanyang mga disipulo kung paano manalangin at itinuro na babasbasan ng Ama sa Langit ang mga humihingi sa kanya ng kanilang kailangan.
Mateo 6:14–15; 7:1–6, 12. Itinuro ni Jesus sa kanyang mga disipulo na patawarin ang iba, na magbigay nang matwid na paghatol, at pakitunguhan ang iba na tulad ng nais nilang maging pakikitungo sa kanila.
Mateo 6:22–34; 7:13–29. Itinuro niya sa kanyang mga disipulo na pagpapalain sila sa paglilingkod nila sa Ama sa Langit at sa pagsunod sa kanyang kalooban.
Kung makukuha ang sumusunod na mga materyal, gamitin ang mga ito sa aralin:
Ang larawang Sermon sa Bundok (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 212).
Maaari ninyong naising maghanda upang awitin ang “Ang Matalino at Ang Hangal” (Aklat ng mga Awit Pambata) na kasama ang mga miyembro ng klase.
Mungkahi sa pagtuturo: Mailalarawan ng mga kuwento ang mga alituntunin ng ebanghelyo at mas makukuha nito ang pansin ng mga miyembro ng klase kaysa sa ilang ibang pamamaraan ng pagtuturo. Madalas na gumamit ng mga kuwento si Jesus upang ituro ang mahahalagang aral o upang linawin ang malalabong ideya. Habang inihahanda ninyo ang inyong mga aralin, isaalang-alang kung paano ninyo magagamit ang mga kuwentong ito upang matulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Kapag nagkukuwento kayo, tiyaking nauunawaan ng mga miyembro ng klase kung ito ay tunay na pangyayari o kathang-isip lamang na kuwento na nilikha ninyo upang ituro ang isang punto. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit E, Paksa 13, “Pagkukuwento,” 119–122; at Yunit F, Paksa 5, “Ano ang Bumubuo sa Isang Magandang Kuwento?,” 157.)
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo
Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.
1. “Sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila” (Mateo 7:20)
Binalaan ni Jesus ang kanyang mga tagasunod tungkol sa bulaang mga propeta—mga taong nagtuturo ng maling doktrina o sinisikap na akayin ang mga tao papalayo kay Cristo (Mateo 7:15). Paano natin makikilala ang bulaan at ang tunay na mga propeta? (Tingnan sa Mateo 7:16–20; tingnan din sa Moroni 7:5, 10–11.) Paano maiaakma sa atin at gayundin sa mga propeta ang Mateo 7:20?
2. Pagpapalabas ng video
Ang ikalawang yugto ng “New Testament Customs,” isang piling bahagi mula sa New Testament Video Presentations (53914), ay nagpapaliwanag tungkol sa paggamit ng mga Judio ng mga pilakteria at tirintas. Kung ipapalabas ninyo ang yugtong ito, talakayin kung paano ang mga bagay na ito, na minsa’y ginamit upang ipakita ang pagsunod sa Diyos, ay naging mga sagisag ng paghahangad ng mga Fariseo na “makita ng mga tao” habang sila ay sumasamba (Mateo 6:5).
3. Paghanap sa tahilan na nasa ating sariling mata
Ibahagi ang sumusunod na kuwento tungkol sa kung paano tinuruan ni Propetang Joseph Smith ang isang kapatid na babae na hanapin ang tahilan sa kanyang sariling mata kapag nakasakit ng iba:
Isang babae na nagagalit sa ilang bagay na sinabi tungkol sa kanya ng isa pang miyembro ng simbahan ang nagpunta kay Propetang Joseph Smith. Sinabi ng Propeta sa kanya na kung ang mga sinabi ng lalaki ay hindi totoo, ay dapat niyang ipagwalang-bahala ang bagay na iyon, dahil ang mga katotohanan ay mangingibabaw at ang mga kasinungalingan ay hindi mananaig. Nadama ng babae na ang mga puna ay hindi totoo, ngunit hindi mapanatag ang kanyang kalooban sa pagwawalang bahala sa bagay na ito. Sa gayon ay isiniwalat ng Propeta ang kanyang paraan ng pakikitungo sa gayong mga puna:
“Kapag ang isang kaaway ay gumawa ng kuwento upang siraan siya, na madalas na ginagawa sa kanya, bago siya humatol ay tumitigil siya at ibinabalik sa kanyang alaala ang oras at lugar at pangyayaring nauugnay sa kuwento. Ipinapalagay niya na marahil nabuo ang kuwento dahil sa ilang hindi sinasadyang salitang nabanggit niya o ikinilos. Kung matutuklasan niyang nagawa nga niya ang gayon ay sinasabi niya na noon din sa kanyang puso ay pinatatawad niya ang kaaway, at nagpapasalamat na nakatanggap siya ng babala tungkol sa isang kahinaan na hindi niya batid na taglay niya.”
Sinabi ng Propeta sa kapatid na babae na dapat ay isipin niyang mabuti kung hindi sinasadya na nabigyan niya ng dahilan ang taong iyon upang sabihin ang mga bagay na sinabi nito. Pagkatapos ng matagal na pag-iisip, nagpasiya siya na nagawa nga niya ang gayon, at pinasalamatan niya ang Propeta at lumisan na. (Tingnan sa Jesse W. Crosby, sinipi sa Hyrum L. Andrus at Helen Mae Andrus, mga nagtipon sa They Knew the Prophet [1974], 144.)
4. Gawaing pangkabataan
Isulat ang lahat ng sumusunod na mga parirala mula sa Mateo 6 at 7 sa isang hiwalay na kard:
Huwag maalaman ng iyong kaliwang kamay (6:3)
Ang ginagawa ng inyong kanang kamay (6:3)
Iyong Ama na nakakikita sa lihim (6:6)
Ay gagantihan ka (6:6)
Huwag ninyong gamitin (6:7)
Ang walang kabuluhang paulit-ulit (6:7)
Ipatawad ninyo sa mga tao (6:14)
Ang kanilang mga kasalanan (6:14)
Mangagtipon kayo (6:20)
Ng mga kayamanan sa langit (6:20)
Hindi kayo makapaglilingkod (6:24)
Sa Diyos at sa mga kayamanan (6:24)
Hanapin muna ninyo (6:33)
Ang kaharian ng Diyos (6:33)
Alisin mo muna ang tahilan (7:5)
Sa iyong sariling mata (7:5)
Magsihingi kayo (7:7)
At kayo’y bibigyan (7:7)
Magsihanap kayo (7:7)
At kayo’y mangakasusumpong (7:7)
Mangag-ingat kayo (7:15)
Sa mga bulaang propeta (7:15)
Sa kanilang mga bunga (7:20)
Ay mangakikilala ninyo sila (7:20)
Ilatag nang pataob ang mga kard sa mesa o sa sahig. Hatiin ang mga miyembro ng klase sa dalawang koponan, at hayaang maghalinhinan ang dalawang koponan sa pagpili ng dalawang kard. Kung magkatugma ang mga kard, aalisin ang mga ito ng koponang iyon mula sa mesa o sahig at sila pa rin ang pipili. Kung hindi magkatugma ang mga kard, ilalagay itong muli ng koponan sa kanilang dating kinalalagyan, at ang kabilang koponan naman ang pipili. Magpatuloy hanggang sa mapagtugma ang lahat.