Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 20: ‘Sa Aba Ninyo … mga Mapagpaimbabaw’


Aralin 20

“Sa Aba Ninyo … mga Mapagpaimbabaw”

Mateo 21–23; Juan 12:1–8

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na makilala at maiwasan ang pagpapaimbabaw at sa gayon ay patatagin ang kanilang pangako kay Jesucristo.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Juan 12:1–8. Naglakbay si Jesus sa Betania, kung saan pinahiran ni Maria ng langis ang kanyang mga paa. Binatikos ni Judas ang paggamit ni Maria ng mamahaling langis.

    2. Mateo 21:1–11. Nagbalik si Jesus sa Jerusalem para sa Pista ng Paskua. Ginawa niya ang matagumpay na pagpasok sa lungsod, na nakasakay sa batang asno na anak ng babaeng asno.

    3. Mateo 21:23–46. Ang mga punong saserdote at elder ay lumapit kay Jesus sa templo at hinamon ang kanyang awtoridad. Sa halip na sagutin ang kanilang mga tanong, isinalaysay ni Jesus sa kanila ang talinghaga ng dalawang anak na lalaki at ang talinghaga ng puno ng sangbahayan.

    4. Mateo 22:15–46. Tinangkang hulihin ng mga eskriba at Fariseo si Jesus sa pagsasabi ng isang bagay na maaari nilang gamitin na panira at pantuligsa sa kanya.

    5. Mateo 23. Binatikos ni Jesus ang mga eskriba at Fariseo sa kanilang pagpapaimbabaw.

  2. Karagdagang pagbabasa: Mateo 26:6–13; Marcos 11–12; 14:3–9; Lucas 11:37–51; 19:29–48; 20; Juan 12:12–18; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Fariseo, Mga,” 64–65 at “Saduceo, Mga,” 220.

  3. Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, magdala ng isang tasa na malinis ang labas at loob at isang katulad na tasa na malinis ang labas ngunit marumi ang loob.

  4. Kung makukuha ang larawang Ang Matagumpay na Pagpasok (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 223), gamitin ito sa aralin.

  5. Mungkahi sa pagtuturo: Habang naghahanda kayong magturo, dapat ay hindi lamang ninyo basahin ang itinakdang mga banal na kasulatan. Pagaralan ang bawat banal na kasulatan ng kahit tatlong ulit man lamang. Sa unang pagkakataon, basahin ito upang maunawaan ang nilalaman ng talata. Pagkatapos ay mas maingat itong pag-aralan, na hinahanap ang mga alituntunin, doktrina, at makabuluhang pangyayari. Pagkatapos ay muli itong basahin, na inaalam kung aling mga talata ang pinakamainam na makatutugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase at pinaplano ang mga paraan kung paano tatalakayin ang mga talatang iyon.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Ipakita ang dalawang tasa (tingnan ang bahaging “Paghahanda”). Tiyaking ang labas lamang ng tasa ang nakikita ng mga miyembro ng klase.

Gawaing Pantawag-pansin

  • Alin sa dalawang tasang ito ang mas gugustuhin ninyong inuman?

Ipakita sa mga miyembro ng klase ang loob ng bawat tasa.

Gawaing Pantawag-pansin

  • Ngayon aling tasa ang mas gugustuhin ninyong inuman? Bakit?

Ipaliwanag na inihambing ni Jesus ang mga Fariseo sa isang tasa na malinis sa labas ngunit marumi sa loob (Mateo 23:25–26). Ang mga Fariseo ay masyadong nagbibigay pansin sa panlabas na mga ordenansa at kilos na nagpapakita na tila matwid sila, ngunit hindi nila talagang binibigyang halaga ang pagiging matwid sa kanilang puso. Dahil dito ay tinawag sila ni Jesus na mga mapagpaimbabaw. Tatalakayin sa araling ito ang pagbatikos ng Tagapagligtas sa mga mapagpaimbabaw—mga taong nagsisikap na magmukhang matwid ngunit hindi naman nagsisikap na mamuhay nang matwid.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, talakayin kung ano ang itinuturo ng mga ito tungkol sa pag-iwas sa pagiging mapagpaimbabaw. Himukin ang mga miyembro ng klase na ituon ang kanilang pansin sa pagtukoy at pagtutuwid ng pagpapaimbabaw sa kanilang sariling buhay, sa halip na hanapin ito sa ibang tao.

1. Pinahiran ni Maria ng langis ang mga paa ni Jesus.

Basahin at talakayin ang Juan 12:1–8. Ipaliwanag na limang araw bago sumapit ang Pagpapako sa Krus ay ginugol ni Jesus ang isang gabi sa piling ng kanyang mga kaibigan sa Betania. Doon pinahiran ni Maria, na kapatid nina Marta at Lazaro, ang mga paa ng Tagapagligtas ng langis ng unguentong taganas na nardo, isang mamahaling pamahid (Juan 12:1–3). Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage kung bakit niya ginawa ang ganito:

“Ang pagpapahid ng pangkaraniwang langis sa ulo ng isang panauhin ay pagpapakita ng paggalang sa kanya; ang pagpapahid ng langis sa kanyang mga paa ay pagpapakita ng hindi pangkaraniwan at natatanging pagpapahalaga; subalit ang pagpapahid ng unguentong taganas na nardo sa ulo at paa, nang maramihan, ay pagpapakita ng napakataas na pagpapahalaga na madalang gawin maging sa mga hari. Ang ginawang ito ni Maria ay pagpapahayag ng pagsamba; iyon ay matimyas na pag-uumapaw ng puso na puspos ng pagsamba at pagmamahal” (Jesus the Christ, ika-3 edisyon [1916], 512).

  • Pinahiran ni Maria ng langis ang mga paa ng Panginoon upang ipakita ang kanyang pagmamahal sa kanya. Paano natin ipinakikita ang ating pagmamahal sa Panginoon?

  • Ang mga ginawa ni Maria ay binatikos ni Judas. Ano ang sinabi niyang dapat na ginawa sa pamahid? (Tingnan sa Juan 12:4–5.) Paano naging mapagpaimbabaw si Judas? (Tingnan sa Juan 12:6. Kung hindi ninyo ginamit ang gawaing pantawag-pansin, gamitin ang impormasyon sa gawain upang ipaliwanag kung ano ang mapagpaimbabaw. Bigyang-diin na sa bandang huli ng aralin ay tatalakayin kung ano ang nadarama ng Tagapagligtas tungkol sa mga mapagpaimbabaw.)

2. Ginawa ni Jesus ang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem.

Basahin at talakayin ang Mateo 21:1–11. Ipakita ang larawan ng matagumpay na pagpasok ni Jesus. Ipaliwanag na nang magbalik si Jesus sa Jerusalem para sa Paskua ay maraming tao ang nagpunta sa kanya dahil narinig nila na binuhay niya si Lazaro mula sa mga patay (Juan 12:17–18). Nang papalapit na si Jesus sa lungsod, siya ay binati ng maraming tao na naglatag ng kanilang mga kasuotan sa kanyang daraanan at sinalubong siya na may hawak na mga sanga ng punong kahoy [o palaspas], parangal na karaniwang inilalaan sa mga hari at mananakop. Isinakatuparan nito ang isang propesiya ni Zacarias (Zacarias 9:9) at ito ay karagdagan pang saksi na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas.

  • Ano ang nakaantig sa inyo sa pangyayaring si Jesus ay nakasakay sa asno nang buong kababaang-loob gayunman ay puno ng tagumpay na pumasok sa Jerusalem? Ano kaya ang maaaring nadama ninyo kung naroon kayo nang araw na iyon?

  • Si Jesus ay kinilalang propeta at hari ng mga taong sumalubong sa kanya na may hawak na mga sanga ng punong kahoy (Mateo 21:9, 11; Lucas 19:38), ngunit hindi naunawaan ng iba ang kanyang misyon o tinanggihan siya. Sa paanong mga paraan hindi nauunawaan o tinatanggihan ng mga tao sa ngayon ang Tagapagligtas? Paano natin siya mas lubos na matatanggap at mapapapasok sa ating buhay?

3. Ibinigay ni Jesus ang talinghaga ng dalawang anak na lalaki at ang talinghaga ng puno ng sangbahayan.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Mateo 21:23–46.

  • Sa talinghaga ng dalawang anak na lalaki, paano pinatunayan ng unang anak na mas masunurin siya kaysa sa ikalawang anak? (Tingnan sa Mateo 21:28–30.) Paano iniugnay ni Jesus ang talinghagang ito sa kanyang mga tagapakinig? (Tingnan sa Mateo 21:31–32; tingnan din ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 21:33.) Paano naging katulad ng unang anak ang mga maniningil ng buwis at patotot? (Sa una ay tinanggihan nila ang mga kautusan ng Diyos, ngunit nang mangaral si Juan sa kanila ay tinanggap nila si Cristo at pinagsisihan ang kanilang mga kasalanan.) Paano naging katulad ng ikalawang anak ang mga punong saserdote at elder? (Sinasabi nilang sinusunod nila ang Diyos, ngunit tinanggihan nila ang mga aral ni Juan at tinanggihan nila si Jesus kahit na matapos nilang makita siya.) Paano naging mapagpaimbabaw ang ikalawang anak?

  • Anong mga pangako ang ginawa natin sa Panginoon? (Maaari ninyong naising talakayin ang mga pangakong tulad ng mga ginawa natin sa binyag, sa pagtanggap ng sakramento, at pagtanggap ng pagkasaserdote.) Paano tayo katulad ng ikalawang anak kung minsan? Paano natin mapatatatag ang ating pangako sa Panginoon? Paano natin matutulungan ang bawat isa na matupad ang mga pangakong ginawa natin sa Panginoon?

  • Sa talinghaga ng puno ng sangbahayan (Mateo 21:33–41), sino ang isinasagisag ng puno ng sangbahayan, o panginoon ng ubasan? (Ang ating Ama sa Langit.) Ng mga magsasaka? (Ang mga pinuno ng relihiyon ng mga Judio noong kapanahunan ni Jesus.) Ng mga alipin? (Ang mga propeta.) Ng anak na pinatay ng mga magsasaka? (Si Jesucristo.)

  • Paano naging katulad ng mga magsasaka ang mga pinuno ng relihiyon ng mga Judio? Ano ang inamin ng mga punong saserdote at elder na mangyayari sa mga magsasaka kapag dumating na ang panginoon ng ubasan? (Tingnan sa Mateo 21:41.)

  • Sino “ang batong itinakuwil ng nangagtatayo ng gusali”? (Tingnan sa Mateo 21:42; Mga Gawa 4:10–12.) Sino ang nangagtatayo? Ano ang sinabi ni Jesus na mangyayari sa mga nangagtatayo na tatanggi sa panulukang bato? (Tingnan sa Mateo 21:43–44.) Paano naaangkop sa atin ang mga salita ni Jesus sa talata 43?

  • Paano tumugon ang mga punong saserdote at Fariseo nang matanto nilang sila ang tinutukoy ni Jesus sa mga talinghagang ito? (Tingnan sa Mateo 21:45–46.) Paano natin mapaglalabanan ang anumang kapalaluan o pagkagalit na maaaring madama natin kapag tinatawag tayong magsisi?

4. Tinangkang hulihin [sa pananalita] ng mga eskriba at Fariseo si Jesus.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Mateo 22:15–46. Ipaliwanag na itinala ng mga talatang ito ang tatlong ulit na pagtatangka ng mga Fariseo at Saduceo na hulihin si Jesus sa pagsasabi ng isang bagay na magagamit nila upang siraan at tuligsain siya.

  • Paano unang tinangkang hulihin ng mga Fariseo si Jesus? (Tingnan sa Mateo 22:15–17. Ipaliwanag na kung sumagot ng oo si Jesus sa katanungan ay maaari nilang ibintang na itinataguyod niya ang kinasusuklamang pamahalaan ng Roma. Kung sumagot siya ng hindi ay maaari nilang ibintang na nag-aalsa siya laban sa pamahalaan.) Ano ang nadama ni Jesus tungkol sa mga nagtatanong sa kanya? (Tingnan sa Mateo 22:18. Bigyang-diin na alam ng Panginoon ang nilalaman ng ating mga puso at isipan. Wala tayong maitatago sa kanya.) Paano sinagot ni Jesus ang tanong? (Tingnan sa Mateo 22:19–21.) Paano tayo magagabayan ng sagot na ito tungo sa pagbibigay pugay sa Diyos at sa makalupang mga pamahalaan? (Tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:12.)

  • Paano tinangkang hulihin ng mga Saduceo si Jesus? (Tingnan sa Mateo 22:23–28.) Paano naging mapagpaimbabaw ang mga Saduceo sa kanilang pagtatanong? (Tingnan sa Mateo 22:23. Nagkunwari silang nag-aalala tungkol sa kasal sa pagkabuhay na mag-uli, ngunit hindi naman sila naniniwala sa pagkabuhay na mag-uli.) Paano sinagot ni Jesus ang tanong nila? (Tingnan sa Mateo 22:29–30. Ipaliwanag na nililinaw ng Doktrina at mga Tipan 132:15–16, 19 ang turo ni Jesus. Ang mga taong hindi gumawa at tumupad sa mga tipan ng kasal sa templo ay mananatiling nag-iisa sa langit. Sa mga gumagawa at tumutupad sa mga tipang ito, ang kasal ay magtatagal hanggang sa kawalanghanggan.)

  • Ano ang ikatlong pagtatangka para hulihin si Jesus? (Tingnan sa Mateo 22:34–36.) Paano nilutas ng sagot ni Jesus ang tanong na ito? (Tingnan sa Mateo 22:37–40.) Bakit sa palagay ninyo napakahalaga ng dalawang kautusan na ito? Ano ang maaari nating gawin upang lubos nating maipamuhay ang mga kautusang ito?

    Sinabi ni Elder Howard W. Hunter na: “Ang nagmamahal sa Panginoon ng buo niyang puso ay siya … na handang talikuran, gawin, o danasin ang anumang bagay upang matuwa at luwalhatiin siya. Ang nagmamahal sa Diyos ng buo niyang kaluluwa ay siya … na handang ibuwis ang kanyang buhay para sa kanyang kapakanan at handang mapagkaitan ng mga kaginhawahan ng daigdig upang luwalhatiin siya. Ang nagmamahal sa Diyos ng buo niyang lakas ay siya na ginagawa ang lahat sa abot ng makakaya ng kanyang katawan at kaluluwa upang maglingkod sa Diyos. Ang nagmamahal sa Diyos ng buo niyang isip ay siya na ang tanging hangad ay makilala ang Diyos at malaman ang kanyang kalooban, na nakikita ang Diyos sa lahat ng bagay at kinikilala siya sa lahat ng paraan” (sa Conference Report, Abr. 1965, 58; o Improvement Era, Hunyo 1965, 512).

5. Isinusumpa ni Jesus ang kasalanan ng pagiging mapagpaimbabaw.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Mateo 23.

  • Ang mga eskriba at Fariseo ay nagbabayad ng ikapu, naglilimos sa mahihirap, dumadalo sa mga pagsamba, at palaging nagpupunta sa templo. Ano ang dahilan kung bakit sila isinumpa ng Panginoon? (Tingnan sa Mateo 23:5, 14, 23–28. Ginawa nila ang mga bagay na ito hindi dahil sa pananampalataya, kundi dahil sa pagnanais na makita sila ng ibang mga tao na sila ay matwid.) Anong “lalong mahahalagang bagay” ang sinabi ng Panginoon na hindi nila ginawa? (Tingnan sa Mateo 23:23.) Paano tayo makatitiyak na hindi natin nakakaligtaan ang “lalong mahahalagang bagay” na ito sa ating sariling buhay?

  • Bilang mga miyembro ng Simbahan, paano tayo kung minsan nagiging mga mapagpaimbabaw? (Halimbawa, kapag dumadalo tayo sa mga pulong ng Simbahan ay maaaring mas nais nating makita tayo ng iba sa halip na sambahin ang Diyos. Maaaring nagrereklamo tayo tungkol sa mga iniaatas ng Simbahan kung saan hindi tayo gaanong napapansin sa ating paglilingkod. Maaaring sinasang-ayunan natin ang ating mga pinuno sa Simbahan at pagkatapos ay tinutuligsa ang kanilang mga pasiya.)

  • Ano ang maaari nating gawin upang maiwasan ang pagiging mapagpaimbabaw? Hilingan ang mga miyembro ng klase na tahimik na isaalang-alang ang mga tanong na ito: Nagbabayad ba ako ng ikapu, naglilimos sa mahihirap, dumadalo sa mga pulong, at naglilingkod sa iba para sa aking sariling kaluwalhatian o para sa kaluwalhatian ng Diyos? Sa lahat ng aking mga kilos, hinahangad ko bang maging mas malapit sa aking Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Katapusan

Himukin ang mga miyembro ng klase na suriin ang kanilang buhay kung may bahid ba ito ng pagpapaimbabaw at hangaring alisin ito. Magpatotoo na ang taimtim na paghahangad na maglingkod at sumunod kay Jesucristo, na binigyang-sigla ng pagmamahal at pananampalataya sa kanya, ay mas maglalapit sa atin sa kanya at magdaragdag sa ating pagmamahal at pananampalataya.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay mga karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. Isinumpa ni Jesus ang isang hindi namumungang puno ng igos, isang halimbawa ng pagpapaimbabaw.

Talakayin at basahin ang Mateo 21:17–22. Ipaliwanag na ang isa pang sagisag ng pagpapaimbabaw ay ang puno ng igos na nakita ni Jesus sa pagpunta niya sa Jerusalem.

  • Ano ang ginawa ni Jesus nang matuklasan niyang maraming dahon ang puno ngunit walang bunga? (Tingnan sa Mateo 21:19.) Paanong katulad ng mapagpaimbabaw ang puno ng igos?

    Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage na: “[Ang puno] ang ginawang tampulan ng sumpa at paksa ng mga ibinibigay na tagubilin ng Panginoon, dahil, sa pagkakaroon nito ng mga dahon, ito ay tila makapamumunga. Kung ang puno ay nagtataglay lamang ng kalayaang pumili, masasabi sana nating mapagpaimbabaw ito, ang kawalan nito ng bunga at kasaganaan ng dahon nito ang tila katulad ng pagpapaimbabaw ng tao” (Jesus the Christ, ika-3 edisyon [1916], 527).

2. Pagpapalabas ng video

Ang ikalawang yugto ng “New Testament Customs,” na pinili mula sa New Testament Video Presentations (53914), ang nagpapaliwanag sa paggamit ng mga Judio ng pilakteria at tirintas sa mga laylayan. Kung hindi ninyo ipinalabas ang yugtong ito sa aralin 9, maaari ninyo itong ipalabas ngayon upang matulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan ang Mateo 23:5 (“nangagpapalapad sila ng kanilang mga pilakteria, at nangagpapalapad ng mga laylayan ng kanilang mga kasuotan”). Talakayin kung paano isinasagisag ng mga bagay na ito ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at Fariseo.

3. “Iniibig nila ang kaluwalhatian sa mga tao” (Juan 12:43)

  • Itinala ni Juan na maraming tao na naniniwala kay Jesus ang ayaw aminin ang kanilang paniniwala dahil “iniibig nila ng higit ang kaluwalhatian sa mga tao kay sa kaluwalhatian sa Dios” (Juan 12:42–43). Paano tayo masyadong nababahala kung minsan sa pagtanggap “ng kaluwalhatian sa mga tao”? Ano ang mga kahihinatnan ng paghahangad sa “kaluwalhatian sa mga tao”? Paano natin mapaglalabanan ang paghahangad na hanapin ang papuri at pagkilala ng ibang tao? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:19; 88:67.)