Palakasin ang mga patotoo ng mga miyembro ng klase na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at sa pamamagitan ng pagsunod sa kanya ay magkakaroon tayo ng tunay na kalayaan.
Paghahanda
Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:
Juan 7. Dumalo si Jesus sa Pista ng mga Tabernakulo at nagturo sa templo. Naniniwala ang ilang tao na siya ang Cristo, samantalang iniisip naman ng iba na siya ay isang manlilinlang.
Juan 8:1–11. Isang babae na nahuling nangangalunya ang dinala kay Jesus. Siya ay pinakitaan niya ng habag.
Juan 8:12–36. Ipinahayag ni Jesus na, “Ako ang ilaw ng sanglibutan.” Tinuruan niya ang naniniwalang mga Judio na ang pagsunod sa kanya ang magpapalaya sa kanila sa espirituwal na pagkaalipin.
Mungkahi sa pagtuturo: Laging pagbalik-aralan ang inyong aralin ng mga isang linggo man lamang bago ituro. Kapag binabasa ninyo ang mga piling banal na kasulatan nang maaga, makatatanggap kayo ng mga ideya at impresyon sa buong linggo na makatutulong sa inyo na maituro ang aralin. Habang pinagninilay-nilayan ninyo ang aralin sa buong linggo, manalangin na patnubayan kayo ng Espiritu at manampalataya na pagpapalain kayo ng Panginoon. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit C, Paksa, “Kailan Ihahanda ang Aralin”, 58–60 at Yunit C, Paksa 2, “Pag-uukol ng Panahon Upang Maghanda ng mga Aralin,” 61.)
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo
Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o dalawa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.
1. Tubig na buhay
Sa isa sa mga seremonyang pinangasiwaan noong Pista ng mga Tabernakulo, isang saserdote ang naglagay sa altar ng tubig na mula sa tangke ng Siloe. Ang alay na ito ay ginawa upang humingi ng ulan at tagumpay sa pananim sa susunod na taon. Sa pagtuturo ni Jesus sa templo sa huling araw ng kapistahan ay inanyayahan niya ang mga tao na inumin ang tubig na buhay (Juan 7:37–38).
Sa ano pang ibang pagkakataon binanggit ni Jesus ang tubig na buhay? (Tingnan sa Juan 4:5–15.) Ano ang “tubig na buhay”? Paano natin maiinom ito?
Bakit sinabihan ni Jesus ang hindi naniniwalang mga Judio na hindi sila mga anak ni Abraham? (Tingnan sa Juan 8:39–40. Kahit na sila ay literal na inapo ni Abraham, sila ay hindi gumawa ng mabubuting gawa na tulad ni Abraham.) Bakit sinabi ni Jesus sa kanila na hindi sila mga anak ng Diyos? (Tingnan sa Juan 8:41–44.) Paano natin maipakikita sa ating mga kilos na tayo ay mga anak ng Ama sa Langit?
Bakit nagalit ang mga Judio sa mga puna ng Panginoon tungkol kay Abraham? (Tingnan sa Juan 8:51–53, 56–57. Hindi nila natanto na tinutukoy ni Jesus ang kanyang kakayahang mapagtagumpayan ang espirituwal na kamatayan [talata 51] at gayundin ang kanyang buhay bago ang buhay sa mundong ito [mga talata 56–57].) Ano ang ipinauunawa sa atin ng pangungusap ni Jesus na, “Bago ipinanganak si Abraham, ay ako nga” (Juan 8:58) tungkol sa kanya? (Tingnan sa Exodo 3:13–14. Si Jesus ang Jehova, ang Dakilang “Ako Nga,” ang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob.) Bakit mahalagang malaman na si Jesus ang Jehova bago ang kanyang buhay sa lupa?