Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 5: ‘Ipanganak na Muli’


Aralin 5

“Ipanganak na Muli”

Juan 3–4

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan na upang makatanggap ng buhay na walang katapusan ay kailangan nating “ipanganak na muli” at patuloy na sundan si Jesucristo.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Juan 3:1–22. Itinuro ni Jesus kay Nicodemo na ang lahat ay kailangang maipanganak na muli sa tubig at Espiritu upang makapasok sa kaharian ng Diyos. Itinuro ni Jesus na siya ang Bugtong na Anak ng Diyos, na ipinadala upang iligtas ang sangkatauhan.

    2. Juan 4:1–42. Tinuruan ni Jesus ang isang babaeng taga Samaria na nasa Tabi ng Balon ni Jacob. Maraming Samaritano ang nagbalik-loob.

  2. Karagdagang pagbabasa: ‘Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Buhay na Tubig,’ 32.”

  3. Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, magdala sa klase ng:

    1. Isang halamang maganda ang tubo at nadidiligang mabuti at isang halamang lanta dahil sa kakulangan ng tubig (o magdrowing sa pisara ng isang halamang maganda ang tubo at isang lantang halaman, tulad ng nakapakita sa gawaing pantawag-pansin).

    2. Isang pitsel ng tubig.

  4. Kung makukuha ang sumusunod na mga materyal, gamitin ang ilan sa mga ito sa aralin:

    1. Ang larawan ng Ang Babae sa May Balon (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 217).

    2. “The Woman at the Well,” isang walong minutong yugto mula sa New Testament Video Presentations (53914).

    3. Mapa ng Palestina noong panahon ng Bagong Tipan (mapa 4 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan).

  5. Mungkahi sa pagtuturo: “Ang pangunahing layunin ng pagtuturo sa Simbahan ay tumulong na makapagdulot ng mga kapaki-pakinabang na pagbabago sa buhay ng mga tao. Ang pakay nito ay bigyan ng inspirasyon ang isang tao na mag-isip, makadama, at pagkatapos ay kumilos tungkol sa mga katotohanan at alituntunin ng ebanghelyo” (Rex A. Skidmore, sinipi sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit E, Paksa 6, “Nakahihikayat na Pagtuturo ng Ebanghelyo”, 103–104).

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Ipakita ang halamang may maganda ang tubo at ang nalantang halaman (tingnan sa bahaging “Paghahanda”), o idrowing ang mga ito sa pisara tulad ng nakapakita sa kasunod na pahina. Ipakita rin ang pitsel ng tubig.

Gawaing Pantawag-pansin

  • Ano ang nangyayari sa isang halaman kapag hindi ito tumatanggap ng tubig? Ano ang nangyayari sa atin kapag hindi tayo tumatanggap ng tubig?

Ipaliwanag na kung paanong tayo ay pisikal na mamamatay kapag hindi tayo tumatanggap ng tubig ay gayundin naman na espirituwal tayong mamamatay kapag hindi tayo tumatanggap ng espirituwal na tubig. Isinasaad ng araling ito ang mga aral ni Jesus tungkol sa pagsilang sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu at tungkol sa buhay na tubig na kanyang iniaalay.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, talakayin kung paano naaangkop ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntunin ng banal na kasulatan.

1. Itinuro ni Jesus kay Nicodemo na ang lahat ay kailangang maipanganak na muli sa tubig at Espiritu upang makapasok sa kaharian ng Diyos.

Talakayin ang Juan 3:1–22. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata. Ipaliwanag na si Nicodemo ay isang pinuno sa pamayanang Judio. Nagpunta siya kay Jesus dahil alam niyang si Jesus ay isang “guro na nagbuhat sa Dios” (Juan 3:2).

  • Ano ang itinuro ni Jesus kay Nicodemo na kailangan niyang gawin upang makapasok sa kaharian ng Diyos? (Tingnan sa Juan 3:5.) Ano ang ibig sabihin ng “ipanganak ng tubig”? (Juan 3:5; mabinyagan). Paano naging sagisag ng pagsilang na muli ang pagbibinyag? (Ang paglulubog sa tubig ay sagisag ng kamatayan o paglilibing ng ating mga nakaraang kasalanan; sa pagbangon natin mula sa tubig, tayo ay nagsisimula ng panibagong buhay.) Ano ang ibig sabihin ng “ipanganak ng … Espiritu”? (Juan 3:5; tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo).

  • Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie na “ang mga miyembro ng Simbahan ay hindi ipinapanganak na muli sa pamamagitan lamang ng pagbibinyag” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1966–73], 1:142). Bukod sa pagbibinyag at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, ano pa ang kailangan upang maipanganak na muli? (Tingnan sa Juan 3:16, 18; Mosias 5:1–7; 27:25–26; Alma 5:14–35; 22:15–18. Maaari ninyong naising pamarkahan sa mga miyembro ng klase ang mga parirala sa mga talatang ito na may kaugnayan sa pagkapanganak na muli. Isang halimbawa ng listahan ang nasa ibaba. Ituro na nililinaw ng mga talata mula sa Aklat ni Mormon ang ibig sabihin ng maipanganak na muli.)

    1. Pagsampalataya kay Jesucristo (Juan 3:16, 18).

    2. Pagdanas ng “malaking pagbabago sa … aming mga puso, kaya nga kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2; tingnan din sa Alma 5:12–14, 26).

    3. Pagkakaroon ng “[pagbabago] mula sa [isang] makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan” (Mosias 27:25).

    4. Pagiging “mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae” (Mosias 5:7; 27:25).

    5. Pagiging “mga bagong nilikha” (Mosias 27:26).

    6. Pagtataglay “ng larawan ng Diyos na nakaukit sa [ating] mga mukha” (Alma 5:19; tingnan din sa talata 14).

    7. Pagsisisi nang sa gayon ang ating “kasuotan [ay kailangang] dalisayin hanggang sa ito ay maging malinis sa lahat ng dumi, sa pamamagitan ng dugo niya [ni Cristo]” (Alma 5:21; tingnan din sa Alma 5:19, 33–34; 22:18).

  • Itinuro rin ni Elder Bruce R. McConkie na ang pagkapanganak na muli ay “hindi nangyayari sa isang iglap. [Ito] ay isang proseso” (“Jesus Christ and Him Crucified,” sa 1976 Devotional Speeches of the Year, 399). Ano ang maaari nating gawin upang maipagpatuloy ang prosesong ito sa buong buhay natin? (Tingnan sa 2 Nephi 31:19–20.) Paano natin mapaglalabanan ang kawalan ng pag-asa o mga sagabal sa ating espirituwal na pag-unlad? Anong mga pagbabago ang inyong napansin sa inyong sarili o sa isang tao habang nasa proseso ng pagkapanganak na muli?

  • Anyayahan ang isang miyembro ng klase na basahin nang malakas ang Juan 3:14–18. Paano nauugnay ang mga katotohanang ito tungkol sa misyon ng Tagapagligtas sa kanyang kautusan na tayo ay ipanganak na muli?

  • Ginamit ni Jesus ang mga konsepto ng liwanag at kadiliman upang turuan si Nicodemo (Juan 3:19–21). Bakit pinipili ng ilan ang kadiliman sa halip na liwanag? Paano natin mapananatili ang kakayahang mahalin ang liwanag at itakwil ang kadiliman? Anong mga pangako ang ginawa ng Panginoon sa mga lumalapit sa liwanag? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:24; 88:67.)

2. Tinuruan ni Jesus ang isang babaeng taga Samaria na nasa Tabi ng Balon ni Jacob.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Juan 4:1–42. Ipakita ang mapa ng Palestina. Ipaliwanag na habang naglalakbay si Jesus at ang kanyang mga disipulo mula sa Judea patungong Galilea (maaari ninyong naising ituro ang mga lugar na ito sa mapa), sila ay tumigil upang magpahinga sa tabi ng Balon ni Jacob sa Samaria. Habang nakaupo si Jesus sa tabi ng balon, isang babaeng taga Samaria ang lumapit upang umigib ng tubig.

Ipakita ang larawan ng babaeng nasa tabi ng balon. Kung gagamitin ninyo ang pagpapalabas ng video na “The Woman at the Well,” ipalabas na ninyo ito ngayon.

  • Ang mga Judio ay “hindi nakikipag-usap sa mga Samaritano” (Juan 4:9) at karaniwang iniiwasan ang Samaria kapag naglalakbay sila. Gayunman ay kusang dumaan si Jesus sa Samaria. Ano ang inihahayag nito tungkol sa kanya? Sino ang ilan sa “mga Samaritano” sa daigdig sa ngayon? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng sinumang tao o grupo na itinuturing na nakabababa.) Paano natin sila dapat pakitunguhan?

  • Paano ginawa ng babaeng taga Samaria na mas madali siyang maturuan ni Jesus? (Tingnan sa Juan 4:9, 11–12, 15, 19, 25. Maaaring maibilang sa sagot na siya ay mapagpakumbaba, naghangad siyang madagdagan pa ang kanyang nalalaman, at pinaniwalaan niya ang kanyang mga salita.) Ano ang maaari nating gawin upang mas madali nating matanggap ang mga aral ng Tagapagligtas?

  • Paano nabago ang babaeng taga Samaria habang nakikipag-usap sa kanya si Jesus? Paano nakatulong si Jesus upang maisagawa ang pagbabagong ito? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang tinuruan niya ang babae sa antas na abot ng kanyang pang-unawa, nagpatotoo siya tungkol sa kanyang sarili, mabisa niyang ginamit ang sagisag ng tubig, at nagpakita siya ng habag.) Paano natin masusundan ang kanyang halimbawa habang tinuturuan natin ang iba?

  • Sinabi ni Jesus sa babaeng taga Samaria na siya ay mabibigyan niya ng “tubig na buhay” (Juan 4:10). Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “tubig na buhay”? (Tingnan sa 1 Nephi 11:25; Doktrina at mga Tipan 63:23. Maaaring maibilang sa mga sagot ang mga doktrina ng ebanghelyo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang Pagbabayad-sala.) Paano natin makakamtan ang tubig na buhay? Paano kayo napagpala ng tubig na buhay na ito?

  • Ang babaeng taga Samaria ay nagpunta sa balon para sumalok ng tubig (Juan 4:7). Gayunman, pagkatapos niyang makipag-usap kay Jesus ay iniwan niya ang kanyang pitsel sa tabi ng balon at umalis upang sabihan ang iba tungkol sa karanasang ito (Juan 4:28–29). Ano ang matututuhan natin mula sa kanyang halimbawa?

  • Paano napagpala ang ibang tao dahil sa pananampalataya ng babaeng taga Samaria? (Tingnan sa Juan 4:39–42.) Paano kayo napagpala o paano ninyo nakitang napagpala ang iba sa paniniwala sa Panginoon? Paano maaapektuhan ng ating pananampalataya ang mga nakapaligid sa atin?

Katapusan

Kung ginamit ninyo ang gawaing pantawag-pansin, muli ninyong ipakita ang mga halaman at tubig na nasa pitsel. Ipaliwanag na kung paanong kailangan ng mga halaman ang tubig upang mabuhay, ay gayundin naman na kailangan nating sundin ang Tagapagligtas at ang kanyang mga aral upang maipanganak na muli at magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Magpatotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay ninyo sa aralin. Hamunin ang mga miyembro ng klase na hanapin si Jesucristo, sundan siya, at magpatuloy sa proseso ng pagkapanganak na muli.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. “Hindi ako ang Cristo, kundi … ako’y sinugo sa unahan niya” (Juan 3:28)

  • Sa Juan 3:25–36, ano ang saloobin ni Juan tungkol sa kanyang ginampanang tungkulin at sa pagkilala niya sa tungkuling ginampanan ng Tagapagligtas? Paano ipinakita ng saloobin ni Juan ang pagiging tunay na disipulo? Paano natin maisasagawa ang ganitong saloobin sa ating paglilingkod sa Simbahan?

2. “Ang mga bukid … [ay] mapuputi na upang anihin” (Juan 4:35)

  • Ano ang itinuro ni Jesus sa kanyang mga disipulo tungkol sa gawaing misyonero sa Juan 4:35–38? Ano ang ibig niyang ipakahulugan nang sabihin niyang ang bukid ay maputi na at handa nang anihin? Paano iniugnay ng Tagapagligtas ang sagisag ding ito sa Doktrina at mga Tipan 4:1–4 at 75:3–5? Hilingan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga naging karanasan nila sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba.

3. Pinagaling ni Jesus ang anak ng isang taong mayaman

Basahin at talakayin ang Juan 4:46–54.

  • Ano ang kailangan kay Jesus ng lalaking mayaman? (Tingnan sa Juan 4:46–47.) Ano ang unang isinagot ni Jesus sa kanya? (Tingnan sa Juan 4:48.) Paano tumugon ang lalaking mayaman? (Tingnan sa Juan 4:49.)

  • Ano ang pangalawang sagot ni Jesus sa lalaking mayaman? (Tingnan sa Juan 4:50.) Ano ang naging reaksiyon ng lalaking mayaman? (Tingnan sa Juan 4:50.) Ano ang naging bunga ng pananampalataya ng lalaking mayaman? (Tingnan sa Juan 4:51–54.) Ano ang matututuhan natin mula sa pangyayaring ito tungkol sa kapangyarihan ng pananampalataya?