Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 45: ‘Ang Matagumpay ay Magmamana ng mga Bagay na Ito’


Aralin 45

“Ang Matagumpay ay Magmamana ng mga Bagay na Ito”

Apocalipsis 1–3; 12

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan ang ilan sa mga biyaya na darating sa mga nakagagapi sa mga pagsubok ng buhay na ito sa pamamagitan ng kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Apocalipsis 1:1–3, 9–20. Si Juan ay tinagubilinan na itala ang paghahayag na tinatanggap niya mula sa Panginoon sa pamamagitan ng isang anghel. Nakita ni Juan sa paghahayag ang ilang simbolo na sumasagisag sa mga bahagi ng Simbahan ni Jesucristo.

    2. Apocalipsis 2–3. Sa pamamagitan ni Juan ay itinuro ng Panginoon sa pitong sangay ng Simbahan sa Asia ang tungkol sa dakilang mga pagpapala na naghihintay sa mga nakagagapi sa mga pagsubok at tukso ng buhay na ito.

    3. Apocalipsis 12. Nakita ni Juan ang pangitain tungkol sa Digmaan sa Langit at ang pagpapatuloy nito sa daigdig. Napag-alaman niya na nagagapi ng mga Banal si Satanas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ng kanilang mga patotoo.

  2. Karagdagang pagbabasa: Apocalipsis 21:7; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Paghahayag ni Juan,” 180–181.

  3. Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, maghandang gamitin ang mga paglalarawan sa pahina 00 (191). Maaari ninyong naising gumuhit ng mas malaking paglalarawan ng mga ito sa pisara o sa isang malaking papel upang makita ng mga miyembro ng klase ang mga ito.

  4. Mungkahi sa pagtuturo: Ang mabubuting guro ay mabubuting tagapakinig. Ang pakikinig ay kinapapalooban hindi lamang ng pagdinig kundi maging ng pagsisikap na maunawaan kung ano ang sinasabi. Ang mga guro na nakikinig ay maingat na ipinapakita na nauunawaan nila at pinahahalagahan ang bawat miyembro ng klase. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit H, Paksa 3, “Pakikinig,” 211–214.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Hilingan ang mga miyembro ng klase na mag-isip ng mga simbolo na ginamit ng Panginoon sa kanyang pagtuturo noong kasalukuyan siyang nagmiministeryo sa lupa. (Maaaring kabilang sa mga sagot ang asin, trigo at mapanirang damo, tinapay, at mga punong olibo.)

Gawaing Pantawag-pansin

  • Bakit kapaki-pakinabang sa pagtuturo ang mga simbolo? (Matutulungan ng mga ito ang nag-aaral na maunawaan at matandaan ang aralin sa pamamagitan ng paghahambing ng mga hindi pangkaraniwang ideya o bagay sa mga mas pangkaraniwan; maaaring magkaroon ang mga ito ng iba’t ibang antas ng kahulugan; mahihikayat ng mga ito ang nag-aaral na pag-isipan nang mas mabuti ang itinuturo.)

Ipaliwanag na ang mga simbolo ay ginagamit sa kabuuan ng mga banal na kasulatan, ngunit lalung-lalo na sa aklat ng Apocalipsis. Ipakita ang mga paglalarawan sa pahina 251, at bigyang-diin na ang mga paglalarawang ito ay nagpapakita ng mga simbolo na tinatalakay sa kabanata 1 ng Apocalipsis. Ang bawat isa sa mga simbolong ito ay tatalakayin sa araling ito.

Maaari ninyong naising ipaliwanag na si Apostol Juan, ang may-akda ng aklat ng Apocalipsis, ay nabuhay sa isang kultura na malawakang gumamit ng simbolismo sa lengguwahe at literatura nito. Ang mga mambabasa sa ngayon ay madalas na nahihirapan sa simbolismo sa mga isinulat ni Juan. Kung literal nating bibigyan ng pakahulugan ang mga bagay, ang aklat ng Apocalipsis ay tila magiging kakaiba at nakalilito. Kung tatandaan natin na marami sa bagay ay may simbolo at sumasagisag sa mga tao, bagay, o konsepto na kung saan ay pamilyar na tayo, ang aklat ay nagiging mas madaling maunawaan.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Buong panalanging isaalang-alang kung aling mga talata ng banal na kasulatan at mga tanong mula sa araling ito ang pinakamainam na makatutugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase. Gugulin ang karamihan sa oras ng klase sa pagtalakay ng mga talata at tanong na ito. Tulungan ang mga miyembro ng klase na makita na ang aklat ng Apocalipsis ay angkop at kapaki-pakinabang sa atin sa ngayon.

1. Nakita ni Juan ang ilang simbolo na sumasagisag sa mga bahagi ng Simbahan ni Jesucristo.

Basahin at talakayin ang Apocalipsis 1:1–3, 9–20.

Kasama ang klase ay pagbalik-aralan ang sumusunod na pangkalahatang impormasyon tungkol sa aklat ng Apocalipsis.

Si Juan ay isa sa mga orihinal na apostol ng Tagapagligtas. Itinapon siya ng pamahalaang Romano sa Patmos, isang maliit na isla sa kanlurang bahagi ng Turkey sa ngayon, dahil sa pagpapatotoo kay Jesucristo. Samantalang naroon ay dinalaw si Juan ng isang anghel at binigyan ng paghahayag na itinala niya sa kanyang mga liham sa pitong sangay ng Simbahan sa Asia (Apocalipsis 1:1, 9–11). Ang mga liham na ito ang naging aklat ng Apocalipsis.

Ang aklat ng Apocalipsis ay unang isinulat sa masimbulong lengguwahe. Ang paksa nito ay “magkakaroon ng tagumpay sa bandang huli sa mundong ito ng Diyos laban sa diyablo; isang permanenteng tagumpay ng mabuti sa masama, ng mga banal laban sa mga umusig sa kanila, ng kaharian ng Diyos laban sa mga kaharian ng mga tao at ni Satanas… . Ang mga detalye tungkol sa mga halimaw, ang mga digmaan, ang mga anghel, ang mga tao, atbp., ay tumutulong sa ikauunlad ng paksang ito. Sa pamamagitan ng kaunting pag-aaral, ang paksa ay mauunawan kahit na hindi lubusang natukoy ang mga detalye” (Bible Dictionary, “Revelation of John,” 762).

Nakatala sa tatlong pambungad na kabanata ng aklat ang patotoo ni Juan tungkol sa katotohanan ng paghahayag, ang mga tagubilin ni Juan mula sa Panginoon, at ang payo ni Juan sa pitong sangay ng Simbahan sa Asia. Nakatala sa kabanata 4 ang pangitain ni Juan tungkol sa langit, at sa kabanata 5 hanggang 20 ay nakatala ang kanyang pangitain tungkol sa matagumpay na patutunguhan ng kaharian ng Diyos. Ipinakikita ng pangitaing ito ang mga pakikipagdigmaan laban sa kaharian ni Satanas, ang pagkawasak ng kaharian ni Satanas, at ang mga huling tagpo sa kasaysayan ng daigdig. Pagkatapos nito ay ang pangitain tungkol sa bagong kalangitan at bagong mundo—ang daigdig sa selestiyal na kalagayan nito (Apocalipsis 21:1–5). Ang aklat ng Apocalipsis ay nagtatapos sa patotoo ng anghel at karagdagang payo mula sa Panginoon.

  • Ano ang unang anyo, o simbolo, na nakita ni Juan sa paghahayag na ito? (Tingnan sa Apocalipsis 1:12.) Ano ang isinagisag ng mga kandelero? (Tingnan sa Apocalipsis 1:20.) Bakit angkop na simbolo para sa mga sangay ng Simbahan ang mga kandelero? (Tingnan sa 3 Nephi 18:24 at ang siping-banggit sa ibaba.) Paano maaaring maging katulad ng mga kandelero ang mga purok at sangay sa ngayon?

    Sinabi ni Elder Bruce R. McConkie na: “Ang mga kandelero ay naghahatid ng liwanag; hindi sila ang may likha nito. Ang gamit ng mga ito ay magbigay tanglaw, hindi para lumikha ng liwanag. Kung kaya sa paggamit ng pitong kandelero upang katawanin ang pitong simbahan na bibigyan ngayon ni Juan ng payo, ay ipinapakita ng Panginoon na ang kanyang mga kongregasyon sa mundo ay nararapat na dalhin ang kanyang liwanag sa mundo” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1966–73], 3:442).

  • Saan naroon ang Tagapagligtas kung iuugnay sa pitong kandelero? (Tingnan sa Apocalipsis 1:13.) Paano nasa gitna ng kanyang Simbahan sa ngayon ang Tagapagligtas? Bakit mahalaga para sa atin ang malaman na siya ay nasa gitna ng kanyang mga tao?

  • Ano ang hawak ng Tagapagligtas sa kanyang kanang kamay nang tumayo siya sa gitna ng pitong kandelero? (Tingnan sa Apocalipsis 1:16.) Ano ang isinasagisag ng pitong bituin? (Tingnan sa Apocalipsis 1:20, tingnan din sa Apocalipsis 2:1, at Apocalipsis 3:1. Sa kabuuan ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng Apocalipsis 1–3, ang salitang mga anghel ay pinalitan ng salitang mga tagapaglingkod, nililinaw na ang mga bituin ay sumasagisag sa mga pinuno ng pitong sangay ng Simbahan.) Paanong tulad ng mga bituin ang mga pinuno ng Simbahan? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang hindi nagbabago ang mga ito at nagbibigay direksiyon sa mga tumitingin dito.)

  • Ano ang lumabas sa bibig ng Tagapagligtas sa pangitaing ito? (Tingnan sa Apocalipsis 1:16.) Ano ang isinagisag ng tabak na ito? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:2.) Sa paano mga paraan tulad ng isang tabak ang salita ng Panginoon? (Tingnan sa Mga Hebreo 4:12; Helaman 3:29.)

  • Anong iba pang simbolo ang tinaglay ng Panginoon sa paghahayag na ito? (Tingnan sa Apocalipsis 1:18.) Ano ang gagawin ng Tagapagligtas sa mga susing ito? (Ililigtas niya ang lahat ng tao mula sa pisikal na kamatayan, at ililigtas niya ang mabubuti mula sa espirituwal na kamatayan. Tingnan sa 2 Nephi 9:10–13.)

2. Sinabi ng Panginoon sa pitong sangay sa Asia ang tungkol sa mga biyayang ipinangako sa mga nagtatagumpay.

Talakayin ang Apocalipsis 2–3. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata. Ipaliwanag na ang mga kabanata 2 at 3 ay naglalaman ng mga salita ng Panginoon sa bawat isa sa pitong sangay ng Simbahan sa Asia. Binalikan ng Panginoon ang ilan sa mga kalakasan at kahinaan ng bawat sangay at binalaan ang mga Banal na itama ang kanilang mga kahinaan.

  • Kung paano pinuri at itinama ng Panginoon ang mga miyembro ng Simbahan sa Asia ay gayon din naman na pinupuri at itinatama niya tayo sa ngayon. Sa anong bagay tayo maaaring papurihan ng Panginoon? Ano ang sinabi ng Panginoon sa atin na itama?

Ipaliwanag na sa kanyang mga tagubilin sa mga sangay ng Simbahan sa Asia ay ipinangako din ng Panginoon ang dakilang mga pagpapala sa mga makagagapi sa mga pagsubok at tukso ng buhay na ito. Isulat sa pisara ang Mga Pangako sa mga Nagtatagumpay. Habang tinatalakay ninyo ang bawat pangako, isulat ito sa pisara sa ilalim ng pamagat na ito.

Sa Efeso (Apocalipsis 2:1–7)

  • Binalaan ng Panginoon ang mga taga Efeso na kailangan nilang magsisi, ngunit ipinangako din niya na, “Ang magtagumpay, ay siya kong pakakanin ng punong kahoy ng buhay.” Ano ang isinasagisag ng punong kahoy ng buhay? (Tingnan sa 1 Nephi 11:21–22.) Bakit ito ang pinakakanais-nais sa lahat ng biyaya?

Sa Smirna (Apocalipsis 2:8–11)

  • Binalaan ng Panginoon ang mga Banal sa Smirna na daranas sila ng kahirapan, ngunit ipinangako din niya na, “Ang magtagumpay ay hindi parurusahan ng ikalawang kamatayan.” Ano ang ikawalang kamatayan? (Tingnan sa Alma 12:16, 32; Helaman 14:18.) Paano makatutulong sa ating an pangako ng Panginoon sa mga Banal sa Smirna upang makita ang ating mga paghihirap sa tamang pananaw?

Sa Pergamo (Apocalipsis 2:12–17)

  • Binatikos ng Panginoon ang ilan sa mga tao sa Pergamo sa pagsunod sa doktrina ni Balaam, isang propeta sa Lumang Tipan na mas naghangad ng mga papuri at gantimpala ng daigdig sa halip na hangarin niyang sundin ang kalooban ng Panginoon. Anong mga papuri at gantimpala ng daigdig ang maaaring kailanganin nating talikuran upang masunod ang kalooban ng Panginoon?

  • Sa mga Banal sa Pergamo ay ipinangako ng Panginoon na, “Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng manang natatago.” (Ang ibig sabihin ng salitang natatago sa kontekstong ito ay sagrado, o hindi nakikita ng sinuman.) Ano kaya ang isinasagisag ng natatagong mana? (Tingnan sa Juan 6:35, 49–51.)

Sa Tiatira (Apocalipsis 2:18–29)

  • Sa kanyang mga salita sa mga Banal sa Tiatira, ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga nagtatagumpay? (Tingnan sa Apocalipsis 2:26–28. Ipaliwanag na ang mga pangakong ito ay tumutukoy sa mga pagpapala ng kadakilaan at buhay na walang hanggan, kapag pamumunuan na ng mga matwid ang mga makalangit na kaharian.) Ano ang gabay na bakal na gagamitin ng mga matwid sa pamumuno sa mga bansa? (Tingnan sa 1 Nephi 11:25; Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 2:27.) Paano natin magagamit ang salita ng Diyos upang mapamunuan ang ating sariling buhay?

  • Sino ang tala sa umaga na binanggit sa Apocalipsis 2:28? (Tingnan sa Apocalipsis 22:16.) Ano ang maaaring ibig sabihin ng mabigyan ng tala sa umaga? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang tanggapin si Cristo sa ating buhay at tanggapin ang mga pagpapala ng kanyang Pagbabayad-sala.)

Sa Sardis (Apocalipsis 3:1–6)

  • Anong mga biyaya ang ipinangako ng Panginoon sa mga Banal sa Sardis? (Tingnan sa Apocalipsis 3:5.) Paano tayo inihahanda ng pakikilahok sa mga ordenansa sa templo upang “madamitan ng mapuputing damit” sa walang hanggan? Ano ang aklat ng buhay? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:7; tingnan din sa Exodo 32:33; Alma 5:58; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Aklat ng Buhay,” 4.) Ano ang mangyayari sa mga taong ang pangalan ay nakasulat sa aklat at hindi binura dahil sa kasamaan? (Tingnan sa Apocalipsis 21:10, 23–27; Alma 5:58; Doktrina at mga Tipan 88:2.)

Sa Filadelfia (Apocalipsis 3:7–13)

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na gagawin niya para sa mga Banal sa Filadelfia dahil sa kanilang “tinupad … ang [kanyang] salita, at … hindi … ikinaila ang [kanyang] pangalan”? (Tingnan sa Apocalipsis 3:10.) Bakit mas madaling mapaglabanan ang tukso kapag matwid ang pamumuhay?

  • Ipinangako ng Panginoon sa mga nagtatagumpay na, “Isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Dios, at ang pangalan ng bayan ng aking Dios.” Ano ang ibig sabihin ng maisulat sa atin ang pangalan ng Diyos at ang pangalan ng kanyang lungsod? (Magiging katulad tayo ng Diyos at mga nagiging mga mamamayan ng kanyang walang hanggang kaharian.)

Sa Laodicea (Apocalipsis 3:14–22)

  • Isinumpa ng Panginoon ang mga Banal sa Laodicea na “[malahininga at] hindi malamig o mainit man” (Apocalipsis 3:15–16). Paano tayo kung minsan “malahininga” sa espirituwal? Paano natin madaragdagan ang ating taos na pangako sa ebanghelyo ni Jesucristo?

  • Ipinangako ng Panginoon sa mga taga Laodicea na, “Ang magtatagumpay, ay aking pagkakaloobang umupong kasama ko sa aking luklukan, gaya ko naman na nagtagumpay, at umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang luklukan” (Apocalipsis 3:21). Anong mga pagpapala ang isinasagisag ng pangakong mauupo kasama ng Panginoon sa kanyang luklukan? (Tingnan sa Mga Taga Roma 8:16–17.)

Sumangguni sa talaan ng mga pangako sa pisara, at ipaliwanag na kapag ang lahat ng pangakong ito ay magkakasamang isinasaalang-alang, ay inilalarawan ng mga ito ang walang hanggang patutunguhan ng mga mabubuti. Ipabasa sa mga miyembro ng klase ang Doktrina at mga Tipan 132:20 bilang buod ng mga pangakong ito.

3. Nalaman ni Juan na napagtagumpayan ng mga Banal si Satanas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ng kanilang mga patotoo.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Apocalipsis 12. Ipaliwanag na bilang bahagi ng kanyang paghahayag ay nakita ni Juan ang isang masimbulong pangitain tungkol sa Digmaan sa Langit at ang pagpapatuloy nito sa mundo.

Ipaliwanag na ang babaing inilalarawan sa Apocalipsis 12:1–2, 5 ay sumasagisag sa Simbahan ng Diyos. Ang batang kanyang isinilang ay sumasagisag sa kaharian ng Diyos—ang pamahalaan na iiral sa mundo sa panahon ng pamumuno ni Jesucristo sa milenyo. (Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:7.)

  • Sino ang isinasagisag ng dragon sa Apocalipsis 12? (Tingnan sa Apocalipsis 12:9.) Ano ang nangyari sa dragon at sa kanyang mga tagasunod sa Digmaan sa Langit? (Tingnan sa Apocalipsis 12:3–4, 7–9.) Ano ang ginawa ng dragon matapos siyang itaboy? (Tingnan sa Apocalipsis 12:17.) Sino ang kinakalaban ni Satanas sa ngayon? (Tingnan sa Apocalipsis 12:12.)

    Sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff na: “May dalawang kapangyarihan sa ibabaw ng mundo at sa kalipunan ng mga naninirahan sa mundo—ang kapangyarihan ng Diyos at ang kapangyarihan ng diyablo… . Noong magkaroon ang Diyos ng mga tao sa mundo, sa kahit na alin pang kapanahunan, si Lucifer, ang anak ng umaga, at ang milyun-milyon na mga nahulog na espiritu na itinaboy mula sa langit, ay nakipagdigmaan sa Diyos, laban kay Cristo, laban sa gawain ng Diyos, at laban sa mga tao ng Diyos. At hindi sila atubili sa paggawa nito sa ating panahon at salinlahi. Sa tuwing ilaladlad ng Panginoon ang Kanyang kamay upang isagawa ang anumang gawain, ang mga kapangyarihang iyon ay kumikilos upang ibagsak ito” (sa Deseret Evening News, ika-17 ng Okt. 1896, 9; sinipi ni Gordon B. Hinckley, sa Conference Report, Okt. 1986, 56; o Ensign, Nob. 1986, 43).

  • Paano mapagtatagumpayan ng Simbahan at ng kaharian ng Diyos si Satanas sa bandang huli? (Tingnan sa Apocalipsis 12:11.) Paano makatutulong sa atin ang Pagbabayad-sala ni Cristo at ang ating mga patotoo sa ating kani-kanyang pakikipagtunggali laban kay Satanas?

Katapusan

Magpatotoo na ang mga nagtatagumpay laban sa mga tukso at pagsubok ng daigdig ay magmamana ng mga biyaya ng buhay na walang hanggan. Paalalahanan ang mga miyembro ng klase na ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay nagbibigay-daan upang magtagumpay tayo kung magsisisi tayo at magiging matapat.

Karagdagang Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

“Narito, ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok” (Apocalipsis 3:20)

Ipakita ang larawang Si Jesus na Nasa Pintuan (62170 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 237).