Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 44: ‘Ang Dios ay Pag-ibig’


Aralin 44

“Ang Dios ay Pag-ibig”

I Juan, II Juan, at III Juan

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan kung paano ipinapakita ng Ama at ng Anak ang kanilang pagmamahal sa atin at kung paano natin dapat ipakita ang ating pagmamahal sa kanila.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang mga sumusunod na banal na kasulatan:

    1. I Ni Juan 2:28–29; 3:1–2; 4:7–19; 5:1, 11–15. Itinuro ni Juan na ipinapakita ng Ama sa Langit ang kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng paglalaan ng paraan upang tayo ay maging katulad niya at magmana ng buhay na walang hanggan.

    2. I Ni Juan 1:7–9; 2:1–2; 3:5–8, 16; 5:11–13. Itinuro ni Juan na ipinakita ni Jesus ang kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng kanyang pagbabayad-salang sakripisyo, na nagpapahintulot sa atin na maging katulad tayo ng ating Ama sa Langit.

    3. 1 Juan 2:3–17; 3:9–24; 4:4–21; 5:1–10; II Ni Juan; III Ni Juan. Itinuro ni Juan na ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng ating pagkamasunurin at ating pagmamahal sa bawat isa.

  2. Karagdagang pagbabasa: Moroni 7:48; Doktrina at mga Tipan 45:3–5.

  3. Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, magdala ng isang larawan ng pamilya o isa sa sumusunod na mga larawan: A Family Working Together (62313); Family Fun (62384); o Family Togetherness (Gospel Art Picture Kit 616).

  4. Mungkahi sa pagtuturo: “Ang pagmamahal, pagmamalasakit, katapatan sa tungkulin, hindi pagiging makasarili, pag-aaral ng banal na kasulatan, at panalangin ang nagbibigay ng espirituwal na pundasyon sa inyong pagtuturo. Ang pagsasama-sama ng mga elementong ito sa paghahanda ninyo ng mga aralin ay tutulong sa inyo upang malikha ang mga aralin nang espirituwal sa inyong puso at isipan bago ninyo ituro ang mga ito sa mga miyembro ng inyong klase” (Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Paunang Salita, talata 6, (iii).

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Ipakita ang larawan ng isang pamilya.

Gawaing Pantawag-pansin

  • Ano ang ilan sa mga paraan ng pagpapakita ng mga magulang ng kanilang pagmamahal sa kanilang mga anak? Paano ipinapakita ng mga anak ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga magulang at kapatid?

  • Sa anong paraan tayong lahat ay miyembro ng iisang pamilya?

Paalalahanan ang mga miyembro ng klase na bilang karagdagan sa pagiging kabilang sa isang pamilya sa lupa, ang bawat isa sa atin ay espiritung anak na lalaki o babae ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin at nagnanais na pagpalain tayo. Sa kanyang mga liham ay paulit-ulit na binigyang-diin ni Juan kung paano ipinapakita ng Ama at ng Anak ang kanilang pagmamahal sa atin at kung paano natin maipapakita ang ating pagmamahal para sa kanila.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, talakayin kung paano naaangkop ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay. Himukin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntunin ng banal na kasulatan.

1. Mga pagpapahiwatig ng pamamahal ng Ama sa Langit para sa atin

Talakayin ang mga talatang nakalista sa ibaba. Maaari ninyong naising ibuod sa pisara ang talakayan sa pamamagitan ng pagsusulat dito ng mga pagpapakita ng pag-ibig ng Diyos.

  • Kung gagamit kayo ng isang salita upang ilarawan ang Ama sa Langit, ano kaya ang salitang ito? Anong salita ang ginamit ni Juan upang ilarawan ang Ama sa Langit sa I Ni Juan 4:8, 16? Bakit angkop ang salitang ito?

  • Basahin ang 1 Juan 3:1–2. Anong pagpapahiwatig ng pag-ibig ng Diyos ang binanggit ni Juan sa mga talatang ito? (Tatawagin tayo ng Diyos na kanyang mga anak [na lalaki] at gagawin tayong tulad ni Cristo—niluwalhati, dinakila, at kasamang tagapagmana [ni Cristo]; tingnan din sa Mga Taga Roma 8:14–17.) Ano ang kailangan nating gawin upang matawag na mga anak [na lalaki] ng Diyos? (Tingnan sa I Ni Juan 2:28–29; 4:7; 5:1; Mga Taga Galacia 3:26–27; Mosias 5:5–9; Moroni 7:48. Ipaliwanag na samantalang tayong lahat ay mga espiritung anak ng Diyos, ang gamit ng salitang “mga anak [na lalaki] ng Diyos” sa I Ni Juan 3:1–2 ay tumutukoy sa mga nagtataglay ng pangalan ni Cristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag at gumagalang sa kanyang pangalan sa pamamagitan ng pananampalataya at kabutihan.)

  • Basahin ang I Ni Juan 4:9–10. Anong pagpapahiwatig ng pag-ibig ng Diyos ang binanggit ni Juan sa mga talatang ito? (Tingnan din sa Juan 3:16; I Ni Juan 5:11; II Nephi 9:10. Ipaliwanag na ang salitang pangpalubagloob sa I Ni Juan 4:10 ay tumutukoy sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.) Paano pagpapahiwatig ng pag-ibig sa atin ng Ama sa Langit ang pagsusugo ng kanyang Anak upang tubusin ang ating mga kasalanan?

  • Basahin ang I Ni Juan 4:13. Anong mga pagpapahiwatig ng pag-ibig ng Diyos ang binanggit ni Juan sa talatang ito? Paano naging mahalagang kaloob ang Espiritu sa inyong buhay?

  • Itinuro ni Juan na sasagutin ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin kung hihiling tayo ayon sa Kanyang kalooban (I Ni Juan 5:14–15). Paano nakatulong ang panalangin upang madama ninyo ng pag-ibig ng Ama sa Langit? Bakit mahalaga ang panalangin upang maging katulad tayo ng ating Ama sa Langit?

  • Itinuro ni Juan na “tayo’y nagsisiibig [sa Diyos], sapagka’t siya’y unang umibig sa atin” (I Ni Juan 4:19). Ano ang ilan sa mga paraan kung paano ipinakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa inyo? Ano ang nadarama ninyo kapag isinasaalang-alang ninyo ang mga paraan ng Diyos sa pagpapahiwatig ng kanyang pagmamahal sa inyo?

    Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson na: “Ang plano ng ating Ama sa Langit ay naglalaman ng sukdulang mga pagpapakita ng tunay na pagmamahal. Ang lahat ng ating pinakamamahal—maging ang ating mga pamilya, ating mga kaibigan, ating kasiyahan, ating kaalaman, ating mga patotoo—ay maglalaho kung hindi dahil sa ating Ama at sa Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo… . Ang mundo ay hindi kailanman nakasaksi ng mas dakilang kaloob, ni nakakilala kailanman ng higit na wagas na pagmamahal” (sa Conference Report, Abr. 1993, 77; o Ensign, Mayo 1993, 62–63).

2. Mga pagpapahiwatig ng pag-ibig ng Tagapagligtas sa atin

Talakayin ang mga talatang nakasulat sa ibaba.

  • Basahin ang I Ni Juan 3:16. Anong pagpapahiwatig ng pag-ibig ng Tagapagligtas ang binanggit ni Juan sa mga talatang ito? Anong mga biyaya ang matatanggap natin dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas? (Tingnan sa I Ni Juan 1:7–9; 5:11–13; II Nephi 9:11–13; Alma 11:40–44. Maaari ninyong naising isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase habang tinatalakay ninyo ang mga talatang ito.)

  • Basahin ang I Ni Juan 2:1–2. Anong pagpapahiwatig ng pag-ibig ng Tagapagligtas ang binanggit ni Juan sa mga talatang ito? Ano ang isang tagapamagitan? (Isang taong nagsusumamo para sa kapakanan ng isa pang tao.) Ano ang ginagawa ni Jesus, bilang ating tagapamagitan, para sa atin? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:3–5.)

  • Itinuro ni Juan na ang Anak ng Diyos ay dumating upang sirain ang mga gawain ng diyablo (I Ni Juan 3:8). Paano sinisira ng buhay at mga turo ng Tagapagligtas ang mga gawain ng diyablo?

3. Pagpapakita ng ating pagmamahal sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa iba

Talakayin ang mga talatang nakalista sa ibaba. Maaari ninyong naising ibuod ang talakayan sa pisara sa pamamagitan ng paglilista ng mga paraan kung paano natin maipakikita ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  • Basahin ang I Ni Juan 2:3–6. Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kung paano maipapakita ang ating pagmamahal sa Diyos? (Tingnan din sa Juan 14:15; I Ni Juan 3:24; 5:3; II Ni Juan 1:6.) Paano ipinapakita ng pagkamasunurin ang ating pagmamahal sa Diyos?

  • Basahin ang II Ni Juan 1:4 at III Ni Juan 1:4. Paano makapagdudulot ng kagalakan sa ating Ama sa Langit ang ating katapatan?

  • Basahin ang I Ni Juan 2:15–17. Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kung paano natin maipapakita ang ating pagmamahal sa Diyos? Paano tayo kung minsan nagpapakita ng pagmamahal sa daigdig sa halip na pagmamahal sa Diyos? Paano tayo naaapektuhan kapag nagpapakita tayo ng pagmamahal sa daigdig? Paano natin mapaglalabanan ang pagmamahal sa mga makamundong bagay?

  • Basahin ang I Ni Juan 4:7–8, 11. Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kung paano natin maipapakita ang ating pagmamahal sa Diyos? (Tingnan din sa I Ni Juan 3:11, 23; 4:21.) Paano inilarawan ni Juan ang mga taong nagsasabing mahal nila ang Diyos subalit hindi “nagmamahalan sa isa’t isa”? (Tingnan sa I Ni Juan 2:9, 11; 3:14–15, 17; 4:20.) Bakit sukatan ng ating pagmamahal sa Diyos ang ating pagmamahal sa ibang tao? Paano natin madarama at maipadarama ang higit na pagmamahal para sa isa’t isa? Paano kayo napagpala ng pagmamahal ng ibang tao sa inyo?

Kung ginamit ninyo ang gawaing pantawag-pansin, ipakita muli ang larawan ng pamilya at itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang mga biyaya ng pamumuhay sa isang pamilya na kung saan ang mga miyembro nito ay nagmamahalan at minamahal nila ang Diyos? Paano natin matutulungan ang iba na matamasa ang gayunding mga pagpapala bilang bahagi ng pamilya ng Diyos?

Katapusan

Magpatotoo tungkol sa dakilang pagmamahal sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Himukin ang mga miyembro ng klase na alalahanin ang mga turo ni Juan habang nagsisikap silang ipakita ang kanilang pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa iba pang mga tao.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. “Nagsisilakad sa liwanag” (I Ni Juan 1:7)

Basahin ang I Ni Juan 1:6–7.

  • Ano ang ibig sabihin ng “nagsisilakad sa kadiliman”? Ano ang ibig sabihin ng “nagsisilakad sa liwanag”? (Bilang bahagi ng inyong talakayan sa mga tanong na ito, maaari ninyong naising ipaawit sa mga miyembro ng klase ang “Turuang Lumakad sa Liwanag.” Tingnan sa Mga Himno o Aklat ng mga Awit Pambata.)

2. Nagbabala si Juan laban sa espiritu ng anti-Cristo

  • Sa kanyang mga liham ay paulit-ulit na binalaan ni Juan ang mga Banal na iwasan ang mga anti-Cristo. Ano ang sinabi ni Juan na pinagsisikapang gawin ng mga anti-Cristo? (Tingnan sa I Ni Juan 2:22–23; 4:1–3; II Ni Juan 1:7). Bakit sa palagay ninyo sinisikap ng kalaban na sirain ang ating mga patotoo tungkol sa Tagapagligtas? Ano ang maaari nating gawin upang mapanatiling malakas ang ating mga patotoo?

    Itinuro ni Elder M. Russell Ballard na: “Ang indibiduwal at personal na patotoo tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo, lalo na tungkol sa banal na buhay at misyon ng Panginoong Jesucristo, ay mahalaga sa ating buhay na walang hanggan… . Ang buhay na walang hanggan ay nakasalalay sa ating sariling indibiduwal at personal na kaalaman tungkol sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Banal na Anak. Ang pagkakaroon lamang ng kaalaman tungkol sa kanila ay hindi sapat. Kailangan tayong magkaroon ng personal at espirituwal na mga karanasan upang maging matatag tayo sa ating patotoo. Ang mga ito ay matatamo sa pamamagitan ng paghahanap sa mga ito nang buong sigasig na tulad ng paghahanap ng pagkain ng isang taong nagugutom” (sa Conference Report, Abr. 1996, 111; o Ensign, Mayo 1996, 80).

3. “Sinoman ay hindi nakakita kailan man sa Dios” (I Ni Juan 4:12)

Kung ang iniisip ng mga miyembro ng klase na ang ibig sabihin ng I Ni Juan 4:12 ay hindi maaaring makita ng tao ang Diyos, pasangguniin sila sa katugmang talata sa Pagsasalin ni Joseph Smith, na mababasa nang ganito, “Walang sinumang tao ang nakakita sa Diyos kailanman, maliban sa kanila na naniniwala” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, I Ni Juan 4:12. Bigyang-diin na maraming propeta ang nakakita sa Diyos. Tingnan sa Exodo 33:9–11; Juan 6:46; Ang Mga Gawa 7:55–56; Doktrina at mga Tipan 67:10–12; Moises 1:1–2; Abraham 3:11; Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17.

4. Talakayan ng mga kabataan

Sundan ang gawaing pantawag-pansin sa pamamagitan ng higit na madetalyeng talakayan tungkol sa kung paano makapagpapakita ang kabataan ng higit na pagmamahal sa kanilang mga magulang. Himukin ang mga miyembro ng klase na sundan ang kanilang mga ideya, at hilingin sa kanilang maghandang ibahagi ang kanilang mga karanasan sa susunod na linggo.

5. Mga himno tungkol sa pagmamahal

Pumili ng isang himno tungkol sa pagmamahal. Makipag-ayos upang awitin ng maliit na grupo ng mga miyembro ng klase ang himno, o ipaawit sa buong klase ang himno, basahin ang mga salita nito, o patugtugin ito.