Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 33: ‘Kayo’y Templo ng Dios’


Aralin 33

“Kayo’y Templo ng Dios”

I Mga Taga Corinto 1–6

Layunin

Bigyang-inspirasyon ang mga miyembro ng klase na hangarin ang mga biyaya na nagmumula sa pakikiisa kay Cristo, pagsunod sa Espiritu, at pagiging malinis sa pagkatao.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. I Mga Taga Corinto 1:10–13; 3:1–11. Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na iwasan ang pagtatalu-talo at maging iisa sa kaisipan at paghatol.

    2. I Mga Taga Corinto 1:17–31; 2:1–16. Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na umasa sa Espiritu sa halip na magtiwala sa karunungan at mga pilosopiya ng daigdig.

    3. I Mga Taga Corinto 3:16–17; 5; 6:9–20. Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na maging malinis sa pagkatao.

  2. Karagdagang pagbabasa: I Mga Taga Corinto 7–10; ‘Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga: 1 at 2 Mga Taga-Corinto, Mga Taga-Galacia, Mga Taga-Roma.’ ”

  3. Mungkahi sa pagtuturo: Ipinayo ni Elder Boyd K. Packer na: “Mahalaga sa isang guro na maunawaan na ang mga tao ay likas na mabuti. Mahalagang malaman na mas malamang na gagawin nila ang tama. Ang gayong dakilang kaisipan ay nagdudulot ng pananampalataya. Malaki ang pagkakaiba ng pagtayo natin sa harapan ng ating sariling mga anak at ng pagtayo sa harapan ng isang klase ng mga kabataan upang turuan sila” (Teach Ye Diligently, [1975], 73).

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Gumuhit ng isang daan sa pisara, at gumuhit ng isang kotse o isa pang sasakyan sa daan. Pagkatapos ay ibahagi ang sumusunod na karanasan na isinalaysay ni Elder Joseph B. Wirthlin:

“Samantalang naglalakbay sa isang bulubunduking daan isang gabi na nagkataong may malakas na bagyo na may taglay na madalas na pagkulog at matatalim na pagkidlat, ay halos hindi namin maaninag ng aking asawa [Kapatid na Wirthlin] ang daan, maging sa unahan namin o sa kanan at sa kaliwa. Pinagmasdan kong mabuti ang mga puting guhit sa daan. Ang pananatili sa mga guhit ang dahilan kung bakit hindi kami napunta sa gilid ng daan at mapunta sa matarik na bangin sa kabilang panig at nakatulong ito upang maiwasan ang mabangga sa mga parating na sasakyan. Ang paglagpas sa magkabilang linya ay magiging lubhang mapanganib. Pagkatapos ay naisip kong, ‘Gugustuhin ba ng isang taong matino ang pag-iisip na lumisya sa kaliwa o sa kanan ng linya ng trapiko kung nalalaman niyang masama ang ibubunga nito? Kung pinahahalagahan niya ang kanyang buhay sa mundo, tiyak na mananatili siya sa pagitan ng mga linyang ito.’

“Ang karanasang iyon ng paglalakbay sa daan sa bundok ay tulad din ng buhay. Kung mananatili tayo sa pagitan ng mga linya na minarkahan ng Diyos, tayo ay pangangalagaan niya, at makararating tayo nang ligtas sa ating patutunguhan” (sa Conference Report, Okt. 1990, 80; o Ensign, Nob. 1990, 64).

Ipaliwanag na noong panahon na isulat ni Pablo ang kanyang unang sulat sa mga Banal sa Corinto, ang ilan sa kanila ay nagsimula nang lumampas sa mga guhit ng ebanghelyo. Tatalakayin sa araling ito ang mga panghihikayat ni Pablo na pagsisihan ng mga Banal ang tatlong paglihis sa daan na sinimulan nilang gawin. Gumuhit ng tatlong linya sa pisara na nagpapakita na ang sasakyan ay lumilihis sa daan. Sa dulo ng unang linya ay isulat ang Pagtatalu-talo at hindi pagkakaisa. Sa dulo ng ikalawang linya ay isulat ang Pagtitiwala sa karunungan ng daigdig. At sa dulo ng ikatlong linya ay isulat ang Imoralidad.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, talakayin kung paano naaangkop sa ating panahon ang payo ni Pablo at kung paano natin maisasagawa ang kanyang turo sa ating sariling buhay.

1. Iwasan ang pagtatalu-talo at magkaisa.

Basahin at talakayin ang I Mga Taga Corinto 1:10–13; 3:1–11.

  • Anong problema ang tinukoy ni Pablo sa I Mga Taga Corinto 1:10–13? Ano ang ibig sabihin ng ang ilan sa mga Banal ay nagsabing sila ay “kay Pablo,” ang ilan ay “kay Apolos,” ang ilan ay “kay Cefas,” at ang ilan ay “kay Cristo”? (Sa halip na magkaisa bilang mga tagasunod ni Jesucristo, ang ilan sa mga Banal ay nagkahati-hati sa mga grupo sa loob ng Simbahan.) Paano natin kung minsan nagagawa ang ganitong pagkakamali? Ano ang mga bunga ng ganitong uri ng mga pagkakahati-hati? Paano naaapektuhan ng pagkakahatihati at pagtatalu-talo ang ating pagkakapatiran bilang mga disipulo ni Cristo? (Tingnan sa Mosias 18:21–22; 3 Nephi 11:29–30; Doktrina at mga Tipan 38:27.)

  • Ano ang ipinayo ni Pablo na dapat gawin ng mga Banal upang higit na magkaisa? (Tingnan sa Mga Taga Corinto 1:10. Habang binabasa ng isang miyembro ng klase ang talatang ito, isulat sa pisara ang bawat bahagi ng payo ni Pablo tulad ng nakapakita sa ibaba.) Paano natin maisasagawa ang payong ito sa tahanan at sa Simbahan?

    1. “Mangagsalita ng isa lamang bagay.”

    2. “Huwag magkakaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi.”

    3. “Mangalubos sa isa lamang [na] pag-iisip at isa lamang [na] paghatol.”

  • Bakit ang “gatas” lamang ng ebanghelyo ang natanggap ng mga Banal sa Corinto? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 3:1–4.) Bakit humahadlang ang pagtatalu-talo sa pagtanggap natin ng “laman” ng ebanghelyo? Paano natin maihahanda ang ating sarili sa pagkain ng “laman” ng ebanghelyo?

  • Itinuro ni Pablo na maraming ministro (tagapaglingkod) ang ebanghelyo ngunit si Jesucristo ang siyang tanging tiyak na saligan (I Mga Taga Corinto 3:5–11). Bakit mahalagang ang Tagapagligtas ang siyang saligan ng ating pananampalataya? (Tingnan sa Helaman 5:12.)

2. Umasa sa Espiritu sa halip na magtiwala sa karunungan ng daigdig.

Talakayin ang I Mga Taga Corinto 1:17–31; 2:1–16. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga piling talata.

  • Itinuro ni Pablo na “gagawing mangmang” ng karunungan ng Diyos ang karunungan ng daigdig (I Mga Taga Corinto 1:18–21). Paano naiiba ang karunungan ng Diyos sa karunungan ng daigdig? (Tingnan sa Isaias 55:8–9; Doktrina at mga Tipan 38:1–2.) Ano ang ilang halimbawa na ginagawang mangmang ng karunungan ng Diyos ang karunungan ng daigdig?

  • Sa anong mga paraan nagiging pagpapala sa atin ang sekular na kaalaman? (Kung kailangan, ipaliwanag na ang ibig sabihin ng sekular ay hindi nauukol sa relihiyon.) Sa anong mga paraan magiging batong kinatitisuran ito sa atin? Paano natin mapagtitimbang ang sekular at espirituwal na pagkatuto? (Tingnan sa 2 Nephi 9:28–29.)

    Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball na: “May pagkakataon para makamtan kapwa ang [sekular at espirituwal na pagkatuto] nang magkasabay… . Kung gugugulin natin ang ating mga araw sa buhay na ito sa pagkakamit ng sekular na kaalaman at isasaisantabi ang espirituwal, kung gayon tayo ay hindi susulong, dahil ito ang panahon para maghanda ang mga tao sa pagharap sa Diyos; ito ang panahon para patatagin ang pananampalataya, para isagawa ang pagbibinyag, para tanggapin ang Espiritu Santo, para isagawa ang mga ordenansa. Maaaring maging kasabay ng programang ito ang sekular na kaalaman, dahil kahit na maging sa daigdig ng mga espiritu pagkatapos ng kamatayan ang ating mga espiritu ay maaaring magpatuloy sa pagkatuto” (The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball [1982], 390).

  • Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niya na pinili ng Diyos “ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong” at “ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang … malalakas”? (I Mga Taga Corinto 1:27). Bakit madalas piliin ng Diyos ang “mahihinang bagay ng sanglibutan” upang maisakatuparan ang kanyang mga layunin?

  • Anong mga kahinaan ang kinaharap ni Pablo habang itinuturo niya ang ebanghelyo? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:1–3.) Paano ginawang mga kalakasan ang kanyang mga kahinaan? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:2, 4–5.) Paano kayo tinulungan ng Panginoon nang madama ninyong hindi ninyo kaya o natatakot kayong gawin ang kanyang gawain?

  • Sang-ayon kay Pablo, paano natin malalaman ang “mga bagay ng Diyos”? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:10–13.) Bakit kung minsan ay mas nagtitiwala tayo sa ating karunungan at katalinuhan kaysa sa paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu? Anong mga pagkakaiba ang napansin ninyo sa pagitan ng pagkatuto na nagmumula sa Espiritu at sa pagkatuto na nagmumula sa katalinuhan lamang?

    Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie na: “Ang dalisay na relihiyon ay bagay na may kaugnayan sa Espiritu at hindi sa katalinuhan lamang, at ang mga katotohanan nito ay kailangang maipadama sa mga puso ng mga tagapakinig sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, dahil kung hindi, ang kaluluwa ng tao ay hindi mababago … at ang naghahanap ng kaligtasan ay hindi nagiging buhay kay Cristo” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1966–73], 2:318).

  • Itinuro ni Pablo na imposibleng tanggapin ng “likas na tao” ang mga bagay ng Diyos (I Mga Taga Corinto 2:14). Bakit ganito sa palagay ninyo? Ano ang kailangan nating gawin upang mapaglabanan ang likas na tao? (Tingnan sa Mosias 3:19.)

3. Maging malinis sa pagkatao.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa I Mga Taga Corinto 3:16–17; 5; 6:9–20.

  • Sa ano inihambing ni Pablo ang ating mga katawan? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 3:16–17; 6:19–20.) Bakit sa palagay ninyo naaangkop ang paghahambing na ito? Anong mga bagay ang maaaring makasama sa ating katawan? Ano ang dapat nating gawin upang maituring na mga templo ang ating mga katawan?

  • Sa pagbabala niya laban sa maraming mabibigat na kasalanan noong kanyang kapanahunan ay isinama ni Pablo ang ilang seksuwal na kasalanan (I Mga Taga Corinto 6:9). Ano ang batas ng Diyos tungkol sa seksuwal na moralidad? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:23; 59:6.)

    Sinabi ni Elder Richard G. Scott na: “Ang anumang seksuwal na pagtatalik sa labas ng buklod ng kasal—ang ibig kong sabihin ay anumang sinasadyang pagdaiti sa sagrado at pribadong mga bahagi ng katawan ng isang tao, mayroon mang saplot o wala—ay kasalanan at ipinagbabawal ng Diyos. Paglabag din ang sadyaing pukawin ang mga damdaming nasa loob ng inyong sariling katawan” (sa Conference Report, Okt. 1994, 51; o Ensign, Nob. 1994, 38).

  • Bakit napakabigat ng mga kasalanang seksuwal? (Tingnan ang sumusunod na mga siping-banggit.) Ano ang mga biyaya ng pagkakaroon ng malinis na pagkatao?

    Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin na: “Ang isa sa mga pinakalaganap na panlilinlang sa mga nakaraang taon ay ang pagpapalagay na ang imoralidad ay normal at katanggap-tanggap at walang negatibong mga ibubunga. Sa katotohanan, ang imoralidad ang siyang pangunahing dahilan ng karamihan sa mga paghihirap at iba pang mga problemang umiiral sa ngayon, kabilang na ang lumalaganap na sakit, pagpapalaglag, mga sirang tahanan, mga pamilyang walang ama, at mga ina na pawang mga bata pa” (sa Conference Report, Okt. 1994, 100–101; o Ensign, Nob. 1994, 76).

    Itinuro ni Elder Boyd K. Packer na: “Alam ni [Satanas] na ang kapangyarihan ng paglikha ay hindi lamang nagkataon sa plano, kundi ito ang susi rito. Alam niya na kung matutukso niya kayong gamitin ang kapangyarihang ito nang wala sa panahon, na gamitin ito kaagad-agad, o gamitin ito sa maling paraan, ay maaaring mawala sa inyo ang mga pagkakataon para sa walang hanggang pag-unlad” (sa Conference Report, Abr. 1972, 137; o Ensign, Hulyo 1972, 112).

  • Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na “huwag kayong [makisama] sa mga mapakiapid” (I Mga Taga Corinto 5:9). Paano maaaring iangkop ang payong ito sa atin? (Talakayin kung paano makaaapekto ang mga kaibigan at uri ng libangan na ating pinipili sa ating mithiin at kakayahang maging malinis sa pagkatao.) Paano natin maiiwasan ang mahahalay na impluwensiya?

  • Anong mga paraan ang ginagamit ni Satanas sa pagsisikap na hikayatin tayo na may mga hindi kasali sa mga batas ng Diyos tungkol sa moralidad? (Tingnan ang siping-banggit sa ibaba.) Paano natin mapaglalabanan ang mga tuksong ito? Anong katiyakan ang ibinibigay sa atin ng I Mga Taga Corinto 10:13 habang sinisikap nating paglabanan ang tukso na makagawa ng kasalanang seksuwal? Paano kayo pinagpala sa paghahangad ninyo ng tulong mula sa Panginoon upang mapaglabanan ang tukso?

    Sinabi ni Elder Richard G. Scott na: “Tinutukso ni Satanas ang isang tao na maniwala na may mga katanggap-tanggap na antas ng pisikal na pagdadaiti sa pagitan ng sumasang-ayong mga indibiduwal na naghahangad ng matinding pagkapukaw ng mga damdaming likha ng mga ito, at kung hindi lalampas sa mga hangganan, ay walang masamang ibubunga. Bilang saksi ni Jesucristo, pinatototohanan ko na ito ay malaking kamalian… . Magpasiya kung ano ang inyong gagawin at kung ano ang hindi. Kapag dumating ang tukso, huwag ninyong baguhin ang inyong mga pamantayan” (sa Conference Report, Okt. 1994, 51; o Ensign, Nob. 1994, 38).

  • Anong pangako ang ipinaaabot ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa mga nagsisisi sa mga seksuwal na kasalanang ginawa? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 6:11; Isaias 1:18; Doktrina at mga Tipan 58:42.)

Katapusan

Magpatotoo na tulad ni Pablo, ang mga apostol at propeta sa ating panahon ay patuloy na nagtuturo sa atin kung ano ang dapat nating gawin upang manatili sa mga hangganang itinakda ng Panginoon. Maaari ninyong naising talakayin nang sandali ang isang talumpati sa kamakailan lamang ginanap na komperensiya kung saan ang propeta o ang isa sa mga apostol ay nagsalita tungkol sa isang paksa na tinalakay ni Pablo sa kanyang liham sa mga taga Corinto, tulad ng pagiwas sa pagtatalo, pagtitiwala sa Espiritu, o pananatiling malinis sa pagkatao. Kung naaangkop, ibahagi kung paano kayong pinagpala sa pagsunod ninyo sa payong mula kay Pablo o sa isa sa mga apostol o propeta ng mga huling araw.

Karagdagang Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o dalawa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. “Anumang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya” (I Mga Taga Corinto 2:9)

  • Ano ang pinakakahanga-hanga o pinakamagandang bagay na nakita na ninyo o naranasan?

Ipabasa sa isang miyembro ng klase ang I Mga Taga Corinto 2:9. Magpatotoo na ang mga biyayang inihanda ng Diyos para sa atin kung mahal natin siya at sinusunod ang kanyang mga kautusan ay higit na kahanga-hanga kaysa anumang bagay na maiisip natin.

2. “Ang kapatid ay nakikipag-usapin laban sa kapatid” (I Mga Taga Corinto 6:6)

Basahin at talakayin ang I Mga Taga Corinto 6:1–8.

  • Paano nilutas ng karamihan sa mga Banal sa Corinto ang kanilang mga pagtatalu-talo? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 6:1–8.) Paano ito lumikha ng higit na pagkakahati-hati? Paano nakikita ang problemang ito sa ngayon? Ano ang matututuhan natin mula sa payo ni Pablo?