Habang tinatalakay ninyo ang mga palatandaan at malalaking paghihirap na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito ay ilista ang mga ito sa pisara.
-
Anong mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ang nabanggit sa Mateo 24:6? Anong katibayan ang nakikita ninyo na natutupad ang mga propesiyang ito? Itinuro ng Panginoon na “hindi tayo dapat magulumihanan” nang dahil sa mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan. Paano tayo makatatagpo ng kapayapaan sa ganito kaligalig na mga panahon? (Tingnan sa Mateo 11:28–30; 1 Juan 4:16–18; Doktrina at mga Tipan 6:34–36; 45:34–35; 59:23.)
Ibinigay ni Elder M. Russell Ballard ang sumusunod na payo ng pag-asa at panghihimok:
“Bagama’t sinasabi sa atin ng mga propesiya na magaganap ang mga bagay na ito, parami pa rin nang parami ang mga tao na nagpapakita ng malaking pagkabahala sa tila mabilis na lumaganap na kalamidad sa buong daigdig… . Aaminin natin na may sapat tayong dahilan na mabahala nang labis dahil wala tayong nakikitang kagyat na kasagutan sa tila walang kalutasang mga suliranin na kinakaharap ng mga tao sa mundo. Ngunit anuman ang tila walang kalutasang suliranin na ito, na tuluyan naman talagang magiging malala, hindi natin dapat pahintulutan ang ating sarili na mawalan ng pag-asa! …
“ … Ang Panginoon ang namamahala. Alam niya ang katapusan mula sa simula. Binigyan niya tayo ng sapat na tagubilin na, kung susundin, ay magliligtas sa atin sa anumang krisis. Matutupad ang kanyang mga layunin, at balang-araw ay mauunawaan natin ang walang hanggang mga dahilan para sa lahat ng mga kaganapang ito. Kung gayon, kailangan tayong maging maingat ngayon at huwag mag-alala nang labis, ni hindi tayo dapat maging lubhang abala sa labis na paghahanda; kundi ang kailangan nating gawin ay sundin ang mga kautusan ng Diyos at huwag kailanman mawawalan ng pag-asa!
“Ngunit saan natin matatagpuan ang pag-asa sa gitna ng gayong kaguluhan at malaking kapahamakan? Madali lang, ang ating nag-iisang pag-asa sa espirituwal na kaligtasan sa mga panahong ito ng kabalisahan ay ang ibaling ang ating mga isipan at ang ating mga puso kay Jesucristo… . Suot ang kalasag ng pananampalataya, ay mapagtatagumpayan natin ang marami sa ating pang-araw-araw na mga hamon at madadaig ang ating pinakamatitinding kahinaan at takot, na nalalaman na kung gagawin natin ang lahat upang masunod ang mga kautusan ng Diyos, anuman ang mangyari, tayo ay mananatiling ligtas” (sa Conference Report, Okt. 1992, 41–43; o Ensign, Nob. 1992, 31–32).
-
Anong mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ang inilalarawan sa Mateo 24:7? Anong katibayan ang nakikita ninyo na nagpapatunay na ang mga propesiyang ito ay nagaganap? Ano ang ipinayo sa atin ng mga propeta sa mga huling araw na gawin natin upang maging handa para sa mga natural na kalamidad na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito?
-
Anong palatandaan ng Ikalawang Pagparito ang inilalarawan sa Mateo 24:14? Paano naisasakatuparan ang propesiyang ito sa ngayon? (Lumalaganap ang gawaing misyonero, at ang ebanghelyo ay naituturo at tinatanggap ng maraming lugar sa buong daigdig.) Ano ang maaaring gawin ng bawat isa sa atin upang makatulong sa pagsasakatuparan ng propesiyang ito?
-
Anong palatandaan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas ang inilalarawan sa Mateo 24:24? Anong mga katibayan ang inyong nakikita na nagpapatunay na ang propesiyang ito ay natutupad? Paano natin maiiwasan ang madaya ng mga bulaang propeta? (Tingnan sa Mateo 7:15–20; Doktrina at mga Tipan 45:57; 46:7–8.)
-
Sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 24, sinasabi ni Jesus na kung pahahalagahan natin ang kanyang salita, tayo ay hindi malilinlang sa mga huling araw (Joseph Smith—Mateo 1:37). Paano natin mapahahalagahan ang salita ng Panginoon? Paano nakatulong sa inyo ang pagpapahalaga sa salita ng Panginoon upang maiwasan ang malinlang?
-
Sinabi ng Panginoon sa kanyang mga tagasunod sa Jerusalem na “[tumayo] sa dakong banal” (Mateo 24:15), at ibinigay niya ang gayunding pagpapayo sa ating panahon (Doktrina at mga Tipan 87:8; 101:22). Ano ang ilang dakong banal na kung saan ay dapat tayong tumayo? Paano makatutulong ang mga lugar na ito sa pangangalaga sa atin sa mga oras ng kahirapan sa mga huling araw?
Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson na, “Ang mga banal na kalalakihan at banal na kababaihan ay tumatayo sa banal na mga lugar, at ang banal na mga lugar na ito ay kinabibilangan ng ating mga templo, ating mga kapilya, ating mga tahanan, at ng mga istaka ng Sion, na sang-ayon sa pahayag ng Panginoon, ‘ay maaaring maging isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot sa panahong ito [na] ibubuhos nang walang halo sa buong lupa’ (Doktrina at mga Tipan 115:6)” (“Prepare Yourselves for the Great Day of the Lord,” Brigham Young University 1981 Fireside and Devotional Speeches [1981], 68; tingnan din sa Teachings of Ezra Taft Benson [1988], 106).
-
Ano ang itinuro ni Jesus sa sumusunod na mga talata na tutulong sa atin na makapaghanda para sa kanyang Ikalawang Pagparito?
-
Ang talinghaga ng puno ng igos (Mateo 24:32–36).
-
Ang paghahambing ng Ikalawang Pagparito sa kapanahunan ni Noe (mga talata 37–39).
-
Ang propesiya tungkol sa dalawang lalaki na nagtatrabaho sa bukid at ng dalawang babaing nagsisigiling sa gilingan (mga talata 40–41).
-
Ang talinghaga ng mabuting lalaki at ng magnanakaw (mga talata 42–44).
-
Ang talinghaga tungkol sa panginoon at sa kanyang mga alipin (mga talata 45–51).
-
Bakit mahalagang patuloy tayong magmasid at maghanda para sa pagdating ng Panginoon? Paano tayo makapagmamasid at makapaghahanda upang makilala ang Panginoon?
-
Ano ang mangyayari sa mabubuti kapag pumarito nang muli ang Tagapagligtas? (Tingnan sa Mateo 24:31; 45–47; I Mga Taga Tesalonica 4:16–18; Doktrina at mga Tipan 88:96–98.)