Aralin 26
“Ako’y Ipinanganak Dahil Dito”
Mateo 26:47–27:66; Marcos 14:43–15:39; Lucas 22:47–23:56; Juan 18–19
Layunin
Tulungan ang mga miyembro ng klase na madama ang pagmamahal sa kanila ng Tagapagligtas at mapag-ibayo ang kanilang pagmamahal sa kanya at ang kanilang pasasalamat sa kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.
Paghahanda
-
Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:
-
Mateo 26:47–75; Marcos 14:43–72; Lucas 22:47–71; Juan 18:1–27. Pagkatapos na pagkatapos ng kanyang pagdurusa sa Getsemani, si Jesus ay ipinagkanulo ni Judas, na dumating na kasama ang mga punong saserdote, Fariseo, at kawal. Ipinaubaya ni Jesus ang kanyang sarili sa mga humuli sa kanya, sila na kumuha sa kanya mula sa halamanan at nagpasailalim sa kanya sa paglilitis ng mga Judio. Una siyang tinanong ni Ana, isang dating mataas na saserdote, at pagkatapos ay si Caifas, na manugang ni Anas na pumalit sa kanya. Dinuraan si Jesus ng mga punong saserdote at matatanda na naroon, inalipusta siya, iginapos siya, at pinaratangan siya ng kalapastanganan sa Diyos, isang pagkakasalang ang kaparusahan ay kamatayan. Sa labas ng palasyo ni Caifas ay ikinaila ni Pedro na kakilala niya si Jesus.
-
Mateo 27:1–26; Marcos 15:1–15; Lucas 23:1–25; Juan 18:28–19:16. Dahil walang kapangyarihan ang mga punong saserdote at matatanda na hatulan si Jesus ng kamatayan, siya ay ipinadala upang litisin ni Poncio Pilato, ang gobernador ng Roma sa Judea (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pilato,” 214). Sa harapan ni Pilato ay pinaratangan si Jesus na kaaway ni Cesar. Nang malamang si Jesus ay mula sa Galilea, siya ay ipinadala ni Pilato kay Herodes, isang gobernador sa Galilea. Tumanggi si Herodes na hatulan si Jesus at ipinabalik siya kay Pilato, na pumayag sa kahilingan ng mga tao na ipako sa krus si Jesus.
-
Mateo 27:27–66; Marcos 15:16–39; Lucas 23:26–56; Juan 19:17–42. Si Jesus ay hinampas at ipinako sa krus. Sa krus ay naranasan niya ang pinakamatinding pagdurusa habang iniaalay niya ang kanyang sarili bilang isang sakripisyo para sa sangkatauhan.
-
-
Karagdagang pagbabasa: Isaias 53; Marcos 15:39–47; Juan 3:16; 15:13; 1 Nephi 11:32–33; 19:7–9; 2 Nephi 9:21–22; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagpapako sa Krus,” 191–192.
-
Ihanda ang pitong sinulatang papel na inilarawan sa pahina 138–139 (o maghandang isulat ang mga pangungusap sa pisara).
-
Kung makukuha ang sumusunod na mga materyal, gamitin ang mga ito sa aralin:
-
Ang mga larawan na Ang Pagkakanulo kay Jesus (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 228); Ang Pagkakaila ni Pedro (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 229); at Ang Pagpapako sa Krus (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 230).
-
“To This End Was I Born,” isang labing-anim na minutong yugto ng New Testament Video Presentations (53914).
-
-
Mungkahi sa pagtuturo: Kapag ang mga guro at miyembro ng klase ay mapitagan, inaanyayahan nila ang Espiritu na dumalo. Ang mga miyembro ng klase ay dapat na “malayang magtalakayan, malayang magsalita, malayang makisali sa mga gawain sa klase, subalit walang miyembro ng klase na may karapatang gambalain ang isa pang estudyante sa pamamagitan ng panggigitgit o pagsasalita ng mga bagay na walang kabuluhan o walang gaanong saysay” (David O. McKay, Gospel Ideals [1954], 224). Magpakita ng halimbawa ng pagpipitagan sa Diyos at paggalang sa bawat miyembro ng klase.
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo
Ang sumusunod na materyal ay mga karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.
1. Pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas sa mga panahon ng kahirapan
Ang mga gawa ng Tagapagligtas noong huling araw ng kanyang buhay sa lupa ay nagpapakita ng kadakilaan ng kanyang pagkatao. Pagbalik-aralan ang ilan sa mga pagsubok na pinagtiisan ni Jesus noong araw na iyon. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Anong mga katangian ng pag-uugali ang makikita kay Jesus sa panahong ito ng paghihirap? (Maaaring maibilang sa mga sagot ang mas nag-alala siya sa iba kaysa sa kanyang sarili, na siya ay mapagpatawad, na masunurin siya sa kagustuhan ng Ama sa Langit, na hindi niya isinumpa ang iba dahil sa kanilang mga kahinaan, at hindi siya dumaing. Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase. Hilingin sa mga miyembro ng klase na bumanggit ng tiyak na mga pangyayari na nagpapakita sa mga katangiang nabanggit.)
-
Anong mga katangian ang makikita sa atin sa panahon ng ating pinakamatinding paghihirap? Paano natin masusundan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa mga panahon ng kahirapan?
2. “Nagkasala ako sa aking pagkakanulo sa dugong walang kasalanan” (Mateo 27:4)
-
Ano ang ginawa ni Judas sa pagtatangkang magsisi sa pagkakanulo niya sa Tagapagligtas? (Tingnan sa Mateo 27:3–5.) Ano ang matututuhan natin mula sa kanyang karanasan tungkol sa “kabayaran” na ibinibigay ng daigdig sa atin bilang kapalit ng ating mga kasalanan?
3. “Ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso” (Lucas 23:43)
Gamitin ang sumusunod na impormasyon kung kailangan ninyong ipaliwanag ang mga salita ng Tagapagligtas sa Lucas 23:43.
Sinabi ni Propetang Joseph Smith na sinabihan ni Jesus ang magnanakaw na, “Ngayon ay ipagsasama kita sa daigdig ng mga espiritu” (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 309).
Mula sa Doktrina at mga Tipan 138:36–37 ay nalaman natin na si Jesus ay nagpunta sa daigdig ng mga espiritu sa panahon sa pagitan ng kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli at doon ay inihanda niya ang matatapat na mga espiritu upang ipangaral ang kanyang ebanghelyo sa mga espiritu na hindi nakatanggap ng ebanghelyo sa daigdig.