Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 28: ‘Mga Saksi Kami’


Aralin 28

Aralin 28: “Mga Saksi Kami”

Ang Mga Gawa 1–5

Layunin

Paalalahanan ang mga miyembro ng klase tungkol sa kanilang pananagutan na maging saksi ni Jesucristo at tulungan silang makita kung paano sila tinutulungan ng kaloob na Espiritu Santo na gawin ang gayon.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Ang Mga Gawa 1. Matapos maglingkod sa kanyang mga disipulo sa loob ng 40 araw, ang nabuhay na mag-uling Panginoon ay umakyat sa langit. Pinili si Matias upang punan ang kakulangang iniwan ni Judas sa Korum ng Labindalawang Apostol.

    2. Ang Mga Gawa 2. Sa araw ng Pentecostes, ang mga Apostol ay napuspos ng Espiritu Santo at nangagsalita sa maraming wika. Marami sa mga nakarinig sa kanila ang nagbalik-loob.

    3. Ang Mga Gawa 3–4. Pinagaling nina Pedro at Juan ang isang lalaking lumpo at nagpatotoo na ang lalaki ay pinagaling ng kapangyarihan ni Jesucristo. Nanalangin ang mga Apostol at tumanggap ng dakilang kapangyarihan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

    4. Ang Mga Gawa 5:12–42. Nagpatuloy ang mga Apostol na mangaral at magpagaling sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan. Sila ay dinakip at ikinulong ngunit pinakawalan sa piitan ng isang anghel. Ipinahayag nila sa mga punong saserdote na sinusunod nila ang Diyos sa halip na sundin ang tao. Pinayuhan ni Gamaliel ang mga Fariseo na huwag patayin ang mga Apostol.

  2. Karagdagang pagbabasa: Marcos 16:19–20; Lucas 24:49–53; Joseph Smith— Kasaysayan 1:21–25.

  3. Kung makukuha ang larawang Ang Pag-akyat sa Langit ni Jesus (34730 893; Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 236), gamitin ito sa aralin.

  4. Kung gagamitin ninyo ang gawaing pantawag-pansin, makipag-ayos sa dalawang tao na dumating sa klase bago magsimula ang klase, samantalang nauupo pa ang mga miyembro ng klase. (Kung maaari, ang mga taong ito ay dapat na hindi karaniwang dumadalo sa inyong klase.) Papasukin sila sa silid, gawin sandali ang isang bagay (halimbawa, makipag-usap sa inyo o magdala ng isang bagay sa silid), at pagkatapos ay umalis na. Hindi sila dapat makipagusap sa mga miyembro ng klase o kaya ay tumawag man lang ng pansin.

  5. Mungkahi sa pagtuturo: Kailangang magpatotoo ang mga guro na ang itinuturo nila ay totoo. Magpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa kanyang ebanghelyo sa tuwing bibigyang-inspirasyon kayo ng Espiritu, hindi lamang sa bandang huli ng aralin. Ang pagbibigay ng patotoo ay nagdudulot ng kapangyarihan sa inyong pagtuturo. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit A, Paksa 8, “Ang Patotoo ay Mahalaga sa Pagtuturo ng Ebanghelyo,” 15–16, at Yunit E, Paksa 18, “Ang Banal na Tungkulin ng Guro,” 134–138.)

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Tanungin ang mga miyembro ng klase kung napansin nila ang dalawang taong pumasok sa silid at pagkatapos ay lumabas bago magsimula ang klase (tingnan ang bahaging “Paghahanda”). Kung may nakapansin na sinumang miyembro ng klase, hayaang sabihin nila kung ano ang napuna nila sa mga tao, tulad ng kung sino sila, ano ang suot nila, at kung ano ang ginawa nila. Bigyang-diin na ang mga miyembro ng klase na nakakita sa mga panauhing ito ay mga saksi. (Kung walang nakapansin sa mga panauhin, sabihin kung ano ang ginawa nila at ipaliwanag na ikaw ay isang saksi.) Ang isang tao na nakakita o nakaranas ng isang pangyayari at nagsasabi sa iba ng tungkol dito ay isang saksi.

Tanungin ang sinumang miyembro ng klase na hindi nakakita sa mga panauhin:

Gawaing Pantawag-pansin

  • Pinaniniwalaan ba ninyo ang mga sinabi ng mga saksing ito sa inyo? Bakit oo at bakit hindi?

Ipaliwanag na ang aralin sa araw na ito ay tungkol sa sinaunang mga Apostol, mga saksi ng nabuhay na mag-uling si Jesucristo. Nang magpatotoo sila hinggil sa kanya, maraming tao ang naniwala sa kanila at bininyagan sa Simbahan.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang sumusunod na mga talata ng banal na kasulatan, bigyang-diin ang pananampalataya at kapangyarihang taglay ng mga Apostol nang magpatotoo sila tungkol sa nabuhay na mag-uling Panginoon. Talakayin sa mga miyembro ng klase kung paano rin sila maaaring maging mga saksi ni Jesucristo.

Ipaliwanag na ang aklat ng Ang Mga Gawa ay salaysay ni Lucas tungkol sa mahahalagang pangyayari sa Simbahan sa loob ng humigit-kumulang na 30 taon pagkatapos ng buhay na mortal ni Jesucristo. Ikinuwento ni Lucas ang tungkol sa 40 araw na ministeryo ng nabuhay na mag-uling Panginoon at ang kanyang Pagakyat sa Langit. Pagkatapos ay inilarawan niya ang malaking espirituwal na pagbuhos sa araw ng Pentecostes, ang pamumuno ni Pedro sa Simbahan, ang sinaunang gawaing misyonero ng mga Apostol, at ang pambihirang pagbabalikloob ni Pablo. Ang ikalawang bahagi ng aklat ay nakatuon sa gawaing misyonero ni Pablo sa mga Gentil.

1. Umakyat sa langit ang Panginoon. Tinawag si Matias na maging isang Apostol.

Talakayin ang Ang Mga Gawa 1. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata. Ipakita ang larawan ng Pag-akyat sa Langit.

  • Pagkatapos na mabuhay na mag-uli si Jesus, siya ay lumagi sa piling ng kanyang mga disipulo sa loob ng 40 araw, “at nagpahayag ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Dios” (Ang Mga Gawa 1:3). Sa loob ng ilang sandali bago siya magbalik sa kanyang Ama sa Langit, ano ang ipinangako niya sa kanyang mga Apostol na matatanggap nila sa loob ng sandaling panahon? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 1:4–5; tingnan din sa Lucas 24:49. Bigyang-diin na kahit na naranasan ng mga Apostol ang mga pagpapahiwatig ng Espiritu Santo, ay hindi pa nila natanggap ang kaloob na Espiritu Santo.)

  • Ano ang sinabi ni Jesus sa mga Apostol na dapat nilang gawin pagkatapos nilang matanggap ang kaloob na Espiritu Santo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 1:8.) Paano maihahambing ang tagubiling ito sa pananagutang ibinibigay sa mga Apostol sa ngayon? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:23, 35.) Paano ginampanan ng mga Apostol ang tungkuling ito noong pagkatapos na pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus? (Pansinin, halimbawa, ang ilan sa mga makapangyarihang pagpapatotoo sa Ang Mga Gawa 2–5.) Paano ginagampanan ng mga Apostol ang tungkuling ito sa ngayon?

  • Paano tinulungan ng kaloob na Espiritu Santo ang mga Apostol sa kanilang mga pananagutan na maging mga saksi ni Jesucristo? (Tingnan sa Juan 15:26–27; I Mga Taga Corinto 12:3.) Ano ang papel ng Espiritu Santo sa ating mga pagpupunyaging maituro ang ebanghelyo? (Tingnan sa 2 Nephi 33:1; Doktrina at mga Tipan 42:14.)

  • Habang pinagmamasdan ng mga Apostol si Jesus na papaakyat sa langit, dalawang kalalakihan na nakaputi ang nakatayo sa hindi kalayuan. Ano ang sinabi ng mga kalalakihang ito sa mga Apostol? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 1:10–11.) Magpatotoo na ang Ikalawang Pagparito ni Cristo ay tunay na mangyayari. Si Cristo ay magbabalik sa mundo upang pasimulan ang Milenyo at maghari sa lupa.

  • Pagkatapos ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon, isang bagong Apostol ang pinili upang punan ang kakulangan sa Korum na iniwan ni Judas. Paano napili si Matias bilang bagong Apostol? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 1:21–26.) Paano pinipili sa ngayon ang mga Apostol at iba pang pinuno ng Simbahan? (Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5.)

2. Sa araw ng Pentecostes, ang mga Apostol ay napuspos ng Espiritu Santo.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Ang Mga Gawa 2. Ipaliwanag na ang Pista ng Pentecostes ay pagdiriwang ng pag-ani na ginaganap sa loob ng 50 araw pagkalipas ng Pista ng Paskua. Ang mga Judio mula sa maraming bansa ay dumarating sa Jerusalem para sa kapistahang ito.

  • Anong mahalagang pangyayari ang naganap sa araw ng Pentecostes, isang linggo makalipas ang Pag-akyat sa Langit ng Tagapagligtas? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 2:1–4. Bigyang-diin kung paano natupad ang mga pangakong ito ng Panginoon sa Juan 14:26, 15:26, at 16:7–14 at sa Ang Mga Gawa 1:5.)

  • Ano ang ginawa ng mga Apostol nang matanggap nila ang Espiritu Santo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 2:4.) Ano ang naging reaksiyon ng mga tao nang marinig nilang nagsasalita ng iba’t ibang wika ang mga Apostol? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 2:5–13.) Paano katulad ng pangangaral ng ebanghelyo sa ngayon ang pangangaral noong araw ng Pentecostes? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 90:11; 100:5–8.)

  • Paano tumugon si Pedro sa mga nangutya sa mga Apostol sa pagsasalita ng mga wika? (Tingnan sa ang Mga Gawa 2:14–24, 36.) Ano ang nakapagpahanga sa inyo sa tugon ni Pedro? Bakit mahalagang magkaroon ng patotoo tungkol kay Jesucristo at sa kanyang banal na misyon? Bakit mahalaga para sa atin ang ibahagi ang ating mga patotoo sa iba? Paano tayo matutulungan ng Espiritu Santo na maibahagi ang ating mga patotoo?

  • Paano nakaapekto ang patotoo ni Pedro sa mga nakarinig nito? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 2:37.) Ano ang itinuro ni Pedro sa mga taong naniwala sa kanyang patotoo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 2:38.) Hayaang ihambing ng mga miyembro ng klase ang Ang Mga Gawa 2:38 sa ikaapat na saligan ng pananampalataya at sa 3 Nephi 27:19–20. Bigyang-diin na ang pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ay magkakatulad sa lahat ng dispensasyon.

  • Mga 3,000 tao ang naniwala sa mga salita ni Pedro at nabinyagan. Paano ipinakita ng mga taong ito na sila ay nagbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 2:41–47. Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase.) Ano ang matututuhan natin mula sa kanilang halimbawa?

3. Pinagaling nina Pedro at Juan ang lalaking lumpo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Ang Mga Gawa 3–4. Maaari ninyong naising ipabasa nang malakas sa isang miyembro ng klase ang Ang Mga Gawa 3:1–11.

  • Kahit na walang salaping maibigay sina Pedro at Juan sa lalaking lumpo na nasa tarangkahan ng templo, ano ang tanging maiaalok nila sa kanya? Sa anong kapangyarihan napagaling ang lalaki? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 3:6, 12–13, 16; 4:10.) Paano ninyo nadama sa inyong buhay ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo?

  • Ginamit ni Pedro ang himalang ito bilang isang pagkakataon upang magpatotoo tungkol kay Jesucristo (Ang Mga Gawa 3:12–26; 4:5–12). Anong mga pagkakataon ang mayroon tayo upang makapagpatotoo tungkol kay Cristo? Paano kayo pinagpala sa pagiging saksi ninyo (o naringgan ang iba na naging mga saksi) ni Jesucristo?

  • Ano ang naging reaksiyon ng mga saserdote at Saduceo sa pangangaral ni Pedro? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 4:1–3. Ipinadakip nila sina Pedro at Juan.) Ano ang naging reaksiyon ng maraming tao sa pangangaral? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 4:4.) Bakit sa palagay ninyo magkaibang-magkaiba ang naging reaksiyon ng dalawang grupong ito sa iisang pangangaral? Ano ang inihahayag ng ating reaksiyon sa mga salita ng mga pinuno ng Simbahan tungkol sa kalagayan ng ating mga puso?

  • Dahil naroon ang lalaking pinagaling, hindi magawang ikaila ng mga saserdote at Saduceo na naganap ang isang himala (Ang Mga Gawa 4:13–14, 16). Dahil wala silang dahilan para ikulong sina Pedro at Juan, ano sa halip ang ginawa nila? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 4:15–18. Bigyang-diin na ang mga pinuno ng relihiyon ng mga Judio ay umasa na si Jesus at ang kanyang mga turo ay malilimutan pagkatapos ng Pagpapako sa Krus. Nang magpatuloy ang mga Apostol sa pangangaral ng ebanghelyo ni Jesucristo, sila ay tinangkang pigilan ng mga pinuno ng mga Judio.)

  • Ano ang naging reaksiyon nina Pedro at Juan sa kahilingan ng mga saserdote at Saduceo na tumigil na sila sa pagtuturo ng ebanghelyo? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 4:19–20.) Ano ang ilang pangyayari sa inyong buhay na maaaring mangailangan ng gayunding lakas ng loob sa pagiging isang saksi ni Jesucristo?

  • Matapos mapawalan sina Pedro at Juan, sila ay nagbalik sa mga miyembro ng Simbahan at nanalangin na kasama nila (Ang Mga Gawa 4:23–30). Ano ang hiniling nila sa panalangin? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 4:29–30.) Ano ang nangyari bilang bunga ng panalanging ito at ng kasunod na ginawa ng mga Apostol? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 4:31–35; 5:12–16.)

4. Nagpatuloy na mangaral ang mga Apostol at nagpagaling sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Ang Mga Gawa 5:12–42.

  • Nang magpatuloy ang mga Apostol sa pangangaral at paggawa ng mga himala, sila ay ikinulong ng mga saserdote at Saduceo (Ang Mga Gawa 5:17–18). Paano sila nakalaya mula sa kulungan? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 5:19–20.) Ano ang ginawa nila matapos silang makalaya? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 5:21, 25.) Bakit nagpatuloy ang mga Apostol sa pangangaral ng ebanghelyo maging pagkatapos nilang makulong? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 5:29–32.)

  • Anong payo ang ibinigay ni Gamaliel sa mga pinuno ng Judio na nais pumatay sa mga Apostol? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 5:33–39.) Anong mga karanasan ang nagpatunay sa inyo tungkol sa katotohanan ng mga salita ni Gamaliel?

  • Anong pagbabago ang idinulot sa mga Apostol ng kaloob na Espiritu Santo? (Ihambing ang Mateo 26:47–56, 69–75 sa Ang Mga Gawa 4:5–21; 5:17–18, 26–42.) Paano tayo mabibigyang inspirasyon ng mga halimbawa ng mga Apostol upang tayo ay maging mga saksi ng katotohanan?

Katapusan

Ipaliwanag na pagkatapos matanggap ng mga Apostol ang kaloob na Espiritu Santo, sila ay naging mabisang mga saksi ni Jesucristo. Bagama’t may natatanging tungkulin ang mga Apostol na maging mga saksi ni Cristo, ang bawat miyembro ng Simbahan ay may pananagutan din na magbigay ng patotoo hinggil sa kanya. Magbigay ng patotoo na maaari tayong tulungan ng Espiritu Santo na malaman kung kailan at kung paano magpapatotoo tungkol kay Cristo. Habang sinusunod natin ang mga inspirasyong dulot ng Espiritu, ang ating pananampalataya ay madaragdagan, ang pagiging sensitibo natin sa Espiritu ay lalago pa, at tayo ay magiging mabisang mga saksi para sa Panginoong Jesucristo.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay mga karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. Pagpapahiwatig ng Espiritu Santo sa paglalaan ng Templo sa Kirtland

Ipaliwanag na ang pagbuhos ng Espiritu na katulad ng nasa Ang Mga Gawa 2:1–4 ay nangyari sa paglalaan ng Templo sa Kirtland noong ika-27 ng Marso 1836. Ipabasa nang malakas sa isang miyembro ng klase ang Doktrina at mga Tipan 109:36–37, ito ay bahagi ng panalangin ng paglalaan kung saan ay hiniling ni Propetang Joseph Smith ang gayong pagbuhos ng Espiritu. Pagkatapos ay ipabasa sa isa pang miyembro ng klase ang sumusunod na pangungusap, na naglalarawan kung paano pinagbigyan ang kahilingang ito:

Sinabi ni Propetang Joseph Smith na sa pulong noong gabi ng paglalaan ng Templo sa Kirtland, “si Kapatid na George A. Smith ay tumayo at nagsimulang magpropesiya, nang may narinig na ingay na tulad ng tunog ng rumaragasang malakas na hangin, na pumuspos sa Templo, at ang buong kongregasyon ay sabaysabay na nagsitayo, na pinakikilos ng isang hindi nakikitang kapangyarihan; marami ang nagsimulang magsalita sa mga wika at nangagpropesiya; ang iba ay nakakita ng maluwalhating mga pangitain; at namasdan ko na napuno ng mga anghel ang Templo, isang katotohanan ay ipinabatid ko sa kongregasyon. Ang mga tao sa pamayanan ay nangagtakbuhang papalapit (na nakakarinig ng hindi pangkaraniwang tunog sa loob, at nakakakita ng matinding liwanag na tulad ng haligi ng apoy na nakalukob sa Templo), at nangamangha sa nangyayari” (History of the Church, 2:428).

2. “Panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay” (Ang Mga Gawa 3:21)

Ipabasa sa isang miyembro ng klase ang Ang Mga Gawa 3:20–21.

  • Ano ang nakini-kinita ni Pedro nang magpropesiya siya tungkol sa “pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay”? (Nakinita niya ang pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.)

3. “Lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan” (Ang Mga Gawa 4:32)

Talakayin ang Ang Mga Gawa 4:32–5:11. Ipaliwanag na itinuring ng mga miyembro ng sinaunang Simbahan na ang “lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan” (Ang Mga Gawa 2:44; tingnan din sa Ang Mga Gawa 4:32, 34–37). Inilaan nila ang lahat ng mayroon sila upang matugunan ang pangangailangan ng bawat isa. (Maaari ninyong naising ihambing ito sa lungsod ni Enoc [Moises 7:18], sa mga inapo ni Lehi [4 Nephi 1:1–3], at sa mga sinaunang miyembro ng Simbahan sa dispensasyong ito [Doktrina at mga Tipan 42:30–34].)

  • Ano ang naging reaksiyon ni Bernabe sa sistemang ito ng paglalaan ng mga ari-arian? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 4:36–37.) Paano nilabag nina Ananias at Safira ang sistemang ito? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 5:1–2.) Ano ang sinabi nina Ananias at Safira tungkol sa kanilang mga inasal? (Tingnan sa Ang Mga Gawa 5:3–4, 8–9.) Paano natin matitiyak na tapat tayo sa Diyos?

  • Kahit na hindi tayo namumuhay sa ilalim ng pormal na sistema ng paglalaan, ano ang hinihiling na ibigay natin sa Diyos o kaya ay ibahagi sa ibang tao? (Tingnan sa Omni 1:26; Mosias 4:16; Doktrina at mga Tipan 4:2; 119:4 para sa ilang halimbawa.) Paano natin kung minsan “inililingid ang bahagi ng halaga”?

    Ganito ang naging puna ni Elder Neal A. Maxwell:

    “Sina Ananias at Safira ay kapwa … ‘inilingid’ ang bahagi sa halip na ilaan ang lahat ng mayroon sila (tingnan sa Ang Mga Gawa 5:1–11). Si Jesus ay hindi ipagbibili ng ilan sa halagang tatlumpung piraso ng pilak, ngunit hindi rin naman nila ibibigay sa Kanya ang lahat ng mayroon sila!

    “ … Iniisip natin na ang paglalaan ay sa pamamagitan lamang ng ari-arian at salapi. Ngunit maraming paraan ng paglilingid ng bahagi. Ang isang tao ay maaaring nagbibigay ng salapi at panahon ngunit gayunma’y ipinagkakait ang malaking bahagi ng kanyang sarili. Ang isang tao ay maaaring nagbabahagi ng mga talento sa madla ngunit may kimkim na kapalaluan kapag nag-iisa na siya. Ang isang tao ay maaaring nag-aatubiling lumuhod sa harapan ng luklukan ng Diyos ngunit nagpapakita ng paggalang o pagpapasailalim sa isang partikular na grupo. Ang isang tao ay maaaring tumanggap ng tungkulin sa Simbahan ngunit ang kanyang puso naman ay mas nakatuon sa pagpapanatili sa papel na kanyang ginagampanan sa mundo” (sa Conference Report, Okt. 1992, 90; o Ensign, Nob. 1992, 66).

  • Paano natin mapaglalabanan ang pagkatukso sa “paglilingid ng bahagi”? Anong mga biyaya ang magmumula sa pagbibigay natin ng mayroon tayo sa Panginoon?

4. Gawaing pangkabataan

Maaaring naisin ng mga guro ng mga kabataan na gamitin ang proseso ng “pagsasanay sa pagtatanong” sa mga bahagi ng aralin (ang prosesong ito ay nakalarawan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit F, Paksa 19, “Pagsasanay sa Pagtatanong,” 187). Halimbawa, maaari ninyong hayaang subukan ng mga miyembro ng klase na alamin kung ano ang paksa ng aralin sa pamamagitan ng mga tanong na masasagot ng “oo” o “hindi.”