Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 36: ‘Mga Iniibig ng Dios, Tinawag na mga Banal’


Aralin 36

“Mga Iniibig ng Dios, Tinawag na mga Banal”

Mga Taga Roma

Layunin

Paalalahanan ang mga miyembro ng klase na sila ay mga anak ng Diyos at himukin silang mamuhay nang karapat-dapat sa kanilang banal na mamanahin.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Mga Taga Roma 2–5. Itinuro ni Pablo na ang lahat ng tao ay inaaring-ganap sa pananampalataya kay Jesucristo, na ipinapakita sa pamamagitan ng mabubuting gawa.

    2. Mga Taga Roma 6; 8. Itinuro ni Pablo na ang mga anak ng Diyos ay maaaring isilang na muli at maging mga kasamang tagapagmana ni Cristo.

    3. Mga Taga Roma 12–13; 15:1–7. Pinayuhan ni Pablo ang mga taga Roma na mabuhay na tulad ng mga Banal.

  2. Karagdagang pagbabasa: Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Awa; Maawain,” 16 at “Sulat ni Pablo, Mga: I at 2 Mga Taga Corinto, Mga Taga Galacia, Mga Taga Roma,” 234–235.

  3. Maaari ninyong naising anyayahan ang isang soloista o maliit na grupo na awitin o tugtugin ang “Ako ay Anak ng Diyos” (Mga Himno, o Aklat ng mga Awit Pambata) o “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata). Kung hindi ito maaari, maaari ninyong naising maghanda upang awitin ang isa o ang dalawang awiting ito na kasama ang mga miyembro ng klase.

  4. Mungkahi sa pagtuturo: Sa kanyang liham sa mga taga Roma, pinaalalahanan ni Pablo ang mga guro na mahalagang ipamuhay ang mga alituntuning kanilang itinuturo (Mga Taga Roma 2:21–22). Ang inyong halimbawa ay higit na makapagtuturo sa mga miyembro ng klase kaysa sa inyong mga salita. Ipakita sa mga miyembro ng klase na ang inyong patotoo tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay nagmumula sa pamumuhay ng mga alituntuning iyon sa araw-araw (Juan 7:17). (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit A, Paksa 6, “Mamuhay Batay sa Inyong Itinuturo,” 11–12; at Yunit E, Paksa 8, “Pagpapayaman sa Inyong mga Aralin sa Pamamagitan ng mga Halimbawa,” ika-8 pamagat [sa ilalim nito], “Ang Sarili Bilang Halimbawa,” 110.)

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Ipabasa sa isang miyembro ng klase ang Mga Taga Roma 3:10. Ipaliwanag na sa talatang ito ay hindi naman ipinahihiwatig ni Pablo na walang sinumang gumagawa ng matwid; sa halip, binibigyang-diin niya na walang sinuman sa ibabaw ng mundo ang ganap na matwid. Si Cristo lamang ang tanging tao na namuhay sa mundo na talagang hindi nagkasala. Ang lahat ay nakagawa ng kasalanan kahit paano (tingnan din sa Mga Taga Roma 3:23).

Gawaing Pantawag-pansin

  • Kapag nagkasala tayo, ano ang kailangan nating gawin upang muling maging malinis? (Pairalin ang pananampalataya kay Cristo at pagsisihan ang ating mga kasalanan upang matanggap natin ang nakalilinis na kapangyarihan ng kanyang Pagbabayad-sala.)

Ipaliwanag na minsang makagawa tayo ng kasalanan, hindi na tayo muling magiging lubusang malinis nang tayo lamang. Tatalakayin ng araling ito kung paano tayo magiging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, isang paraan na tinawag ni Pablo na inaaring-ganap.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Buong panalanging piliin ang mga talata at tanong sa banal na kasulatan na pinakamainam na makatutugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase. Himukin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga patotoo tungkol sa mga doktrina at alituntuning tinalakay sa aralin.

1. Tayo ay inaaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo.

Basahin at talakayin ang Mga Taga Roma 2–5. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata. Ipaliwanag na sumusulat si Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa ilang lugar na nanumbalik sa pagsunod sa batas ni Moises, na naniniwalang ang mahigpit na pagtupad sa batas na ito ay kailangan para sa kaligtasan. Kahit na ang mga Banal sa Roma ay matatag sa ebanghelyo (Mga Taga Roma 1:8), isinulat ni Pablo ang liham na ito upang bigyang-diin na ang pag-aring-ganap at kaligtasan ay nagmumula sa pananampalataya kay Cristo, at hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng batas ni Moises.

  • Sa kanyang liham, sinikap ni Pablo na tulungan ang mga Banal na taga Roma na maunawaan ang doktrina ng pag-aring-ganap. Ano ang ibig sabihin ng ariing-ganap? (Makipagkasundo sa Diyos, mapatawad sa kaparusahan ng kasalanan, at maipahayag na matwid at walang-sala.)

  • Bakit kailangan tayong ariing-ganap? (Tingnan sa Mga Taga Roma 3:10–12, 23; tingnan din sa Alma 7:21. Nasaktan nating lahat ang damdamin ng Diyos at naging marumi dahil sa kasalanan. Dahil sa walang maruming bagay na makapananahan sa piling ng Diyos, kailangan tayong ariing-ganap upang makabalik sa kanya.)

  • Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa kung paano tayo inaaring-ganap? (Tingnan sa Mga Taga Roma 3:24, 28; 5:1–2; tingnan din sa 2 Nephi 2:6. Tayo ay inaaring-ganap sa pamamagitan ng awa ni Jesucristo at ng ating pananampalataya sa kanya.) Ano ang awa? (Tulong o lakas na mula sa langit; tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Awa,” 16). Paano mapapasaatin ang tulong na ito mula sa langit? (Tingnan sa Mga Taga Roma 5:8–11; 2 Nephi 2:7–8. Ang awa ni Jesucristo ay napapasaatin sa pamamagitan ng kanyang Pagbabayad-sala.) Bakit kailangan nating magkaroon ng pananampalataya upang lubusang matanggap ang awa ng Tagapagligtas?

  • Ipinaliwanag ni Pablo na ang pag-aring-ganap ay nagmumula sa awa ni Jesucristo, hindi sa pamamagitan ng “mga gawa ng kautusan” (Mga Taga Roma 3:20, 24, 28). Bakit hindi tayo maaaring ariing-ganap at tumanggap ng kaligtasan kung sa pamamagitan lamang ng ating mga gawa? (Tingnan sa Mosias 2:20–21; Alma 22:14.)

  • Maraming tao ang nagpakahulugan na ang ibig sabihin ng mga sulat ni Pablo ay maaari tayong ariing-ganap sa pamamagitan lamang ng pananampalataya at walang kasamang mabubuting gawa. Ano ang kaugnayan sa pagitan ng ating mga kilos (o mga gawa) at ng pag-aring-ganap sa pamamagitan ng awa ni Cristo? (Tingnan sa Mga Taga Roma 3:31; Santiago 2:14–18, 24; 2 Nephi 25:23; Doktrina at mga Tipan 88:38–39.)

    Sinabi ni Propetang Joseph Smith na: “Upang ariing-ganap sa harapan ng Diyos ay kailangan nating mahalin ang bawat isa; kailangan nating paglabanan ang masama; kailangan nating dalawin ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at pag-ingatang walang dungis ang ating sarili sa sanlibutan: dahil ang gayong mga katangian ay dumadaloy mula sa dakilang bukal ng dalisay na relihiyon, na pinatatatag ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagdaragdag ng bawat mabuting katangian na pumupuspos sa mga anak ng pinagpalang Jesus. Maaari tayong manalangin sa oras ng panalangin; maaari nating mahalin ang ating kapwa na tulad ng ating sarili, at maging matapat sa oras ng pagsubok, na nalalaman na ang gantimpala sa gayon ay mas higit pa sa kaharian ng langit. Anong laking kasiyahan! Anong laking kagalakan!” (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 76).

2. Maaari tayong isilang na muli at maging kasamang tagapagmana ni Cristo.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Mga Taga Roma 6 at Mga Taga Roma 8.

  • Inihambing ni Pablo ang pagbibinyag sa kamatayan, paglilibing, at pagkabuhay na mag-uli. Paano sumisimbolo ang pagbibinyag sa kamatayan, paglilibing, at pagkabuhay na mag-uli (bagong pagsilang)? (Tingnan sa Mga Taga Roma 6:3–4; Doktrina at mga Tipan 76:50–52.) Paano naging bagong pagsilang para sa inyo ang pagbibinyag?

    Ipaliwanag na ang binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ay simbolo ng ating espirituwal na pagsilang muli. Kapag inilubog na tayo sa tubig, ito ay isang simbolo na inililibing natin ang ating lumang pagkatao sa isang libingan. Kapag umahon na tayo mula sa tubig, sagisag ito na hinugasan na tayo at malinis. Tayo ay naging bagong tao na nakipagtipan na sundan si Cristo.

  • Paano natin mapananatili ang kalinisan at “panibagong buhay” (Mga Taga Roma 6:4) na naranasan natin sa binyag? (Ang mga sagot ay maaaring kabilangan ng pagsariwa sa ating mga tipan sa pagbibinyag habang tumatanggap tayo ng sakramento tuwing linggo, sa pamamagitan ng pagsisisi at paghahangad ng kapatawaran mula sa Panginoon, at sa pagsisimula sa bawat araw na may panibagong determinasyon na paglingkuran ang Diyos.)

  • Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “kaisipan ng laman”? (Tingnan sa Mga Taga Roma 8:5–6.) Ano ang mga bunga ng pagkakaroon ng kaisipan ng laman o mahalay na pag-iisip? (Tingnan sa Mga Taga Roma 8:6–8, 13.) Paano natin maaalis sa ating mga isipan at puso ang mahalay na bagay? Paano kayo pinagpala sa pagpili ninyong maging espirituwal ang kaisipan?

  • Nagpatotoo si Pablo “na tayo’y mga anak ng Dios” (Mga Taga Roma 8:16). Paano kayo naaapektuhan ng kaalaman na kayo ay anak ng Diyos? Ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa inyong mga kakayahan at potensiyal?

    Sinabi ni Elder Dallin H. Oaks na: “Isaalang-alang ang kapangyarihan ng ideya na itinuturo sa ating kinagigiliwang awitin na ‘Ako ay Anak ng Diyos’ (Mga Himno).… Narito ang sagot sa isa sa mga malaking katanungan sa buhay, ‘Sino Ako?’ Ako ay anak ng Diyos na may espiritung nagmula sa makalangit na mga magulang. Ang ating pinagmulan ang naglalarawan sa ating walang hanggang potensiyal. Ang makapangyarihang ideyang ito ay mabisang pampasigla. Mapatatatag nito ang bawat isa sa atin upang makagawa ng mga mabuting pagpapasiya at hangarin ang pinakamabuti sa magagawa natin. Buuin sa isipan ng isang kabataan ang makapangyarihang ideya na siya ay isang anak ng Diyos, at nabigyan ninyo ang kabataang iyon ng paggalang sa sarili at panghihikayat na labanan ang mga suliranin ng buhay” (sa Conference Report, Okt. 1995, 31; o Ensign, Nob. 1995, 25).

    Kung nakipag-ayos kayo upang awitin o tugtugin ang “Ako ay Anak ng Diyos” bilang natatanging bilang na musikal, hayaang itanghal na ito ngayon ng soloista o ng maliit na grupo. O awitin ito na kasama ang mga miyembro ng klase (tingnan sa bahaging “Paghahanda”).

  • Anong dakilang pangako ang sinabi ni Pablo na tatanggapin ng mga anak ng Diyos? (Tingnan sa Mga Taga Roma 8:17.) Ano ang ibig sabihin ng maging kasamang tagapagmana ni Cristo? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:50, 54–70.) Ano ang kailangan nating gawin upang matanggap ang dakilang pamanang ito? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:51–53.)

  • Paano makatutulong sa atin ang kaalaman na tayo ay mga anak ng Diyos at potensiyal na kasamang tagapagmana ni Cristo sa pagtitiis sa mga pagsubok ng daigdig na ito? (Tingnan sa Mga Taga Roma 8:18, 28, 31; tingnan din sa Mga Taga Roma 5:3–5.) Paano ninyo nakitang “ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios”? (Mga Taga Roma 8:28).

  • Ano ang itinuro ni Pablo sa Mga Taga Roma 8:35–39 tungkol sa pag-ibig ni Jesucristo? Paano ninyo nadama ang pag-ibig ng Tagapagligtas sa inyong buhay? Anong kaibahan ang nagawa ng kanyang pag-ibig sa inyong buhay?

    Kung nakipag-ayos kayo na ipaawit o ipatugtog ang “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” bilang isang natatanging bilang na musikal, ipatanghal na ito ngayon sa soloista o sa maliit na grupo. O awitin ito na kasama ang mga miyembro ng klase (tingnan sa bahaging “Paghahanda”).

3. Dapat tayong mamuhay na tulad ng mga Banal.

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Mga Taga Roma 12–13; 15:1–7.

  • Hinikayat ni Pablo ang mga Banal na taga Roma na ihandog ang kanilang mga sarili bilang “isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios” (Mga Taga Roma 12:1). Paano natin maihahandog ang ating sarili bilang mga haing buhay sa Diyos? (Tingnan sa 3 Nephi 9:20; Doktrina at mga Tipan 59:8.)

    Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie na, “Ang ng ihandog [ang sarili] bilang isang haing buhay ay lumapit nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu sa pamamagitan ng pagsunod” (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1966–73], 2:292).

  • Pinayuhan ni Pablo ang mga Banal na taga Roma na “huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito” (Mga Taga Roma 12:2). Ano ang ilang paraan kung paano sinusubukan nating makiayon sa sanlibutan ngayon? Paano natin maiiwasan ang ganitong pagkahilig? (Tingnan sa Mga Taga Roma 12:2.)

  • Nakatala sa Mga Taga Roma 12 at Mga Taga Roma 13 ang maraming katangian ng tunay na mga Banal. Ipatukoy sa mga miyembro ng klase ang mga katangiang ito, at isulat ang mga ito sa pisara. (Maaari ninyong naising hatiin ang klase sa maliliit na pangkat at atasan ang bawat grupo na saliksikin ang bahagi ng isang kabanata.) Pagkatapos ay talakayin ang sumusunod na mga tanong tungkol sa ilan sa mga katangiang ito: Bakit mahalagang paunlarin ang katangiang ito? Ano ang maaari nating gawin ngayong linggong ito upang higit pang mapaunlad ang katangiang ito?

  • Paano tayo tinagubilinan ni Pablo tungkol sa pakikitungo sa ating mga kaaway? (Tingnan sa Mga Taga Roma 12:19–21.) Anong mga biyaya ang darating sa ating buhay kung pakikitunguhan natin sa ganitong paraan ang ating mga kaaway? Anong mga halimbawa ang nakita ninyo sa isang tao na gumagamit ng kabaitan upang labanan ang kasamaan o poot?

  • Anong kautusan ang sinabi ni Pablo na kinabibilangan ng lahat ng iba pang mga kautusan? (Tingnan sa Mga Taga Roma 13:8–9.) Paano kabilang sa kautusang ito ang iba pang mga kautusan? (Tingnan sa Mga Taga Roma 13:10.)

  • Ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa kung paano dapat tumugon ang mga miyembrong may matatag na pananampalataya sa mga miyembrong mahina ang pananampalataya? (Tingnan sa Mga Taga roma 15:1–7.) Paano matutulungan ng isang taong may malakas na pananampalataya ang isang taong mahina?

Katapusan

Bigyang-diin na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa matwid na pamumuhay tayo ay maaaring ariing-ganap—ipinahayag na mabuti at kasundo ng Diyos. Magpatotoo na tayo ay mga anak ng Diyos at may potensiyal na maging mga kasamang tagapagmana ni Cristo kung may pananampalataya tayo sa kanya at namumuhay tulad ng ipinag-uutos niya sa atin.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay mga karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o dalawa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. “Hindi ko ikinahihiya ang evangelio [ni Cristo]” (Mga Taga Roma 1:16)

Ipabasa sa isang miyembro ng klase ang Mga Taga Roma 1:16.

  • Paano natin maipapakita na hindi natin ikinahihiya ang ebanghelyo ni Jesucristo? (Tingnan sa I Ni Pedro 3:15 para sa isang mungkahi. Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase, at himukin ang bawat miyembro ng klase na gawin ang kahit isa man lamang sa mga bagay na ito sa darating na linggo.)

2. Gawaing pangkabataan

Bigyan ng isang piraso ng papel at bolpen o lapis ang bawat miyembro ng klase. Ipasulat sa papel ng mga miyembro ng klase ang sumusunod na tanong mula sa Mga Taga Roma 8:31:

“Kung nasa panig natin ang Diyos, sino ang mananaig sa atin?” (Maaari ninyong naising gamitin ang mga salita mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith, na sa huling bahagi ng pangungusap ay nagsasabing sino ang mananaig sa atin?)

Talakayin kung paano mapalalakas ng pangungusap na ito ang mga miyembro ng klase sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Himukin ang mga miyembro ng klase na ilagay ang kard sa lugar kung saan madalas nila itong makikita.