Tulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan ang mga katangian na dapat nating taglayin upang maipamuhay nang lubusan ang ating relihiyon.
Paghahanda
Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang mga sumusunod na banal na kasulatan:
Santiago 1:1–4; 5:10–11. Itinuro ni Santiago na dapat nating pagtiisan nang buong tiyaga ang kahirapan.
Santiago 1:5–7; 4:8. Itinuro ni Santiago na dapat tayong manalangin sa Diyos nang may pananampalataya.
Santiago 1:19–20, 26; 3:2–18. Itinuro ni Santiago na dapat nating pigilan ang ating mga dila at “magmakupad sa pagkagalit.”
Santiago 1:22–25, 27; 2:14–26; 4:17. Itinuro ni Santiago na dapat tayong maging “tagatupad … ng salita,” na ipinakikita ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng ating mga gawa.
Mungkahi sa pagtuturo: “Ituro na mayroong personal na komunikasyon mula sa Diyos at patungo sa Diyos. Tulungan ang bawat indibiduwal na maunawaan kung paano manalangin nang karapat-dapat at kung paano makatatanggap at makakikilala ng mga sagot mula sa Diyos” (Richard G. Scott, “Four Fundamentals for Those Who Teach and Inspire Youth,” sa CES Old Testament Symposium Speeches, 1987 [1987], 3).
Mungkahing Pagbubuo ng Aralin
Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo
Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o higit pa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.
1. Mga pagtatanghal ng mga miyembro ng klase
Isang linggo bago ituro ang araling ito ay hilingan ang limang miyembro ng klase na pag-aralan ang magkakaibang kabanata sa Santiago. Sa pagsisimula ng klase (pagkatapos na pagkatapos ng gawaing pantawag-pansin, kung ginamit ninyo ito), ipabahagi sa mga taong ito ang kanilang mga ideya tungkol sa mga kabanatang kanilang pinag-aralan.
2. Pagpapalabas ng video
Basahin ang Santiago 1:27 at pagkatapos ay ipalabas ang “The Body Is a Temple, isang anim na minutong yugto mula sa New Testament Video Presentations (53914). Talakayin kung ano ang itinuturo ng pagtatanghal na ito ng video tungkol sa pagpapanatiling walang dungis ng ating sarili sa sanglibutan.
3. Karagdagang talakayan tungkol sa aklat ni Santiago
Sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Santiago 1:12, ang salitang nagtitiis ay pinalitan ng salitang lumalaban. Ano ang pagkakaiba ng pagtitiis ng tukso at paglaban sa tukso? Ano ang mga pangako sa mga lumalaban sa tukso? (Tingnan sa Santiago 1:12; 4:7.)
Ano ang itinuro ni Santiago tungkol sa paghatol sa iba? (Tingnan sa Santiago 2:1–9.) Bakit hinuhusgahan ng ilang tao ang iba sa pamamagitan ng kanilang mga katayuan sa lupa o materyal na ari-arian? Paano natin matututuhang hindi tingnan ang panlabas na kaanyuan ng tao at sa halip ay tingnan ang kanyang puso, tulad ng ginagawa ng Diyos? (Tingnan sa I Samuel 16:7; Doktrina at mga Tipan 38:24–27.)
Ano ang itinuro ni Santiago tungkol sa mga epekto ng pag-iimbot at pagnanasa? (Tingnan sa Santiago 3:16; 4:1–6.) Paano natin mapaglalabanan ang damdamin ng pag-iimbot o pagnanasa? (Tingnan sa Santiago 4:7–10.)
Ano ang itinuro ni Santiago tungkol sa pangangasiwa sa mga maysakit? (Tingnan sa Santiago 5:14–15.) Paano kayo pinagpala o kaya ay nakita ninyong pinagpala ang iba sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagkasaserdote na magpagaling?
Binigyang-diin ni Santiago ang kahalagahan ng pagtulong sa mga taong “nalilihis sa katotohanan” (Santiago 5:19–20). Paano natin magagawa ito?