Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 12:‘Ako ang Tinapay ng Kabuhayan’


Aralin 12

“Ako ang Tinapay ng Kabuhayan”

Juan 5–6; Marcos 6:30–44; Mateo 14:22–33

Layunin

Tulungan ang mga miyembro ng klase na tumingin kay Jesucristo bilang “ang tinapay ng kabuhayan,” ang pinagmumulan ng buhay na walang hanggan (Juan 6:47–48).

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Juan 5. Pinagaling ni Jesus ang isang lalaki sa [araw ng] Sabbath. Hinangad na patayin ng mga pinuno ng mga Judio si Jesus dahil sa kanyang pagpapahayag na siya ang Anak ng Diyos.

    2. Juan 6:1–14; Marcos 6:30–44. Buong himalang pinakain ni Jesus ang mahigit sa 5,000 tao.

    3. Juan 6:15–21; Mateo 14:22–33. Lumakad si Jesus sa dagat, inanyayahan si Pedro na lumapit sa kanya, at pinayapa ang mga hangin.

    4. Juan 6:22–71. Ipinahayag ni Jesus na siya “ang tinapay ng kabuhayan” at ang mga naniniwala sa kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Marami ang hindi tumanggap sa turo na ito, ngunit si Pedro at ang iba pang mga Apostol ay nanatiling kasama ni Jesus.

  2. Karagdagang pagbabasa: Mateo 14:1–21; Marcos 6:1–29, 45–52; Lucas 9:10–17.

  3. Hilingan ang isang miyembro ng klase na dumating sa klase na nakahandang magbahagi ng maikling buod ng pangyayari tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa isang lalaki sa tabi ng tangke (pool) ng Betesda (Juan 5:1–9).

  4. Kung makukuha ang mga larawang Feeding the Five Thousand (62143) at Christ Walking on the Water (Gospel Art Picture Kit 243), gamitin ang mga ito sa aralin.

  5. Mungkahi para sa pagtuturo: Madalas na gumamit ang Tagapagligtas ng mga bagay na karaniwang makikita sa araw-araw, tulad halimbawa ng tinapay o mga binhi, upang ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Habang inihahanda ninyo ang bawat aralin, isaalang-alang kung paano ninyo magagamit ang mga bagay-bagay upang makuha ang atensiyon ng klase o mailarawan ang isang mahalagang punto. (Tingnan sa Pagtuturo—Walang Higit na Dakilang Tungkulin, Yunit E, Paksa 11, “Pagtuturo ng mga Pakay-aralin,” 115–116.)

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Idrowing ang sumusunod na mga paglalarawan sa pisara:

Bato

Ilaw

Tinapay

Gawaing Pantawag-pansin

  • Ano ang ipinagkapareho ng mga bagay na ito?

Bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na maikling talakayin ang posibleng mga kasagutan sa tanong. Pagkatapos ay ipabasa sa kanila ang Helaman 5:12, kung saan tinutukoy ni Helaman si Jesucristo bilang “ang bato,” at ang Juan 8:12, kung saan ipinahayag ni Jesus na siya “ang ilaw ng sanglibutan.” Ipaliwanag na maya-maya lamang sa aralin ay tatalakayin ninyo kung paanong si Jesus “ang tinapay ng kabuhayan” (Juan 6:35).

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Habang itinuturo ninyo ang araling ito, tulungan ang mga miyembro ng klase na “saliksikin [ninyo] ang mga kasulatan” (Juan 5:39). Himukin silang magbahagi ng mga karanasan na may kaugnayan sa mga alituntuning tinatalakay nila.

1. Pinagaling ni Jesus ang isang lalaki [sa araw] ng Sabbath at ipinahayag na siya ang Anak ng Diyos.

Talakayin ang Juan 5. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata.

  • Anyayahan ang inatasang miyembro ng klase na ibuod ang pangyayari tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa isang lalaki sa tabi ng tangke ng Betesda (Juan 5:1–9). Anong mga tagubilin ang ibinigay ni Jesus sa lalaki nang makita niya ito sa templo kinahapunan ng araw na iyon? (Tingnan sa Juan 5:14.) Bakit “mas masama” ang mga epekto ng kasalanan kaysa sa mga pisikal na karamdaman?

  • Bakit hinangad ng mga pinuno ng mga Judio na patayin si Jesus? (Tingnan sa Juan 5:16–18.) Sa pagtugon ni Jesus sa nagagalit na mga Judio, ano ang inihayag niya tungkol sa kanyang kaugnayan sa Ama? (Tingnan sa Juan 5:19–23, 30.)

  • Sinabi ni Jesus sa mga tao na hindi magtatagal ay gagawa siya ng “lalong dakilang mga gawa” kaysa pagpapagaling sa may sakit (Juan 5:20). Sang-ayon sa kanya, ano ang lalong dakilang mga gawang ito? (Tingnan sa Juan 5:21–29. Isasakatuparan niya ang Pagkabuhay na Mag-uli, hahatulan niya ang lahat ng tao, at bibigyan ng buhay na walang hanggan ang matatapat.)

  • Anong mga saksi ang sinabi ng Tagapagligtas na nagpapatotoo hinggil sa kanya? (Tingnan sa Juan 5:32–39, 45–47.) Bakit mahalagang magkaroon ng ganitong mga saksi? (Tingnan sa Jacob 4:6.) Paano tayo magiging mga saksi ng Tagapagligtas?

  • Hinamon ni Jesus ang mga pinuno ng mga Judio na “saliksikin … ang mga kasulatan” (Juan 5:39). Ano ang kaibahan ng pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan at pagbabasa ng mga ito? (Maaaring naisin ninyong gamitin ang unang karagdagang ideya sa pagtuturo sa hulihan ng aralin habang tinatalakay ninyo ang tanong na ito.) Paano ninyo ginawang higit na makabuluhan ang inyong pansarili at pangmag-anak na pag-aaral ng mga banal na kasulatan? Paano kayo nabiyayaan sa pagsasaliksik ninyo sa mga banal na kasulatan?

  • Sang-ayon sa Juan 5:39, ano ang maaari sanang nalaman ng mga pinuno ng mga Judio kung sinaliksik at pinaniwalaan nila ang mga banal na kasulatan? (Malalaman sana nila na nagpapatotoo ang mga banal na kasulatan tungkol kay Jesucristo. Tingnan din sa Juan 5:40, 46–47.) Paano pinalakas ng mga banal na kasulatan ang inyong pananampalataya kay Cristo?

2. Buong himalang pinakain ni Jesus ang mahigit sa 5,000 tao.

Basahin at talakayin ang piling mga talata mula sa Juan 6:1–14 at Marcos 6:30–44. Ipakita ang larawan ni Jesus na pinakakain ang maraming tao.

  • Bakit nagpunta sa bundok si Jesus at ang kanyang mga disipulo? (Tingnan sa Juan 6:1–3; sinasabi sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Marcos 6:31 na si Jesus at ang kanyang mga disipulo ay nagpunta sa isang mapanglaw na lugar.) Paano tumugon si Jesus nang lapitan siya ng maraming tao? (Tingnan sa Marcos 6:33–34; Mateo 14:14.) Paano natin masusundan ang kanyang halimbawa ng pagkahabag?

  • Paano pinakain ni Jesus ang maraming tao? (Tingnan sa Juan 6:5–13; tingnan din sa Mateo 14:21.) Paano natin masusundan ang halimbawa ng batang lalaki na nagbigay ng kanyang mga tinapay at isda kay Jesus? Paano tayo binibiyayaan ng Panginoon kapag tayo, tulad ng batang lalaki, ay nagbibigay ng anumang mayroon tayo sa paglilingkod sa Kanya?

    Sinabi ni Elder James E. Faust:

    “Maraming hindi kilalang tao na may mga kaloob na katumbas lamang ng limang piraso ng tinapay at dalawang maliliit na isda ang gumaganap na mabuti sa kanilang tungkulin at naglilingkod nang hindi napapansin o napaparangalan, ang literal na nagpapakain ng libu-libo… . Ang mga ito ang daan-daang libong mga pinuno at guro sa lahat ng mga pantulong na samahan at korum ng pagkasaserdote, ang mga tagapagturo ng tahanan, ang mga tagapagturong dumadalaw ng Samahang Damayan. Sila ang mapagpakumbabang mga obispo ng Simbahan, ang ilan ay hindi nakaabot ng mataas na pinag-aralan o pagsasanay ngunit lubos na binasbasan ng Panginoon upang magawa ang mga bagay na lagpas sa kanilang kakayahan, palaging natututo, nang may mapagpakumbabang pagnanais na mapaglingkuran ang Panginoon at ang mga tao ng kanilang mga purok… .

    “Ang isang malaking dahilan kung bakit lumago ang simbahang ito mula sa abang pasimula nito tungo sa kasalukuyan nitong lakas ay ang katapatan at debosyon ng milyun-milyong mapagpakumbaba at debotong mga tao na may lilimang tinapay lamang at dadalawang maliliit na isda na maiaalay sa paglilingkod sa Panginoon. Isinuko na nila ang kanilang sariling mga interes at sa paggawa ng gayon ay nasumpungan ‘ang kapayapaan ng Diyos, na di masayod ng pag-iisip’ (Mga Taga Filipos 4:7)” (sa Conference Report, Abr. 1994, 4–5; o Ensign, Mayo 1994, 5–6).

  • Ano ang ilang mga halimbawa na nakita ninyo sa buhay ng mga tao na lubos na tinulungan ng Panginoon habang sila ay naglilingkod sa kanya?

  • Paano sinisimbulo ng mahimalang piging mula sa limang piraso ng tinapay at dalawang isda ang espirituwal na piging na iniaalok ng Tagapagligtas sa atin?

3. Lumakad si Jesus sa dagat, inanyayahan si Pedro na lumapit sa kanya, at pinayapa ang mga hangin.

Basahin at talakayin ang Juan 6:15–21 at Mateo 14:22–33. Ipaliwanag na matapos pakainin ni Jesus ang maraming tao ay tinagubilinan niya ang kanyang mga disipulo na sumakay sa daong at magpunta sa kabilang panig ng dagat. Pagkatapos ay pinaalis niya ang maraming tao at umakyat sa isang bundok upang manalangin. Habang papatawid ng dagat ang mga disipulo ay nakasagupa nila ang malalakas na hangin.

  • Ano ang naging reaksiyon ng mga disipulo nang makita nilang lumalakad sa ibabaw ng tubig si Jesus patungo sa kanila? (Tingnan sa Mateo 14:26; Juan 6:19.) Paano tumugon si Jesus sa kanilang pagkatakot? (Tingnan sa Mateo 14:27; Juan 6:20.)

Ipakita ang larawan ni Cristo na lumalakad sa ibabaw ng tubig.

  • Ano ang hiniling ni Pedro nang marinig niya ang tinig ng Tagapagligtas? (Tingnan sa Mateo 14:28–29.) Bakit nanghina ang pananampalataya ni Pedro nang lumalakad na siya sa ibabaw ng tubig? (Tingnan sa Mateo 14:30.) Paano tayo nakagagawa ng gayon ding pagkakamali kapag dumarating na ang mga problema?

  • Ano ang ginawa ni Pedro nang magsimula siyang lumubog? (Tingnan sa Mateo 14:30.) Ano ang ginawa ni Jesus? (Tingnan sa Mateo 14:31–32.) Ano ang inihahayag nito tungkol sa kaugnayan natin sa Panginoon? Paano ninyo nadamang pinalakas kayo ng Tagapagligtas at pinayapa ang inyong takot?

4. Ipinahayag ni Jesus na siya “ang tinapay ng kabuhayan.”

Basahin at talakayin ang mga piling talata mula sa Juan 6:22–71.

  • Kinabukasan pagkatapos ng himala na ginawa ni Jesus sa mga tinapay at isda ay sinundan siya ng mga tao sa Capernaum. Bakit sila sumunod sa kanya? (Tingnan sa Juan 6:26.) Paano ginamit ni Jesus ang kasabikan ng mga tao tungkol sa himalang ginawa niya noong nakaraang araw upang magpatotoo sa kanyang misyon? (Tingnan sa Juan 6:27–35.)

    Napuna ni Elder Jeffrey R. Holland na: “Noong panahon ng ministeryo ng Tagapagligtas sa Galilea ay sinumbatan Niya ang mga nakarinig na nagpakain siya ng 5,000 sa pamamagitan lamang ng limang tinapay at dalawang isda, at ngayon ay dumagsa sa Kanya na naghihintay ng libreng tanghalian. Ang pagkaing iyon, bagaman totoong mahalaga, ay hindi naman talagang bahagi ng tunay na pagkain na sinisikap Niyang ibigay sa kanila” (sa Conference Report, Okt. 1997, 87; o Ensign, Nob. 1997, 65).

  • Paanong naging angkop na paglalarawan sa Tagapagligtas at sa mga biyayang iniaalok niya sa atin ang “tinapay ng kabuhayan”? (Tingnan sa Juan 6:35, 47–51.) Ano ang ibig sabihin ng “hindi na kailanman magutom” at “hindi na kailanman mauhaw”? Paano tayo makikibahagi sa “tinapay ng kabuhayan”? (Tingnan sa Juan 6:47, 51–54; Mateo 26:26–28; Alma 5:33–35; Doktrina at mga Tipan 20:77.)

    Ipinayo ni Pangulong Howard W. Hunter na: “Kailangang makilala pa natin nang mas lubusan si Cristo kaysa pagkakakilala natin sa kanya ngayon; kailangang mas madalas pa natin siyang alalahanin kaysa pag-alaala natin sa kanya ngayon; kailangang paglingkuran natin siya nang mas magiting kaysa paglilingkod natin sa kanya ngayon. Sa gayon ay iinom tayo ng tubig na bumubukal tungo sa buhay na walang hanggan at kakain ng tinapay ng kabuhayan” (sa Conference Report, Abr. 1994, 84; o Ensign, Mayo 1994, 64).

Ituro na ang ilang tao ay hindi naniwala kay Jesus dahil nakita nila siya bilang “ang anak [lamang] ni Jose” (Juan 6:42). Ang ilan na nagsabing mga disipulo sila ni Jesus ay nangagreklamo at tumalikod sa kanya, na nagsasabing hindi nila nauunawaan ang espirituwal na kahulugan ng kanyang pagpapahayag na siya ang tinapay ng buhay at ang kanyang aral tungkol sa pangangailangang kainin ang kanyang laman at inumin ang kanyang dugo (Juan 6:51–66).

  • Nang hindi tanggapin ng ilang tao ang pangangaral ni Jesus, ano ang itinanong ni Jesus sa Labindalawang Apostol? (Tingnan sa Juan 6:67.) Ano ang sagot ni Pedro? (Tingnan sa Juan 6:68.) Ano ang naunawaan ni Pedro at ng iba pang mga Apostol tungkol kay Jesus na hindi naunawaan ng mga taong umalis? (Tingnan sa Juan 6:69.)

Katapusan

Magpatotoo na si Jesucristo ang “tinapay ng kabuhayan” at taglay niya “ang mga salita ng buhay na walang hanggan” (Juan 6:35, 68). Himukin ang mga miyembro ng klase na isagawa ang mga pangako niya mula sa Pangangaral tungkol sa Tinapay ng Kabuhayan: “Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin kailan ma’y hindi mauuhaw… . Ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan” (Juan 6:35, 47).

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang isa o dalawa sa mga ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

1. “Saliksikin [ninyo] ang mga kasulatan” (Juan 5:39)

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang tahimik ang Juan 5:20–30 habang binabasa ninyo ito nang malakas.

Basahin ito nang mabilis nang hindi tumitigil o tinatalakay ang kahit alinman sa mga talata.

Ipaliwanag na katatapos ninyong basahin ang Juan 5:20–30 at ngayon ay samasama ninyong sasaliksikin ang talata. Hatiin ang mga miyembro ng klase sa tatlo o apat na grupo. Atasan ang bawat grupo ng kahit isa man lamang sa sumusunod na mga bahagi mula sa Juan 5:20–30: mga talata 20–22, 23–24, 25–27, at 28–30. Bigyan ang mga grupo ng ilang minuto upang gumawa nang sama-sama. Ipabasa sa kanila ang iniatas na mga talata, pumili ng tatlo sa pinakamahahalagang salita sa mga talata, at maghandang ipaliwanag kung bakit mahahalaga ang mga salitang iyon.

  • Ano ang nakita ninyo nang saliksikin ninyo ang mga banal na kasulatan na hindi ninyo nakita nang basahin natin nang mabilis ang mga ito? Ano ang maaari nating gawin upang tayo mismo ay makapagsaliksik ng mga banal na kasulatan?

Ipaliwanag na ang Propetang si Joseph Smith ay nakatanggap ng pangitain tungkol sa mga kaharian ng kaluwalhatian matapos pagnilay-nilayin ang Juan 5:29. Anyayahan ang isang miyembro ng klase na basahin ang Doktrina at mga Tipan 76:15–20.

  • Anong kaalaman ang napasaatin dahil sinaliksik ni Joseph Smith ang Juan 5:29?

2. “Bantayan ninyo ang mga naghihintay sa gilid ng tangke ng Betesda”

Ginamit ni Elder Boyd K. Packer ang pangyayari sa Juan 5:1–9 upang bigyangdiin na dapat nating tulungan ang mga tao na may mga kapansanan. Sinabi niya na ang mga katawan at isipan na may mga kapansanan, “ay gagawing perpekto. Samantala, kailangan nating bantayan ang mga naghihintay sa gilid ng tangke ng Betesda” (sa Conference Report, Abr. 1991, 8; o Ensign, Mayo 1991, 9).

  • Ano ang magagawa natin upang matulungan ang mga taong may mga kapansanan sa pangangatawan o sa isipan?