Sunday School: Doktrina ng Ebanghelyo
Aralin 13: ‘Ibibigay Ko sa Iyo ang mga Susi ng Kaharian’


Aralin 13

“Ibibigay Ko sa Iyo ang mga Susi ng Kaharian”

Mateo 15:21–17:9

Layunin

Palakasin ang mga patotoo ng mga miyembro ng klase na si Jesus ang Cristo at ang mga susi ng pagkasaserdote na ipinagkaloob sa Bundok ng Pagbabagonganyo ay naipanumbalik na.

Paghahanda

  1. Basahin, pagnilay-nilayin, at ipanalangin ang sumusunod na mga banal na kasulatan:

    1. Mateo 15:21–39. Pinagaling ni Jesus ang anak na babae ng isang babaing Gentil at buong himalang pinakain ang mahigit sa 4,000 tao, na ang karamihan ay mga Gentil.

    2. Mateo 16:13–19. Nagpatotoo si Pedro na si Jesus ang Cristo. Itinuro ni Jesus na ang kanyang Simbahan ay itinayo sa ibabaw ng bato ng paghahayag at ipinangakong ibibigay kay Pedro ang mga susi ng kaharian.

    3. Mateo 17:1–9. Nagbagong-anyo si Jesus sa harapan nina Pedro, Santiago, at Juan.

  2. Karagdagang pagbabasa: Marcos 7:24–9:10; Lucas 9:18–36; 12:54–57; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Paghahayag,” 179–180 at “Pagbabagong-anyo,” 175.

  3. Kung may makukuhang mapa ng Palestina noong kapanahunan ng Bagong Tipan (mapa 4 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), gamitin ito sa aralin. Maaari ninyong naising gumawa ng pinalaking kopya nito upang makita itong mabuti ng mga miyembro ng klase.

  4. Mungkahi para sa pagtuturo: Ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, kabilang ang mga piling bahagi mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, ay maaaring mapagkunan sa paghahanda at pagtuturo ng inyong mga aralin. Tulungan ang mga miyembro ng klase na matutuhang gamitin ito sa kanilang personal na pag-aaral ng banal na kasulatan.

Mungkahing Pagbubuo ng Aralin

Gawaing Pantawag-pansin

Kung naaangkop, gamitin ang sumusunod na gawain o ang sariling gawa ninyo upang simulan ang aralin.

Ibahagi ang sumusunod na kuwento:

Maraming taon na ang nakalilipas nang dalawin ni Pangulong Spencer W. Kimball at ng ilan pang pinuno ng Simbahan ang maliit na katedral sa Copenhagen, Denmark, kung saan nakalagak ang tanyag na estatuwa ni Jesucristo at ng Labindalawang Apostol na gawa ni Bertel Thorvaldsen. Ganito ang sinabi ni Elder Rex D. Pinegar tungkol sa karanasang ito: “Habang nakatingin kami sa magagandang gawang iyon ng sining ay napansin namin na si Pedro ay nililok na may hawak na malalaking susi sa kanyang mga kamay… . Nang papalabas na kami ng katedral, ang tagapangalaga na taga Denmark … ay nakatayong malapit sa pintuan at naghihintay sa aming pag-alis. Kinamayan siya ni Pangulong Kimball [at] pinasalamatan siya sa kanyang kabaitan sa pagpapahintulot sa aming dalawin ang katedral. Pagkatapos ay sinimulan ng pangulo ang pagpapaliwanag tungkol sa simbahang itinatag ni Jesucristo at ang kahalagahan nito sa atin… . Pinalapit niya sina Pangulong Tanner, Elder Monson, at Elder Packer, at ang pangulo ay nagpatuloy, ‘Kami ang mga buhay na apostol ng Panginoong Jesucristo. May Labindalawang Apostol at tatlong iba pa na siyang panguluhan ng Simbahan. Taglay namin ang tunay na mga susi, tulad ni Pedro, at ginagamit namin ang mga ito sa araw-araw. Palaging ginagamit ang mga ito’ ” (sa Conference Report, Okt. 1976, 104; o Ensign, Nob. 1976, 69).

Ipaliwanag na tatalakayin sa araling ito ang mga susi ng pagkasaserdote at kung paano tinanggap ni Pedro ang mga ito sa Bundok ng Pagbabagong-anyo.

Talakayan at Pagsasagawa ng Banal na Kasulatan

Ipabuklat sa mga miyembro ng klase ang kanilang mga banal na kasulatan sa mapa ng Palestina, o ipakita ang pinalaking kopya na ginawa ninyo (tingnan sa bahaging “Paghahanda”). Ituro na ang mga pangyayaring tinalakay sa araling ito ay naganap sa Tiro, Sidon, Decapolis, at Cesaria ni Filipo. Tulungan ang mga miyembro ng klase na makita ang mga lugar na ito sa mapa. Ipaliwanag na ang mga paglalakbay ni Jesus sa pook na ito ang nagbigay daan upang makadaupangpalad niya ang maraming Gentil (mga hindi Israelita).

1. Pinagaling ni Jesus ang anak na babae ng isang Gentil at pinakain ang mahigit sa 4,000 tao.

Talakayin ang Mateo 15:21–39. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na basahin nang malakas ang mga piling talata.

  • Ano ang hiniling ng babaing taga Canaan na gawin ni Jesus? (Tingnan sa Mateo 15:22.) Bakit hindi kaagad pinagbigyan ni Jesus ang kanyang kahilingan? (Tingnan sa Mateo 15:24. Hindi siya Judio, at ang mga pagpapala ng ebanghelyo ay ibibigay muna sa mga Judio bago sa mga Gentil.) Bakit sa bandang-huli ay pinagaling ni Jesus ang anak ng babaing iyon? (Tingnan sa Mateo 15:28.) Ano ang matututuhan natin mula sa babaing ito? (Maaaring maibilang sa mga sagot ang katotohanan na ang mga hindi pa nakatatanggap ng kabuuan ng ebanghelyo ay maaari pa ring magkaroon ng malaking pananampalataya, at hindi tayo dapat mawalan ng pananampalataya kapag ang mga biyaya ay hindi kaagad ipinagkakaloob na tulad ng ating inaasahan.)

  • Ang Tagapagligtas ay umalis upang magtungo sa Dagat ng Galilea, na dumaraan sa Decapolis (Marcos 7:31). Ang Decapolis ay isang pook na nasa silangan ng Dagat ng Galilea kung saan nakatira ang maraming Gentil. Paano nagpakita ng pagkahabag ang Panginoon sa mga taong naroroon? (Tingnan sa Mateo 15:29–31.) Ano ang naging reaksiyon ng maraming tao? (Tingnan sa Mateo 15:31.) Anong mga himala sa ating kapanahunan ang naging dahilan upang luwalhatiin ninyo ang Diyos?

  • Ang maraming tao ay namalagi sa piling ni Jesus sa loob ng tatlong araw, at nang oras na para umalis hindi sila pinayagang umalis ni Jesus nang nagugutom. Anong himala ang ginawa niya para sa kanila? (Tingnan sa Mateo 15:32–38.)

    Ipaliwanag na ang himalang ito ay kaiba sa naunang pagpapakain sa 5,000 (Mateo 14:15–21) dahil ang karamihan sa mga taong ito ay mga Gentil. Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie na sa pagpapakain ng 5,000, ay “itinatatag [ni Jesus] ang saligan para sa kanyang hindi mapapantayang sermon tungkol sa Tinapay ng Kabuhayan” (Juan 6:22–69; tingnan sa aralin 12). Sa pamamagitan ng pagpapakain sa 4,000 makaraan ang naunang pagpapakain ay masagisag na itinuro ni Jesus na sa hinaharap, ang buhay na tinapay ay iaalok sa mga bansang Gentil. (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1966–73], 1:375.)

2. Ipinangako kay Pedro ang mga susi ng kaharian.

Basahin at talakayin ang Mateo 16:13–19.

  • Nilisan ni Jesus ang Decapolis at nagtungo sa pook ng Cesaria ni Filipo, kung saan ay tinanong niya ang kanyang mga disipulo na, “Ano ang sabi ninyo kung sino ako?” (Mateo 16:15). Ano ang sagot ni Pedro? (Tingnan sa Mateo 16:16.) Ano ang pinagmulan ng patotoo ni Pedro? (Tingnan sa Mateo 16:17.) Ano ang matututuhan natin mula sa pangyayaring ito tungkol sa ating mga patotoo?

  • Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia” (Mateo 16:18). Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang batong tinutukoy ni Jesus ay ang paghahayag (Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith [1976], 274). Sa anong paraan naging saligan ng Simbahan ng Panginoon ang paghahayag?

  • Nangako ang Tagapagligtas na ibibigay kay Pedro ang “mga susi ng kaharian ng langit” (Mateo 16:19). Ano ang mga susing ito? Bakit kailangan ang mga ito? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:9–10; 132:46.) Sino ang nagtataglay ng mga ito sa ngayon?

    Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith:

    “Ang Pagkasaserdote sa pangkalahatan ang awtoridad na ibinigay sa tao upang gumanap para sa Diyos. Ang bawat lalaking inordenan sa anumang antas ng Pagkasaserdote, ay nagtataglay ng awtoridad na ito.

    “Subalit mahalaga na ang bawat pagganap na gagawin sa ilalim ng awtoridad na ito ay dapat maisagawa sa tamang panahon at lugar, sa tamang paraan, at ayon sa tamang kaayusan. Ang kapangyarihan ng pangangasiwa sa mga gawaing ito ang bumubuo ng mga susi ng Pagkasaserdote. Sa kanilang kabuuan, ang mga susi ay hawak lamang ng iisang tao sa isang panahon, ang propeta at pangulo ng Simbahan. Maaari niyang ipakatawan sa isang tao ang kahit aling bahagi ng kapangyarihang ito, at sa ganitong kalagayan ay taglay ng taong iyon ang mga susi ng kaukulang gawaing iyon” (Gospel Doctrine, ika-5 edisyon [1939], 136).

  • Bakit mahalagang bahagi ng ating mga patotoo ang matibay na paniniwala na taglay ng propeta ang mga susi?

3. Nagbagong-anyo si Jesus sa harapan nina Pedro, Santiago, at Juan.

Basahin at talakayin ang Mateo 17:1–9. Ipaliwanag na mga isang linggo matapos maipangako kay Pedro ang mga susi ng kaharian, ay nasaksihan nila, ni Santiago at ni Juan ang Pagbabagong-anyo ng Tagapagligtas at tumanggap sila ng mahalagang kaalaman, at mga susi. Ito ang isa sa mahahalagang pangyayari sa Bagong Tipan. Nakatulong ito sa paghahanda kay Jesus para sa kanyang Pagbabayad-sala at pinatatag ang tatlong Apostol para sa karagdagang mga tungkulin na mapapasakanila sa lalong madaling panahon bilang mga pinuno ng Simbahan.

  • Ano ang ibig sabihin ng pagbabagong-anyo? (Isang pansamantalang pagbabago sa kaanyuan at likas ng isang tao; isang pagbabago tungo sa mas maluwalhating kalagayan. Ito ay pinapangyayari ng kapangyarihan ng Diyos. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 67:11; Moises 1:11.)

  • Sang-ayon sa Mateo 17:1–5, ano ang nangyari noong nasa Bundok ng Pagbabagong-anyo sina Jesus, Pedro, Santiago, at Juan? (Maaari ninyong naising isulat sa pisara ang mga sagot ng mga miyembro ng klase.)

    1. Ang mukha ni Jesus ay nagliwanag na tulad ng araw, at ang kanyang kasuotan ay naging busilak sa kaputian.

    2. Sina Moises at Elias (Elijah) ay nagpakita.

    3. “Isang maliwanag na ulap ang tumabon sa kanila,” at narinig nila ang tinig ng Ama na nagbibigay patotoo tungkol sa kanyang Anak.

    Maaari ninyong naising ipaliwanag na ang pangalang Elias ay ginamit sa iba’t ibang paraan sa mga banal na kasulatan. Sa Mateo 17:3–4 ito ay katumbas sa Griyego ng pangalang Hebreo na Elijah. Sa iba pang lugar (katulad ng Mateo 17:10–13), ito ay titulo na naglalarawan sa isang taong nangunguna, o naghahanda.

    Ipaliwanag na mas marami ang itinuro ng mga propeta sa huling araw tungkol sa naganap sa Bundok ng Pagbabagong-anyo. Pagbalik-aralan ang sumusunod na mga aral na kasama ang mga miyembro ng klase at, kung nais ninyo, ibuod ang mga ito sa pisara:

    1. Sina Pedro, Santiago, at Juan ay nakakita ng isang pangitain tungkol sa pagbabagong-anyo ng mundo sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas (Doktrina at mga Tipan 63:20–21).

    2. Sila ay “nagbagong-anyo sa harapan ni [Cristo]” (Teachings of the Prophet Joseph Smith, 158).

    3. Itinuro sa kanila ang tungkol sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas (Pagsasalin ni Joseph Smith, Lucas 9:31).

    4. Tinanggap nila mula kina Jesus, Moises, at Elijah ang mga susi ng pagkasaserdote na kakailanganin nila sa pamamahala sa Simbahan pagkatapos mamatay ng Tagapagligtas (Teachings of the Prophet Joseph Smith, 158; Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, 3 tomo [1954–56], 2:110).

  • Noong 1836 ay muling nagbalik sa daigdig sina Moises at Elijah. Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa ulo nina Joseph Smith at Oliver Cowdery upang ipanumbalik ang mga susing ibinigay noon kina Pedro, Santiago, at Juan. Aling mga susi ang ipinanumbalik ni Moises? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11. Ang mga susi ng pagtitipon ng Israel.) Aling mga susi ang ipinanumbalik ni Elijah? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:13–16. Ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod.) Paano ginagamit ang mga susing ito sa ngayon? (Sa gawaing misyonero at gawain sa templo, na pinangangasiwaan sa ilalim ng pamamahala ng Pangulo ng Simbahan.)

  • Itinuro ni Elder David B. Haight na ang Pagbabagong-anyo ni Jesus “ay nilayon para sa ating espirituwal na kaliwanagan at gayundin naman sa mga nakasaksi mismo” (sa Conference Report, Abr. 1977, 8; o Ensign, Mayo 1977, 7). Ano ang matututuhan natin mula sa Pagbabagong-anyo na makatutulong sa atin kapag nangangailangan tayo ng espirituwal na kalakasan?

    Maaari ninyong naising pagbalik-aralan ang sumusunod na mga ideya na inilahad ni Elder Haight (sa Conference Report, Abr. 1977, 9–10; o Ensign, Mayo 1977, 7–9):

    1. Dapat nating sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng mataimtim na pananalangin kapag kailangan natin ng espirituwal na kalakasan (Lucas 9:28). Ganito ang sinabi ni Elder Haight tungkol sa Pagbabagong-anyo: “Marahil ang nadama ni Jesus noon ay hindi lamang ang makalangit na kapayapaan na maidudulot ng pagkakataong makipagugnayan nang mag-isa sa Kanyang Ama, kundi higit pa rito. Marahil ay nadama niyang itataguyod Siya pagsapit ng oras sa pamamagitan ng mga pagmiministeryong hindi matatagpuan sa daigdig na ito… . Habang nananalangin Siya sa Kanyang Ama, Siya ay iniangat palayo sa pag-aagamagam at kasamaan ng daigdig na tumalikod sa Kanya.”

    2. Maaaring mapasaatin ang katiyakan na bibigyan tayo ng lakas ni Jesus tulad ng ginawa niya kina Pedro, Santiago, at Juan. Sinabi ni Elder Haight na, “Isinama niya ang Kanyang tatlong apostol sa paniniwalang sila, matapos makita ang Kanyang kaluwalhatian … ay maaaring mapatatag, upang ang kanilang pananampalataya ay lumakas para maihanda sila sa magaganap na mga pang-aalipusta at mapanghamak na pangyayari.”

    3. Mapalalakas tayo ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas (Mateo 17:5) at ng mga doktrina ng ebanghelyo. Sinabi ni Elder Haight na, “Ang tatlong piniling apostol ay tinuruan ng tungkol sa darating na kamatayan ng [Tagapagligtas] at gayundin ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli, mga turo na makapagpapalakas sa bawat isa sa kanila sa makasaysayang mga araw na darating.”

Katapusan

Bigyang-diin na bilang mga Banal sa mga Huling Araw ay nasa atin ang impormasyon na makatutulong sa atin upang maunawaan kung ano ang naganap sa Bundok ng Pagbabagong-anyo. Magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng paghahayag sa Simbahan sa ngayon at sa pangangailangan sa mga susi ng pagkasaserdote. Bigyang katiyakan ang mga miyembro ng klase na malalaman natin, tulad ni Pedro, sa pamamagitan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos na Buhay.

Karagdagang mga Ideya sa Pagtuturo

Ang sumusunod na materyal ay karagdagan sa mungkahing banghay ng aralin. Maaari ninyong naising gamitin ang ideyang ito bilang bahagi ng aralin.

Mga pagkakataon kung kailan nagpatotoo ang Ama tungkol sa Anak

May apat na pagkakataon na nakatala sa mga banal na kasulatan kung kailan ipinakilala at nagpatotoo ang Ama tungkol sa kanyang Anak. Ang isa sa mga ito ay tinatalakay sa araling ito. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na isipin ang tatlo pang pagkakataon.

  1. Binyag ni Jesus (Mateo 3:13–17)

  2. Sa Pagbabagong-anyo (Mateo 17:1–9)

  3. Pagpapakita ni Jesus sa mga Nephita (3 Nephi 11:1–7)

  4. Sa Unang Pangitain ni Joseph Smith (Joseph Smith—Kasaysayan 1:13–17)