Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 40: Kaligtasan sa Pamamagitan ni Jesucristo


Kabanata 40

Kaligtasan sa Pamamagitan ni Jesucristo

Itinanong ni Pangulong Brigham Young, “Mayroon bang mawawalay? Mayroon bang hindi pagdurusahan ang matinding galit ng Pinakamakapangyarihan? Maaari kong sabihin, unang-una, kagaya ng aking sinasabi sa buong buhay ko, kung saan ako nangangaral, na hindi ako kailanman nagkaroon ng lakas ng loob upang ipangaral ang impiyerno at kapahamakan sa mga tao. Tinangka ko sa napakaraming pagkakataon—tinangka ko noong nakaraang Sabbath, at tinangka ko sa araw na ito na makarating sa paksang ito—ang pagdurusa ng masasama. Magdurusa sila, tila baga; ngunit hindi ko magawang tanggapin sa aking puso ang ano pa mang bagay, maliban sa kaligtasan ng mga tao” (DBY, 388). Itinuro ni Pangulong Young na “mabubuhay na mag-uli ang lahat” (DBY, 391). Binanggit niya ang kaligtasan na “makararating sa buong angkan ng tao” (DBY, 389). At binanggit niya ang buhay na walang hanggan para sa mga yaong mahigpit “na sumusunod sa mga pangangailangan ng [mga batas] ng Diyos, at nagpapatuloy sa katapatan” (DBY, 387).

Mga Turo ni Brigham Young

Ang kaligtasan na iniaalok ni Jesucristo ay nakararating sa buong angkan ng tao.

Masdan ang kabutihan, ang mahabang pagtitiis, ang kabaitan, at ang marubdob na damdaming magulang ng ating Ama at Diyos sa paghahanda ng daan at pagbibigay ng kaparaanan upang maligtas ang mga anak ng tao—hindi lamang ang Banal sa mga Huling Araw—hindi lamang ang mga may tanging karapatan ng mga unang alituntunin ng batas selestiyal, kundi ang iligtas ang lahat. Ito ay kaligtasan para sa lahat—isang pagtubos para sa lahat (DBY, 388).

Ilan ang mapapanatili? Ang lahat ng yaong hindi nagtatakwil o sumasalangsang sa kapangyarihan at katangian ng Anak ng Diyos—ang lahat ng hindi nagkakasala laban sa Espiritu Santo (DBY, 387).

Ang lahat ng bansa ay makikibahagi sa mga biyayang ito; ang lahat ay napapaloob sa pagtubos ng Tagapagligtas. Nilasap niya ang kamatayan para sa bawat tao; silang lahat ay nasa kanyang kapangyarihan, at inililigtas niya silang lahat, kagaya ng sinasabi niya, maliban sa mga anak na lalaki ng kapahamakan; at inilagay ng Ama ang lahat ng nilalang sa lupa sa kanyang kapangyarihan. Ang daigdig mismo, at ang sangkatauhan sa ibabaw nito, ang mangmang na mga hayop, ang mga isda sa dagat, at ang mga ibon sa langit, ang mga kulisap, ang bawat gumagapang na hayop, kasama ang lahat ng bagay patungkol sa sansinukob na ito,—ang lahat ay nasa mga kamay ng Tagapagligtas, at tinubos niya silang lahat (DBY, 388).

Ang mga pangalan ng bawat anak na lalaki at babae ni Adan ay nakasulat na sa Aklat ng Buhay ng Kordero. Mayroon bang isa mang panahon kung kailan aalisin sila rito? Oo, kung sila ay magiging mga anak na lalaki ng kapahamakan, at tanging doon lamang. Ang bawat tao ay may tanging karapatan na panatilihin ito roon kahit kailan at magpakailanman. Kung pababayaan nila ang tanging karapatang ito, samakatwid ay buburahin ang mga pangalan nila, at tanging doon lamang. Ang lahat ng pangalan ng angkan ng tao ay nakasulat doon, at pananatilihin ng Panginoon ang mga ito roon hanggang sa marating nila ang kaalaman ng katotohanan, na dahil dito ay magagawa nilang maghimagsik laban sa kanya, at maaaring magkasala laban sa Espiritu Santo; pagkatapos ay itatapon sila sa impiyerno; at buburahin ang kanilang mga pangalan mula sa Aklat ng Buhay ng Kordero (DBY, 387–88).

Isang magiging kaluguran ang malamang napangalagaan natin ang lahat ng ibinigay ng ating Ama sa ating kapangyarihan [pangangasiwa]. Sinabi ni Jesus na walang nawalay sa kanya maliban sa mga anak na lalaki ng kapahamakan. Hindi niya iwawalay ang alinman sa kanyang mga kapatid, maliban sa mga anak na lalaki ng kapahamakan. Pag-ingatan natin ang lahat ng inilalagay ng Ama sa ating kapangyarihan (DBY, 388).

Ang ating relihiyon ay iniakma sa kakayahan ng buong angkan ng tao. Hindi nito pinapangyaring ang isang bahagi ng mga tao na humagulhol sa paghihirap magpakailanman, bagkus ay umaabot ito hanggang sa kahulihulihang anak na lalaki at babae nina Adan at Eva, at pakakawalan sila mula sa kulungan, bubuksan ang mga pintuan, at kakalagin ang mga gapos at ibabangon ang bawat kaluluwa na tatanggap ng kaligtasan (DBY, 389).

Ang buong kalangitan ay sabik na maligtas ang mga tao. Nananangis ang kalangitan para sa mga tao, dahil sa katigasan ng kanilang puso, kawalan ng pananampalataya, at kabagalan sa paniniwala at pagkilos (DBY, 388–89).

Nang ihayag ng Diyos kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na may isang lugar na inihanda para sa lahat, alinsunod sa liwanag na kanilang tinanggap at sa kanilang pagtakwil sa masama at sa paggawa nila ng mabuti, ito ay naging isang malaking pagsubok sa marami, at ang iba ay lubusang tumalikod dahil hindi ipadadala ng Diyos sa walang katapusang kaparusahan ang mga pagano at mga sanggol, bagkus sila ay may puwang ng kaligtasan, sa akmang panahon, para sa lahat, at bibiyayaan ang tapat at mabuti at makatotohanan, kabilang man sila o hindi sa anumang simbahan. Isa iyong bagong doktrina para sa salinlahing ito, at marami ang natisod dahil dito (DBY, 390–91).

Hindi ba kalugud-lugod na isipin na may mga kaharian, mga mansiyon ng kaluwalhatian at maginhawang mga tirahan na inihanda para sa lahat ng anak na lalaki at babae ni Adan, maliban sa mga anak na lalaki ng kapahamakan? Hindi magkakaroon ang lahat ng bahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli, at marahil marami ang hindi lilitaw sa pangalawa; ngunit mabubuhay na mag-uli ang lahat (DBY, 391).

Sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang lahat ng tapat sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo ay maliligtas sa kahariang selestiyal.

Mayroong pagkakataon [para sa kadakilaan] para sa mga nabuhay noon at para sa mga nabubuhay ngayon. Dumating na ang Ebanghelyo. Ang katotohanan at liwanag at katwiran ay ipinadala sa sanlibutan, at ang mga tumatanggap sa mga ito ay maliligtas sa kahariang selestiyal ng Diyos. At marami sa kanila, sa pamamagitan ng kamangmangan, sa pamamagitan ng tradisyon, pamahiin, at ng maling mga tuntunin ng kanilang mga ninuno, ay hindi tatanggap sa mga ito, ay makapagmamana pa rin ng mahusay at maluwalhating kaharian, at magtatamasa ng higit at tatanggap ng higit kaysa kayang haginapin ng tao, maliban na lang kung ipinahayag na ito sa kanya (DBY, 389).

Ang mga salitang ito [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:21–24] ay nagpapahayag sa katunayang tinukoy ni Jesus nang sabihin niyang, “Sa bahay ng aking Ama ay may maraming tahanan” [Juan 14:2; Doktrina at mga Tipan 98:18]. Kung ilan ay hindi ko masasabi; ngunit tatlo ang malinaw na binanggit: ang selestiyal, ang pinakamataas; at terestriyal, na sumusunod sa ilalim nito; at ang telestiyal, ang pangatlo. Kung pagsusumikapan nating basahin ang sinabi ng Panginoon sa kanyang mga tao sa mga huling araw, matutuklasan nating lumikha siya ng mga paghahanda para sa mga nananahan sa lupa; ang bawat nilalang na naghahangad, at nagpupunyagi kahit maliit man, na mapagwagihan ang kasamaan at malupig ang kasalanan sa kanyang sarili, at upang mamuhay nang karapat-dapat sa isang kaluwalhatian, ay magkakaroon nito. Tayo na nakatanggap ng kabuuan ng Ebanghelyo ng Anak ng Diyos, o ng Kaharian ng langit na pumarito sa lupa, ay nanghahawakan sa mga batas, ordenansa, kautusan at paghahayag na maghahanda sa atin, sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod, na mamana ang kahariang selestiyal, upang makapunta sa kinaroonan ng Ama at Anak (DBY, 391).

Hindi mahalaga kung anuman ang panlabas na anyo—kung tunay kong nalalaman na ang mga puso ng mga tao ay ganap na nakahandang gawin ang kalooban ng kanilang Ama sa Langit, bagama’t maaari silang magatubili at gumawa ng maraming bagay bunsod ng kahinaan ng kalikasan ng tao, gayunman ay maliligtas sila (DBY, 389).

Kung tatanggapin natin ang kaligtasan sa ilalim ng mga tadhana kung saan ito inialok sa atin, kinakailangan nating maging tapat sa bawat iniisip, sa ating mga pagmumuni-muni, sa ating mga pagbubulay-bulay, sa ating pansariling mga samahan, sa ating mga pakikitungo, sa ating mga pahayag, at sa bawat kilos sa ating buhay, nang walang takot at walang pagsaalangalang sa bawat alituntunin ng pagkakamali, sa bawat alituntunin ng kabulaanan na maaaring iharap (DBY, 389).

Bagama’t iisa ang ating layunin bilang mga tao, tandaan pa rin, na ang kaligtasan ay pansariling gawain; ito ay bawat tao para sa kanyang sarili. Higit na marami akong binibigyang kahulugan sa pamamagitan nito kaysa panahong mayroon ako upang sabihin nang buo, ngunit bibigyan ko kayo ng pahiwatig. Mayroon sa Simbahang ito ng mga nag-aakalang maliligtas sila sa pamamagitan ng pagkamatwid ng iba. Hindi nila matatamo ang kanilang hangarin. May mga darating kung kailan ipipinid na ang pintuan, kung kaya’t sa pangyayaring ito ay maaari kayong mapagsarhan; pagkaraan ay tatawag kayo sa iba, na, dahil sa kanilang katapatan, sa pamamagitan ng habag ni Jesucristo, ay nakapasok sa loob sa pamamagitan ng pintuang selestiyal, upang buksan ito para sa inyo; ngunit ang gawin ito ay hindi nila tungkulin. Ganito ang magiging kapalaran ng mga taong walang saysay na umaasang maligtas dahil sa pagkamatwid at sa pamamagitan ng impluwensiya ni Kapatid na [o Kapatid na babaeng] Ganito. Nagbibigay babala ako sa inyo, samakatwid, na linangin ang pagkamatwid at katapatan sa inyong mga sarili, sa siyang tanging pasaporte patungo sa kaligayahang selestiyal (DBY, 390).

Kung si Kapatid na Brigham ay maligaw nang landas, at mapagsarahan sa labas ng Kaharian ng langit, walang taong dapat sisihin kundi si Kapatid na Brigham. Ako lamang ang tanging nilalang sa langit, sa lupa, o sa impiyerno na maaaring sisihin (DBY, 390).

Paiiralin ito nang pantay-pantay sa bawat Banal sa mga Huling Araw. Ang kaligtasan ay pansariling gawain. Ako lamang ang tanging tao na maaaring magligtas sa aking sarili. Kung ipadala sa akin ang kaligtasan, maaari ko itong tanggapin o tanggihan. Sa pagtanggap ko rito, nagbibigay ako ng ganap na pagsunod at pagpapasailalim sa dakilang May-akda nito sa buong buhay ko, at sa mga yaong itatalaga niya upang turuan ako; sa pagtanggi ko rito, sumusunod ako sa utos ng sarili kong kalooban na pinili ko kaysa kalooban ng aking Manlilikha (DBY, 390).

Walang taong kailanman ang lumabis ang pagkakaligtas; ang mga naligtas, at maliligtas sa hinaharap, ay naligtas lamang nang sapat, at ito hindi nangyayari nang walang pakikibaka upang magtagumpay, na nangangailangan ng paggamit ng lahat lakas ng kaluluwa (DBY, 379).

Kung saan nananahan ang Diyos at si Cristo, ito yaong kaharian mismo—ang kahariang selestiyal (DBY, 388).

Ang mga lalaki at babae, na naghahangad na makatamo ng luklukan sa kahariang selestiyal, ay mababatid na kinakailangan nilang makipagbaka bawat araw (DBY, 392).

Tungkol sa taong naligtas sa kahariang selestiyal ng Diyos nang hindi nakahandang manahan sa isang dalisay at banal na lugar, itong lahat ay kalokohan at nakatatawa; at kung may sinumang mag-aakala na matatamo nila ang kinaroroonan ng Ama at Anak sa pamamagitan ng pakikipaglaban, sa halip na sa pamumuhay sa kanilang relihiyon, magkakamali sila, samakatwid, kung kaagad nating mapagpasiyahang ipamuhay ang ating relihiyon, higit na mainam ito para sa atin (DBY, 392).

Ang kalakaran sa langit ay ipunin lahat, at iligtas ang bawat isa na maaaring maligtas (DBY, 378).

Dapat maunawaan ng mga tao na walang sinumang lalaki [o babae] na isinilang sa balat ng lupa na hindi maaaring maligtas, kung nakahanda siya rito (DBY, 387).

Ang lahat ng nabuhay o mabubuhay sa sanlibutang ito ay may tanging karapatan ng pagtanggap ng ebanghelyo. Magkakaroon sila ng mga Apostol, Propeta, at mga ministro doon, kagaya nang mayroon tayo rito, upang gabayan sila sa mga daan ng katotohanan at kabutihan, at pamunuan sila pabalik sa Diyos. Ang lahat ay magkakaroon ng pagkakataon para sa kaligtasan at buhay na walang hanggan (DBY, 378).

Kung nagkakaisa tayo sa pananampalataya, at nagkakaisa upang matamo ang isang dakilang layunin, at ako, bilang isang tao ay maaaring mapunta sa kahariang selestiyal, kayo at ang bawat tao, sa pamamagitan ng ganito ring patakaran, ay maaari ring makapasok roon (DBY, 387).

Dadakilain ng Ama sa Langit ang magigiting niyang anak upang manirahan sa kanyang kinaroroonan nang may kapangyarihan at kaluwalhatian magpakailanman.

Ang lahat ba ng espiritu ay pinagkalooban nang magkakatulad? Hindi, hindi sa anumang paraan. Magiging pantay-pantay ba tayo sa kahariang selestiyal? Hindi. [Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4.] Ang ilan sa mga espiritu ay higit na marangal kaysa iba; ang ilan ay may kakayahang tumanggap nang higit kaysa iba. Mayroong pagkakaiba-iba sa kahariang selestiyal kagaya ng nakikita ninyo rito, ngunit sila ay may iisang pinagmulang angkan, iisang Ama, iisang Diyos (DBY, 391).

Ito yaong panukala, hangarin, kalooban, at isipan ng Panginoon, na ang mga nananahan sa sanlibutan ay maitaas sa mga luklukan, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan, alinsunod sa kanilang mga kakayahan. … Kinakailangan silang lahat na mapasailalim muna sa kasalanan at sa mga kapahamakan ng lamang mortal, upang mapatunayan ang mga sarili nilang karapat-dapat; pagkaraan ay nakahanda na ang Ebanghelyo na saklawan sila at itaas, pag-isahin sila, paliwanagin ang kanilang mga pang-unawa, at sila ay pag-isahin sa Panginoong Jesus, upang ang kanilang pananampalataya, mga panalangin, mga pag-asa, mga pagmamahal, at ang lahat ng kanilang hangarin ay ganap na mapag-isa (DBY, 391–92).

Ang pagkakaiba sa pagitan ng matwid at makasalanan, buhay na walang hanggan at kamatayan, kaligayahan at kalungkutan, ay ganito, sa mga yaong siyang dinakila ay walang mga hangganan o takda sa kanilang mga tanging karapatan, may pagpapatuloy ang kanilang mga biyaya, at sa kanilang mga kaharian, mga luklukan, at mga nasasakupan, mga pamunuan, at mga kapangyarihan ay walang katapusan, bagkus sila ay umuunlad sa lahat ng kawalang-hanggan (DBY, 63).

Sino ang makapagbibigay kahulugan sa kabanalan ng tao? Tanging ang mga yaong nakauunawa sa tunay na mga alituntunin ng kawalang hanggan—ang mga alituntuning tumutukoy sa buhay at kaligtasan. Ang tao, sa pagiging dakila, ay hindi nawawalan ng kapangyarihan at kakayahang likas na ipinagkaloob sa kanya; ngunit, sa kasalungat nito, sa pamamagitan ng pagtahak sa landas patungo sa buhay, nakatatamo siya ng higit na kapangyarihan, higit na lakas at kakayahan sa bawat hakbang sa pagpapatuloy niya roon (DBY, 392).

Ang kaharian kung saan naroroon ang mga taong ito ay may kaugnayan sa kahariang Selestiyal; isa itong kaharian kung saan maaari tayong maghanda upang pumunta sa kinaroonan ng Ama at ng Anak. Samakatwid ay mamuhay tayo upang mamana ang kaluwalhatiang iyon. Nangako sa inyo ang Diyos, nangako sa inyo si Jesucristo, at nangako sa inyo ang mga apostol at propeta noong una at sa ating panahon na gagantimpalaan kayo alinsunod sa lahat ng maaari ninyong hangarin sa kabutihan sa harapan ng Panginoon, kung mamumuhay kayo para sa gantimpalang iyon (DNW, ika-31 ng Okt. 1860, 1).

Ang kaligtasan ang kabuuan ng buhay ng tao, ng mga anghel, ng mga Diyos; ito ang buhay na walang hanggan—ang buhay na noon, na ngayon, na darating. At tayo, bilang mga tao, ay mga tagapagmana ng lahat ng buhay na ito, kung itutuon natin ang mga sariling mahigpit na sumusunod sa mga pangangailangan ng mga batas ng Diyos, at nagpapatuloy sa katapatan. (DBY, 387).

Kung mayroon kayong ginto at pilak, huwag hahayaang mamagitan ito sa inyo at sa inyong tungkulin. Sasabihin ko sa inyo kung ano ang inyong gagawin upang matamo ang inyong kadakilaan, na kung alin ay hindi ninyo matatamo kung hindi ninyo gagawin ito. Kung ang inyong mga pagmamahal ay nakatuon sa anumang bagay na maaaring makasagabal sa inyo bahagya man upang italaga ang mga ito sa Panginoon, gumawa ng pagtatalaga ng bagay na yaon unang-una, nang mabuo ang pagtatalaga ng kabuuan … ang puso ko ay hindi ganap na nakatuon sa gawaing ito, ibibigay ko ang aking panahon, talino, kamay, at mga ari-arian, hanggang sa sumunod ang aking puso; pagaganahin ko ang aking mga kamay sa gawain ng Diyos, hanggang sa sumuko rito ang aking puso. … Sinabi ko na sa inyo ang landas na dapat sundan upang magkaroon ng kadakilaan. Ang Panginoon ang dapat na una at pinakamahalaga sa ating puso; nangangailangan ng pangunahing pagsasaalang-alang natin ang pagtataguyod ng kanyang layunin at pagtatayo ng kanyang kaharian (DNW, ika-5 ng Ene. 1854, 2).

Walang sinumang tao ang maliligtas at makapupunta sa kinaroroonan ng Ama, maliban lamang sa pamamagitan ng Ebanghelyo ni Jesucristo—na siya ring kakailanganin ng bawat isa. Ang Panginoon ay may layunin, may mga paraan, may gawain; tatapusin niya ito. Gumagawa si Jesus nang may kapangyarihan upang pabanalin at tubusin ang sanlibutan at upang maibalik ang kanyang mga kapatid na lalaki at babae sa kinaroroonan ng Ama. Gumagawa tayong kasama niya para sa pagdadalisay ng buong angkan ng tao, nang tayo at sila ay maaaring makapaghandang manahan kasama ng Diyos sa kanyang Kaharian (DBY, 389).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Ang kaligtasan na iniaalok ni Jesucristo ay nakararating sa buong angkan ng tao.

  • Sa anong diwa ang kaligtasan na iniaalok ni Jesucristo ay “kaligtasan para sa lahat—pagtubos para sa lahat”? Paano ipinakikita ng kaligtasang ito ang “marubdob na damdaming magulang” ng ating Ama sa Langit para sa kanyang mga anak? Paano nakapagdudulot ng kagalakan sa inyo ang kaalamang ito?

  • Sinabi ni Pangulong Young na maraming tao ang tumalikod sa katotohanan nang ihayag ng Diyos kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na ang lahat ng tao ay maaaring tumanggap ng kaligtasan. Sa palagay ninyo, bakit mahirap para sa ilang kasapi na tanggapin ang turong ito? Paano natin maiiwasan ngayon ang mga katulad na suliranin tungkol sa mga turo ng makabagong mga propeta at apostol?

Sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang lahat ng tapat sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo ay maliligtas sa kahariang selestiyal.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig ipakahulugan ni Pangulong Young nang sabihin niyang ang “kaligtasan ay pansariling gawain”? Bakit kinakailangan ng kaligtasan ang “paggamit ng bawat lakas ng kaluluwa”? (Tingnan din sa 2 Nephi 25:23.)

  • Ihambing ang pagtalakay ni Pangulong Young sa mga yaong “nagaakalang maligtas sa pamamagitan ng pagkamatwid ng iba” sa talinghaga ng Tagapagligtas tungkol sa marunong at hangal na mga birhen. (Tingnan din sa Mateo 25:1–13; Doktrina at mga Tipan 33:17; 45:56–57.) Sinabi rin ni Pangulong Young na “gumagawa tayong kasama [ni Jesus] para sa pagdadalisay ng buong angkan ng tao.” Sa pagkilalang “ang kaligtasan ay pansariling gawain,” paano natin matutulungan ang iba sa kanilang pagsusumikap na lumapit kay Cristo at tumanggap ng buhay na walang hanggan?

  • Bakit kailangan kahit na ng pinakamatapat na mga Banal ang habag ni Jesucristo upang makapasok sa kahariang selestiyal?

  • Ayon kay Pangulong Young, ano ang ibig ipakahulugan ng pagtanggap ng kaligtasan na inaalok sa atin? Ano ang ibig ipakahulugan ng pagtanggi sa kaligtasan? Anu-anong karanasan ang nakatulong sa inyong matutuhan ang kahalagahan ng pagiging mapagpakumbaba sa kalooban ng Diyos?

  • Bakit “kalokohan at nakatatawa” ang mag-akalang makakapanahan tayo sa kinaroroonan ng Diyos nang hindi pinaghandaan ito? (Tingnan din sa Mormon 9:4.) Paano ang matapat na paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw makapaghahanda sa atin na pumasok sa kahariang selestiyal? Bakit kinakailangan ng paghahandang ito na tayo ay “makibaka bawat araw”?

Dadakilain ng Ama sa Langit ang magigiting niyang anak upang manirahan sa kanyang kinaroroonan nang may kapangyarihan at kaluwalhatian magpakailanman.

  • Ano ang ibig ipakahulugan ni Pangulong Young nang sabihin niyang ang ebanghelyo ay maaari tayong “pag-isahin sa Panginoong Jesus”?(Tingnan din sa Juan 17; 4 Nephi 1:15–17; Doktrina at mga Tipan 38:27.)

  • Itinuro ni Pangulong Young na “gumagawa si Jesus nang may kapangyarihan … upang maibalik ang kanyang mga kapatid na lalaki at babae sa kinaroroonan ng Ama. Gumagawa tayong kasama niya.” Sa anu-anong paraan tayo makagagawa kasama niya “para sa pagdadalisay ng buong angkan ng tao”?