Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 5: Pagtanggap sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo


Kabanata 5

Pagtanggap sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Hinggil sa Pagbabayad-sala, isinulat ni Pangulong Young ang sumusunod sa isa sa kanyang mga anak na lalaki: “Ang pagtatamo ng ganap na kapakinabangan sa walang hanggang pagbabayad-salang iyon na ginawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas ay abot kamay natin—iyon ay atin—buong-buo at lahat-lahat, subalit mangyayari lamang iyon sa kondisyon na magiging matapat tayo sa pagtupad sa ating mga tipan at sa tungkulin natin na pagsunod sa mga kautusang ibinigay sa atin mula sa langit” (LBY, 259). Itinuro ng Pangulong Young na ang lahat ng pag-asa sa kaligtasan ay nakasalalay sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, si Jesucristo.

Mga Turo ni Brigham Young

Ipinagkaloob ni Jesucristo sa sangkatauhan ang isang walang hanggang pagbabayad-sala.

Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw sa pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, at nais kong maunawaan ng mga Elder ng Israel hangga’t kaya nila ang lahat ng bahagi ng doktrina tungkol sa pagtubos ng sangkatauhan, upang malaman nila kung paano ipahahayag at ipaliliwanag ang mga ito (DNSW, ika-8 ng Ago. 1874, 2).

Pumarito si Jesus upang itatag ang kanyang espirituwal na kaharian, o upang pasimulan ang isang alituntunin ng moralidad na dadakila sa mga espiritu ng mga tao tungo sa pagkadiyos at sa Diyos, nang sa gayon ay matiyak nila sa kanilang sarili ang isang maluwalhating pagkabuhay na maguli at karapatang maghari sa mundo kapag ang mga kaharian sa daigdig na ito ay naging mga kaharian ng ating Diyos at ng kanyang Cristo. Pumarito rin siya upang ipakilala ang kanyang sarili bilang Tagapagligtas ng daigdig, upang ibuhos ang kanyang dugo sa altar ng pagbabayad-sala, at buksan ang daan ng buhay para sa lahat ng naniniwala (DNW, ika-13 ng Ago. 1862, 1).

Sinabi sa atin ni Joseph Smith na si Jesus ang Cristo—ang Tagapamagitan sa Diyos at sa tao—at ang Tagapagligtas ng daigdig. Sinabi niya sa atin na wala nang ibang pangalan ang ibinigay sa kalangitan ni sa ilalim ng kalangitan, at wala nang ibibigay pa, na makapagliligtas sa sangkatauhan sa kinaroroonan ng Ama, kundi sa pamamagitan at sa pangalan at ministeryo ni Jesucristo, at sa pagbabayad-salang ginawa niya sa Bundok ng Kalbaryo. Sinabi rin ni Joseph na hinihingi ng Tagapagligtas ang mahigpit na pagsunod sa lahat ng kautusan, ordenansa at batas tungkol sa kanyang kaharian, at kung gagawin natin ito ay gagawin tayong kabahagi ng lahat ng pagpapalang ipinangako sa kanyang Ebanghelyo (DNW, ika-22 ng Okt. 1862, 1).

Sa sandaling hindi na pairalin pa ang pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, sa sandaling iyon, sa isang kisap-mata, ang mga pag-asa ng kaligtasang pinanghahawakan ng mga Kristiyano ay mawawala, ang saligan ng kanilang pananampalataya ay kukunin, at wala nang matitira sa kanila upang asahan. Kapag nawala ito lahat ng paghahayag na ibinigay ng Diyos sa bansa ng mga Judio, sa mga Gentil, at sa atin ay ituturing na walang halaga, lahat ng pag-asa ay kukunin sa atin sa isang kisap-mata (DBY, 27).

Sa pamamagitan ng kaloob na Pagbabayad-sala, na maibibigay lamang ni Cristo, ang mga anak ng Diyos ay magmamana ng isang kaharian ng kaluwalhatian.

Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Ebanghelyo ng Anak ng Diyos, dahil ito ay totoo. Naniniwala sila sa pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, para sa kanilang sarili at sa pamamagitan ng kinatawan; naniniwala sila na si Jesus ang Tagapagligtas ng daigdig; naniniwala sila na lahat ng magtatamo ng anumang kaluwalhatian, sa alinmang kaharian, ay magtatamo nito dahil binayaran na ito ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang pagbabayad-sala (DBY, 30).

Hinirang si Jesus, mula sa simula, na mamatay para tayo ay matubos, at dumanas siya ng isang napakasakit na kamatayan sa krus (DBY, 27).

Ang masasabi ko sa inyo hinggil kay Jesus at sa pagbabayad-sala (ito ay nasusulat, at matibay kong pinaniniwalaan ito), na si Cristo ay namatay para sa lahat. Binayaran niya nang buo ang utang, tanggapin man ninyo ang kaloob na ito o hindi. Ngunit kung magpapatuloy tayong magkasala, magsinungaling, magnakaw, sumaksi nang walang katotohanan, kailangan tayong magsisi at tumalikod sa kasalanang ito upang mapasaatin ang buong bisa ng dugo ni Cristo. Kung wala nito, ito ay mawawalan ng bisa; dapat magkaroon ng pagsisisi, nang sa gayon makinabang tayo sa pagbabayad-sala. Hayaan ang lahat ng gumagawa ng mali na tumigil sa paggawa ng mali; huwag nang mamuhay sa paglabag, maging anuman ang uri nito; bagkus ay araw-araw na mamuhay ayon sa mga paghahayag na ibinigay, at nang sa gayon ang inyong mga halimbawa ay maging karapatdapat na tularan. Ating alalahanin na kailanman ay hindi tayo dapat lumayo sa saklaw ng ating relihiyon—hinding-hindi kailanman! (DBY, 156–57).

Kukunin ni Jesus, sa pamamagitan ng kanyang pagtubos, ang bawat anak na lalaki at babae ni Adan, maliban ang mga anak na lalaki ng kapahamakan, na itataboy sa impiyerno. … Tunay na ang bawat taong hindi nagkasala nang sapat upang mawala ang awa ng Diyos at maging anghel ng Diyablo, ay pagmamanahin ng isang kaharian ng kaluwalhatian (DBY, 382).

Si Jesus ang panganay sa mga patay, na inyong mauunawaan. Maging sina Enoc, Elijah, Moises, o sino pa mang tao na nabuhay sa mundo, gaano man siya kahusay na namuhay, ay nakatamo lamang ng pagkabuhay na mag-uli pagkatapos tawagin ng anghel ang katawan ni Jesucristo mula sa libingan. Siya ang panganay sa mga patay. Siya ang Guro ng pagkabuhay na mag-uli—ang unang laman na nabuhay rito pagkatapos matanggap ang kaluwalhatian ng pagkabuhay na mag-uli (DBY, 374).

Hindi ito himala para sa kanya. Nasa kanya ang kapangyarihan ng buhay at kamatayan; may kapangyarihan siyang ibigay ang kanyang buhay at kapangyarihang kunin itong muli. Ito ang kanyang sinasabi, at dapat nating paniwalaan ito kung naniniwala tayo sa kasaysayan ng Tagapagligtas at sa mga sinasabi ng mga Apostol na nakatala sa Bagong Tipan. Ang kapangyarihang ito ay kay Jesus at galing sa kanya; iniwan ito sa kanya ng Ama; ito ang kanyang mana, at may kapangyarihan siyang ibigay ang kanyang buhay at kunin itong muli (DBY, 340–41).

Dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo ay mangyayari ang kapatawaran para sa mga may pananampalataya, nagsisisi, at sumusunod sa Diyos.

Pinahintulutan ang kadiliman at kasalanan na mapunta sa mundo. Kinain ng tao ang ipinagbabawal na bungang-kahoy ayon sa planong ginawa mula sa kawalang-hanggan, upang ang sangkatauhan ay maiharap sa mga alituntunin at kapangyarihan ng kadiliman, upang malaman nila ang mapait at ang matamis, ang mabuti at ang masama, at malaman ang kaibahan ng liwanag at kadiliman, upang sila ay patuloy na makatanggap ng liwanag (DBY, 61).

Ililigtas ng Ebanghelyong ito ang buong sangkatauhan; ang dugo ni Jesus ay magbabayad-sala para sa ating mga kasalanan, kung tatanggapin natin ang itinakda niyang mga kondisyon; ngunit kailangan nating tanggapin ang mga kondisyong iyon dahil kung hindi ay wala tayong matatamo para sa ating sarili (DBY, 7–8).

Upang maging mga Banal ay kailangang malupig nila ang lahat ng maling impluwensiya na nasa kanila, bilang mga indibiduwal, ay kanilang malupig, hanggang sa mapuksa ang lahat ng masamang pagnanais, at ang bawat damdamin ng kanilang puso ay mapasailalim sa kalooban ni Cristo (DBY, 91).

Kailangan nito na lahat ng pagbabayad-sala ni Cristo, awa ng Ama, habag ng mga anghel at awa ng Panginoong Jesucristo ay mapasaatin tuwina, at pagkatapos ay gawin ang pinakamabuting magagawa natin, na maalis ang kasalanang ito na nasa atin, upang makatakas tayo sa daigdig na ito tungo sa kahariang selestiyal (DBY, 60).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Ipinagkaloob ni Jesucristo sa sangkatauhan ang isang walang hanggang pagbabayad-sala.

  • Bakit naparito si Jesus sa mundo at nagtatag ng kanyang “espirituwal na kaharian”? Ano pa ang mga dahilan kung bakit naparito siya sa mundo? Paano binuksan ni Jesus “ang daan ng buhay para sa lahat ng naniniwala”? Paano natin matuturuan ang ating mag-anak nang sa gayon ay “dakilain ang [kanilang] espiritu … sa pagkadiyos at sa Diyos’?

  • Paano tayo “maliligtas sa kinaroroonan ng Ama” at “maging tagabahagi ng lahat ng pagpapalang ipinangako sa kanyang Ebanghelyo”?

  • Ayon kay Pangulong Young, ano ang mangyayari sa mga Kristiyano kung mawawala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Tingnan din sa 2 Nephi 9:6–9.)

  • Pagbalik-aralan ang sumusunod na mga banal na kasulatan upang matutuhan ang iba pang aspeto ng Pagbabayad-sala: Mosias 13:28, 32–35; Alma 7:11–12; 34:9–12; Moroni 8:8–12; Doktrina at mga Tipan 88:6.

Sa pamamagitan ng kaloob na Pagbabayad-sala, na maibibigay lamang ni Cristo, ang mga anak ng Diyos ay magmamana ng isang kaharian ng kaluwalhatian.

  • Hinirang si Jesus sa buhay natin bago pa ang buhay natin sa mundo “na mamatay para tayo ay matubos.” Tinubos niya tayo mula sa pisikal at espirituwal na pagkakawalay mula sa Diyos. Ito ay tinawag na Pagbabayad-sala. Sinabi ni Pangulong Young na binayaran ng Pagbabayadsala ni Cristo “nang buo ang utang, tanggapin man ninyo ang kaloob na ito o hindi.” (Tingnan din sa Helaman 14:15–18.) Paano natin natatanggap ang buong kapakinabangang dulot ng Pagbabayad-sala?

  • Itinuro ni Pangulong Young na lahat ng makaaabot sa anumang kaluwalhatian sa alinmang kaharian ay makatatamo dahil binayaran na ito ni Jesus ng kanyang Pagbabayad-sala. Paano niya binayaran ang utang ni Adan? Paano niya binayaran ang ating utang? (Tingnan din ang 2 Nephi 2:8–10.)

  • Paano naging “Guro ng pagkabuhay na mag-uli” si Jesus?

Ginawang posible ng Pagbabayad-sala ni Cristo ang kapatawaran para sa mga may pananampalataya, nagsisisi, at sumusunod sa Diyos.

  • Bakit “pinahintulutan ang kadiliman at kasalanan na mapunta sa mundo”? Ano ang mga bunga ng pagkahulog ni Adan? (Tingnan din sa 2 Nephi 2:22–25.)

  • Inilaan ng Pagbabayad-sala ang pagtubos mula sa mga kasalanan natin sa mga kondisyong “itinakda” ng ating Manunubos? Ano ang mga kondisyong iyon? (Tingnan din sa 2 Nephi 2:26; Doktrina at mga Tipan 18:44.)

  • Ano ang tulong na makukuha natin sa langit upang “tayo ay makatakas sa daigdig na ito tungo sa kahariang selestiyal”? Ano ang hinihiling mula sa atin?

Jesus in Gethsemane

Itinuro ni Pangulong Brigham Young na “lahat ng magtatamo ng anumang kaluwalhatian, sa alinmang kaharian, ay magtatamo nito dahil binayaran na ito ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang pagbabayad-sala” (DBY, 30).