Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Pag-aangkop sa Manwal Upang Magamit sa Alagaan


Pag-aangkop sa Manwal Upang Magamit sa Alagaan

Ang Klase ng Alagain

Ang mga bata na may labingwalong buwang gulang ngunit wala pang tatlong taong gulang sa ika-1 ng Enero ay makadadalo sa klase ng alagain ayon sa mabuting pagpapasiya ng kanilang mga magulang. Dapat tumawag ng kahit na dalawang guro man lamang para sa bawat klase ng alagain. Ang isang klase ng mga bata sa ganitong gulang ay nangangailangan ng higit na pamamahala ng may sapat na gulang kaysa sa maaaring maibigay ng iisang guro. Ang kapwa guro ay dapat manatili sa klase sa buong oras ng Primarya.

Layunin

Ang layunin ng klase ng alagain ay maglaan ng ligtas, maayos na lugar kung saan maaaring mapagyaman ng mga batang paslit ang pang-unawa at pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, magkaroon ng mga positibong karanasan sa kapaligirang pang-Simbahan, at lumaking may damdamin ng pagpapahalaga sa sarili. Ang klase ng alagain ang unang karanasan sa Simbahan kung saan ang maliliit na batang ito ay nakikipagugnayan sa iba pang mga bata at sa mga may sapat na gulang. Ang klase ay dapat kabilangan ng malayang paglalaro at mga gawain ng pagkatuto.

Pisikal na Kapaligiran

Dapat na malinis, masigla, at kaaya-aya ang silid-alagaan. Ito ay dapat na malapit sa isang silid na pahingahan. Ang silid-alagaan ay maaaring hatiin sa iba-ibang bahagi para sa paglalaro (sa alpombra, kung maaari), para sa pagbabasa o mga gawain, at para sa pagbibigay ng aralin. Ang mga laruan ay dapat na malinis, kawili-wili, ligtas at nasa mabuting kalagayan. Bilang pagsunod sa mga patakaran ng Simbahan, ang mga bahay-pulungan ay hindi dapat magkaroon ng anumang uri ng mga kagamitang inaakyatan ng mga bata.

Panalangin

Ang bawat oras ng klase ng alagain ay dapat na magsimula at magtapos sa pamamagitan ng isang panalangin ng bata. Turuan ang mga bata na magbigay ng mga maikli, simpleng panalangin. Tulungan sila kung kinakailangan.

Takdang Palatuntunan

Ang alagaan ay karaniwang tumatagal ng isang oras at apatnapung minuto. Ang mga batang alagain ay hindi nagpupunta sa oras ng pagbabahagi o sa mga pambungad o pangwakas na pagsasanay. Ang sumusunod na iminungkahing palatuntunan ay maaaring iakma ayon sa mga lokal na pangangailangan:

Oras ng Pagbati:

Oras ng Paglalaro:

45 minuto

Oras ng Miryenda:

15 minuto

Oras ng Aralin:

20 minuto, hinahati sa dalawa o mahigit pang panahon

Oras ng Pagtatapos:

5–10 minuto

Ang layunin ng oras ng pagbati ay hayaan ang mga bata na magsalita at makipag-ugnayan sa guro at sa bawat isa sa hindi pormal na kapaligiran. Magiging higit na matiwasay at positibo ang pakiramdam ng mga bata tungkol sa pagiging nasa klase ng alagain kung sila ay malayang nakagagalaw sa paligid sa oras na ito.

Tulungan ang bawat bata na madama ang malugod na pagtanggap at kaginhawahan sa klase ng alagain. Ipakita ang pagmamahal, sigla at paggalang sa pamamagitan ng iyong mga salita at gawa. Maging sensitibo at makibagay sa mga pangyayari. Talakayin ang mga kailangan at kinawiwilihan ng mga bata. Ang mga naaangkop na paksa ng talakayan ay maaaring kabilangan ng—

  • Mga bagong karanasan sa buhay ng mga bata, katulad ng isang bagong sanggol sa tahanan o paglilibang ng mag-anak.

  • Mga natatanging pista opisyal.

  • Ang kalagayan ng panahon.

  • Mga puna tungkol sa kalikasan.

  • Mga kasanayang panlipunan katulad ng pakikinig, pagbabahagi, o paggamit ng mabubuting asal.

  • Mga gawa ng kabutihan.

Ang mga larong pandaliri, pagyuko at pag-iinat na ehersisyo at mga awit ay maaari ring gamitin sa oras na ito upang tulungan ang mga bata na mapaglabanan ang pagkabalisa.

Oras ng Paglalaro: Ang layunin ng panahon sa paglalaro ay pahintulutan ang mga bata na makapaglaro nang malaya ng mga laruan, palaisipan, larawan o aklat. Himukin ang bawat bata na pumili ng isa-isang bagay lamang upang paglaruan at isauli ito sa tamang lalagyan bago pumili ng iba pa. Huwag pilitin ang isang bata na magbahagi kung ayaw niyang gawin ito. Maraming bata sa ganitong gulang ang hindi pa handang maghayag ng damdamin o palakaibigan. Maging naroroon para sa mga bata, ngunit huwag makialam nang labis sa kanilang paglalaro.

Oras ng Miryenda: Samantalang hindi karaniwang namimigay ng pagkain sa Primarya, maaari kang maghanda ng isang miryendang mabuti para sa kalusugan ng mga bata sa alagaan. Tulungan ang isang bata na bumigkas ngsimpleng panalangin para sa miryenda.

Ang mga tiyak na gawain ay maaaring pangasiwaan sa oras ito (tingnan sa “Mga Gawain at Palaro para sa Alagaan”), ngunit hindi dapat pilitin ang mga bata na makisali.

Oras ng Aralin: Ang mga aralin sa manwal na ito ay isinulat ayon sa antas ng mga batang tatlong taong gulang, subalit marami sa mga gawaing nasa aralin at sa bahaging “Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman” ang nababagay sa maliliit na bata. Ang bawat aralin ay naglalaman ng bahaging “Mga Karagdagang Gawain Para sa Mas Maliliit na Bata.” (Mapapansinin na ang mga kagamitan at paghahandang kailangan para sa Mga Karagdagang Gawain ay hindi nakatala sa bahaging “Paghahanda” ng bawat aralin. Maingat na basahin ang paglalarawan ng bawat gawain na nais mong gamitin, upang makatiyak na nasa iyo ang lahat ng iyong kailangan.)

Ibagay sa mga pangyayari ang mga aralin para sa mga bata sa iyong klase. Huwag piliting talakayin ang lahat ng kagamitan na nasa mga aralin; piliin lamang ang mga gawain at kuwento na mauunawaan at ikalulugod ng mga bata. Sa pagbabagay ng mga aralin para sa maliliit na bata, panatilihing nasa isipan ang mga tagubiling ito:

  • Gamitin ang mga salitang mauunawaan ng mga bata.

  • Magturo ng isa lamang na pangunahing ideya sa bawat aralin.

  • Panatilihing simple at maikli ang aralin.

  • Gawing masayang oras ang oras ng aralin.

  • Gumamit ng magkahalong aktibo at mga tahimik na gawain.

  • Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na gumalaw habang nag-aaralin.

  • Magsama ng isang kataga ng banal na kasulatan sa bawat aralin, at bigyang-diin ang pangunahing ideya upang magawang ibahagi ito ng mga bata sa tahanan.

Paminsan-minsan ay maaari mong gamitin ang maikling bahagi ng aralin para lamang sa pag-awit.

Alalahanin na ibig ng mga batang nasa alagaing gulang ang paulit-ulit. Ang gayunding gawain, awit o talata ay maaaring ulitin nang maraming beses sa isang oras ng klase at pagbalik-aralan sa mga susunod na linggo.

Mauunawaan ng maliliit na bata ang mahahalagang kuru-kuro na itinuturo nang simple at madalas na inuulit. Pahintulutan ang mga batang may higit na maikling oras ng pagtutuon ng pansin na magbalik sa paglalaro kapag nais nila.

Oras ng Pagtatapos: Sa oras ng pagtatapos ang lahat ng kagamitan at mga laruan ay dapat na iligpit sa mga tamang kinalalagyan ng mga ito. Tulungang magligpit ang mga bata, at pagkatapos ay maikling pagbalik aralan at ibuod ang pangunahing ideyang itinuro sa aralin. Tulungan ang isang bata na magalay ng pangwakas na panalangin.

Ang Tungkulin ng mga Magulang sa Paghahanda sa mga Bata para sa Alagaan

Maaaring harapin ng isang bata ang kanyang unang pagkakataon sa alagaan nang may kasabikan o takot, may ngiti o luha. Maraming nagagawa ang mga magulang upang gawing kalugud-lugod ang karanasan ng kanilang anak sa alagaan sa pamamagitan ng paunang paghahanda sa bata. Kapag alam ng mga bata kung saan sila pupunta at kung ano ang maaasahan, sila ay karaniwang nasasabik na dumalo. Ngunit ang mga dumarating nang may kakaunti o walang paunang pagpapaliwanag ay maaaring matakot at ayaw lumagi.

Mga ilang linggo bago pumasok ang bata sa alagaan, ang unang tagapayo ay dapat na magbigay sa mga magulang ng bata ng kopya ng talaang surian (checklist) at makipag-ayos ng isang pulong sa pagitan ng mga magulang at ng mga guro ng alagaan.

parents’ checklist

Talaang Surian (Checklist) ng mga Magulang

Ihanda ang inyong anak na magpunta sa alagaan sa pamamagitan ng paggawa ng marami sa mga bagay na ito hangga’t maaari:

  1. Sabihin sa inyong anak ang tungkol sa alagaan mga dalawang linggo man lamang bago ang kanyang unang pagdalo.

  2. Makipag-ayos upang makatagpo ng inyong anak ang mga guro sa alagaan mga isa o dalawang linggo bago ang kanyang unang pagdalo sa alagaan.

  3. Makipag-ayos upang makatagpo ng inyong anak ang ilan sa ibang mga bata sa alagaan.

  4. Sa loob ng linggo bago pumasok ang inyong anak sa alagaan, araw-araw na magsabi ng mabubuting bagay tungkol sa alagaan.

  5. Dalhin ang inyong anak upang makita ang silid-alagaan kapag walang sinumang naroon.

  6. Isang araw bago pumasok, paalalahanan ang inyong anak na ang alagaan ay magsisimula kinabukasan.

  7. Sa unang araw ng alagaan, bigyan ng maraming oras ang inyong anak na makapaghanda. Huwag magmadali.

  8. Iwanan ang lahat ng laruan ng inyong anak sa tahanan.

  9. Dalhin ang inyong anak sa silid na pahingahan at pakainin na siya bago dalhin sa alagaan. Ang bata na nangangailangang palitan ng lampin ay dadalhin sa magulang.

  10. Dumating sa alagaan sa tamang oras.

  11. Tiyaking muli sa inyong anak na kayo ay babalik pagkatapos. Bumalik sa tamang oras upang sunduin ang inyong anak pagkatapos ng alagaan. Huwag pahuhuli.

  12. Kung ang inyong anak ay natatakot, manatiling kasama niya sa alagaan nang ilang ulit.

  13. Sabihin sa mga guro sa alagaan kung saang klase kayo dadalo sa oras ng alagaan upang maihatid nila sa inyo ang inyong anak kung may suliranin.

  14. Ipabatid sa mga guro ng alagaan kung may hindi pangkaraniwang suliranin ang inyong anak katulad ng alerdyi sa pagkain.

  15. Pag-usapan ninyo ng inyong anak ang karanasan sa alagaan sa positibo, mapagmahal na paraan. Tiyaking magsabi ng mabubuting bagay tungkol sa klase ng inyong anak sa alagaan at sa mga guro.

  16. Alalahaning magagawa ng pagmamahal at pagpapaumanhin na maging mabuting karanasan para sa inyong anak ang alagaan.

Maaari lamang na huwag dalhin ang inyong anak sa alagaan kapag siya ay mayroon ng alinman sa mga sumusunod na sintomas:

  • Lagnat

  • Malabnaw na sipon

  • Ubo

  • Hindi pangkaraniwang pagkamayamutin o pagkagalit

  • Pagsusuka

  • Pagtatae

  • Butlig-butlig

  • Pagmumuta

  • Isang karamdaman o impeksiyon na ginagamot sa pamamagitan ng antibiotics sa loob ng nakaraang apatnapu’t walong oras

  • Isang pangkaraniwang sakit sa pagkabata na nakahahawa:

    bulutong-tubig (pitong araw)

    tigdas (hanggang sa mawala ang mga pantal)

    scarlet fever (hanggang sa mawala ang mga pantal)

    beke (hanggang sa mawala ang pamamaga, karaniwan ay pitong araw)

Kung ang inyong anak ay may alerdyi na nagiging sanhi ng malabnaw na sipon, ubo, o butlig-butlig, maaari po lamang na ipaalam sa mga guro ng alagaan na ang inyong anak ay hindi nakahahawa.

Mga Katangian ng Maliliit na Bata

Ang pag-aaral sa mga sumusunod na katangian ng maliliit na bata ay makatutulong sa iyo na higit na maunawaan kung bakit ang mga bata sa iyong klase ay kumikilos nang katulad ng kanilang ginagawa. Gamitin ang kaalamang ito sa paghahanda at pagtuturo ng mga aralin at sa pakikipag-ugnayan sa mga bata. Alalahanin na ang mga ito ay pangkalahatang tagubilin; hindi lahat ng bata ay umuunlad ng magkasingbilis o kumikilos sa magkatulad na paraan sa magkatulad na gulang.

Mga Katangiang Pangkaisipan

  • Nag-iisip nang simple at literal. Hindi nakauunawa ng mahihirap unawaing ideya.

  • May maikling oras ng pagtutuon ng pansin (isa hanggang tatlong minuto).

  • Kadalasang nagtatanong o gumagawa ng mga puna na malayo sa paksa.

  • Ay napakamausisa at palatanong.

  • Ay kalimitang sabik na matuto at sumubok ng mga bagong bagay.

  • Nalulugod sa paulit-ulit.

  • Nakagagawa ng mga simpleng pagpili.

Mga Pisikal na Katangian

  • Ay kalimitang napaka-aktibo.

  • Ay pinagbubuti ang mga kakayahan sa pagmartsa, pagtalon at pagpalakpak.

  • Nababalisa, mayayamutin at madaling napapagod.

  • Nadadaliang magtanggal at magbaba kaysa magsauli.

Mga Katangiang Panlipunan

  • Ay nagtitiwala.

  • Kalimitang nalulugod na maglaro nang nag-iisa.

  • Ay kadalasang tila makasarili at maramot.

  • Ay nahihirapang magbahagi at makipagpalitan.

  • Kadalasang nakikipagtalo tungkol sa mga laruan.

Mga Katangiang Pandamdamin

  • Ay karaniwang nasasabik na magmahal at mahalin.

  • Kadalasan ay may pagbubulalas ng damdamin.

  • Kadalasan ay madaling umiyak.

  • Madalas magbago ang kalagayan ng kalooban.

Mga Espirituwal na Katangian

  • Nais manalangin ngunit kailangang tulungan upang gawin ang gayon.

  • Maaaring magsimulang matutuhan ang kahulugan ng paggalang.

  • Ay mga sensitibo sa Espiritu.

  • Nauunawaan na tayo ay mahal ng Ama sa Langit at ni Jesus.

  • Nauunawaan ang mga pangunahing espirituwal na kuru-kuro.

Mga Maaaring Maging Suliranin at Kalutasan sa Alagaan

Maging sa pinakamahusay na alagaan, ang mga bata ilang suliranin sa pag-uugali at mga mungkahi sa paglutas sa mga ito.

Suliranin

Maaaring Maging Kalutasan

Isang magulang ang nagsasabi sa iyo na ayaw magpunta sa alagaan ang isang bata. Ang bata ay sumisigaw at umiiyak kapag ang magulang ay umaalis.

Himukin ang mga magulang na ihanda ang kanilang mga anak para sa alagaan nang maaga (tingnan sa “Ang Tungkulin ng mga Magulang sa Paghahanda sa mga Bata Para sa Alagaan”). Anyayahan ang magulang na lumagi hanggang sa mapayapa at mapatahimik ang bata. Maaaring makatulong na anyayahan ang ibang may sapat na gulang na hawakan ang mga batang umiiyak upang tulungan silang makadama nang higit na katiwasayan.

Isang bata ang tila natatakot sa iyo o sa ibang bata, gumagala sa loob ng alagaan, at ayaw makipagusap kahit kanino.

Maging matiyaga; huwag pilitin ang bata. Bigyan siya ng panahon upang makilala ka, ang ibang bata at ang kapaligiran. Paminsan-minsan ay muling bigyang katiyakan ang bata at magmungkahi ng isa o dalawang gawain upang subukin. Tulungan ang bata na magkaroon ng anumang uri ng matagumpay na karanasan.

Pagkatapos na makarating sa alagaan, ang isang bata ay takbo nang takbo, dinadampot at ibinabagsak ang anumang makita.

Marahil ang bata ay nagtataka o nasasabik sa alagaan. Magiliw na imungkahi na tumingin siya sa mga laruan at pumili ng isa upang kunin mula sa lalagyan upang paglaruan.

Sa buong oras ng alagaan, ang isang bata ay kumakapit sa iyong binti at sinisikap na maupo sa iyong kandungan.

Ang maliliit na bata ay nangangailangan ng pagmamahal at pansin. Ang isang sandali ng paghawak at pakikipag-usap sa bata paminsan-minsan ay karaniwang nagbibigay ng kasiyahan sa kanya. Pagkatapos ay himukin ang bata na makisali sa mga gawain sa alagaan.

Sa oras ng aralin, ang ilang bata ay tumatayo at lumalakad papalayo bago pa man matapos ang mga gawain.

Maging maliksi at alamin ang mga pangangailangan, kinawiwilihan at ang haba ng oras ng pagbibigay ng pansin sa isang bagay ng bawat bata. Maghanap ng mga palatandaan ng pagkainip o pagkabalisa upang maiangkop mo ang gawain na lumalapat sa mga kinawiwilihan ng mga bata. Huwag pilitin ang isang bata na makisali sa alinmang gawain. Kung ang ilang bata ay nais magbalik upang maglaro ng mga laruan, hayaan silang gawin ang gayon.

Isang bata ang ayaw maupo nang tahimik at makinig. Itinutulak niya o hinahatak ang mga bata na nakaupo sa malapit.

Maaaring ituon ng ikalawang guro ang pansin ng bata sa gawaing pinangangasiwaan ng unang guro. Bigyan ang bata ng isang bagay na mahahawakan upang aktibo siyang makisali sa aralin o gawain.

Nagsimulang pag-awayan ng ilang bata ang isang laruan. Ang isang bata ay naninipa, nanununtok o nangangagat upang makuha ang laruan.

Kung minsan ay nalulutas mismo ng mga bata ang mga alitan, ngunit dapat kang makialam kung kailangan upang pigilan silang saktan ang bawat isa o sirain ang ari-arian. Maaari kang magmungkahi ng mga paraan upang malutas ng mga bata ang kanilang suliranin.

Isang bata ang nagsisimulang maglaro nang magulo—iniuugoy ang isang laruan, sinusuntok ito, at ibinabato. Pagkatapos siya ay tumatakbo sa isang bahagi ng silid.

Kailangan mong pigilin ang ganitong pag-uugali. Ipaliwanag sa bata kung bakit hindi siya maaaring kumilos sa ganitong paraan; pagkatapos ay ituon sa ibang gawain ang pansin ng bata.

Isa-isang kinukuha ng isang bata ang mga laruan mula sa lalagyan, tumatangging iligpit ang alinman sa mga laruan.

Marahan ngunit may katatagang banggiting muli ang inaasahang pag-uugali. Ipakita sa bata kung paano ililigpit ang mga laruan. Himukin ang bata na iligpit ang bawat laruan bago kumuha ng isa pa.

Isang bata ang nagsisimulang dumaing at umiyak. Kapag sinisikap mong magbigay ng aliw, siya ay nagsasabing, “Hindi kita gusto.”

Ang maliliit na bata ay karaniwang madaling magambala. Ipakita sa bata ang isang natatanging laruan at imungkahi na ito ay maaaring magandang paglaruan. Kung iyon ay hindi mabisa, subukan ang isang kuwentoo aklat. Ang pagpunas sa mata ng bata ay nakatutulong kung minsan sa pagpapatigil ng pag-iyak. Kung ang bata ay patuloy sa pagiyak,dalhin siya sa magulang.

Isang bata ang nagtatanong, “Kailan darating ang nanay ko? Kailan ako makakauwi?”

Muling bigyan ng katiyakan ang bata na ang kanyang mga magulang ay babalik. Pag-usapan ang ilan sa mga bagay na mangyayari bago sumapit ang oras ng pag-uwi.

Mga Gawain at Palaro Para sa Alagaan

Gamitin ang mga gawain sa bahaging ito ayon sa iyong pagpili sa oras ng paglalaro sa alagaan. Maaari mo ring gamitin ang alinman sa mga gawain sa bahaging ito na nababagay sa isang tiyak na aralin sa oras ng aralin sa alagaan, at ang mga gawain mula sa mga aralin ay maaari ring gamitin sa oras ng paglalaro, ngunit huwag utusan ang mga bata na makisali. Mamabutihin ng ilang bata na maglaro ng mga laruan sa buong oras ng paglalaro.

Mga Gawaing Pangsining

Ang karanasan sa sining ay maaaring maging kalugud-lugod at makatutulong sa mga bata na pagyamanin ang pagtitiwala sa sarili, pagkamalikhain, kahusayan sa gawaing pangkamay, pagtutugma ng mata at kamay, at kabatiran ng kanilang mga pandamdam. Ang sining ay maaari ring maging napakainam na paraan ng pagbibigay ng kasiyahan ng pagpapahiwatig ng sariling katangian. Gamitin ang iyong sariling imahinasyon at pagkamalikhain sa pagpaplano ng angkop na proyektong pangsining para sa iyong klase.

Ang mga patnubay na ito ay makatutulong sa iyo sa pagpaplano ng mga malikhaing proyektong pangsining:

  • Panatilihing simple ang mga panukalang gawain.

  • Maging handa. Kunin ang lahat ng kakailanganing kagamitan at alamin mismo kung paano gawin ang panukalang gawain.

  • Iangkop ang sarili sa mga pangyayari. Kung iniaangkop mo ang iyong sarili sa mga pangyayari, ikaw ay hindi mababalisa kapag ang isang proyekto ay hindi natupad ayon sa binalak. Alalahanin na ang mga bata ay higit na nawiwili sa pag-eeksperimento ng mga kagamitang iyong ibinibigay sa kanila kaysa sa pagtatapos ng isang proyekto.

  • Maging positibo. Maging interesado sa mga bata at kung ano ang ginagawa nila at magbigay ng taos-pusong papuri.

  • Gumamit ng pagkakaiba-iba. Magplano ng mga proyekto na nagpapahintulot sa mga bata na gumamit ng maraming uri ng kagamitan at pamamaraan linggu-linggo.

  • Maging magalang sa pakikitungo. Ang maliliit na bata ay hindi palaging nagsisikap na maglarawan ng isang bagay sa pamamagitan ng kanilang sining. Sila ay nasisiyahan lamang sa pag-eeksperimento sa mga kagamitang inilaan. Kung nais mong punahin ang gawa ng isang bata, sabihin lamang na, “Sabihin mo sa akin ang tungkol sa iyong larawan.” Ito ay higit na mainam kaysa magtanong ng, “Ano ito?”

  • Magbigay lamang ng kaunting tulong. Tumulong lamang kung kinakailangan ngunit pahintulutan ang mga bata na gawin ang kanilang sariling gawain.

Pagkukulay ayon sa Musika

Mga kailangang kagamitan: Nakarekord na musika o mga kagamitan sa pagtugtog; papel; mga krayola o lapis na may kulay.

Magpatugtog ng musika habang nagkukulay ang mga bata. Hayaan ang mga bata na magkulay ayon sa paraan na ipinadarama sa kanila ng musika.

Tipunan (Collage)

Mga kailangang kagamitan: Halos lahat ng kagamitan ay maaaring gamitin sa isang tipunan (collage), kaya’t gamitin ang iyong imahinasyon. Ang papel na pambalot ng regalo, papel na tisyu, papel na pandingding (wall paper), mga dahon, buhangin at mga produktong macaroni ay maaaring gamitin. Kakailanganin mo rin ang pandikit at isang pirasong papel o iba pang patag na bagay (upang maging patungan ng tipunan [collage]) para sa bawat bata.

Hayaan ang mga bata na pumili ng mga kagamitan na ididikit sa isang pirasong papel, kahon o iba pang bagay na patag. Hayaan silang lumikha ng anumang disenyo na gusto nila.

Pagtutuhog ng Macaroni

Mga kailangang kagamitan: Malalaking hindi pa lutong macaroni (o mga piraso ng istro o anumang kagamitan na magiging madaling tuhugin), mahabang tali o sinulid para sa bawat bata, pandikit o pagkit.

Patigasin ang isang dulo ng bawat hibla ng tali o sinulid sa pamamagitan ng paglulubog nito sa pandikit o pagkit. Pagkatapos na ito ay matuyo, ito ay magiging sapat na matigas upang maipantuhog. Ibuhol ang kabilang dulo ng tali upang hindi lumabas ang macaroni. Ipatali sa mga bata ang macaroni, at pagkatapos ay ibuhol ang magkabilang dulo ng bawat tali kapag natapos na ang mga bata.

Simpleng Laruang Masa

Mga kailangang kagamitan:

  • 2 tasang harina

  • 1 tasang asin

  • 1 kutsaritang mantika

  • 3/4 tasang tubig

  • pangkulay sa pagkain (kung nanaisin)

Paghaluin ang harina at asin. Idagdag ang mantika at sapat na tubig upang maging tila luad. Unti-unting dagdagan ng tubig hanggang sa ang tinimpla ay maging malambot ngunit hindi gaanong madikit. Haluin at marahang masahin. (Kung nais mo ng may kulay na laruang masa, idagdag ang pangkulay ng pagkain ang tubig bago ihalo ito sa harina at asin.)

Gawin ang laruang masang ito sa tahanan bago naising gamitin ito sa alagaan at ilagay ito sa isang sisidlan na hindi pinapasok ng hangin, kung maaari. Magdala ng papel (higit na mainam gamitin ang papel na may pagkit) upang ilatag sa mga mesa kung saan ay gagamitin ng mga bata ang laruang masa.

Mga Talatang Laro at Gawain

Ibig ng mga bata na gumawa ng mga bagay na kinabibilangan ng paggalaw, katulad ng mga simpleng laro o galaw sa mga talata o awit. Maraming talata ng gawain ang kasama sa mga aralin at ang ilang simpleng laro ay nakalarawan sa ibaba. Kapag nasisiyahan ang mga bata sa isang gawain, ito ay maaaring gamitin nang maraming ulit sa buong taon hindi lamang sa mga aralin kung saan ito binabanggit.

Ang mga patnubay na ito ay makatutulong sa iyo na maituro ang mga bagong talatang gawain sa mga bata:

  • Isaulo mo mismo ang talata ng gawain bago magklase.

  • Bigkasin muna ang mga salita at gawin ang mga galaw para sa mga bata, na pinalabis ang paggalaw. Pagkatapos ay anyayahan ang mga bata na sabayan ka.

  • Magdahan-dahan upang maunawaan ng mga bata ang mga salita at galaw.

  • Paminsan-minsang gumamit ng mga larawang pantulong upang makatulong sa paglalahad ng talatang gawain. Ang mga bata ay nagtutuon ng pansin at natututong mabuti kapag may tinitingnan sila.

  • Gawing maikli ang talatang gawain kung ang mga bata ay nagiging balisa. Kung ang talatang gawain ay mahaba, maaaring naisin mong tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw habang binibigkas mong mag-isa ang mga salita.

Mga Talata ng Paggalang

Gamitin ang mga sumusunod na talata kapag ang mga bata ay balisa at kailangan ng tulong sa pagiging magalang. Ang paggamit ng isa sa mga ito nang magkasabay sa bawat linggo ay makatutulong sa mga bata na malaman kung oras na para sa pambungad at pangwakas na panalangin. Tulungan ang mga bata na bigkasin ang mga salita at pagbutihin ang mga galaw katulad ng isinasaad ng mga salita.

Ibukas, Isara [Mga kamay]

Ibukas, isara;

Ibukas, isara;

Magbigay ng palakpak.

Ibukas, isara;

Ibukas, isara;

Sa kandungan ilapag.

Ikinakaway Ko ang Aking Kamay

Ikinakaway ko ang aking kamay.

Ipinaiikot ko ang aking kamay.

At ito’y aking ipinapalakpak.

Ang aking kamay ay itinataas ko,

Pagkatapos ay ibinababa ito

At sa aking kandungan inilalapag.

Tahimik ang aking mga paa.

Ang mga paa ko’y ipinapahinga.

Matuwid na nakaupo sa aking silya.

Iyuyuko ko ang aking ulo.

Ipipikit ko ang mga mata ko.

Sa panalangin ako’y handa na.

Minsan Ako’y Mataas, at Minsan Ako’y Maliit

Gamitin ang sumusunod na talata pagyuko at pag-iinat kung ang mga bata ay matagal nang nakaupo at kailangang lumibot sa paligid. Ulitin kung nais.

Minsan ako’y mataas—tunay na napakataas (tumayo, pagkatapos ay tumingkayad).

Minsan ako’y maliit—tunay na napakaliit (yumuko, pagkatapos ay magpakayuku-yuko).

Minsa’y mataas, minsan maliit (tumayo, pagkatapos ay yumuko).

Ano ako ngayon? (tumayo o yumuko; hayaang sabihin ng mga bata kung sila ay mataas o maliit).

Ang Munting Binhi

Sabihin sa mga bata kung paano itinatanim ang mga binhi sa lupa, at tulungan ang mga bata na magkunwaring mga tumutubong binhi. Sabihing, “Tayo’y magkunwaring mga munting binhi” (yumukyok o bumaluktot na tila isang bola, at ipikit ang mga mata). “Ang araw ay sumikat at pinainitan ang mga binhi. Pagkatapos ay bumuhos ang ulan at nagsabi, ‘Gising, mga munting binhi’ “ (buksan ang mga mata at magsimulang mag-unat). “Umusbong mula sa lupa, mga munting binhi, upang kayo’y lumaki” (tumayo at mag-unat ng mga kamay sa may uluhan). “Mga munting binhi, kayo’y lumaking magagandang bulaklak [o matataas na puno].”

Tayo Na sa Bahay ng Lola [o Lolo]

Sabihing, “Tayo na sa bahay ng Lola [o Lolo]. Una ay kailangan nating isuot ang ating mga damit [o magbihis]” (magkunwaring nagsusuot ng damit o nagbibihis). “Tayo nang sumakay sa kotse [o sasakyan]” (magkunwaring nagbubukas ng pintuan o sumasakay). “Naku, baku-bako ang daang ito” (gawin ang mga galaw ng pagdaan sa baku-bakong daan). “Tingnan n’yo, kawayan natin ang pulis” (gawin ang mga kilos ng pagkaway). “Malapit na tayo. Narito na ngayon ang Lola [o Lolo]. Yakapin natin siya” (magkunwaring niyayakap ang Lola o Lolo).

Pagtulong sa Ating mga Magulang

Utusan ang mga bata na gawin ang mga kilos na naglalarawan ng pagtulong sa kanilang mga magulang. Maaari mong sabihing, “Tumulong tayo sa pagwawalis ng sahig.” Magkukunwari ang mga bata na nagwawalis ng sahig. Maaari mong ipagpatuloy sa pagliligpit ng mga higaan, paghuhugas ng mga bintana, pagpapagpag ng alikabok, pagkalaykay ng mga dahon, paghuhukay sa halamanan, paglilinis ng kotse, o iba pang angkop na gawain sa inyong lugar.

Mga Madulang Palabas

Maaari kang gumamit ng maraming kuwento bilang mga madulang palabas, kabilang na ang mga kuwento sa manwal na ito, iba pang kuwento mula sa banal na kasulatan, kuwento mula sa mga magasin ng Simbahan o iba pang angkop na mga kuwento. Pumili ng maiikling kuwento na hindi magpapabalisa sa mga bata at may mga tauhang madaling matukoy ng mga bata.

Una ay isalaysay ang kuwento sa mga bata. Pag-usapan ang tungkol sa mga tauhan at kung ano ang kanilang ginawa sa kuwento. Pagkatapos ay pumili ng ilang bata upang maging mga tauhan sa kuwento. Isalaysay muli ang kuwento habang isinasadula ito ng mga bata. Pagkatapos na masanay ang mga bata sa pagsasadula ng mga kuwento, sila mismo ay maaaring magkuwento. Maaari mong naising magdagdag ng mga simpleng kagamitan at kasuotan upang gawing higit na nakaaaliw at nakawiwili ang mga dula.

Bibi, Bibi, Gansa

Paupuin ang mga bata nang nakapabilog at pumili ng isang bata upang maging “taya.” Ang bata na siyang “taya” ay paikot na lalakad sa labas ng bilog na tinatapik ang bawat bata sa ulo at nagsasabing “Bibi” sa bawat tapik. Kapag tinapik ng bata na siyang “taya” ang isa pang bata at nagsabing “Gansa” sa halip na “Bibi” tatalon ang tinapik na bata at hahabulin ang bata na siyang “taya” nang paikot sa bilog.

Kung mahuhuli ng gansa ang bata na siyang “taya” bago sila nakabalik sa dating lugar ng gansa sa bilog, ang gansa ang magiging “taya,” at ang dating naging “taya” ay uupo sa bilog. Kung hindi mahuhuli ng gansa ang naging “taya,” ang gansa ay magbabalik sa upuan sa bilog at ang bata na siyang “taya” ay magpapatuloy sa pagtapik sa ibang mga bata. Maaari mong naisin na kaagad-agad maging “taya” ang gansa upang ang lahat ng bata ay magkaroon ng pagkakataon.

Larong Pagpapagulong ng Bola

Mga kailangang kagamitan: Isang bola.

Ang mga bata ay mauupo sa hugis na kalahating bilog. Maupo ka sa harapan nila at pagulungin ang bola papunta sa isang bata, na binabanggit ang pangalan ng batang iyon o nagtatanong ng nauugnay sa aralin. Ipagugulong muli ng bata ang bola pabalik sa iyo at babanggitin ang iyong pangalan o sasagutin ang tanong. Tiyaking bibigyan mo ang bawat bata ng isang pagkakataon. Maaari rin ninyong laruin ang larong ito nang nakatayo, na inihahagis nang pabalik-balik ang bola.

Pag-ihip ng Lobo

Ang mga bata ay pabilog na maghahawakan ng mga kamay. Iihip sila ng hangin mula sa kanilang mga bibig na tila umiihip sa isang lobo at kasabay niyon ay uusog sila upang palakihin ng palakihin ang bilog. Kapag sinabi mong “Putok,” bibitiwan ng mga bata ang pagkakahawak ng kanilang mga kamay at mauupo. O maaaring mawala ang hangin ng lobo sa halip na putukin: magpapatuloy ang mga bata sa paghahawakan ng mga kamay at paliliitin nang paliliitin ang bilog. Ang mga bata ay gagawa ng tunog ng hangin na lumalabas mula sa lobo.

Kuneho, Kuneho, Kumusta ang Kapitbahay Mo?

Ang mga bata ay uupo nang pabilog. Ilalagay ng isang bata ang kanyang mga kamay sa kanyang tainga na tulad ng isang kuneho at tatalon paikot sa bilog. Kakalibitin ng batang iyon ang isa pang bata sa balikat at itatanong, “Kuneho, Kuneho, kumusta ang kapitbahay mo?” Ang batang kinalabit ay sasagot, “Hindi ko alam, ngunit aking titingnan.” Ang batang ito ngayon ay magtataingang kuneho at tatalon paikot sa bilog, at ang unang bata ay uupong muli sa bilog. Ipagpatuloy hanggang sa magkaroon ng pagkakataon ang bawat isa.

Hayop, Hayop, Sino Ka?

Ang mga bata ay uupo nang pabilog. Isang bata ang uupo o tatayo sa gitna at gagawin ang mga galaw o ihuhuni ang tunog ng isang hayop. Magtataas ng kanilang kamay ang ibang bata upang hulaan kung anong hayop ang ginagaya ng bata. Ang batang nakahula ng tama ang siya namang manggagaya ng ibang hayop. Maaari mong naisin na ibulong sa iyo ng bata na nasa gitna ang pangalan ng hayop bago niya gayahin ito. Sa gayon ay matitiyak mo na may naisip ng hayop ang bata at maaari mong tulungan ang bata kung kailangan.

Pagtutugma-tugma ng mga Hugis

Mga kailangang kagamitan: Papel na may kulay; gunting.

Gumamit ng papel na may kulay upang gumawa ng isang malaki at isang maliit na ginupit na larawan ng mga sumusunod na hugis: parisukat, bilog, tatsulok, parihaba, puso, waluhang-sulok at oblong. Ikalat ang mga hugis sa sahig. Ang bawat bata ay maghahalinhinan sa paglalagay ng maliit na hugis sa ibabaw ng katugmang higit na malaking hugis. Upang maiba, gumawa ng mga katulad na hugis sa iba’t ibang kulay ng mga papel at ipatugma sa mga bata ang mga kulay sa halip na ang mga hugis.

Mga Hugis na May Musika

Mga kailangang kagamitan: Mga bilog na magkakaiba ang kulay na ginupit mula sa papel o tela; nakarekord na musika o instrumento; teyp (kung nanaisin).

Idikit o ilagay ang mga bilog sa isang malaking bilog sa sahig. Palakarin ang mga bata sa labas ng malaking bilog habang nagpapatugtog ng musika. Kapag tumigil ang musika, sasabihin ng bata ang kulay ng bilog na nasa tapat niya. Ipagpatuloy hangga’t interesado ang mga bata. Upang maiba, gumamit ng iba’t ibang hugis at ipatukoy sa mga bata ang kulay at ang hugis.

Sundin ang Pinuno

Ang mga bata ay pipila. Ang unang bata sa pila ay tatakbo, lulundag, lulukso, o gagawa ng iba pang galaw patungo sa kabilang bahagi ng silid. Susundan ng ibang bata ang unang bata, ginagawa kung ano ang ginawa niya. Pagkatapos ay pupunta ang unang bata sa hulihan ng pila at ang pangalawang bata ang magiging bagong pinuno. Magpatuloy hanggang sa ang bawat bata ay magkaroon ng pagkakataon na maging pinuno.

Tuntungang Tabla

Mga kailangang kagamitan: Isang tabla na limang talampakan ang haba (tiyakin na walang nakausling salubsob) o isang piraso ng teyp na limang talampakan ang haba.

Ilagay nang patag sa sahig ang tabla. Palakarin ang mga bata dito nang pasulong, pagkatapos ay paurong, pagkatapos ay patagilid. Kung walang makuhang tabla, mag-teyp ng linya sa sahig upang lakaran ng mga bata. Ang mga bata ay maaari ding tumakbo, lumukso o maglaro ng “Sundin ang Pinuno” sa tabla o teyp.

Saluhan ng Bag ng Bins

Mga kailangang kagamitan: Mga bag ng bins; isang kahon, buslo o asintahan. (Maaari mong iangkop sa isang pista opisyal o aralin ang mga bag ng bins o ang asintahan.) Maaari ring ihagis ng mga bata ang mga bag ng bins sa mga kahon na pinagpatung-patong.

Pagsasanay ng Tindig

Mga kailangang kagamitan: Isang bag ng mga bins, aklat, buslo o iba pang bagay para sa bawat bata.

Tulungan ang bawat bata na ilagay sa kanyang ulo ang isang bag ng mga bins o iba pang bagay. Pagkatapos ay palakarin ang mga bata sa buong silid. Paalalahanan silang panatilihing matuwid ang kanilang mga likod, nakataas ang kanilang mga baba, at sa unahan ang tingin ng kanilang mga mata upang hindi mahulog ang kanilang bag ng mga bins. Upang maiba, maaari kang magpatugtog at palakarin ang mga bata na sinusundan ang tugtog.

Supot na Tela na Lalagyan ng mga Damit

Mga kailangang kagamitan: Isang punda ng unan, malaking supot na tela na lalagyan ng mga damit, o maleta; mga lumang damit para isuot.

Punuin ng mga lumang damit at sapatos ang punda ng unan, bag, o maleta. Hayaang isukat ng mga bata ang mga ito. Ang mga damit ay dapat na may kasamang mga bagay na madaling maisuot ng mga bata.

Mga Istatuwa

Mga kailangang kagamitan: Nakarekord na musika o instrumento.

Palibutin ang mga bata sa silid habang tumutugtog ang musika. Kapag tumigil ang tugtog, panatilihing nakatayo ang mga bata nang walang kagalaw-galaw na katulad ng mga istatuwa. Makagagalaw muli ang mga bata kapag nagsimula ang tugtog, ngunit kailangan nilang manatiling nakatayo nang walang kagalaw-galaw sa tuwing ito ay titigil.

Musika sa Silid-Aralan ng Alagaan

Ang musika sa silid-aralan ng alagaan ay lumilikha ng kapaligiran na may magandang pagtanggap at mapagmahal, na dahilan upang ang Primarya ay maging isang masayang lugar na masarap puntahan. Ang mga batang nasa edad na alagain ay handa at sabik na matuto tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, tungkol sa kanilang sarili, at sa magandang daigdig na ito. Ang isang mahalagang paraan upang sila ay matuto ay sa pamamagitan ng musika. Maaaring masiyahan ang mga bata sa musika sa maraming iba’t ibang paraan. Maaari silang umawit, tumugtog ng mga instrumento ng musika, gumalaw na kasabay ng musika at makinig sa musika. Tingnan ang “Musika sa Silid-aralan,” para sa mga karagdagang puna tungkol sa paggamit ng musika upang turuan ang maliliit na bata.

Pag-awit

Maaari mong naising gamitin ang gayunding mga awit bawat linggo habang sinisimulan mo ang iba’t ibang gawain. Kapag narinig ng mga bata ang karaniwang himig, malalaman nila kung anong gawain ang nagsisimula. Maaari mo ring baguhin ang mga salita sa isang awit upang lumapat sa mga situwasyon o gawain ng mga bata. Awitin ang mga paboritong awit ng mga bata nang maraming ulit sa loob ng buong taon.

Mga Instrumento sa Musika

Kumuha ng mga simpleng instrumento sa musika upang mapaglaruan ng mga bata o gumawa ng sarili mong instrumento:

Plauta o torotot: Lagyan ng ilang butas ang tagiliran ng isang matigas na papel na inilulon (katulad ng uri ng ginagamit na papel na pambalot (wrapping paper), madulas na papel (waxed paper) o papel na pamunas ng kamay (paper towels). Para sa natatanging epekto, dikitan ng selopeyn ang kabilang dulo. Upang makatugtog, humimig o umawit na itinatapat ang likhang instrumento sa bibig.

Mga kampanilyang gawa sa mga takip ng Bote: Gumamit ng pako upang butasan ang tatlo o apat na mga takip ng bote. Pagkatapos ay ipako ang mga takip sa isang patpat o kapirasong kahoy na mga anim na pulgada ang haba. Ang mga pakong gagamitin mo ay dapat na manipis lamang upang maging maluwag ang pagkabitin ng mga takip at makagawa ng tunog na tila kampanilya at maikli lamang upang hindi lumitaw sa kabilang dulo ng patpat o kapirasong kahoy. Upang makatugtog, kalugin ang patpat o kapirasong kahoy.

Pompiyang: Gumamit ng isang pako upang mabutasan ang mga takip ng garapon. Pagkatapos ay ipako (o ikabit) ang bawat takip sa isang patpat o kapirasong kahoy bilang hawakan. Upang makatugtog, hawakan ang mga ito sa magkabilang kamay at pag-umpugin ang mga ito.

Sand blocks: Pumutol ng dalawang pirasong kahoy na isang pulgada ang kapal, mga 2 pulgada ang lapad at 4 na pulgada ang haba. Pumutol ng dalawang mas maliit na piraso, mga 1 pulgada ang lapad at 2 1/2 pulgada ang haba. Pakinisin ang alinmang matalim na gilid o alisin ang makasasalubsob. Igitna ang maliliit na putol sa malalaking putol at ipakong mabuti. Lagyan ng kapirasong papel de lihiya ang malalaking putol. Upang makatugtog, pag-umpugin ang mga kahoy o pagkiskisin ang mga papel de lihiya.

Marakas: Maglagay ng mga butil ng mais o pinatuyong bins sa isang latang hindi matalim ang mga gilid o ibang lalagyan. Palagyan ng palamuti sa mga bata ang mga lalagyan. Iteyp na mabuti ang mga butas upang mapigilan ang mga bata sa pagkain o paglalaro ng mga nilalaman. Upang makatugtog, ikalog.

Galaw na Nakasabay sa Musika

Ang mga malikhaing galaw na nakasabay sa musika ay nakatutulong sa mga bata na gamitin ang lakas sa mabuting paraan at pinauunlad ang kanilang kakayahan na gamitin ang kanilang kaisipan. Umawit, tugtugin ang piyano o iba pang instrumento, o gumamit ng nakarekord na musika para angkupan ng galaw ng mga bata.

Upang maisali ang mga bata sa galaw na nakasabay sa musika, maaari mong—

  • Pangasiwaan ang mga bata sa pagtakbo, paglundag, pagyuko, pag-ikot, pagtingkayad, paggapang, pagtalon, o pag-iinat sa musika. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pamumuno sa mga galaw ng pangkat.

  • Patugtugin o ipaawit ang mga awit nang may iba’t ibang bilis at hayaang tumakbo o lumakad ang mga bata alinsunod sa isinasaad ng musika.

  • Ipawagayway sa mga bata ang may kulay na panyo o papel na bandereta habang gumagalaw sila alinsunod sa musika.

  • Gamitin ang mga awit na may galaw kapag kailangan ng mga bata ang pagbabago ng bilis. Kung matagal nang nakaupo ang mga bata, ang isang awit na may galaw na ginagamit ang malalaking kalamnan at malalaking paggalaw ay maaaring maiangkop. Kung sila ay magagalaw at kailangang patahimikin, ang isang awit na may galaw na ginagamit ang maliliit na kalamnan habang nakaupo ang mga bata ay maaaring epektibo.

Pakikinig

Ang manwal na ito ay may kasamang audiocassette na maaaring gamitin sa gawaing pakikinig. Ang audiocassette ay naglalaman ng limang bahagi:

  1. “Tahimik na Musika”—patutugtugin habang pumapasok ang mga bata sa alagaan o sa ibang mga pagkakataong nais magkaroon ng payapang kapaligiran.

  2. “Kaalamang Pangmusika”—upang tulungan ang mga bata na magkaroon ng kaalaman sa iba’t ibang katangiang pangmusika.

  3. “Paggalaw sa Saliw ng Musika”—patutugtugin para sa mga bata habang ginagawa nila ang mga kilos na tulad ng pagyuko at pag-iinat. Ang mga bata ay makapaglalabas ng lakas at magkakaroon ng pisikal at pag-indayog na mga kasanayan habang nakikinig at nakikisali sila.

  4. “Pagpapahiwatig na Pangmusika”—upang himukin ang mga batang makinig at malayang gumalaw sa saliw ng musika. Gumamit ng hindi hihigit sa tatlong piniling saliw ng musika sa isang panahon ng klase.

  5. “Pagpapanggap na mga Kuwento”—isasadula upang maglaan ng gawain para sa mga bata. Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tagubilin at pakikinig nang mabuti sa mga kuwento, ang mga bata ay nakikibahagi sa pantomime at iba pang mga gawaing pisikal. Ang mga kuwento ay pinamagatang “A Walk in the Forest,” “A Visit to the Zoo,” at “The Toys in the Toy Box.” Isang kuwento lamang ang gamitin sa isang panahon ng klase.

Maaari mo ring gamitin ang mga audiocassette ng Children’s Songbook (tugtog lamang, 52505; tugtog at mga salita, 52428) o mga compact disc (tugtog lamang, 50505; tugtog at mga salita, 50428), kung may makukuha, at alinmang iba pang musikang makukuha mo na angkop para sa Sabbath.

Maaaring mahirapan ang mga bata na magtuon ng pansin sa musika kung sila ay nakikinig lamang. Isama ang pakikinig sa pag-awit, paggalaw o iba pang mga gawain, katulad sa mga sumusunod na halimbawa:

  • Pahigain ang mga bata sa sahig at makinig sa iba’t ibang uri ng musika. Pag-usapan ang ipinadadama ng musika sa kanila. Pagkatapos ay ipalarawan sa kanila kung ano ang kanilang nadarama.

  • Magpatugtog ng pangmartsang musika at hayaang magmartsa ang mga bata sa paligid ng silid.

  • Ipapalakpak sa mga bata ang mga indayog ng musika na pinakikinggan nila.