Aralin 11
Nagpapasalamat Ako Para sa Isda
Layunin
Upang tulungan ang bawat bata na makadama ng pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para sa mga isda at hayop sa tubig.
Paghahanda
-
Pag-aralan nang may panalangin ang Genesis 1:20–23; Jonas 1–3; Mateo 14:15–21; at Lucas 5:1–11.
-
Mga kailangang kagamitan:
-
Isang Biblia.
-
Isdang papel (tingnan ang parisan sa hulihan ng aralin).
-
”Bingwit”—isang patpat na may nakataling pisi dito at isang pang-ipit ng papel, kapirasong teyp o magneto na nakakabit sa dulo ng pisi. (Itabi ang bingwit na ito upang magamit sa mga aralin sa hinaharap.)
-
Sisidlan na paglalagyan ng isdang papel.
-
Kung maaari, kumuha ng mga larawan ng mga isda o iba pang mga hayop na nakatira sa tubig.
-
Ginupit na larawan 1–5, isda (ang katulad ng ginupit na larawan ay matatagpuan sa pangkat 4 ng Mga Ginupit na Larawang Pantulong sa Primarya).
-
Larawan 1–1, Ang Daigdig (62196); larawan 1–24, Si Jesus at ang mga Mangingisda (Pakete ng Larawang ng Sining ng Ebanghelyo 210; 62138); larawan 1–25, Isda; larawan 1–26, Palaka; larawan 1–27, Pagong.
-
-
Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.
Mga Gawain sa Pagkatuto
Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.
Inatasan ng Ama sa Langit si Jesucristo na lumikha ng isda at iba pang mga hayop sa tubig
Ipakita ang larawan 1–1, Ang Daigdig, at pagbalik-aralan ang ilan sa mga bagay na iniatas ng Ama sa Langit na likhain ni Jesus na tinalakay na sa mga nakaraang aralin. Sabihin sa mga bata na nilikha rin ni Jesus ang isda (tingnan sa Genesis 1:20–23). Ang isda ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa daigdig. Ipakita ang larawan 1–25, Isda, at pag-usapan kung saan nakatira ang isda.
-
Nakakita na ba kayo ng isang isda?
Hayaang pag-usapan ng mga bata ang tungkol sa isdang nakita nila.
Ipakita ang ginupit na larawan 1–5 at ang iba pang mga larawan ng isda na nakuha mo. Pag-usapan ang iba’t ibang uri ng mga isda, katulad ng bangus, tilapia, mga pating, hito o anumang isda na pangkaraniwan sa mga bata sa klase.
-
Ano pang hayop ang naninirahan sa tubig maliban sa isda?
Ipakita ang larawan 1–26, Palaka, at larawan 1–27, Pagong. Pag-usapan ang mga palaka, at pagong at kung saan sila nakatira. Pag-usapan din ang mga balyena, alimango at iba pang hayop sa tubig. Ipaliwanag na ang ilang hayop sa tubig ay nakatira sa dagat, ang ilan ay sa mga lawa at ang ilan ay sa mga ilog.
Ipinalikha ng Ama sa Langit kay Jesus ang isda at ang mga hayop sa tubig upang magamit natin
Ipaliwanag na ipinalikha ng Ama sa Langit kay Jesus ang isda at mga hayop sa tubig upang gamitin natin bilang pagkain at sa iba pang layunin.
Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman
Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.
-
Hayaang kulayan ng mga bata ang isdang papel na nahuli nila sa gawaing pangingisda (ulitin ang gawain kung nais). Isulat ang Nagpapasalamat ako para sa isda sa likod ng isda ng bawat bata.
-
Paupuin ang mga bata sa hugis na kalahating bilog. Ilagay ang isda na kinulayan ng mga bata sa sahig sa kanilang harapan. Bigkasin ang sumusunod na talata nang magkakasabay:
Maliit na isda sa sapa,
Mahuhuli kita nang walang taga.
Ituro ang isang bata at papiliin ang bata ng kanyang sariling isda sa pamamagitan ng bingwit o sa pagturo sa isda. Sasabihin ng bata, “Nakahuli ako ng na isda,” na sinasabi ang kulay ng isda. Itatabi ng bata ang isda upang iuwi. Magpatuloy hanggang sa magkaroon ng pagkakataon ang bawat bata.
-
Awiting kasabay ng mga bata ang, “Thanks to Our Father” (Children’s Songbook, p. 20).
-
Tulungan ang mga bata na gawin ang sumusunod na larong pandaliri. Ipaliwanag na ang isang minnow ay isang maliit na isda.
Ang Munting Pagong
Ako’y may isang munting pagong.
Nakatira ito sa isang kahon (itikom nang kaunti ang mga kamay).
Sa ilog ito lumalangoy (gumawa ng mga kilos ng paglangoy),
At sa bato umaahon (igalaw ang mga daliri paitaas na tila gumagapang).
Sinakmal ang isda (ipalakpak ang mga kamay),
Sinakmal ang pulgas (ipalakpak ang mga kamay),
Sinakmal ang lamok (ipalakpak ang mga kamay),
Pati na ako (ipalakpak ang mga kamay)!
Nahuli ang isda (ipalakpak ang mga kamay);
Nahuli ang pulgas (ipalakpak ang mga kamay);
Nahuli ang lamok (ipalakpak ang mga kamay);
Ngunit hindi ako!
(Vachel Lindsay, mula sa Collected Poems of Vachel Lindsay. © 1920 ng Macmillan Publishing Co., Inc., binago noong 1948 ni Elizabeth C. Lindsay. Ginamit nang may pahintulot.)
-
Tulungan ang mga bata na bigkasin ang mga salita sa sumusunod na gawain. Ipaliwanag na ang sapa ay isang maliit na ilog at ang dakong tago ay isang lugar na pinagtataguan.
Limang Maliliit na Isda
Patayuin ang limang bata sa harapan ng klase, ang bawat isa ay may hawak na isdang papel.
Limang maliliit na isda ang lumalangoy sa sapa.
Ang isa’y lumangoy palayo sa dakong tago (ang isang bata ay “lalangoy” pabalik sa kanyang upuan).
Maliliit na isda, maliliit na isda, masayang nangaglalaro.
Maliliit na isda, maliliit na isda, maghapong lumalangoy.
Ulitin ang talata na may apat na isda, pagkatapos ay tatlo, pagkatapos ay dalawa. Isang bata ang lalangoy palayo sa bawat talata. Kapag iisa na lamang ang natitirang bata, gamitin ang sumusunod na talata:
Isang maliit na isda ang lumalangoy sa sapa.
Siya’y lumangoy palayo sa dakong tago (ang isang bata ay lalangoy pabalik sa kanyang upuan).
Maliit na isda, maliit na isda, masayang naglalaro.
Maliit na isda, maliit na isda, maghapong lumalangoy.
Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata
-
Ipakita ang larawan 1–25, Isda; larawan 1–26, Palaka; at larawan 1–27, Pagong. Sa iyong sariling pananalita, ikuwento ang paglikha ng isda, at mga hayop sa tubig (tingnan sa Genesis 1:20–23). Ipahiwatig ang iyong pasasalamat para sa isda at iba pang hayop sa tubig.
-
Sabihin sa mga bata na maraming hayop ang nakatira sa o malapit sa tubig. Ipahula sa kanila kung anong hayop ang iniisip mo habang ibinibigay mo ang mga sumusunod na ideya:
-
Ang balat ko ay berde at malambot at malagkit. Ako’y tumatalon. Nakatira ako sa malapit sa mga lawa, batis o dagat-dagatan. Mahuhulaan ba ninyo kung ano ako?
(Kapag nahulaan ng mga bata ang “palaka”, ipakita ang larawan 1–26, Palaka, o gumuhit ng isang palaka sa pisara.)
-
Napakabagal ko. May dala akong matigas na bao sa aking likod. Kapag ako ay nagugulat, itinatago ko ang aking ulo, mga kamay at paa sa aking bao. Ano ako?
(Kapag nahulaan ng mga bata ang “pagong” ipakita ang larawang 1–27, Pagong, o gumuhit ng isang pagong sa pisara.)
Pagkatapos na mahulaan ng mga bata ang dalawang hayop, paluksuhin silang katulad ng mga palaka; pagkatapos ay pagapangin silang katulad ng mga pagong.
-
-
Awiting kasabay ng mga bata ang “Oh, What Do You Do in the Summertime?” (Children’s Songbook, p. 245).