Aralin 43
Tayo ay May Buhay na Propeta
Layunin
Upang tulungan ang bawat bata na maunawaang tayo ay pinagpapala kapag sinusunod natin ang propeta.
Paghahanda
-
May panalanging pag-aralan ang 1 Samuel 3:1–10, 19–20. Tingnan din sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (31110), kabanata 9.
-
Itala sa magkakahiwalay na mga pirasong papel ang ilang aral ng buhay na propeta mula sa mga talumpati sa komperensiya o mga nasusulat sa mga magasin ng Simbahan. Maghanda ng mga papel na kasindami ng mga bata sa klase. Itupi ang mga pirasong papel at ilagay ang mga ito sa isang mangkok o basket. Ang mga aral ay maaaring kabilangan ng—
-
Matuto mula sa mga banal na kasulatan bawat araw.
-
Panatilihing banal ang araw ng Sabbath.
-
Manalangin bawat araw.
-
Magpunta sa pulong sakramento at Primarya.
-
Maging matapat.
-
-
Mga kailangang kagamitan:
-
Isang Biblia.
-
Larawan 1–4, Ang Unang Pangitain (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 403; 62470); larawan 1–29, Pagtatayo ng Arka (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 102; 62053); larawang 1–42, Tinawag ng Panginoon ang Batang si Samuel (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 111; 62498); larawan 1–66, Si Moises at ang Natutupok na Kahoy (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 107; 62239); isang larawan ng buhay na propeta.
-
-
Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.
Mga Gawain sa Pagkatuto
Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.
Ang mga Propeta ay Nakikipag-usap sa Ama sa Langit at kay Jesucristo
Ipaliwanag na sina Noe, Moises at Joseph ay mga propetang lahat. Ang isang propeta ay isang tao na nakikipag-usap sa Ama sa Langit at kay Jesus. Dahil wala ang Ama sa Langit at si Jesus upang turuan tayo, sila ay may mga propeta na tutulong sa kanila. Tinuturuan ng Ama sa Langit at ni Jesus ang propeta, at tayo ay tinuturuan ng propeta ng dapat nating gawin upang tayo ay pagpalain at maging maligaya.
Tayo ay may propeta ngayon sa mundo
Ipakita ang larawan ng buhay na propeta. Sabihin sa mga bata ang nalalaman mo tungkol sa propeta.
Patayuin ang mga bata at ipabigkas ang, “Si (pangalan ng buhay na propeta) ay isang propeta ng Diyos.”
-
Bakit kailangan natin ang buhay na propeta? (Upang malaman natin ang nais na ipagawa sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesus.)
Ipaliwanag na tayo ay tinuturuan ng buhay na propeta sa pamamagitan ng pagsasalita sa mga komperensiya. Ang mga komperensiya ay malalaking pulong na dinadaluhan ng maraming mga tao. Maaari nating mapakinggan ang propeta sa telebisyon, radyo o mga rekord sa teyp. Ang kanyang mga salita ay nakasulat din sa mga magasin ng Simbahan na maaaring basahin sa atin ng ating mga magulang o ng iba.
Tayo ay pinagpapala kapag sinusunod natin ang propeta
Tukuying muli ang mga larawan nila Noe, Moises, Joseph Smith at ng buhay na propeta. Ipaliwanag na dahil sumunod ang mag-anak ni Noe sa kanya, sila ay naligtas mula sa baha. Dahil sinunod ng mga Israelita si Moises, sila ay inakay palabas sa Ehipto patungo sa mas mainam na lupain. Dahil sinunod ng mga tao si Joseph Smith, sila ay naging mga kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ipaliwanag na ang mga taong ito ay pinagpala dahil sinunod nila ang propeta. Tayo ay pinagpapala din kapag sinusunod natin ang propeta.
Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman
Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.
-
Kumuha ng isang rekord sa audiocassette o videocassette na tungkol sa buhay na propeta upang maipakita sa mga bata, o magpakita ng mga larawan niya mula sa mga magasin ng Simbahan.
-
Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Salamat, O Diyos, sa Propeta” (Mga Himno at Awit Pambata).
-
Isalaysay muli ang kuwento tungkol sa pangitain ni Pangulong Lorenzo Snow sa Tagapagligtas (tingnan sa aralin 26). Ipaliwanag na nagpakita si Jesus kay Pangulong Snow upang sabihin sa kanya kung paano pamumunuan ang Simbahan. Sinabi ni Jesus kay Pangulong Snow kung ano ang ituturo sa mga kasapi ng Simbahan.
-
Mag-isip ng ilang kalagayan kung saan ay maaaring masunod ng mga bata ang mga aral ng propeta. Ilarawan ang bawat kalagayan sa klase, at hayaang sabihin ng mga bata o isadula ang maaari nilang gawin sa bawat kalagayan upang masunod ang propeta. Halimbawa: “Nakakita kayo ng pera sa kusina. Nais ninyong kunin ito, ngunit alam ninyong ito ay sa inyong ina. Ano ang gagawin ninyo upang masunod ang aral ng propeta na maging matapat?”
Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata
-
Ipakita ang isang larawan ng buhay na propeta sa buong panahon ng klase. Gumugol ng panahon upang sabihin sa mga bata kung sino siya. Ipaliwanag na sila ay mahal niya at nais tumulong sa kanila na makabalik sa Ama sa Langit at kay Jesus. Ulitin ito nang dalawa o tatlong beses sa klase.
-
Laruin ang “Sundan ang Pinuno” na kasama ang mga bata. Papilahin ang mga bata. Ang unang bata sa pila ay tatakbo, tatalon, lulundag o gagawin ang ibang galaw papunta sa kabilang panig ng silid. Susundan ng ibang bata ang unang bata, na ginagawa ang ginawa niya. Pagkatapos ay pupunta ang unang bata sa dulo ng pila, at ang kasunod na bata ang magiging bagong pinuno. Ipagpatuloy hanggang sa ang bawat bata ay magkaroon ng pagkakataong maging pinuno.
Pagkatapos ng laro, ipaliwanag na ang propeta ang pinuno ng Simbahan. Kung sinusunod natin ang mga bagay na sinasabi niyang gawin natin, aakayin niya tayong pabalik sa Ama sa Langit at kay Jesus.