Aralin 26
Ang mga Mag-anak ay Maaaring Magkasama-sama Magpakailanman
Layunin
Upang tulungan ang bawat bata na maunawaan na ang mga templo ay mga banal na lugar kung saan maaaring sama-samang ibuklod ang mga mag-anak hanggang sa walang-hanggan, at upang himukin ang bawat bata na maghanda upang makapasok sa templo.
Paghahanda
-
May panalanging pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 97:15–17 at 124:37–41. Tingnan din sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (31110), kabanata 36, at “Temple” sa Bible Dictionary.
-
Mga kailangang kagamitan:
-
Isang kopya ng Doktrina at mga Tipan.
-
Larawan 1–5, Mag-anak na May Sanggol (62307); larawan 1–7, Isang Mapagmahal na Mag-anak; larawan 1–54, ang Templo sa Salt Lake (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 502, 62433); mga larawan ng iba pang mga templo na makukuha (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 505; 62434–62448, 62566–62569, 62583–62601, 62613–62619); ang pahina ng mga drowing sa hulihan ng aralin.
-
-
Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.
Mga Gawain sa Pagkatuto
Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.
Ang templo ay isang banal na pook
Ipaliwanag na ang templo ay isang banal na pook (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 97:15–17). Hilingin sa mga bata na ulitin ang salitang banal. Nangangahulugan ito na ang templo ay isang natatanging pook kung saan ang lahat ng bagay ay nagpapaalaala sa atin sa Ama sa Langit at kay Jesus.
Sabihin sa mga bata na kung susundin nila ang mga kautusan ng Ama sa Langit, makapapasok sila sa templo kapag mas matanda na. Ipaliwanag na sa templo ay gumagawa tayo ng mga natatanging pangako sa Ama sa Langit na susundin ang kanyang mga kautusan. Maaari din tayong maikasal sa templo, at maaari din tayong mabinyagan para sa mga taong hindi nabinyagan habang nabubuhay sila sa mundo.
Ipataas sa mga bata ang tatlong mga daliri at ulitin ang tatlong bagay na magagawa nila sa templo kapag sila ay mas matanda na:
“Sa templo ay makagagawa ako ng mga natatanging pangako sa Ama sa Langit.”
“Sa templo ay maikakasal ako.”
“Sa templo ay maaari akong binyagan para sa iba.”
Ang templo ay tumutulong sa mag-anak upang magkasama-sama hanggang sa walang-hanggan
Ipakita ang larawan 1–5, Mag-anak na May Sanggol, at larawan 1–7, Isang Mapagmahal na Mag-anak. Ipaliwanag na ang mga templo ay makatutulong sa mga mag-anak upang magkasama-sama hanggang sa walang-hanggan. Kapag ang isang lalaki at isang babae ay nagpakasal sa templo at sumunod sa mga kautusan, ipinapangako ng Ama sa Langit sa kanila na maaari silang magkasama at kasama ang lahat ng kanilang mga anak hanggang sa walanghanggan. Ito ay tinatawag nating pagbubuklod bilang isang mag-anak.
-
Sino ang mga tao sa inyong mag-anak?
-
Ano ang pakiramdam ninyo kapag kasama ninyo ang inyong mag-anak?
-
Paanong magkakasama-sama ang isang mag-anak hanggang sa walang-hanggan?
Tiyakin sa mga bata na mahal ng Ama sa Langit at ni Jesus ang bawat maganak at nais na mabuklod hanggang sa walang-hanggan ang mga mag-anak. Ipaliwanag na maihahanda ng mga mag-anak na hindi naibuklod sa templo ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa mga kautusan ng Ama sa Langit. Pagkatapos ay makapupunta na sila sa templo upang maibuklod bilang isang mag-anak.
Makapaghahanda ako upang magpunta sa templo
Paalalahanan ang mga bata na ang lahat ng sumusunod sa mga kautusan ng Ama sa Langit ay makapupunta sa templo. Ipakita ang pahina ng mga drowing na kasama sa hulihan ng aralin at ipatalakay sa mga bata ang mga kautusang ipinakita. Ipaliwanag na ang pagsunod sa mga kautusang ito ay makatutulong sa mga bata na maging karapat-dapat na magpunta sa templo kapag sila ay mas matanda na.
-
Manalangin.
-
Sundin ang mga magulang.
-
Mahalin ang bawat isa.
-
Magpunta sa simbahan.
-
Magbayad ng ikapu.
-
Kumain ng mga mabubuting pagkain (sundin ang Salita ng Karunungan).
-
Maging matapat.
Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman
Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.
-
Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang walang-hanggan ay mahabang panahon. Maaari mong sabihin sa kanila na ito ay higit na matagal kaysa sa panahon ng ipaghihintay nila sa kanilang kaarawan o sa susunod na pista opisyal; higit na mahaba ito kaysa sa panahon nang ang pinakamatandang taong kilala nila ay nabubuhay pa; higit na mahaba ito kaysa noong panahong sina Adan at Eva ay nabubuhay pa. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng walanghanggan ay na ang isang bagay ay walang katapusan.
Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw sa sumusunod na talata habang binibigkas mo ang mga salita:
Gaano Katagal ang Walang-hanggan?
Gaano katagal ang walang-hanggan (ituro ang ulo, na tila ba nag-iisip)?
Ito’y higit na matagal kaysa isang taon (ilagay ang kamao sa ilalim ng baba, ipatong ang siko sa kabilang kamay).
Ito’y higit na matagal kaysa sa panahon (ilagay ang kabilang kamao sa ilalim ng baba, ipatong ang siko sa kamay)
Ng pagsapit ng Kapaskuhan.
Gaano katagal ang walang-hanggan (ituro ang ulo, na tila ba nag-iisip)?
Ito’y hindi gaanong matagal na gugulin (igalaw-galaw ang daliri)
Na kasama ang mga mag-anak na inyong minamahal (yakapin ang sarili),
Sapagkat hindi ito magwawakas kailanman!
-
Sa pahintulot ng pangulo ng inyong Primarya, anyayahan ang mga magulang ng isang bata sa iyong klase na magbahagi ng kanilang mga damdamin tungkol sa kahalagahan ng pagpapabuklod sa templo.
-
Gumawa ng kopya ng pahina ng mga drowing na nasa hulihan ng aralin para sa bawat bata. Pakulayan sa mga bata ang mga drowing.
-
Sa pahintulot ng pangulo ng inyong Primarya, anyayahan ang isang maganak sa inyong purok na kagagaling lamang sa templo upang magpabuklod na sabihin sa klase ang tungkol sa karanasang iyon.
Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata
-
Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw sa sumusunod na talata habang binibigkas mo ang mga salita:
Ako ay Tagatulong
Ngayong ako’y matangkad at malaki (tumingkayad at iunat paitaas ang mga kamay),
Ako’y magiging tagatulong na mabuti.
Isang tagatulong kay ama (itaas ang unang daliri),
Na mabait at mabuti;
Gagawin ko para sa aking ina (itaas ang pangalawang daliri)
Ang mga bagay na dapat kong gawin.
Isang tagatulong sa kapatid na babae (itaas ang pangatlong daliri),
At sa kapatid na lalaki rin (itaas ang pang-apat na daliri);
Isang tagatulong sa lahat ng mga tapat kong kaibigan (itaas ang hinlalaki).
At tagatulong ng Diyos ay sisikapin kong gawin
Sa pamamagitan ng pagmamahal sa iba na tulad ng pagmamahal niya sa akin (ihalukipkip ang mga kamay).
Nais kong maging tagatulong ng lahat (iunat pabukas ang mga kamay),
Ngayong ako’y matangkad at malaki (tumingkayad at iunat paitaas ang mga kamay).
-
Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw sa sumusunod na talatang gawain habang binibigkas mo ang mga salita. Ulitin hangga’t nais mo.
Gumawa ng bilog na ang lahat ay nakatayo, na naghahawakan ng mga kamay. Maghawakan ng mga kamay sa kabuuan ng gawain.
Tayong lahat ay magkakasamang namuhay na kapiling ang Ama sa Langit (maglalapitan ang bawat isa, na inilalagay ang mga kamay papunta sa gitna ng bilog).
Ipinadala niya tayo sa mundo upang mabuhay (palakihin ang bilog).
Binigyan niya tayo ng mga mag-anak na magmamahal at magtuturo sa atin (muling maglapit-lapit).
Tutulungan tayo ng ating mga mag-anak na mamuhay na muli siyang kapiling (muling palakihin ang bilog).
-
Maglaan ng isang simpleng guhit ng isang templo sa papel upang kulayan ng mga bata.