Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 18: Nagpapasalamat Ako Para sa Aking mga Tainga


Aralin 18

Nagpapasalamat Ako Para sa Aking mga Tainga

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na pahalagahan ang kanyang mga tainga at ang nagagawa ng mga ito.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Marcos 7:32–35 at Joseph Smith–- Kasaysayan 1:17.

  2. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia at isang Mahalagang Perlas.

    2. Larawan 1–4, Ang Unang Pangitain (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 403; 62470); larawan 1–41, Isang Bata na May Pantulong sa Pandinig (hearing aid); isang larawan ng buhay na propeta.

  3. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Paalala sa guro: Maging madaling makadama sa mga damdamin ng sinumang bata sa iyong klase na may mga pisikal na kapansanan. Ituon ang pansin sa mga bagay na nagagawa ng kanilang katawan, hindi sa kanilang mga kapansanan.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Gawin ang sumusunod sa pamamagitan ng pagbulong:

Batiin ang bawat bata. Pangasiwaan ang mga bata upang gawin ang ilang bagay, katulad halimbawa ng pag-upo, pagtataas ng kanilang mga kamay, pagbababa ng kanilang mga kamay, at pagtataas ng dalawang daliri.

Sa iyong karaniwang tinig, tanungin ang mga bata kung paano nilang nalaman kung ano ang dapat gawin habang ikaw ay bumubulong.

Gawaing Pantawag Pansin

  • Anong bahagi ng inyong katawan ang tumulong sa inyo upang malaman kung ano ang aking sinabi?

Ang ating mga tainga ay isang pagpapala sa atin

Awit

Kasabay ang mga bata, awitin o bigkasin ang mga salita sa mga talata 1 at 2 ng “Pasalamatan Natin ang Ating Ama” (Thanks To Our Father, Children’s Songbook, p. 20).

Pasasalamat sa Ama’y iaalay,

Sapagkat ang lahat, S’ya ang may bigay.

Mata, tainga, at kamay, at mga paa;

Damit at pagkain, ay bigay din N’ya.

Awit

  • Ano ang sinasabi ng awit na ito na ibinigay ng Ama sa Langit sa atin?

  • Alin sa mga bagay na ito ang tumutulong sa atin upang makarinig? (Ang ating mga tainga.)

Hilingin sa mga bata na maingat na hipuin ang kanilang mga tainga. Ipaliwanag na hindi ang bahagi ng kanilang mga tainga na nasa labas ng ulo ang nakaririnig. Ang bahaging ito ang tumutulong sa tunog upang makapasok sa kanilang tainga papunta sa salamin ng tainga at sa ibang mga bahagi ng tainga na tumutulong sa kanila upang makarinig.

Awit

  • Paano nating mapag-iingatan ang ating mga tainga?

Ipaliwanag na dapat nating pangalagaan ang ating mga tainga mula sa malalakas na ingay at mula sa mga bagay na maaaring makasira sa mga ito.

Ipaliwanag na dahil sa iba’t ibang dahilan, ang tainga ng ilang mga tao ay hindi gaanong nakaririnig, kaya hindi nila marinig ang lahat ng mga tunog na naririnig ng karamihan sa mga tao. Kung may kakilala ang mga bata na may kapansanan sa pandinig, maaari mong ipaliwanag ang tungkol sa pantulong sa pandinig ng taong iyon. Ipakita ang larawan 1–41, Isang Bata na May Pantulong sa Pandinig, habang ikaw ay nagpapaliwanag. Tulungan ang mga bata na maunawaan na kadalasan ang mga taong hindi gaanong nakaririnig ay hindi rin gaanong nakapagsasalita, dahil ang mga tao ay natututong magsalita sa pamamagitan ng panggagaya ng mga tunog na naririnig nila.

Gawain

Gawin ang mga senyas ng pakikipag-usap sa pamamagitan ng senyas para sa “Mahal kita” (tingnan sa aralin 17).

Gawain

  • Natatandaan ba ninyo kung ano ang ibig sabihin nito?

Ipagawa sa mga bata ang mga senyas na ito.

Paalalahanan ang mga bata na noong nakaraang linggo ay pinag-usapan ninyo kung paanong nakapagsasalita ang mga kamay sa pamamagitan ng pakikipag–usap sa pamamagitan ng senyas. Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang mga taong hindi nakaririnig ay maaaring makipagtalastasan sa ibang mga paraan, katulad halimbawa ng pakikipag-usap sa pamamagitan ng senyas, pagsusulat, at pagbabasa ng galaw ng mga labi.

Kuwento

Isalaysay ang kuwento ni Jesus at ng taong bingi, na matatagpuan sa Marcos 7:32–35.

Kuwento

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ng taong bingi nang malaman niyang siya ay maaaring makarinig?

Bigyang-diin kung gaanong pagpapala ang magawang makarinig.

Naririnig natin ang mga tunog sa pamamagitan ng ating mga tainga

Gawain

Sabihin sa mga bata na sila ay magsasanay sa paggamit ng kanilang mga tainga.

Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagpunta sa harapan ng silid. Ibulong sa tainga ng bata ang pangalan ng karaniwang hayop o bagay na gumagawa ng tunog. Ipagawa sa bata ang tunog para sa klase, at pahulaan sa ibang mga bata kung ano ang gumagawa ng tunog na iyon. (Ang mga tunog ay maaaring kabilangan ng pag-unga ng baka, pagtahol ng aso, pagtunog ng telepono, o pagbusina ng kotse.)

Talakayin sa mga bata ang ilan sa mahahalagang tunog na maaaring marinig ng kanilang mga tainga, katulad halimbawa ng pagtawag ng kanilang mga magulang at mga tunog na nagbababala sa kanila na sila ay masasaktan.

Gawain

  • Ano ang mga tunog na paborito ninyong marinig?

Maaari tayong makinig sa mga aral ng Ama sa Langit at ni Jesucristo

Paupuin nang tahimik ang mga bata at makinig.

  • Ano ang naririnig ninyo?

Talakayin ang iba’t ibang tunog na naririnig nila, katulad halimbawa ng pagbukas at pagsara ng mga pinto, mga taong nag-uusap sa pasilyo, tugtugin ng organo, o ang hangin.

  • Anong iba pang mga tunog ang naririnig natin sa simbahan?

Ipaliwanag na naririnig natin ang ating mga guro, mga magulang, mga pinuno ng Primarya, obispo, at iba pang mga pinuno sa simbahan.

  • Bakit mahalaga para sa atin na pakinggan ang mga taong ito?

Ipaliwanag na ang mga taong ito ay tumutulong sa atin upang malaman ang nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na gawin natin.

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–4, Ang Unang Pangitain, at hayaang sabihin sa iyo ng mga bata kung ano ang kanilang naaalala tungkol sa larawan. Buksan ang mga banal na kasulatan sa Mahalagang Perlas at basahin nang malakas ang sinabi ng Ama sa Langit kay Joseph Smith sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”

Ipaulit sa mga bata ang pangungusap na ito na kasama ka nang ilang ulit. Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit na makinig tayo sa sasabihin niya at ni Jesus. Tulungan ang mga bata na maunawaan na maaaring hindi tuwirang makipag-usap sa bawat isa ang Ama sa Langit at si Jesus, ngunit maaari tayong makinig sa ating mga magulang, mga guro, at mga pinuno ng Simbahan. Masasabi nila sa atin kung ano ang nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na malaman natin. Matutulungan din tayo ng Espiritu Santo na malaman kung ano ang nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na gawin natin.

Ipakita ang larawan ng buhay na propeta.

Kuwento

  • Sino ito?

Ipaliwanag na ang Ama sa Langit at si Jesus ay nakikipag-usap sa atin sa pamamagitan ng mga pinuno ng ating Simbahan, lalo na ang ating propeta at ating obispo. Sasabihin sa atin ng mga pinunong ito kung ano ang nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na gawin natin. Dapat tayong makinig sa kanila nang buong ingat.

Patotoo

Ipahiwatig ang iyong pasasalamat para sa iyong mga tainga at para sa kaloob na pandinig.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Ipapikit sa mga bata ang mga mata nila at takpan ang mga ito ng kanilang mga kamay. Hawakan ang isang bata sa ulo. Dapat sabihin ng batang iyon na, “Nagpapasalamat ako para sa aking mga tainga.” Pahulaan sa ibang mga bata kung kanino ang narinig nilang tinig. Ipagpatuloy hanggang sa ang bawat bata ay magkaroon ng pagkakataon na magsalita.

  2. Patayuin ang mga bata at ipabigkas ang sumusunod na talata, na ginagawa ang mga galaw na isinasaad ng mga salita:

    Ako ay may Kahanga-hangang Katawan

    Ako ay may kahanga-hangang katawan (ipatong ang mga kamay sa dibdib)

    Ang Ama sa Langit ang sa aki’y naglaan.

    Upang makarinig ay binigyan Niya ng tainga (itakip ang kamay sa tainga)

    At mga mata upang makakita (ituro ang mga mata).

    Ako’y may dalawang kamay na naipapalakpak (ipalakpak ang mga kamay),

    Dalawang paa na nailalakad (umikot).

    Kapag nais ko’y aking mahihipo

    Mga daliri sa paa nang nakayuko (yumuko at hawakan ang mga daliri sa paa).

    Kapag naiisip ko ang aking katawan (ilagay sa ulo ang daliri),

    Ang bahagi nito na pinakamainam (tahimik na maupo)

    Ay ang plano ng Ama sa Langit ang siyang naglaan

    Upang ito’y maging katulad ng kanyang katawan.

  3. Paharapin ang mga bata sa isang direksiyon habang nakatayo ka sa likuran nila. Gumawa ng mga tunog sa pamamagitan ng iyong mga kamay o iba pang mga bagay na lumilikha ng tunog, at pahulaan sa mga bata kung ano ang ginagawa mo upang magawa ang tunog. Maaari mong ipalakpak ang iyong mga kamay, pitikin ang mga daliri, o patunugin ang isang kampana. Pasubukan sa mga bata na gawin nila mismo ang mga tunog.

  4. Irekord ang mga tunog sa inyong kapitbahayan, katulad halimbawa ng pagtahol ng isang aso, pag-awit ng isang ibon, o paghalakhak. Patugtugin ang mga tunog na ito sa klase at iparinig at ipahula sa mga bata kung ano ang mga tunog.

  5. Turuan ang mga bata ng simpleng awit o parirala sa pakikipag-usap sa pamamagitan ng senyas. Kung may kilala kang isang tao na marunong sumenyas, maaari mo siyang anyayahan na magpunta sa klase at sabihin sa pamamagitan ng pagsenyas ang “Ako ay Anak ng Diyos” habang umaawit ang klase.

  6. Maupo nang pabilog na kasama ang mga bata. Bumulong ng maikling mensahe sa batang katabi mo. Pagkatapos ay ibubulong ng batang ito ang mensahe sa kasunod na bata, at gayon nga hanggang sa malibot ang bilog. Sasabihin ng huling bata ang mensahe nang malakas. Sabihin sa klase ang mensaheng ibinigay mo sa unang bata upang makita kung paano ito nagbago.

    Pagkatapos ng gawain ay tanungin ang mga bata kung ano ang kanilang ginamit upang marinig ang mensahe. (Mga tainga.) Paalalahanan sila na pasalamatan ang Ama sa Langit para sa kanilang mga tainga.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Kung maaari, ilabas ang mga bata. Himukin silang makinig nang tahimik sa pamamagitan ng kanilang mga tainga. Anong mga tunog ang naririnig nila? Kapag bumalik na kayo sa silid-aralan, pagbalik-aralan ang mga tunog na narinig nila.

  2. Patayuin ang mga bata at ipabigkas ang sumusunod na talata, na ginagawa ang mga galaw na isinasaad:

    Hipuin ang Inyong mga Mata

    Hipuin ang inyong mga mata,

    Hipuin ang inyong mga ilong,

    Hipuin ang inyong mga tainga,

    Hipuin ang inyong mga daliri sa paa.

    Ipakaunat ang inyong mga kamay,

    Abot langit itong ikaway.

    Ilagay ang inyong mga kamay sa inyong buhok;

    Buong katahimikang sa upua’y maupo.