Upang tulungan ang bawat bata na maunawaan na kapag nakagagawa tayo ng isang bagay na mali, dapat na sabihin nating ikinalulungkot natin at sikaping itama ang maling bagay na nagawa natin.
Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawain na Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.
Mga Gawain sa Pagkatuto
Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.
Minsan ay gumagawa tayo ng mga bagay na mali
Ipaliwanag na habang lumalaki tayo at natututong piliin ang tama, minsan ay nakagagawa tayo ng mga maling pagpili. Ang mga ito ay hindi lamang mga pagkakamali na katulad ng paglalagay ng isang larawan nang pabaligtad; ang mga ito ay mga pagkakataong nakagagawa tayo ng isang bagay na mali, isang bagay na ayaw ipagawa sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesus at ng ating mga magulang. Sa pamamagitan ng paggawa ng mga maling pagpili, maaaring mapalungkot natin ang ating sarili at ang ibang mga tao.
Dapat nating sabihing ikinalulungkot natin
Ano ang pakiramdam ninyo kapag nakagagawa kayo ng maling bagay?
Ano ang maaari ninyong gawin upang maialis ang masasamang damdamin?
Tulungan ang mga bata na maunawaan na kapag nalaman natin na nakagawa tayo ng mali, kailangang aminin natin ito. Pagkatapos ay kailangan nating sabihing “Ikinalulungkot ko.” Kailangan din nating sikaping itama ang nagawa nating mali at ipangako na hindi na natin ito muling gagawin.
Dapat nating gawin ang lahat ng makakaya natin upang maitama ang mali
Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman
Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.
Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa “Repentance” (Children’s Songbook, p. 98). Ipaliwanag na ang pagsisisi ay nangangahulugan ng pagsasabing ikinalulungkot ninyo ang nangyari, na nangangakong hindi na muling gagawin ang maling bagay, at sikaping itama ang maling bagay.
Paglaanan ang bawat bata ng isang piraso ng luwad o laruang masa. Ipakita sa mga bata kung paano pagulungin ang luwad o laruang masa at gawing bola at pagkatapos ay palaparin ito. Tulungan silang gumawa ng nakangiting mukha sa luwad o laruang masa upang paalalahanan sila na kapag sinasabi nilang “Ikinalulungkot ko” ay magiging mabuti ang kanilang pakiramdam. (Ang resipe ng laruang masa ay matatagpuan sa pahina xx ng manwal na ito.)
Bigyan ang bawat bata ng isang pirasong papel at isang krayola o lapis. Paguhitin ang bawat bata ng nakangiting mukha. Pamagatan ang larawan ng Maaari akong maging maligaya kapag sinasabi kong nalulungkot ako.
Awitin o bigkasin ang mga salita sa “I Want to Live the Gospel” (Children’s Songbook, p. 148).
Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata
“Hindi sinasadyang” ihulog ang isang kahon ng mga krayola o iba pang maliliit na bagay sa sahig. Sabihin sa mga bata na ikinalulungkot mong naihulog mo ang mga krayola, at pagkatapos ay itanong kung ano ang dapat mong gawin upang mapabuti ang kalagayan. Habang inililigpit mo, sabihin sa mga bata na higit na mabuti ang iyong pakiramdam kung maayos at malinis na muli ang sahig. Anyayahan ang mga bata na tulungan kang maglinis.
Ipaliwanag na kung minsan ay gumagawa tayo ng mga bagay na nakapagpapalungkot sa atin at sa ibang tao. Kapag nangyari ito, dapat nating sabihing “Ikinalulungkot ko” at sikaping higit na mapagbuti ang mga bagay. Pasalamatan ang mga bata sa pagtulong sa iyo sa paglilinis, at paalalahanan sila na maligaya sila kapag tumutulong sa iba.
Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Jesus Said Love Everyone” (Children’s Songbook, p. 61).
Ipabigkas sa mga bata ang isang malaking salita, katulad ng hippopotamus. Sabihin sa kanila na mahirap bigkasin minsan ang ilang mga salita. Ipaliwanag na maaaring mahirap sabihing “Ikinalulungkot ko” kapag nakagawa tayo ng isang maling bagay. Ipaliwanag na maging kapag ang mga salitang “Ikinalulungkot ko” ay mahirap sabihin, makatutulong ang mga ito na baguhin ang mga malungkot na damdamin tungo sa higit na mabuting damdamin.
Magsalaysay ng isang kuwento tungkol sa dalawang bata na magkasamang naglalaro. Kapag nabunggo ng isang bata ang isa pa, ang unang bata ay magsasabing, “Ikinalulungkot ko” at sisikaping tulungan ang nasaktan na maging mabuti ang pakiramdam. Isama ang ideya na pagbabago ng malungkot na damdamin tungo sa maligayang damdamin. Maaaring naisin mong gamitin ang larawang Nakangiti/Nakasimangot na Mukha mula sa aralin 21. Pahawakan sa bata ang larawan at ipihit ito upang ipakita ang damdamin ng mga bata sa kuwento.