Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 44: Lahat Tayo ay Maaaring Tumulong sa Simbahan


Aralin 44

Lahat Tayo ay Maaaring Tumulong sa Simbahan

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na maunawaang ang bawat kasapi ng purok o sangay ay maaaring makatulong sa simbahan.

Paghahanda

  1. May panalanging pag-aralan ang 1 Nephi 17:7–15; 18:1–4.

  2. Maghanda ng simpleng kard ng pasasalamat para kulayan ng bawat bata at ibigay sa pangulo ng Primarya o sa isa pang tao na tumutulong sa mga bata sa simbahan. Maaari mong naisin na gumuhit ng isang bulaklak sa harapan ng isang nakatuping pirasong papel at isulat sa loob ang mga salitang Salamat sa iyo.

  3. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Aklat ni Mormon.

    2. Ang bingwit at isda na mula sa aralin 11. Maglagay ng pahiwatig tungkol sa obispo o pangulo ng sangay sa bawat isda, katulad ng “Nakaupo siya sa plataporma kapag nasa simbahan.” “Tinutulungan niya ang mga tao ng ating purok [o sangay],” o “Maaari nating ibigay ang ating ikapu sa kanya.”

    3. Isang sisidlan ng mga krayola o mga lapis.

    4. Larawan 1–8, Pagpapasa ng Sakramento (62021); larawan 1–67, Isang Magalang na Klase; larawan 1–71, Pagtatayo ng Sasakyang-dagat.

  4. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Magdala ng isang upuan sa gitna ng silid-aralan at subuking iangat ito sa pamamagitan ng isa sa mga paa nito. Ipaliwanag na maraming bagay ang hindi natin magagawa maliban na lamang kung sama-sama tayong gagawa. Anyayahan ang tatlong bata na hawakan ang bawat isa sa mga paa ng upuan at tulungan kang iangat ang upuan ng mga ilang pulgada mula sa sahig. Ipaliwanag na kapag sama-samang gumagawa ang bawat isa, maraming bagay tayong magagawa na hindi natin magagawa nang nag-iisa.

Nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na sama-sama tayong gumawa

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–71, Ang Pagtatayo ng Sasakyang-dagat, at maikling isalaysay ang kuwento tungkol kay Nephi at sa kanyang mag-anak na nagtatayo ng sasakyang-dagat, na matatagpuan sa 1 Nephi 17:7–15 at 1 Nephi 18:1–4. Bigyang-diin na kinailangan ni Nephi ang tulong ng Panginoon (Jesus) at ng kanyang mag-anak sa pagtatayo ng sasakyang-dagat.

Kuwento

  • Bakit hindi magawang maitayo ni Nephi ang sasakyang-dagat nang walang tulong?

  • Paanong tinulungan ng Panginoon si Nephi? (Tingnan sa 1 Nephi 17:8–10; 1 Nephi 18:1.)

  • Paanong tumulong ang mag-anak ni Nephi? (Tingnan sa 1 Nephi 18:1.)

  • Anong nangyari nang ang bawat isa ay sama-samang gumawa? (Tingnan sa 1 Nephi 18:4.)

Pahintulutan ang mga bata na pag-usapan ang tungkol sa anumang mga karanasan nila sa sama-samang paggawa na kasama ang ibang mga tao.

Gawain

Ipaliwanag na sama-sama din tayong gumagawa sa simbahan. Ang bawat tao sa purok (o sangay) ay tumutulong sa iba. Magkunwari, sa pamamagitan ng mga salita o kilos, na maging isang tao na tumutulong sa mga kasapi ng inyong klase sa simbahan bawat linggo, katulad ng tagakumpas, tumutugtog ng piyano, isang guro, o ang pangulo ng Primarya. Ipahula sa mga bata kung sino ang ginagaya mo. Pagkatapos mahulaan ng mga bata kung sino ka, ipaliwanag ang mga tungkulin ng tawag ng taong iyon. Ulitin hangga’t gusto ninyo.

Ipakita ang larawan 1–8, Pagpapasa ng Sakramento.

Gawain

  • Ano ang ginagawa ng diyakono?

  • May kilala ba kayong nagpapasa ng sakramento?

Ipaliwanag na ang mga kabataang lalaki na maytaglay ng Pagkasaserdoteng Aaron ay maaaring maghanda, magbasbas at magpasa ng sakramento. Ang mga ito ay mga paraan na maaaring makatulong ang mga kabataang lalaki sa simbahan.

Gawain

Ipaliwanag na may isang tao sa inyong purok o sangay na tumutulong sa lahat sa simbahan. Binigyan ng Ama sa Langit ang taong ito ng mahalagang gawaing gagampanan. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pamimingwit ng mga pahiwatig na nasa isdang papel. Basahin nang malakas ang bawat pahiwatig. Magpatuloy hanggang sa mabasa ang lahat ng mga pahiwatig, at pagkatapos ay hayaang hulaan ng mga bata kung sino ang taong ito.

Gawain

  • Ano ang pangalan ng ating obispo? (o pangulo ng sangay)?

  • Ano ang mahahalagang bagay na ginagawa niya upang tulungan tayo?

Talakayin ang mga gawaing nagawa ng ibang mga tao sa inyong purok o sangay, katulad ng mga tagapagturo sa tahanan at mga dumadalaw na tagapagturo. Maaaring naisin mong pag-usapan ang tungkol sa mga tawag ng mga kasapi ng mga mag-anak ng mga bata.

Maaari tayong tumulong sa simbahan

Gawain

Ikalat sa sahig ang mga krayola o mga lapis na nasa sisidlan. Hilingan ang isa sa mga bata na damputin ang mga ito, at orasan siya upang makita kung gaano katagal itong gawin. Ikalat muli ang mga bagay. Ipadampot ang mga ito sa buong klase, at tingnan kung gaanong oras ang gugugulin. Ipaliwanag na kapag sama-samang gumagawa ang bawat isa, mas mainam nating nagagawa ang isang gawain.

Gawain

  • Ano ang maaari ninyong gawin upang makatulong sa simbahan?

Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraang makatutulong sila sa simbahan, kasali na ang pagpapanatiling malinis ng bahay-pulungan, pagiging mabait sa iba, pagtulong sa mga bata na nalulungkot o natatakot, at pagiging magalang sa mga pulong.

Gawain

  • Paano tayong makatutulong sa pagpapanatiling malinis ng ating silid-aralan at bahay-pulungan?

  • Paano nating matutulungan ang ibang tao sa simbahan? at bahay-pulungan?

Ipakita ang larawan 1–67, Isang Magalang na Klase.

Gawain

  • Paano nakatutulong ang mga batang ito sa simbahan?

  • Paano nakatutulong sa ating mga kamag-aral kapag tayo ay magalang?

  • Paano nakatutulong sa guro kapag ang bawat isa ay magalang?

  • Ano ang pakiramdam natin kapag ang lahat ay magalang?

Gawain

Ipaliwanag na ang isa pang paraan na makatutulong tayo sa simbahan ay sa pamamagitan ng pagsasabing “salamat sa iyo” sa mga taong gumagawa ng mga bagay para sa atin. Pakulayan sa mga bata ang mga kard na pasasalamat na iyong inihanda, at kung maaari ay ihatid ang mga ito habang nagkaklase.

Patotoo

Ipahiwatig ang iyong pasasalamat para sa lahat ng mga taong tumutulong sa inyong purok o sangay. Sabihin kung ano ang iyong pakiramdam sa pagsasagawa ng gawain ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagiging isang guro sa Primarya.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing nais mong gamitin sa aralin.

  1. Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Our Bishop” (Children’s Songbook, p. 135). Hayaang magkamayan sa bawat isa ang mga bata sa tuwing mababanggit ang salitang obispo.

  2. Kung maaari, maglakad patungo sa kapilya at ipakita sa mga bata kung saan umuupo sa sakramento ang panguluhang obispo (o panguluhan ng sangay). Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pag-upo sa mga upuan. Pagkatapos ay ipakita sa mga bata kung nasaan ang tanggapan ng obispo (o pangulo ng sangay).

  3. Ihagis o iabot ang isang malambot na bagay katulad ng isang bola o supot ng bins sa isang bata at hilingin sa kanyang magbanggit ng isang tao sa purok (o sangay) na tumutulong sa simbahan at ipaliwanag kung paanong tumutulong ang taong iyon. Pagkatapos ay ipahagis sa bata ang bagay pabalik sa iyo. Magpatuloy hanggang sa magkaroon ng kahit na isang pagkakataon ang bawat bata.

  4. Sa pahintulot ng pangulo ng inyong Primarya, anyayahan ang isang kasapi ng panguluhang obispo o isa pang pinuno ng sangay na dumalaw sa klase at sabihin sa mga bata kung ano ang ginagawa niya upang makatulong sa simbahan.

  5. Magdrowing ng simpleng mukha sa isang platong papel o bilog na piraso ng papel para sa bawat bata. Bigyan ng mga krayola o mga lapis ang mga bata, at padagdagan sa bawat bata ng buhok na kakulay ng kanilang sariling buhok. Sabihin sa mga bata na kung may sasabihin kang bagay na totoo tungkol sa kung paano sila makatutulong sa simbahan, dapat nilang itaas ang kanilang mga mukhang gawa sa papel. Kung ang pangungusap ay hindi totoo, dapat nilang iwan ang mga ito sa kanilang mga kandungan. Gumamit ng mga pangungusap na katulad ng—

    • Dapat akong magtapon ng papel sa ilalim ng aking upuan.

    • Dapat kong pasalamatan ang mga taong tumutulong sa akin sa simbahan.

    • Dapat akong magtatakbo papunta sa klase.

    • Dapat akong maging magalang sa simbahan.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Laruin ang “Sundan ang Pinuno” na kasama ang mga bata. Papilahin ang mga bata. Ang unang bata sa pila ay tatakbo, tatalon, lulundag o gagawin ang ibang galaw papunta sa kabilang panig ng silid. Susundan ng ibang bata ang unang bata, na ginagawa ang ginawa niya. Pagkatapos ay pupunta ang unang bata sa dulo ng pila, at ang kasunod na bata ang magiging pinuno. Ipagpatuloy hanggang sa ang bawat bata ay magkaroon ng pagkakataong maging pinuno.

    Pagkatapos ng laro ay paalalahanan ang mga bata na ang obispo ang pinuno ng purok. Nais niyang gawin natin ang mga bagay na aakay sa atin pabalik sa Ama sa Langit.

  2. Awitin ang awit na “Ako’y Gayahin” (Do As I’m Doing, Children’s Songbook, p. 276), na ginagamit ang galaw na iminungkahi ng isa sa mga bata sa klase. Ulitin ang awit upang magkaroon ng sapat na pagkakataong makapili ng galaw ang bawat bata.