Aralin 16
Ako ay May Katawan
Layunin
Upang tulungan ang bawat bata na pahalagahan at igalang ang kanyang katawang pisikal.
Paghahanda
-
Pag-aralan nang may panalangin ang Daniel 1 at Doktrina at mga Tipan 89. Tingnan din sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (31110), kabanata 29.
-
Mga kailangang kagamitan:
-
Isang Biblia at isang kopya ng Doktrina at mga Tipan.
-
Larawan 1–5, Mag-anak na may Sanggol (62307); larawan 1–37, Tinatanggihan ni Daniel ang Karne at Alak ng Hari (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 114; 62094); larawan 1–38, Mga Batang Naglalaro ng Bola.
-
-
Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.
Paalala sa guro: Maging madaling makadama sa mga damdamin ng sinuman sa mga bata sa iyong klase na may mga pisikal na kapansanan. Ituon ang pansin sa mga bagay na nagagawa ng kanilang mga katawan, hindi sa kanilang mga kapansanan.
Mga Gawain sa Pagkatuto
Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.
Binalak ng Ama sa Langit na ang bawat isa sa atin ay magkaroon ng katawang pisikal
Pagbalik-aralang kasama ng mga bata na noong tayo ay namuhay sa langit na kasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo, tayo ay walang mga katawang pisikal. Tayo ay mga espiritu noon. Kinailangan nating magpunta sa daigdig upang magkaroon ng mga katawang pisikal. Binalak ng Ama sa Langit na tayo ay maisilang sa daigdig at magkaroon ng mga magulang sa lupa upang mangalaga sa atin.
Ipakita ang larawan 1–5, Mag-anak na May Sanggol.
-
Sino ang mga tao sa larawang ito?
-
Sino ang nagbalak na tayo ay magpunta sa daigdig upang magkaroon ng mga katawan at magkaroon ng mga mag-anak?
Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na ingatan natin ang ating mga katawan
Ipaliwanag na dahil sa ang ating katawan ay napakahalaga, tayo ay binigyan ng Ama sa Langit at ni Jesus ng mga alituntunin upang tulungan tayo na pangalagaan ang ating katawan at panatilihing malakas at malusog ang mga ito. Ang mga alituntuning ito ay tinatawag na Salita ng Karunungan. Ipakita ang isang sipi ng Doktrina at mga Tipan (o ipakita kung saan nagsisimula ang Doktrina at mga Tipan sa tatluhang kombinasyon). Ipaliwanag na ang Salita ng Karunungan ay nakasulat sa aklat na ito ng banal na kasulatan.
Talakayin ang mga uri ng pagkain na sinasabi ng Salita ng Karunungan sa atin na makatutulong sa pagpapanatiling malusog ng ating mga katawan, katulad ng mga prutas, mga gulay at mga butil. Pagkatapos ay talakayin ang mga bagay na sinabi ng Ama sa Langit at ni Jesus na hindi natin dapat gamitin, katulad ng tabako, alkohol (alak), at kape. Tulungan ang mga bata na maunawaan na kapag sinusunod natin ang Salita ng Karunungan at kinakain ang tamang pagkain, ang Ama sa Langit at si Jesus ay natutuwa sa atin at tayo ay pagpapalain.
Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na pangalagaan natin ang ating mga katawan
Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na ingatan natin ang ating mga katawan mula sa sakit at kapinsalaan. Tanungin ang mga bata tungkol sa mga panganib na maaari nilang makasagupa, na ginagamit ang sumusunod na mga tanong o gumawa ng sarili mong mga tanong:
-
Ano ang maaaring mangyari kung maglalaro kayo ng posporo?
-
Ano ang maaaring mangyari kung maglalaro kayo sa daan o sa tabi ng mga sasakyan?
-
Ano ang maaaring mangyari kung hindi kayo maingat sa matatalim na bagay tulad ng mga kutsilyo at gunting?
-
Bakit tayo nagsusuot ng mga sinturong pangkaligtasan (seat belt) kapag sumasakay tayo sa kotse?
Ipaliwanag na kailangan nating pangalagaan ang ating mga katawan. Hindi natin dapat gawin ang mga bagay na mapanganib sa ating mga katawan at maaaring makasakit sa mga ito. Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na madama natin na tayo ay ligtas at masaya. Nais nilang pangalagaan natin ang ating mga katawan upang tayo ay maging malusog.
Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman
Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.
-
Awitin ang “Do As I’m Doing” (Children’s Songbook, p. 276) o “Hinges” (Children’s Songbook, p. 277), na ginagawa ang mga galaw na isinasaad ng mga salita. Sabihin sa mga bata kung gaano ang iyong pasasalamat sa isang katawan na nakagagawa ng maraming bagay.
-
Magdala ng iba’t ibang larawan ng mga pagkain at inumin. Papagpasiyahin ang mga bata kung ang bawat bagay ay mabuti o masama sa kanilang katawan. Ipaliwanag na ang ilang bagay ay mabuti, ngunit hindi rin kung labis ang pagkain natin ng mga ito. Halimbawa, ang kendi ay masarap sa panlasa, ngunit ang labis na pagkain nito ay makapagdudulot sa atin ng sakit. Ipakita ang mga larawan ng mabubuting bagay upang matingnan ng mga bata.
-
Sa isang bag o kahon, magdala ng ilang bagay na tumutulong sa atin na pangalagaan ang ating katawan. Magsali ng isang bagay na tumutulong sa atin na manatiling malinis, katulad ng sabon, maliit na tuwalya, o isang sepilyo. Magsali ng bagay ng mabuting pagkain, isang maliit na kumot na sasagisag sa pagtulog, at isang bagay na sasagisag sa ehersisyo, katulad ng isang maliit na bola. Bigyan ang mga bata ng palatandaan tungkol sa isang bagay at pahulaan sa kanila kung ano ito. Ipakita sa kanila ang bagay kapag tama ang hula nila dito. Ipagpatuloy hanggang sa ang lahat ng mga bagay ay naihayag na.
-
Patayuin ang mga bata at ipasadula sa kanila ang pagpapanatiling maayos at malinis ng kanilang katawan. Papagkunwariin silang hinuhugasan ang kanilang mga kamay, sinisipilyo ang kanilang mga ngipin, at sinusuklay ang kanilang buhok. Pagkatapos ay ipagawa sa kanila ang paborito nilang paraan ng ehersisyo, katulad ng pagtalon, paglundag, paglukso, o paghagis ng bola.
-
Kausapin ang mga bata tungkol sa kung paanong ang ibang tao ay may kapansanan sa kanilang katawan. Hindi natin dapat libakin ang mga taong ito o ituro o pagtawanan sila. Pag-usapan kung paano natin dapat pakitunguhan ang mga taong may kapansanang pisikal (kausapin sila, maging kaibigan nila, pakitunguhan sila nang normal, tulungan sila kung kailangan nila ng tulong).
-
Paguhitin ang bawat bata ng larawan ng kanyang sarili. Pamagatan ang bawat papel ng Nagpapasalamat ako para sa aking katawan.
Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata
-
Ipakita ang larawan 1–5, Mag-anak na May Sanggol, at papagsalitain ang mga bata tungkol dito.
-
Naging sanggol ba kayo?
-
Nakalalakad o nakapagsasalita ba ang mga sanggol?
Paalalahanan ang mga bata na minsan ay naging sanggol sila, ngunit ngayon ang kanilang mga katawan ay lumaki na at makagagawa sila ng mas maraming bagay. Habang lumalaki ang kanilang mga katawan, makagagawa sila nang higit pa.
Ipakita ang larawan 1–16, Ang Pagsilang, at paalalahanan ang mga bata na maging si Jesus ay minsang naging sanggol.
-
-
Ituro ang iyong bibig at sabihing, “Ito ang bibig ko.” Pagkatapos ay itanong “Maipakikita ba ninyo sa akin ang inyong bibig?” at tulungan ang mga bata na maituro ang kanilang sariling bibig. Ulitin para sa mata, ilong, tainga, mga kamay at paa. Pagkatapos ay ituro ang bawat bahagi ng katawan nang hindi sinasabi ang pangalan nito at ipabanggit sa mga bata ang pangalan nito. Kung masasabi ng mga bata ang pangalan ng lahat ng mga bahaging ito, maaari mo ring itanong ang mga pangalan ng mga bahagi ng katawan na hindi gaanong alam ng mga bata, katulad ng mga siko, tuhod, pulso, at bukung-bukong.
-
Gumawa ng simpleng kuwento tungkol sa isang maliit na bata sa inyong lugar. Sabihin ang tungkol sa paggising ng bata sa umaga, pagbibihis, pagkain ng almusal, at hanggang sa buong maghapon. Habang pinag-uusapan ninyo ang bawat gawain, tanungin ang mga bata kung aling mga bahagi ng katawan ang ginagamit ng bata.
-
Patayuin ang mga bata at ipaawit ang sumusunod na awit sa himig ng “Once There Was a Snowman” (Children’s Songbook, p. 249). Gumamit ng mga pagyuyumukyok na galaw para sa unang talata at mga pag-iinat na galaw para sa ikalawang talata.
Minsan ako’y sanggol, sanggol, sanggol.
Minsa’y ‘sang sanggol na maliit.
Ngayo’y malaki na, malaki na.
Ngayo’y malaki na’t mataas!