Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 20: Nagpapasalamat Ako na Ako ay Nakaaamoy at Nakalalasa


Aralin 20

Nagpapasalamat Ako na Ako ay Nakaaamoy at Nakalalasa

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na pahalagahan ang pang-amoy at panlasa.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Exodo 16:11–15, 31 at Doktrina at mga Tipan 59:18–19.

  2. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia at isang kopya ng Doktrina at mga Tipan.

    2. Isang maliit na patikim ng mabangong pagkain para sa bawat bata (katulad ng prutas, tinapay, galyetas (cookies), o papkorn). Ilagay ang mga patikim sa bag. Makipag-alam sa mga magulang ng mga bata upang makatiyak na walang batang may alerdyi sa pagkain.

    3. Mga patikim na maaasim (katulad ng katas ng limon), maaalat (katulad ng asin), at matatamis (katulad ng asukal) upang matikman ng mga bata. Makipag-alam sa mga magulang ng mga bata upang makatiyak na walang batang may alerdyi sa alinman sa mga patikim na pagkain.

    4. Larawan 1–35, Pamumulot ng Mana.

  3. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Paalala sa guro: Maging madaling makadama sa mga damdamin ng sinuman sa mga bata sa iyong klase na may mga pisikal na kapansanan. Ituon ang pansin sa mga bagay na nagagawa ng kanilang mga katawan, hindi sa kanilang mga kapansanan.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Hilingin sa mga bata na ipikit ang kanilang mga mata. Ipaamoy sa bawat bata ang mga patikim na pagkain na nasa bag at hulaan kung anong pagkain ang mga ito. Habang nakapikit pa ang kanilang mga mata, bigyan ang mga bata ng patikim upang kainin. Ipamulat sa mga bata ang kanilang mga mata, at ipakita o sabihin sa kanila ang kinain nila.

Gawaing Pantawag Pansin

  • Ano ang amoy ng pagkaing ito?

  • Ano ang lasa ng pagkaing ito?

Sabihin sa mga bata na masasarapan sila sa pagkain kahit na hindi nila ito nakikita. Nagawa nila ito dahil biniyayaan sila ng Ama sa Langit ng pang-amoy at panlasa.

Ang bawat isa sa atin ay may ilong upang tayo ay makaamoy

  • Paano nating naaamoy ang mga bagay?

Talakayin sa mga bata ang ilan sa mga bagay na naamoy nila sa buong linggo, katulad ng pagluluto ng pagkain, sariwang hangin pagkatapos umulan, o mga bulaklak. Sabihin sa mga bata na dapat nating pasalamatan ang Ama sa Langit para sa ating pang-amoy.

  • Anong mga bagay ang nais ninyong amuyin?

Gawain

Tulungan ang mga bata na gawin ang sumusunod na talatang gawain:

Ako’y May Ilong

Ako’y may ilong (ituro ang ilong).

Ito’y nasa pinakagitna

Ng aking mukha (ilagay ang mga kamay sa pisngi),

Sa lugar na tamang-tama (gamitin ang daliri upang gumuhit ng kathang-isip na bilog sa palibot ng ilong).

Ang ilong ko’y nakasisinghot (suminghot);

Ang ilong ko’y nakaaamoy (huminga nang malalim sa pamamagitan ng ilong at ihinga ito).

Ama sa Langit ay aking pinasasalamatan (itiklop ang mga kamay)

Sa ilong ko na napakainam.

Ang bawat isa sa atin ay may dila upang tayo ay makalasa

Ipaliwanag na biniyayaan ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin ng dila upang tayo ay makalasa. Hayaang tikman ng mga bata ang maasim, maalat, at matamis na mga bagay kung nais nila.

  • Alin ang maasim?

  • Alin ang maalat?

  • Alin ang matamis?

  • Ano ang paborito ninyong tikman?

Ipakita ang kopya ng Doktrina at mga Tipan (o ang pahina ng pamagat ng Doktrina at mga Tipan sa tatluhang kombinasyon). Ipaliwanag na sinabihan tayo sa aklat na ito ng banal na kasulatan na ang mga bagay na mabango at masarap ang lasa ay para sa atin upang gamitin at tamasahin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:18–19).

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–35, Pamumulot ng Mana. Isalaysay ang kuwento ng mana, na matatagpuan sa Exodo 16:11–15, 31.

Kuwento

  • Ano ang lasa ng mana? (Tingnan sa Exodo 16:31.)

  • Nakatikim na ba kayo ng pulut-pukyutan?

  • Ano ang lasa nito?

Ipaliwanag na maraming bagay ang hindi ligtas kainin: ang ilang bunga ng mga halaman, mga gamit sa paglilinis, mga bagay mula sa mga bote o lata na walang tatak, o gamot o pildoras nang walang pahintulot ng mga magulang. Makapagbibigay sakit sa atin ang mga bagay na ito. Bigyang-diin ang kahalagahan ng pagtatanong sa isang maysapat na gulang bago tikman o kainin ng mga bata ang anumang bagay na matatagpuan nila.

Patotoo

Ipahiwatig ang iyong pasasalamat para sa ilong upang maamoy ang mga bagay at sa dila upang malasahan ang mga bagay. Paalalahanan ang mga bata na pasalamatan ang Ama sa Langit para sa kanilang mga pang-amoy at panlasa.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Magdala ng ilang bagay na may matatapang at mababangong amoy, katulad ng sabon, isang bulaklak, at isang limon, at ilang mga bagay na walang amoy, katulad ng isang pirasong papel at isang laruan. Ipadampot sa mga bata ang mga naaamoy nila. Isa-isang papikitin ang mga bata, amuyin ang isa sa mga bagay, at hulaan kung ano ito. Bigyan ng pagkakataon ang bawat bata.

  2. Patingnan sa mga bata ang kanilang mga dila sa salamin. Ipaliwanag na may bahaging panlasa ang ating mga dila (taste buds) na tumutulong sa ating malasahan ang mga bagay na matatamis, maaasim, at maaalat. Patikimin ng tubig ang mga bata. Ipaliwanag na ang ating mga dila ay makatutulong din sa atin na malaman kung ang mga bagay ay basa o malamig.

  3. Paguhitin ang bawat bata ng isang larawan ng kanyang paboritong pagkain. Hilinging ipakita ng mga bata ang kanilang mga larawan at sabihin kung ano ang mga paborito nilang pagkain.

  4. Maglabas ng kaunting bahagi ng mga bagay na magkakamukha ngunit magkakaiba ang lasa, katulad ng asin at asukal o harina at gawgaw. Patikman nang kaunti ng bawat bagay ang bawat bata. Pagkatapos ay tanungin ang mga bata kung ano ang lasa ng bawat bagay. Talakayin kung paanong ang ilang mga bagay ay maaaring magkakamukha ngunit magkakaiba ng lasa. (Makipag-alam sa mga magulang ng mga bata upang makatiyak na walang sinuman sa mga bata ang may alerdyi sa alinman sa dinala mo.)

  5. Awitin ang “For Health and Strength” (Children’s Songbook, p. 21).

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Gumuhit ng isang hugis-itlog sa pisara o pirasong papel. Ipaliwanag na ang hugis-itlog na ito ay larawan ng isang mukha.

    • Ano ang kulang?

      Habang binabanggit ng mga bata ang mga mata, tainga, ilong, at bibig, iguhit ang mga ito sa larawan. Pagkatapos ay pagbalik-aralan ang ginagawa ng bawat bahagi. Ipahiwatig kung gaano ang iyong pasasalamat sa Ama sa Langit para sa iyong katawan.

  2. Ituro ang iyong bibig at sabihing, “Ito ang bibig ko.” Pagkatapos ay itanong, “Maipakikita ba ninyo sa akin ang inyong mga bibig?” at tulungan ang mga bata na ituro ang kanilang mga bibig. Ulitin para sa mga mata, ilong, mga tainga, kamay, at paa. Pagkatapos ay ituro ang bawat bahagi ng katawan nang hindi sinasabi ang pangalan nito at hayaang ibigay ng mga bata ang pangalan nito. Kung mababanggit ng mga bata ang pangalan ng mga bahaging ito, maaari mo ring itanong ang mga pangalan ng ibang mga bahagi ng katawan na hindi gaanong alam ng mga bata, katulad ng mga siko, tuhod, pulso, at bukung-bukong.

  3. Patayuin ang mga bata at bigkasin ang sumusunod na talata, na ginagawa ang mga galaw na isinasaad ng mga salita:

    Hipuin ang Inyong mga Mata

    Hipuin ang inyong mga mata,

    Hipuin ang inyong mga ilong,

    Hipuin ang inyong mga tainga,

    Hipuin ang inyong mga daliri sa paa.

    Ipakaunat ang inyong mga kamay,

    Abot langit itong ikaway.

    Ilagay ang inyong mga kamay sa inyong buhok;

    Buong katahimikang sa upua’y maupo.