Aralin 21
Ako ay May Damdamin
Layunin
Upang tulungan ang bawat bata na maunawaan at matukoy ang mga damdamin at matutuhan ang mga paraan upang maging maligaya.
Paghahanda
-
Pag-aralan nang may panalangin ang Lucas 15:11–32.
-
Mga kailangang kagamitan:
-
Isang Biblia.
-
Larawan ng Nakangiti/Nakasimangot na Mukha (tingnan ang parisan sa hulihan ng aralin).
-
Tisa at pambura.
-
Larawan 1–45, Paghuhugas ng mga Pinggan; larawan 1–46, Mga Batang Nagbibigay ng mga Bulaklak sa Ina; larawan 1–47, Mga Batang Nagaaway; larawan 1–48, Mga Bata na Naglalaro ng Maliliit na Piraso ng Kahoy; larawan 1–49, Ang Alibughang Anak (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 220; 62155).
-
-
Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.
Mga Gawain sa Pagkatuto
Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.
Ang ating mga damdamin ay nakikita sa ating mukha at sa ating mga kilos
-
Ano ang inyong pakiramdam kapag mayroon kayong ngiti sa inyong mukha?
-
Ano ang inyong pakiramdam kapag nakasimangot ang inyong mukha?
Ipaliwanag na kadalasan ay nalalaman ng mga tao ang ating damdamin sa pamamagitan ng pagtingin sa ating mukha. Hilingin na ipakita ng mga bata sa iyo ang kanilang masasayang mukha.
Matututuhan nating pigilin ang ating mga damdamin
Ipaliwanag na mabuting ipakita ang lahat ng iba’t ibang damdamin na mayroon tayo, ngunit kailangan nating ipakita ang mga ito sa mga tamang paraan, lalo na kapag galit tayo.
Ipakita ang larawan 1–47, Mga Batang Nag-aaway.
-
Ano sa palagay ninyo ang nadarama ng mga batang ito?
-
Ano sa palagay ninyo ang sinasabi nila sa bawat isa?
-
Ano ang dapat ninyong gawin kapag kayo ay nagagalit?
Ipaliwanag na kahit na nadarama natin na gusto nating suntukin, sigawan, o saktan ang isang tao kapag tayo ay nagagalit, mapag-aaralan nating ipakita ang ating mga damdamin nang may pagpipitagan at may kabaitan. Kapag nanuntok tayo o sumigaw, lalo lamang tayong nakadarama ng galit, subalit ang pagiging mabait ay nakatutulong sa atin na magkaroon ng mabuting pakiramdam.
Gawain
Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagiging ang bata na nasa larawan. Tulungan silang mag-isip ng mga bagay na maaaring sabihin sa isa’t isa ng mga bata na nasa larawan sa halip na sumigaw o manuntok, katulad halimbawa ng “Maaari bang ako naman ngayon?” “Maghalinhinan tayo,” “Nalulungkot ako kapag kinakantiyawan mo ako,” o “Hindi ko gusto kapag ginagawa mo iyon.”
Ipakita ang larawan 1–48, Mga Bata na Naglalaro ng Maliliit na Piraso ng Kahoy. Ituro na ang mga batang ito ay malugod na naglalaro nang sama-sama at may masasayang mukha sapagkat sila ay nagbabahaginan at nagsasalita nang may kabaitan sa bawat isa.
Gawain
-
Sino ang makatutulong sa inyo na magkaroon ng higit na mabuting pakiramdam kapag kayo ay nalulungkot, nagagalit, o nasisindak?
Ipaliwanag na kapag tayo ay nakikipag-usap sa ating mga ina, ama, at sa iba na nagmamahal sa atin, matutulungan nila tayong maunawaan kung bakit nararamdaman natin ang gayon. Kung mananalangin tayo sa Ama sa Langit, matutulungan tayo ng Espiritu Santo na magkaroon ng higit na mabuting pakiramdam. Tutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman kung ano ang gagawin upang muli tayong maging maligaya.
Gawain
Patayuin ang mga bata at ipagawa ang sumusunod na talatang gawain nang ilang ulit:
Ang Aking Damdamin
Minsan kapag ako’y napakalungkot (palungkutin ang mukha),
Niyayakap ako ng aking ina. At ako’y nalulugod (yakapin ang sarili at gawing masaya ang mukha).
Minsan kapag ako’y galit na galit (magmukhang galit),
Kinakausap ko si Itay at ako’y umaalis (lumakad sa kinatatayuan at itango ang ulo, na tila nakikipag-usap).
Kung may isang bagay na sumisindak sa akin (magmukhang nasindak),
Ako’y nananalangin upang sarili’y aliwin (ihalukipkip ang mga kamay).
At kapag ako’y lumalabas upang maglaro,
Ako’y nagiging maligaya sa bawat maghapon (gawing masaya ang mukha).
Maligaya tayo kapag tumutulong tayo sa iba
Ipakita ang larawan 1–46, Mga Batang Nagbibigay ng mga Bulaklak sa Ina.
-
Ano sa palagay ninyo ang nararamdaman ng mga tao sa larawang ito?
-
Bakit sa palagay ninyo ganoon ang nararamdaman nila?
-
Ano ang inyong nararamdaman kapag nagbibigay kayo ng isang bagay sa isang tao?
Ipakita ang larawan 1–45, Paghuhugas ng mga Pinggan.
-
Ano ang ginagawa ng batang babaeng ito?
-
Ano sa palagay ninyo ang nararamdaman ng batang babae sa larawan? Bakit?
-
Ano ang inyong pakiramdam kapag tumutulong kayo sa isang tao?
Gawain
Tulungan ang mga bata na gawin ang sumusunod na talatang gawain:
Ang Pagtulong ay Nakapagpapaligaya sa Akin
Nais kong tulungan ang aking ina (magkunwaring nagsusuot ng epron);
Napakarami ng kanyang gawain.
Tinutulungan ko siyang patuyuin ang mga pinggan (magkunwaring nagpapatuyo ng mga pinggan)
At ang sanggol ay pinakakain rin (magkunwaring pinapasuso ang sanggol).
Nais kong tulungan ang aking ama (magkunwaring nagsusuot ng mga
guwantes sa paghahalaman);
Napakarami ng kanyang gawain (magkunwaring gumugupit ng mga palumpong
at nagbubunot ng mga damo).
Tinutulungan ko siya sa hardin (magkunwaring nagdidilig ng mga halaman)
Hanggang sa matapos ang kanyang gawain.
Ang pagtulong ay nakapagpapaligaya sa akin (ituro ang nakangiting mukha). Ito’y nakapagpapabuti sa aking damdamin (ilagay ang mga kamay sa magkabilang balikat at yakapin ang sarili).
Dahil kung ang iba’y aking tinutulungan (ipakaunat ang mga kamay), Ay ginagawa ko ang nararapat lamang (itango ang ulo at ihalukipkip ang mga kamay)!
Nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na tayo ay maging maligaya
Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na tayo ay maging maligaya. Alam nila na maaari tayong maging maligaya kapag ginawa natin ang ipinagagawa nila sa atin.
Kuwento
Ipakita ang larawan 1–49, Ang Alibughang Anak, at isalaysay ang kuwento na matatagpuan sa Lucas 15:11–32. Ituro ang magkakaibang damdamin na ipinahihiwatig ng ama at ng kanyang mga anak na lalaki. Habang ipinahihiwatig ang bawat damdamin, maaari mong ipaturo sa isang bata ang naaangkop na mukha sa pisara. Halimbawa, maaari mong sabihing: Nais lisanin ng isang batang lalaki ang kanyang tahanan at magpunta sa isang malayong bansa. Nang siya ay umalis, ang kanyang ama ay nalungkot. Pagkalipas ng sandaling panahon, ang batang lalaki ay iniwan ng kanyang mga kaibigan. Nakadama siya ng lungkot. Hindi nagtagal at wala na siyang pera. Nasindak siya dahil sa siya ay gutom at walang sinumang nagbigay sa kanya ng anumang pagkain … at iba pa.
Kuwento
-
Ano sa palagay ninyo ang nadama ng batang lalaki nang siya ay umuwi?
-
Bakit maligaya ang ama nang magbalik ang kanyang anak na lalaki? (Tingnan sa Lucas 15:24.)
-
Bakit nagalit ang nakatatandang kapatid nang magbalik ang kanyang nakababatang kapatid? (Tingnan sa Lucas 15:28–30.) Ano ang maaari niyang gawin upang maging maligayang muli?
Patotoo
Tiyakin sa mga bata na nararamdaman ng lahat ang ligaya, lungkot, galit, o pagkasindak kung minsan. Dapat nating matutuhang ipakita ang mga damdaming ito sa mga tamang paraan. Paalalahanan ang mga bata na nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na tayo ay maging maligaya. Sabihin sa mga bata kung paano ka nagiging maligaya kapag ginagawa mo ang nais ipagawa sa iyo ng Ama sa Langit at ni Jesus.
Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman
Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.
-
Patayuin nang pabilog ang mga bata. Hilingin sa kanilang ituwid ang kanilang mga labi at huwag ngumiti. Pagkatapos ay simulan ang ngiti sa palibot ng bilog sa pamamagitan ng pagngiti at pagsasabi ng sumusunod na mga salita: “Magbibigay ako ng ngiti kay (pangalan ng bata).” Ang batang tinawag mo ay dapat na ngumiti na ngayon at ulitin ang parirala, na isinisingit ang pangalan ng kasunod na bata. Ipagpatuloy hanggang sa ang lahat ng mga bata sa bilog ay nakangiti.
Paalalahanan ang mga bata na kapag ngumingiti tayo sa ibang tao, sila ay kadalasang ngingiti din sa atin. Mahirap maging malungkot, nagagalit, o nasisindak kapag tayo ay nakangiti.
-
Awitin ang “When We’re Helping” (Children’s Songbook, p. 198) o “Jesus Wants Me for a Sunbeam” (Children’s Songbook, p. 60).
-
Pag-isipin ang mga bata ng isang bagay na maaari nilang gawin upang maging maligaya. Maghagis ng isang bag ng bins o malambot na bagay sa isang bata at sabihing, “Si (pangalan ng bata) ay maligaya kapag ____________.” Papunan sa bata ang patlang ng isang bagay na nakapagpapaligaya sa kanya at pagkatapos ay ipabalik sa iyo ang bag ng bins. Ipagpatuloy hanggang sa ang bawat bata ay magkaroon ng pagkakataon.
-
Magsalaysay ng isang kuwento tungkol sa isang bata na gumagawa ng isang kalugud-lugod na bagay para sa kanyang ina, katulad ng paggawa ng gawaing bahay. Hindi alam ng ina kung sino ang tumulong sa kanya, kaya tinanong niya ang bawat bata sa mag-anak kung sino ang tumulong sa kanya. Nang makarating siya sa bata na nagsagawa sa mabuting gawa, alam niya na ang batang ito ang gumawa dahil sa malaking ngiti nito. Maligaya ang pakiramdam ng bata dahil nakagawa siya ng isang bagay na kalugud-lugod.
Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata
-
Habang binibigkas mo ang sumusunod na talata, pamunuan ang mga bata sa mga galaw. Ulitin kung nais ng mga bata.
Gawing Masasaya ang mga Araw
Dalawang mata upang makita ang mga bagay na dapat gawin (ituro ang mga mata),
Dalawang labi upang sa maghapon ay ngumiti (ngumiti nang malaki).
Dalawang tainga upang marinig ang sinasabi ng iba (bahagyang itikom ang mga kamay sa may tainga),
Dalawang kamay upang ang mga larua’y maitabi (magkunwaring dumadampot ng mga laruan at itabi ang mga ito).
Isang dila ang sa araw-araw ay bibigkas ng mabubuting salita (ituro ang bibig),
Isang pusong mapagmahal sa laro at paggawa (pagdaupin ang mga kamay sa tapat ng puso).
Dalawang paa na tumatakbo nang masaya (ituro ang mga paa)—
Ginagawang masasaya ang mga araw para sa bawat isa.
-
Awitin ang “If You’re Happy” (Children’s Songbook, p. 266) at gawin ang mga galaw na isinasaad ng mga salita. Ulitin na may dagdag na mga parirala na katulad ng mga iminungkahi sa ibaba ng pahina ng aklat ng mga awit.
-
Ipagawa sa mga bata ang masayang mukha, malungkot na mukha, galit na mukha, at pagod na mukha. Ipaliwanag na maaari nilang sabihin sa mga salita kung ano ang nararamdaman nila sa halip na umiyak o maligalig. Kapag pinag-uusapan natin ang ating mga damdamin, kadalasan ay bumubuti ang ating pakiramdam.