Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 33: Maaari Akong Maging Isang Kaibigan


Aralin 33

Maaari Akong Maging Isang Kaibigan

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na magnais na maging isang mabuting kaibigan.

Paghahanda

  1. May panalanging pag-aralan ang Juan 6:1–13 at 11:1–7, 17–44.

  2. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia.

    2. Larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 240; 62572).

  3. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Ituro ang sarili mo at itanong, “Sino Ako?” Maaaring isagot ng mga bata ang pangalan mo o ang salitang guro. Ipaliwanag na kaibigan ka rin nila, at sila ay mga kaibigan mo. Ipaliwanag na ang mga magkaibigan ay mga taong gusto ang bawat isa.

Kasamang tipunin sa isang bilog ang mga bata. Isa-isang tinitingnan ang mga bata, sabihing, “Si (pangalan ng bata) ay aking kaibigan.” Hayaang magkaroon ng pagkakataon ang bawat bata na gawin ito, na tinitiyak na ang bawat bata ay nababanggit sa bawat pagkakataon.

Marami tayong mga kaibigan

  • Sino ang inyong mga kaibigan?

Pahintulutan ang mga bata na mag-usap tungkol sa kanilang mga kaibigan. Ituro na ang mga kaibigan ay maaaring sa kahit na anong gulang. Ang mga kasapi ng mag-anak ay maaaring ilan sa ating mga matalik na kaibigan. Bigyang-diin na ang bawat bata sa klase ay isang kaibigan.

Ipakita ang larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo. Ipaliwanag na ang taong nasa larawan ay isang napakabuting kaibigan sa bawat isa na nasa klase.

  • Sino ang ating kaibigan sa larawang ito?

  • Paano ninyo malalaman na si Jesus ay inyong kaibigan?

Awit

Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Si Jesus ay Mapagmahal Nating Kaibigan” (Jesus is Our Loving Friend, Children’s Songbook, p. 58.)

Si Jesus mapagmahal

Nating Kaibigan.

Tayo’y gagabayan N’ya.

Lahat mahal N’ya.

Kuwento

Isalaysay ang kuwento tungkol kay Jesus na binubuhay si Lazaro mula sa mga patay, na matatagpuan sa Juan 11:1–7, 17–44. Bigyang-diin na si Lazaro at ang kanyang mga kapatid na babae ay mga kaibigan ni Jesus. Nang si Jesus ay nasa Betania, siya ay tumuloy sa kanilang tahanan at kumain ng hapunan na kasama nila.

Kuwento

  • Ano ang nadama ni Jesus para kay Lazaro? (Tingnan sa Juan 11:3, 35–36.)

  • Ano ang ginawa ni Jesus para kay Lazaro? (Tingnan sa Juan 11:43–44.)

  • Ano sa palagay ninyo ang naging damdamin nina Lazaro, Maria at Marta para kay Jesus?

Maaari tayong maging mabubuting kaibigan

  • Paano natin dapat pakitunguhan ang ating mga kaibigan?

Ipaliwanag na kapag tayo ay nagiging mabubuting kaibigan, tinutulungan natin ang iba na gumawa ng mabubuting bagay. Nagmamalasakit tayo sa ating mga kaibigan at nais na lumigaya sila. Talakayin ang kahalagahan ng pakikitungo sa iba sa pamamaraang nais nating tayo ay pakitunguhan. Tanungin ang mga bata kung paano silang magiging mabuting mga kaibigan sa mga kalagayan na katulad ng mga ito:

  • Ikaw at ang isang kaibigan ay naglalaro, isa pang bata ang dumating at nais makipaglaro sa inyo.

  • Isang bagong bata ang dumating sa klase sa kauna-unahang pagkakataon at nakadarama ng hiya o natatakot.

  • Isang bata ang tinukso at malungkot.

Awit

Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Maging Mabait ang Nais Ko” (Mga Himno at Awit Pambata).

Maging mabait ang nais ko,

‘Pagkat ‘yan ang tama.

Kaya’t tandaan “Ang kabaitan:

Sa ‘kin nagmumula.”

Awit

  • Ano ang pakiramdam ninyo kapag mabait sa inyo ang inyong mga kaibigan?

  • Ano sa palagay ninyo ang pakiramdam nila kapag mabait kayo sa kanila?

Tulungan ang mga bata na maunawaan na kung nais nilang magkaroon ng mga kaibigan, kailangan silang maging mabubuting kaibigan mismo.

Ang magkaibigan ay nagbabahaginan sa bawat isa

  • Kung naglalaro kayo ng (bumanggit ng isang laruan o ibang tiyak na bagay), at dumating ang isang kaibigan upang makipaglaro sa inyo, ano ang dapat ninyong gawin?

Ipaliwanag na kapag hinayaan nating makipaglaro sa atin ang ibang tao, o kapag nagbibigay tayo ng kung ano ang mayroon tayo, tayo ay nagbabahagi. Kung minsan ay hindi natin mahati ang bagay na mayroon tayo, kaya naghahalinhinan tayo. Ito ay pagbabahagi rin.

  • Kung ang isa sa mga kaibigan ninyo ang nagugutom at mayroon kayong pagkain, ano ang dapat ninyong gawin?

Kuwento

Ipakita ang Biblia at isalaysay ang kuwento ni Jesus na nagpapakain ng limang libo, na matatagpuan sa Juan 6:1–13. Bigyang-diin na dahil ibinahagi ng isang batang lalaki ang pagkain niya, nagawa ni Jesus na gamitin ang kanyang kapangyarihan na gumawa ng sapat na pagkain upang mapakain ang lahat ng mga tao.

Ipaalala sa mga bata ang kuwento ni Elias at ng balo ng Sarepta (ikinuwento sa aralin 32). Pinagpala ang balo dahil ibinahagi niya ang kanyang pagkain kahit na hindi gaanong marami ang nasa kanya.

Kuwento

  • Ano ang maibabahagi natin sa ating mga kaibigan?

  • Ano ang maibabahagi natin sa ating mga mag-anak?

Awit

Patayuin ang mga bata at ipaawit ang “Masayang Gawain” (Fun to Do, Children’s Songbook, p. 253), na ginagamit ang pariralang “Ang pagbabahagi ng aking (mga laruan, aklat, o anuman ang mga imungkahi ng mga bata) ay masayang gawain.” Pagawain ng mga galaw ang mga bata na aangkop sa mga salita.

Magpahiram ng laruan,

Ay gawaing masaya!

Magpahiram ng laruan,

Gawaing kaysaya!

(© 1963 ng D. C. Heath and Company. Inilimbag muli nang may pahintulot.)

Paalalahanan ang mga bata na ang mga magkaibigan ay nagtutulungan sa bawat isa, at humihimok sa kanilang tumulong sa paglilinis ng silid-aralan kapag kailangan.

Patotoo

Ibigay ang iyong patotoo sa kahalagahan ng pagiging isang mabuting kaibigan. Maaari kang magbahagi ng isang pansariling karanasan tungkol sa isa mong kaibigan. Paalalahanan ang mga bata na ang Ama sa Langit at si Jesus ay ating mga kaibigan at mahal nila tayo. Himukin ang mga bata na maging mabait sa kanilang mga kaibigan sa linggong ito.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Sabi ng Munting Sapa, ‘Magbigay’” (Piliin ang Tama, B) o “Jesus Said Love Everyone (Children’s Songbook, p. 61).

  2. Patayuin ang mga bata at ipagawa ang talatang paggawa na “Mahal Kong Munting Kaibigan”:

    Ako’y may pinakamamahal na munting kaibigan (yakapin ang sarili);

    Siya’y nakikita ko araw-araw.

    Mahal ko ang aking magiliw na munting kaibigan.

    Sa ganitong paraan kami naglalaro:

    Naglalaro kami ng mga manika (magkunwaring naghehele ng manika sa iyong mga kamay);

    Inihahagis namin ang aming mga bola (magkunwaring naghahagis ng bola);

    Katulad ng mga sundalo, kami’y nagmamartsa (magmartsa nang tahimik sa kinatatayuan).

    Naglalaro kami sa duyan (magkunwaring nagduduyan);

    Nag-uusap kami’t nag-aawitan;

    Katulad ng dapat gawin ng mabuting mga magkaibigan (ihalukipkip ang mga kamay at itango ang ulo).

  3. Magdala ng kaunting pagkain para sa klase (makipag-alam sa mga magulang ng mga bata upang makatiyak na walang batang may alerdyi sa pagkain). Ilagay ang pagkain sa madaling makikita ng mga bata. Banggitin kung gaano kaganda itong tingnan at tanungin ang mga bata kung nais nilang ibahagi mo ito sa kanila. Tanungin ang mga bata kung ano ang mararamdaman nila kung ibabahagi mo ang pagkain sa ilan lamang sa kanila. Talakayin kung ano ang pakiramdam ng iba kung hindi sila kasali. Ibahagi ang pagkain sa mga bata.

  4. Paguhitin ang bawat bata ng larawan ng kanyang sarili na nagbabahagi sa isang kaibigan. Pamagatan ang bawat larawan na Maaari akong magbahagi sa aking kaibigan.

  5. Isalaysay ang sumusunod na kuwento sa totoong buhay sa sarili mong mga salita:

    Ang Sapatos na May Tanso sa Dulo

    Nang dumating ang mga tagabunsod upang mamuhay sa Utah, ang karamihan sa kanila ay mahirap. Nagugol nila ang lahat ng kanilang mga pera upang makabili ng mga bagay para sa mahabang paglalakbay at upang bilhin ang mga kagamitang kakailanganin nila sa pagtatayo ng mga tahanan at pagtatanim ng mga halamanan. Dahil walang sapat na pera ang mga tao, maraming mga bata ang iisa lamang ang pares ng sapatos, na isinusuot nila kapag Linggo. Madalas silang naglalakad nang walang sapin sa paa sa ibang mga araw ng linggo.

    Isang tagabunsod na batang babae na nagngangalang Melinda ang may isang pares ng mabigat, pangit, at may tanso sa dulo na sapatos na kanyang isinuot sa taglamig. Sa tag-init ay ibinili siya ng kanyang mag-anak ng bagong pares ng maganda, maginhawang isuot na Panlinggong sapatos at isusuot niya ang mga ito sa isang parada.

    Ang matalik na kaibigan ni Melinda na si Amanda ay wala ni anumang sapatos. Nalungkot si Melinda para kay Amanda at hiningi ang pahintulot ng kanyang ina upang ipahiram ang isang pares ng kanyang mga sapatos kay Amanda upang maisuot sa parada. Habang dinadampot ni Melinda ang kanyang luma, mabigat na may tanso sa dulong sapatos upang dalhin sa kanyang kaibigan, sinabi ng nanay niya na, “Kung magbabahagi ka, dapat na magbigay ka ng isang bagay na nais mong tanggapin sa iyong sarili.”

    Nag-isip nang mabuti si Melinda ng ilang minuto. Inisip niya kung ano ang maaaring gawin ni Jesus. Inisip niya kung aling pares ng mga sapatos ang higit niyang nanaisin na isuot at siya ay nagpasiya. Dinala niya ang kanyang Panlinggong sapatos upang maisuot ng kanyang kaibigan at dumalo siya sa parada na isinusuot ang kanyang luma, pangit, na may tanso sa dulong sapatos. Ngunit maligayang-maligaya ang pakiramdam ni Melinda! Alam niyang nagbabahagi siya na katulad ng nais ni Jesus na ipagawa sa kanya.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Maghanda ng ilang laruan para laruin ng mga bata. Talakayin ang kahalagahan ng pagsasabi ng “maaari ba” at “salamat sa iyo.” Himukin ang mga bata na ibahagi ang mga laruan kapag naglalaro at tulungan ang bawat isa na iligpit ang mga laruan kapag tapos na silang maglaro.

  2. Habang binibigkas mo ang sumusunod na talata, pamunuan ang mga bata sa mga galaw. Ulitin kung nais ng mga bata.

    Gawing Masasaya ang mga Araw

    Dalawang mata upang makita ang mga bagay na dapat gawin (ituro ang mga mata),

    Dalawang labi upang sa maghapon ay ngumiti (ngumiti nang malaki).

    Dalawang tainga upang marinig ang sinasabi ng iba (bahagyang itikom ang mga kamay sa may tainga),

    Dalawang mga kamay upang ang mga larua’y maitabi (magkunwaring dumadampot ng mga laruan at itabi ang mga ito).

    Isang dila ang sa araw-araw ay bibigkas ng mabubuting salita (ituro ang bibig),

    Isang pusong mapagmahal sa laro at paggawa (pagdaupin ang mga kamay sa tapat ng puso).

    Dalawang paa na tumatakbo nang masaya (ituro ang mga paa)—

    Ginagawang masaya ang mga araw para sa bawat isa.

  3. Awitin o bigkasin ang mga salita sa “I Have Two Little Hands” (Children’s Songbook, p. 272).