Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 42: Ako ay Kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw


Aralin 42

Ako ay Kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na maunawaan na siya ay kasapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Paghahanda

  1. May panalanging pag-aralan ang Marcos 1:9–11; Doktrina at mga Tipan 115:4; at Joseph Smith—Kasaysayan 1:5, 10–19. Tingnan din sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (31110), kabanata 17.

  2. Gupitin ang isang malaking pirasong papel o karton at gumawa ng mga piraso ng malaking jigsaw na kasindami ng mga tao na nasa klase (mga bata at guro). Isulat ang pangalan ng bawat kasapi ng klase sa isang piraso ng palaisipan (puzzle).

  3. Mga kailangang kagamitan:

    1. Magkakasamang kopya ng mga banal na kasulatan.

    2. Larawan 1–4, Ang Unang Pangitain (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 403; 62470); larawan 1–8, Pagpapasa ng Sakramento (62021); larawan 1–12, Isang Batang Babae na Pinagtitibay (62020); larawan 1–18, Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 208; 62133); larawan 1–39, Pagbabasbas ng Isang Sanggol; larawan 1–40, Pangangasiwa sa Maysakit (62342); isang larawan ng buhay na propeta.

  4. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Itaas ang isang piraso ng palaisipan na nasusulatan ng iyong pangalan. Sabihin sa mga bata na ito ay kasama ng isang palaisipan. Ipasa ang ibang mga piraso at tulungan ang mga bata na buuin ang palaisipan. Ituro ang bawat pangalan sa palaisipan, basahin ito sa mga bata. Ipaliwanag kung paanong ang bawat piraso ng palaisipan ay kabilang sa palaisipang ito, ang bawat isa sa kanila ay kabilang sa klaseng ito. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng makabilang sa isang bagay ay maging bahagi nito.

Gawaing Pantawag Pansin

  • Sa alin pa kayo kabilang?

Ipaliwanag na tayo ay kabilang sa ibang mga pangkat, katulad ng isang mag-anak o kapitbahayan. Kasapi din tayo sa simbahan ni Jesus.

Ipakita ang larawan 1–39, Pagbabasbas sa Isang Sanggol.

Gawaing Pantawag Pansin

  • Ano ang nangyayari sa larawang ito?

Ipaliwanag sa mga bata na karamihan sa kanila ay nakatanggap ng isang pangalan at isang pagbabasbas noong sila ay mga sanggol pa. Dahil sa pagpapangalang ito at pagbabasbas, ang kanilang mga pangalan ay nailagay sa mga talaan ng Simbahan at masasabi nilang, “Ako ay kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Tulungan ang mga bata na sabihing “Ako ay kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” nang ilang ulit.

Gawain

Gawin ang talatang gawain na “Ako’y Nagagalak na Dumating sa Simbahan Ngayon” na kasama ang mga bata:

Ako’y nagagalak na dumating sa simbahan ngayon (gumawa ng mataas na tore ng simbahan sa pamamagitan ng pagdidikit ng dalawang dulo ng mga daliri).

Natutuhan kong makinig (itikom nang bahagya ang kamay at ilagay sa may tainga)

At manalangin (ihalukipkip ang mga kamay at iyuko ang ulo).

Natutuhan ko ang tungkol kay Jesus na nasa itaas (tumuro paitaas);

Naisip ko si Jesus at ang kanyang pagmamahal (yakapin ang sarili).

Ipaliwanag sa mga bata na nagpupunta tayo sa ating mga pulong sa simbahan upang matuto nang higit pa tungkol kay Jesus at kung ano ang nais niyang gawin natin. Sabihin sa mga bata na matututuhan nila sa araling ito ang tungkol sa ilan sa mga mahahalagang bagay na bahagi ng simbahan ni Jesus.

Ang simbahan ni Jesus ay mayroong pagkasaserdote

Ipakita ang larawan 1–8, Pagpapasa ng Sakramento; larawan 1–12, Batang Babae na Pinagtitibay; at larawan 1–40, Pangangasiwa sa Maysakit. Hayaang sabihin ng mga bata ang alam nila tungkol sa nangyari sa bawat larawan. Ipaliwanag na kailangan ang pagkasaserdote upang magawa ang bawat isa sa mga bagay na ito. Ang pagkasaserdote ang kapangyarihang taglay ng Ama sa Langit at ni Jesus. Ibinabahagi nila ang kapangyarihang ito sa mga karapat-dapat na kalalakihan upang ang mga kalalakihan ay makatulong na gawin ang gawain ng Ama sa Langit at ni Jesus sa mundo. Ituro ang mga maytaglay ng pagkasaserdote sa bawat larawan. Hayaang sabihin ng mga bata ang salitang pagkasaserdote nang ilang ulit.

  • Sino ang kilala ninyo na humahawak ng pagkasaserdote?

Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang mga kalalakihan na humahawak ng pagkasaserdote ay maaaring magbasbas at magpasa ng sakramento, magbinyag, magbigay ng mga pagbabasbas sa mga tao, at gumawa ng iba pang mahahalagang bagay. Muling ipakita ang larawan 1–39, Pagbabasbas ng Isang Sanggol, at sabihin sa mga bata na ang mga sanggol ay binabasbasan ng mga kalalakihan na nagtataglay ng pagkasaserdote.

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–18, Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus. Hayaang sabihin ng mga bata kung ano ang naaalala nila sa larawan. Maikling pagbalik-aralan ang kuwento, na matatagpuan sa Marcos 1:9.)

Kuwento

  • Sino ang nagbibinyag kay Jesus? (Tingnan sa Marcos 1:9.)

  • Anong kapangyarihan ang kinailangang taglayin ni Juan upang mabinyagan si Jesus? (Ang pagkasaserdote).

Ipaliwanag na ang pagpapabinyag sa isang nagtataglay ng pagkasaserdote ay isang mahalagang bahagi ng pagiging kasapi ng simbahan ni Jesus. Sabihin sa mga bata na kapag walong taong gulang na sila, sila ay maaaring binyagan bilang kasapi ng simbahan ni Jesus.

Ang simbahan ni Jesus ay may propeta

Ipakita ang larawan 1–4, Ang Unang Pangitain, at isalaysay ang kuwento tungkol kay Joseph Smith at ang Unang Pangitain, na matatagpuan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:5, 10–19.

Ipaliwanag na dahil nakipag-usap ang Ama sa Langit at si Jesus kay Joseph Smith, tinatawag nating propeta si Joseph Smith. Sinasabi sa atin ng isang propeta ang nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na malaman natin.

  • Ano ang isang propeta? (Isang lalaki na may natatanging tawag upang makipag-usap sa Ama sa Langit at kay Jesus at sabihin sa atin ang nais nilang malaman natin.)

Ipakita ang isang larawan ng buhay na propeta. Sabihin sa mga bata ang tungkol sa kanya. Ipaliwanag na ang simbahan ni Jesus ay palaging may buhay na propeta upang turuan tayo ng nais ipaalam at ipagawa sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesus.

Awit

Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa koro ng “Propeta’y Sundin” (Follow the Prophet, Children’s Songbook, p. 110). Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng maligaw ay ang gumawa ng mga maling bagay. Ipahawak sa isang bata ang larawan ng buhay na propeta habang kayo ay umaawit.

Propeta’y sundin, propeta’y sundin, propeta’y sundin; h’wag maligaw.

Propeta’y sundin, propeta’y sundin, propeta’y sundin; s’ya ang gabay.

Ang simbahan ni Jesus ay may mga banal na kasulatan

Itaas ang mga banal na kasulatan.

  • Ano ang hawak ko?

Hayaang sabihin ng mga bata ang alam nila tungkol sa mga banal na kasulatan. Paalalahanan ang mga bata na ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga aral ng Ama sa Langit at ni Jesus. Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng maraming totoong kuwento tungkol kay Jesus, sa mga propeta, at sa ibang mga tao. Ang mga banal na kasulatan ay mahalagang bahagi ng simbahan ni Jesus.

Tayo ay kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw

  • Kaninong simbahan tayo nakasapi?

  • Ano ang pangalan ng simbahan na ating kinasasapian?

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 115:4 sa mga bata. Ipaliwanag na ang pangalang ito ay nangangahulugan na ito ang simbahan ni Jesus sa panahon natin sa ngayon. Tulungan ang mga bata na maunawaan na maraming mga tao sa buong mundo ang kasapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Maaaring naisin mong ipaliwanag na may mga simbahan ngayon sa mundo na nagtuturo tungkol kay Jesus at nagtuturo sa mga tao na mamuhay nang mabuti, ngunit wala silang pagkasaserdote, isang buhay na propeta, o ng lahat ng mga banal na kasulatan.

Gawain

Hilingin sa lahat ng kasapi ng simbahan ni Jesus na tumayo. Paalalahanan ang mga bata na silang lahat ay dapat na nakatayo. Ipaulit sa mga bata ang, “Ako ay kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Maikling pagbalik-aralan, na ginagamit ang mga larawan at ang mga banal na kasulatan, na ang pagkasaserdote, ang isang buhay na propeta, at ang mga banal na kasulatan ay mahahalagang bahagi ng simbahan ni Jesus.

Patotoo

Ipahayag ang iyong patotoo sa katotohanan ng ebanghelyo. Tulungan ang mga bata na madama kung gaano kahalaga at kamangha-mangha ang maging kasapi sa totoong simbahan ni Jesus.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Gumawa ng etiketa na nagsasabing Ako ay kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw upang maisuot pauwi ng bawat bata. Hayaang kulayan ng mga bata ang kanilang mga sagisag.

  2. Gawin ang sumusunod na laro sa daliri na kasama ang mga bata:

    Narito ang Simbahan

    Narito ang simbahan (pagdaupin ang mga kamay na itinatago sa loob ang mga daliri),

    At narito ang mataas na tore (iladlad ang mga daliri at pagdaupin ang mga dulo).

    Mga pinto ay buksan (buksan ang mga palad na pinagdidikit pa rin ang mga daliri)

    At ang lahat ng tao ay masdan (iwagwag ang mga daliri).

    Isara ang mga pintuan at mga dalangin nila’y pakinggan (isara ang mga kamay na nakapasok ang mga daliri; ilagay ang mga kamay sa isang tainga).

  3. Isalaysay ang isang kuwento tungkol sa isang bata na kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na nagpupunta sa simbahan. Isali ang mga gawaing maaaring lahukan ng mga bata sa iyong klase, katulad ng pag-upo sa tabi ng kanilang mga mag-anak sa pulong sakramento, pagtanggap ng sakramento, pag-upo nang magalang sa Primarya, pananalangin at pag-awit.

    Maaari mo ring ipaisip sa mga bata ang mga ideyang ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng katulad ng “Ano ang dapat gawin ng mga batang kasapi ng Simbahan kapag Linggo?” “Ano ang dapat nilang gawin sa pulong sakramento?” “Ano ang dapat nilang gawin sa gabing pantahanan ng mag-anak?” “Paano nila dapat pakitunguhan ang kanilang mga mag-anak?” ang kanilang mga kaibigan?” Tulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang dapat gawin ng mga batang lalaki at mga batang babae na kasapi ng simbahan ni Jesus.

  4. Hayaang mag-isip ang mga bata ng iba’t ibang pangkat na kanilang kinabibilangan, katulad ng isang mag-anak o isang klase sa Primarya. Hayaang sabihin ng mga bata kung ano ang gusto nila sa pagiging kabilang sa bawat pangkat. Tapusin ang talakayang ito sa mga bagay na nais nila (at nais mo) tungkol sa pagiging kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

  5. Awitin o bigkasin ang mga salita sa “The Church of Jesus Christ” (Children’s Songbook, p. 77).

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Bago magklase, gumuhit ng apat na mga simpleng larawan—isang mata, isang kamay, isang tainga, at isang bibig—sa magkakahiwalay na mga pirasong papel.

    Sabihin sa mga bata na maraming bagay tayong magagawa sa simbahan. (Ipaskil ang larawan ng isang mata.) Maaari tayong magbasa ng mga kuwento sa banal na kasulatan. (Ipaskil ang larawan ng isang kamay.) Maaari tayong makipaglarong mabuti sa ating mga kaibigan. (Ipaskil ang larawan ng isang tainga.) Maaari tayong makinig nang mabuti sa ating mga guro. (Ipaskil ang larawan ng isang bibig.) Maaari tayong magsalita nang mahina habang nasa simbahan tayo. Palapitin ang bawat bata at ipaturo ang isa sa mga larawan. Habang itinuturo ang isang larawan, sabihing muli sa mga bata kung ano ang isinasagisag nito.

  2. Tulungan ang mga bata na awitin ang “Book of Mormon Stories” (Children’s Songbook, p. 118), na kumakatha ng mga galaw na isinasaad ng mga salita. O pagmartsahin ang mga bata sa paligid ng silid habang sila ay umaawit.