Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 14: Sina Adan at Eva ay Nilikha sa Wangis ng Ama sa Langit


Aralin 14

Sina Adan at Eva ay Nilikha sa Wangis ng Ama sa Langit

Layunin

Upang tulungan ang mga bata na maunawaan na sina Adan at Eva ay nilikha sa wangis ng Ama sa Langit.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Genesis 1; 2:15–25; at 3. Tingnan din sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (31110), mga kabanata 5 at 6.

  2. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia.

    2. Mga ginupit na larawan 1–1 hanggang 1–25 (ang mga katulad na ginupit na larawan ay matatagpuan sa mga pangkat 3, 4, at 5 ng Ginupit na Larawang Pantulong sa Primarya).

    3. Larawan 1–33, Adan at Eva (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 101; 62461); larawan 1–34, Tinuturuan nina Adan at Eva ang Kanilang mga Anak.

  3. Gawin ang mga kailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Hilingan ang lahat ng anak ng Ama sa Langit na tumayo. Paalalahanan ang mga bata na tayong lahat ay mga anak ng Ama sa Langit, kaya ang bawat isa ay dapat na tumayo.

Awit

Awitin ang “Ako ay Anak ng Dios” (Mga Himno at Awit Pambata), na kasama ang mga bata. Ituro na ang awit ay nagsasabi sa atin na tayo ay binigyan ng Ama sa Langit ng makalupang tahanan.

Ako ay anak ng Dios,

Dito’y isinilang,

Handog ay ‘sang tahanan

May mahal na magulang.

Akayin at patnubayan,

Sa tamang daan.

Turuan ng gagawin,

Nang S’ya’y makapiling.

Ang daigdig ay nilikha ayon sa plano ng Ama sa Langit

Gawain

Ilagay nang pataob ang mga ginupit na hugis sa isang mesa o sa iyong kandungan.

Gawain

  • Ano ang ilan sa mga bagay na nilikha ni Jesus para sa daigdig?

Habang binabanggit ng isang bata ang bawat nilikha, ipakikita niya ang kaukulang ginupit na larawan.

Gawain

  • Anong mga nilikha ang pinasasalamatan ninyo?

Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang daigdig at ang lahat ng narito ay nilikha para magamit natin at tamasahin. Paalalahanan ang mga bata na ang daigdig at ang lahat ng narito ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit.

Awit

Awiting muli ang “Ako ay Anak ng Dios” na kasama ang mga bata.

Sina Adan at Eva ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit

Ipatingin sa mga bata ang mga ginupit na hugis na nakapakita.

  • Ano pa ang kailangang nasa daigdig?

Ipakita ang larawan 1–33, Adan at Eva. Ipaliwanag na pagkatapos na malikha ang lahat ng iba pang bagay, sina Adan at Eva ay nilikha. Isalaysay ang tungkol sa pagkalikha ng mga tao, na matatagpuan sa Genesis 1:26–28. Ipaliwanag na sina Adan at Eva ang unang dalawang tao na nabuhay sa daigdig. Sila ay may mga katawan ng laman at buto na katulad ng katawan ng Ama sa Langit.

  • Sino ang unang tao na nabuhay sa daigdig?

  • Sino ang unang babae?

  • Anong uri ng mga katawan mayroon sina Adan at Eva?

Ipahipo sa mga bata ang kanilang mga kamay, at paalalahanan sila na ang kanilang mga katawan ay katulad ng mga katawan nina Adan at Eva.

Kuwento

Tinutukoy ang larawan 1–33, sina Adan at Eva, isalaysay ang kuwento nina Adan at Eva sa iyong sariling mga salita, na tinatalakay ang sumusunod na mga bagay (tingnan sa Genesis 2:15–25; 3):

Kuwento

  1. Pagkatapos tumanggap ng pisikal na mga katawan sina Adan at Eva, sila ay tumira sa isang magandang lugar na tinawag na Halamanan ng Eden.

  2. Sina Adan at Eva ay ikinasal ng Ama sa Langit para sa kawalang-hanggan.

  3. Madaling lumago ang mga prutas at mga bulaklak sa Halamanan ng Eden, at ang lahat ng mga hayop ay maamo.

  4. Hindi alam nina Adan at Eva ang kaibahan ng mabuti at masama.

  5. Hindi magkakaanak sina Adan at Eva.

  6. Maaaring kumain sina Adan at Eva mula sa bawat puno maliban sa isa.

  7. Kinain nina Adan at Eva ang prutas mula sa punong iyon.

  8. Kinailangang lisanin nina Adan at Eva ang Halamanan ng Eden.

  9. Ang buong daigdig ay nagbago: Kinailangang gumawa nina Adan at Eva upang makakuha ng pagkain, ang mga damo ay nagsimulang tumubo, at ang mga hayop ay naging mababangis.

  10. Nagsimulang magkaroon ng mga anak sina Adan at Eva.

Ipakita ang larawan 1–34, Tinuturuan nina Adan at Eva ang Kanilang mga Anak. Ipaliwanag na sina Adan at Eva ay biniyayaan ng maraming anak. Sila ang unang mga magulang sa daigdig. Tinuruan nila ang kanilang mga anak tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesus. Lumaki ang kanilang mag-anak at kumalat sa buong mundo.

Kuwento

  • Ano ang ginawa nina Adan at Eva matapos nilang lisanin ang Halamanan ng Eden?

Ipaliwanag na ginamit at tinamasa nina Adan at Eva at ng kanilang mga anak ang mga halaman at mga hayop na nilikha para sa daigdig.

Gawain

Papiliin ang bawat bata ng isang ginupit na hugis mula sa nakapakita, at talakayin sa klase kung paanong maaaring ginamit nina Adan at Eva ang nilikha na isinasagisag ng bawat ginupit na larawan. Tulungang mag-isip ng mga tiyak na sagot ang mga bata, katulad ng paggamit sa mga hayop bilang pagkain at damit at kahoy mula sa mga puno upang magtayo ng mga bahay.

Gawain

Tulungan ang mga bata na gawin ang sumusunod na laro sa daliri:

Adan at Eva

Sina Adan at Eva ay namuhay sa mundo (pagtaklubin ang mga kamay upang isagisag ang daigdig)

Noong ito ay napakabago.

Nag-alaga sila ng maraming hayop (gamitin ang isang kamay upang himasin ang kabilang kamay)

At ang pagkai’y kanilang pinalago (ilagay ang mga daliri sa bibig, na tila kumakain).

Nagkaanak sina Adan at Eva (pagdikitin ang dalawang daliri).

Na nagkaanak ng sariling kanila (dagdagan ng dalawa pang daliri).

Ngayo’y maraming bata ang naisilang (iwagwag ang lahat ng sampung daliri).

Masdan kung gaanong ang mundo’y uminam (gamitin ang mga kamay upang gumawa ng malaking bilog, pagkatapos ay iunat ang mga kamay sa tagiliran)!

Tulungan ang mga bata na maunawaan na dahil sa sina Adan at Eva ang unang mga magulang dito sa lupa, tayong lahat ay bahagi ng kanilang mag-anak.

Sinabi ng Ama sa Langit at ni Jesus na ang daigdig ay mabuti

Basahin ang unang pangungusap ng Genesis 1:31 nang malakas. Ipaulit sa mga bata ang pangungusap na kasama ka. Ipaliwanag na nadama ng Ama sa Langit at ni Jesus na ang lahat ng kanilang nilikha ay mabuti. At pinakamahalaga sa lahat, nadarama nila na tayo ay mabuti at mahal na mahal nila ang bawat isa sa atin.

Patotoo

Ipahayag ang iyong patotoo tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesus para sa bawat isa sa atin. Ipaliwanag na ang daigdig at ang lahat ng narito ay para sa atin upang gamitin at tamasahin. Sa tuwing napapansin natin ang isang bulaklak, isang bituin, o alinmang nilikha, tayo ay pinaaalalahanan na mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesus. Ipahayag ang iyong pasasalamat para sa kanilang pagmamahal at para sa daigdig.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Mamili ng ilang gawain mula sa aralin 8 hanggang 13, katulad ng “Ang Nilikha ng Diyos” o “Noe,” upang gawin na kasama ang mga bata.

  2. Pagbalik-aralan ang mga nangyari sa bawat araw ng Paglikha habang binibilang ng mga bata ang mga araw sa kanilang mga daliri.

  3. Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Ako ay Mahal ng Aking Amang nasa Langit” (Ang Babaeng Banal sa Huling-araw, Bahagi A), na kasabay ang mga bata.

  4. Paguhitin o pakulayan sa mga bata ang larawan ng isang bagay na bahagi ng plano ng Ama sa Langit, katulad ng isang bulaklak, isang puno, o ang araw. Isulat sa itaas ng papel ng bawat bata ang Nagpapasalamat ako para sa mundo.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Ang Mundo’y Malaki” (The World is So Big, Children’s Songbook, p. 235). Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw na isinasaad sa ibaba:

    Ang mundo’y malaki at bilog (gumawa ng malaking bilog sa pamamagitan ng mga bisig),

    Naririto ang likha ng Diyos;

    Bundok (ihugis bundok ang mga kamay sa uluhan)

    Lambak (ilagay ang mga kamay sa harapan na nakataob ang mga palad)

    Punong mataas (iunat ang mga kamay paitaas),

    Malalaki’t (umabot paitaas)

    Maliit na hayop (umabot pababa).

    Mga bit’wing kumukutitap (ituwid at iwagwag ang mga daliri),

    Sikat ng araw, maliwanag (gumawa ng malaking bilog sa pamamagitan ng mga kamay).

    Ang mundo’y malaki at bilog.

    Tayong lahat ay mahal ng Dios (itikom ang mga kamay at yakapin ang sarili).

  2. Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw sa sumusunod na laro sa daliri habang binibigkas mo ang mga salita:

    Ang Nilikha ng Diyos

    Ginawa ng Diyos ang buwan (gumawa ng bilog sa pamamagitan ng mga kamay)

    At mga bituing kumukutitap (ibukas at isara ang mga kamay)

    At inilagay sa kalangitan (umabot paitaas).

    Ginawa niya ang araw (gumawa ng bilog sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kamay sa uluhan)

    At mga puno’t (ituwid ang mga kamay paitaas)

    Mga bulaklak (itikom nang kaunti ang mga kamay)

    At ibong maliliit na lumilipad (ikampay ang mga kamay).

    Mula sa Fascinating Finger Fun ni Eleanor Doan. © 1951. Ginamit nang may pahintulot.)