Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 34: Maaari Kong Mahalin ang Iba


Aralin 34

Maaari Kong Mahalin ang Iba

Layunin

Upang himukin ang bawat bata na magpahiwatig ng pagmamahal para sa iba sa pamamagitan ng mabubuting salita at mga gawa,

Paghahanda

  1. May panalanging pag-aralan ang Mateo 7:12; Marcos 10:13–16; Lucas 10:30–37; at Juan 13:34.

  2. Pagbalik-aralan ang kuwento mula sa aralin 19 tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa lalaking bulag (tingnan sa Juan 9:1–7).

  3. Gumawa ng pusong papel para sa bawat bata sa klase. Isulat ang Mahal kita sa bawat puso.

  4. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia.

    2. Larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 240; 62572); larawan 1–43, Pinagagaling ni Jesus ang Bulag (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 213; 62145); larawan 1–48, Mga Batang Naglalaro ng Maliliit na Piraso ng Kahoy; larawan 1–62, Ang Mabuting Samaritano (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 218; 62156).

  5. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Ipakita ang larawan 1–48, Mga Batang Naglalaro ng Maliliit na Piraso ng Kahoy.

Gawaing Pantawag Pansin

  • Ano ang ginagawa ng mga batang ito?

  • Sa palagay ba ninyo ay magkaibigan ang mga batang ito?

  • Paano pakitunguhan ng magkakaibigan ang bawat isa?

Paalalahanan ang mga bata na ang mga magkaibigan ay mabait na nakikitungo sa isa’t isa. Kapag mabait tayo sa iba, ipinapakita natin sa kanila ang pagmamahal.

Awit

Kasama ang mga bata, awitin o bigkasin ang mga salita sa “Lahat ay Magmahalan, Sabi ni Jesus” (Jesus Said Love Everyone, Children’s Songbook, p. 61), na ginagamit ang mga galaw na isinasaad sa ibaba:

Lahat ay magmahalan (ipabukas ang mga kamay);

Sabi ni Jesus (itangu-tango ang ulo).

Kung puso’y may pag-ibig (ilagay ang mga kamay sa tapat ng puso),

Mamahalin ka (yakapin ang sarili).

Nagpakita ng pagmamahal si Jesus sa iba sa pamamagitan ng pagiging mabait

Ipakita ang larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo, at sabihin sa mga bata na sinabi ni Jesus sa atin na pakitunguhan natin ang iba na katulad ng nais nating maging pakikitungo nila sa atin. Ipakita ang Biblia at basahin ang Mateo 7:12 hanggang sa gawin naman ninyo ang gayon sa kanila. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng banal na kasulatang ito ay kailangan tayong maging mabait sa iba kung nais nating maging mabait ang iba sa atin.

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–43, Pinagagaling ni Jesus ang Bulag. Magpatulong ka sa mga bata sa pagsasalaysay ng kuwentong nakapakita sa larawan (tingnan sa Juan 9:1–7).

Kuwento

  • Paano naging mabait si Jesus sa lalaking bulag na ito?

Kuwento

Isalaysay ang kuwento na binabasbasan ni Jesus ang maliliit na bata, na matatagpuan sa Marcos 10:13–16.

Kuwento

  • Paano naging mabait si Jesus sa mga bata?

Bigyang-diin na ginugol ni Jesus ang kanyang buhay sa pagtulong sa ibang tao. Sa pamamagitan ng pagiging mabait, ipinakikita ni Jesus ang pagmamahal sa iba. Ipaliwanag na inutusan tayo ni Jesus na mahalin ang bawat isa. Basahin ang Juan 13:34 sa mga bata. Ipaulit sa mga bata ang “kung paanong iniibig ko kayo, ay mangag-ibigan naman kayo sa isa’t isa’ nang ilang ulit.

Awit

Kasama ang mga bata, awitin o bigkasin ang mga salita sa “Mahalin Ninyo ang Bawat Isa” (Love One Another).

Mahalin ninyo,

Ang bawat isa.

“To’y bagong utos:

Mahalin, lahat.

Malalaman na

Kayo’y alagad ko,

Kung kayo’y may pagmamahalan.

(© 1961, 1989 ni Luacine C. Fox. Ginamit nang may pahintulot.)

Maipapakita natin ang pagmamahal sa iba sa pamamagitan ng pagiging mabait

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–62, Ang Mabuting Samaritano, at isalaysay ang kuwento ng mabuting Samaritano, na matatagpuan sa Lucas 10:30–37.

Kuwento

  • Sino ang mabait sa kuwento?

  • Ano ang ginawa ng Samaritano upang matulungan ang lalaking nasaktan?

Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na sila ay magiging mabait sa iba. Ipabahagi sa kanila ang kanilang mga ideya sa ibang mga kasapi ng klase.

Ipaliwanag na kung minsan ay mahirap maging mabait sa isang tao dahil sa ang taong iyon ay tila hindi palakaibigan o kaiba sa atin. Tulungan ang mga bata na maunawaang kailangan ng lahat na pakitunguhang mabuti. Kahit na ang mga tao ay tila hindi palakaibigan o tila kaiba sa atin (halimbawa, kung magkaiba ang kulay ng balat o may kapansanan), kailangan natin silang pakitunguhang mabuti.

Pag-usapan ang kahalagahan ng pagpapakita ng pagmamahal at kabaitan sa ating mga mag-anak.

Kuwento

  • Paano kayo makapagpapakita ng pagmamahal sa inyong ama? sa inyong ina? sa inyong mga kapatid?

Bigyang-diin na kapag tayo ay mabait sa ating mga mag-anak, hindi lamang maligaya ang ating mag-anak, kundi ang Ama sa Langit at si Jesus ay maligaya din.

Ipaliwanag na kung minsan ang mga sanggol o higit na maliliit na bata ay kumukuha o nakababasag ng mga bagay na pag-aari natin. Tulungan ang mga bata na maunawaan na kadalasan ay hindi nauunawaan ng mga napakaliit na bata kung ano ang kanilang ginagawa. Kailangang pakitunguhan natin silang mabuti at huwag magalit sa kanila. Kung mayroon tayong mga bagay na mababasag, dapat nating sikaping ilayo ang mga ito sa maaabot ng mga maliliit na bata.

Kuwento

  • Paano tayo makapagpapakita ng pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesus?

Bigyang-diin na maipapakita natin ang pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesus sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan, sa pagiging magalang sa simbahan at sa pagiging mabait at matulungin sa mga nakapaligid sa atin.

Maipapakita natin ang pagmamahal sa pamamagitan ng pagsasalita nang mabuti

Gawain

Hilingin sa mga bata na sundin ang mga tagubilin sa ibaba. Pagkatapos gawin ng bawat bata ang bawat galaw, pasalamatan sila sa pagsunod sa tagubilin.

Gawain

  1. Mangyaring magsitayo.

  2. Mangyaring magsiupo.

  3. Mangyaring magsitayo at umikot. Mangyaring magsiupo. Mangyaring magsitayong muli.

  4. Mangyaring ipakainat ang inyong mga kamay paitaas sa inyong uluhan.

  5. Mangyaring magsiupo nang tahimik.

Gawain

  • Anong magalang o mabuting mga salita ang sinabi ko?

  • Ano ang pakiramdam ninyo kapag mayroong nagsasabi sa inyong “mangyaring” at “salamat” sa iyo?

Tulungan ang mga batang maunawaan na kung nais nating magsalitang mabuti sa atin ang iba, dapat tayong magsalita nang mabuti sa kanila.

Ipaalala sa mga bata ang ibang magagalang na parirala, katulad ng “Ikinalulungkot ko” at “Mawalang galang na nga,” at ang mga kalagayan kung saan dapat gamitin ang mga pariralang iyon. Itanong ang mga sumusunod na katanungan o ang mga katulad nito na naaangkop sa inyong kultura:

Gawain

  • Paano kayong hihingi ng tubig na maiinom nang mapitagan?

  • Ano ang dapat ninyong sabihin kung mayroong nagdala sa inyo ng isang handog?

  • Ano ang maaari ninyong sabihin kung napalungkot ninyo ang isang tao?

  • Ano ang maaari ninyong sabihin upang matawag ang pansin ng isang tao nang may pagpipitagan?

Ipaliwanag na kahit hindi mabuti ang pagsasalita sa atin ng iba kung minsan, dapat pa rin tayong magsalita nang mabuti sa kanila.

Awit

Awiting muli ang “Lahat ay Magmahalan, Sabi ni Jesus” na kasama ang mga bata.

Patotoo

Purihin ang mga bata sa mga paraan napansin mo ang kanilang pagiging magalang. Ipaliwanag na dahil ang lahat ay mahal ng Ama sa Langit at ni Jesus, natutuwa sila kapag nakikita nila tayong nagiging mabait sa bawat isa. Magbigay ng patotoo na nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na maging mabait tayo. Bigyan ang bawat bata ng pusong papel. Sabihin sa mga bata kung ano ang sinasabi ng mga salita sa mga puso, at ipahiwatig ang iyong pagmamahal para sa mga bata.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Basahin ang mga sumusunod na halimbawa (o lumikha ng sariling sa iyo), at ipataas sa mga bata ang kanilang mga pusong papel kung ang nakalarawang galaw ay mabuti o nagpapakita ng pagmamahal. Pahawakan sa kanila ang mga puso sa kanilang kandungan kung ang galaw ay hindi mabuti at hindi nagpapakita ng pagmamahal.

    • Paghahalinhinan kapag naglalaro ng isang laro.

    • Pagiging matampuhin.

    • Pagtulong sa isang batang nasaktan.

    • Paghampas sa isang taong nagpagalit sa iyo.

    • Paglalakad nang magalang sa bahay-pulungan.

    • Pagsasabi ng “mangyaring” at “salamat sa iyo.”

    • Pagbubukas ng pinto para sa isang tao.

    • Pagiging maingay sa simbahan.

    • Pagtulong sa paglilinis.

    Paalalahanan ang mga bata na kapag mabait tayo sa iba, nagpapakita tayo ng pagmamahal, at ang Ama sa Langit at si Jesus ay naliligayahan sa atin.

  2. Mag-isip ng ilang pangkaraniwang kalagayan kung saan may pagkakataon ang mga bata na maging mabait at magpakita ng pagmamahal sa iba. Isulat ang mga kalagayang ito sa mga pirasong papel at papiliin ang bawat bata ng isang pirasong papel. Basahin ang bawat katayuan at hayaang sabihin ng bata na nakapili nito kung paano kikilos sa kalagayang iyon. Maaaring naisin mong gamitin ang sumusunod na mga halimbawa:

    • Magkasama kayong naglalaro ng isang kaibigan, at isa pang bata ang pumasok sa silid. Ano ang dapat ninyong gawin?

    • Nais mo at ng kapatid mong babae na laruin ang iisang laruan. Ano ang dapat mong gawin?

    • Kinuha ng nakababata mong kapatid na lalaki ang isang bagay na sa iyo. Ano ang dapat mong gawin?

  3. Ginagamit ang mga karaniwang halimbawa sa inyong purok o pook, talakayin kung paano magpapakita ng kabaitan at pagmamahal sa mga taong may kapansanan. Tulungan ang mga batang mag-isip ng mga tiyak na paraang maaari silang makatulong sa isang taong may kapansanan.

    • Paano natin maipakikita ang pagmamahal sa isang taong hindi nakakakita?

    • Paano nating maipakikita ang pagmamahal sa isang taong hindi nakaririnig?

    • Paano natin maipakikita ang pagmamahal sa isang taong gumagamit ng upuang may gulong o mga saklay?

  4. Tulungan ang mga bata na maunawaan na kahit na ang ibang tao ay nagsasalita ng ibang wika o may kaibang kulay ng balat sa kanila, tayong lahat ay mga anak ng Ama sa Langit. Tayong lahat ay dapat na maging mabait sa bawat isa. Dapat nating pakitunguhan ang bawat isa na katulad ng nais nating maging pakikitungo sa atin. Ipaliwanag na ang bawat tao ay kakaiba sa bawat isa sa ilang paraan.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Maging Mabait Kanino Man” (Mga Himno at Awit Pambata).

  2. Tulungan ang mga batang gawin ang sumusunod na talatang gawain:

    Ang isang ngiti ay nakakahawa (itulak ang mga sulok ng bibig upang ngumiti), Kaya kapag ako’y nalulungkot na (itulak ang mga sulok ng bibig upang sumimangot),

    Sinisikap kong magbigay ng ngiti (itulak ang mga sulok ng bibig upang ngumiti),

    At hindi nagtatagal pakiramdam ko’y bumubuti (ilagay ang kapwa kamay sa tapat ng puso)!

    (Hinango mula sa Pat Graham, “Feeling Glad,” Friend, Mar. 1990, p. 21.)