Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 40: Tinutulungan Ako ng Sakramento na Isipin ang Tungkol kay Jesus


Aralin 40

Tinutulungan Ako ng Sakramento na Isipin ang Tungkol kay Jesus

Layunin

Upang himukin ang bawat bata na isipin si Jesus habang nagsasakramento.

Paghahanda

  1. May panalanging pag-aralan ang Lucas 22:19–20 at 3 Nephi 18:1–11. Tingnan din sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (31110), kabanata 23.

  2. Sa pagsang-ayon ng pangulo ng inyong Primarya, hilingan ang obispo na makipag-ayos upang dumalo nang ilang minuto sa inyong klase ang isang kasapi ng korum ng mga saserdote sa pagsisimula ng panahon ng aralin. Dapat maghanda ang kasapi ng korum ng mga saserdote na sabihin sa mga bata ang tungkol sa kanyang mga tungkulin sa pangangasiwa ng sakramento at ang kanyang mga damdamin tungkol sa banal na ordenansang ito.

  3. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia at isang Aklat ni Mormon.

    2. Mga larawan ng mga pangyayari sa buhay ni Jesus, katulad ng larawan 1–16, Ang Kapanganakan (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 201; 62495); larawan 1–17, Ang Batang si Jesus sa Templo (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 205; 62500); larawan 1–19, Si Cristo at ang mga Bata (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 216; 62467); larawan 1–43, Pinagagaling ni Jesus ang Bulag (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 213; 62145); at iba pa na nais mong gamitin.

    3. Larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 240; 62572); larawan 1–8, Pagpapasa ng Sakramento (62021); larawan 1–44, Nagtuturo si Jesus sa Kanluraning Bahagi ng Daigdig (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 316; 62380); larawan 1–70, Ang Huling Hapunan (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 225; 62174).

  4. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Ipakita ang larawan 1–8, Pagpapasa ng Sakramento. Sabihin sa mga bata na ang pulong sa Linggo kung saan karaniwan tayong nagsasama-sama bilang mga mag-anak ay tinatawag na pulong sakramento.

Gawaing Pantawag Pansin

  • Bakit tinatawag natin ang pulong na ito na pulong sakramento?

Ipakilala sa mga bata ang kasapi ng korum ng mga saserdote. Ipasalaysay sa kanya ang tungkol sa tungkulin ng Pagkasaserdoteng Aaron sa sakramento. Hayaang ipahiwatig niya ang kanyang mga damdamin tungkol sa kanyang ginagampanan sa banal na ordenansang ito. Pasalamatan siya sa pagdalo at hayaan siyang magbalik sa pulong ng kanyang korum o klase sa Panlinggong Paaralan.

Ibinigay sa atin ni Jesus ang sakramento upang matulungan tayong alalahanin siya

Ipakita ang larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo. Paalalahanan ang mga bata na si Jesus ang anak ng Ama sa Langit. Dahil sa mahal na mahal tayo ni Jesus, siya ay nagpunta sa lupa upang maging ating Tagapagligtas. Pinagaling niya ang mga maysakit, itinuro ang ebanghelyo, at ipinakita ang tamang daan na ipamumuhay. Pagkatapos ay namatay siya para sa atin.

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–70, Ang Huling Hapunan. Isalaysay ang kuwento ng Huling Hapunan, na matatagpuan sa Lucas 22:19–20. Basahin nang malakas mula sa Biblia ang huling parirala sa talata 19: “Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.” Ipaliwanag na sinabi ni Jesus sa kanyang mga Apostol na magkakasamang magtipon bawat araw ng Sabbath at alalahanin siya sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento.

Ipakita ang larawan 1–44, Nagtuturo si Jesus sa Kanluraning Bahagi ng Daigdig. Ipaliwanag na nang dalawin ni Jesus ang mga Nephita, sinabihan din niya sila na magkakasamang magtipon bawat araw ng Sabbath at alalahanin siya sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento (tingnan sa 3 Nephi 18:1–11).

Kuwento

  • Sino ang dapat na isinaisip ng mga Apostol nang sila ay tumanggap ng sakramento?

  • Sino ang dapat na isinaisip ng mga Nephita nang sila ay tumanggap ng sakramento?

  • Sino ang dapat nating isaisip kapag tumatanggap tayo ng sakramento?

  • Kailan tayo tumatanggap ng sakramento?

Gawain

Gawin ang sumusunod na talatang gawain na kasama ang mga bata:

Ako’y Nagagalak na Dumating sa Simbahan Ngayon

Ako’y nagagalak na dumating sa simbahan ngayon (gumawa ng mataas na tore ng simbahan sa pamamagitan ng pagdidikit ng dalawang dulo ng mga daliri).

Natutuhan kong makinig (itikom nang bahagya ang kamay at ilagay sa may tainga)

At manalangin (ihalukipkip ang mga kamay at iyuko ang ulo).

Natutuhan ko ang tungkol kay Jesus na nasa itaas (tumuro paitaas);

Naisip ko si Jesus at ang kanyang pagmamahal (ipatong ang mga kamay sa sarili na tila nakayakap).

Mga kuwento

Isa-isang ipakita ang mga larawan tungkol sa buhay ni Jesus. Kung naaalala ng mga bata ang larawan, hayaang ipasalaysay sa kanila ang mga kuwento. Kung hindi nila alam ang kuwento, maikling ibahagi ito sa kanila. Hangga’t maaari ay hayaang makilahok ang halos lahat ng mga bata sa pagsasalaysay ng mga kuwento.

Mga kuwento

  • Anong mga kuwentong tungkol kay Jesus ang maaari nating isaisip habang nagsasakramento?

Papagsalaysayin ang mga bata ng ibang mga kuwento tungkol kay Jesus na maaari nilang isipin habang nagsasakramento. Kung wala silang maisip na kahit ano, isalaysay sa kanila ang isa o dalawang kuwento tungkol kay Jesus na nais mong isipin habang nagsasakramento.

Maaari tayong maging magalang habang nagsasakramento

Gawain

Tulungan ang mga bata na bigkasin ang sumusunod na talata, na ginagamit ang mga galaw na nakasaad:

Ihahalukipkip ko ang aking mga kamay (ihalukipkip ang mga kamay),

Iyuyuko ang aking ulo (iyuko ang ulo),

At tatahimik, tatahimik ako (ibulong ang linyang ito).

Habang binabasbasan ang sakramento,

Ikaw ay aalalahanin ko.

Ipaliwanag na dahil ibinigay sa atin ni Jesus ang sakramento upang alalahanin siya, mahalaga na mag-isip ng tungkol kay Jesus at tulungan din ang iba na isipin ang tungkol sa kanya. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagiging magalang habang nagsasakramento.

Gawain

Ibulong ang isa sa mga sumusunod na pangungusap sa isang bata at ipaulit ito sa kanya nang malakas sa klase. Magpatuloy sa pamamagitan ng paggamit ng iba pang mga pangungusap at ibang mga bata.

Gawain

  1. Naghahanda tayo para sa sakramento sa pamamagitan ng pag-awit ng isang himno na nagpapaalala sa atin kay Jesus.

  2. Nakikinig tayong mabuti habang binibigkas ang panalangin sa pagbabasbas ng tinapay.

  3. Kapag naipasa na sa atin ang tinapay, isang piraso lamang ang ating kinukuha.

  4. Nakikinig tayong mabuti habang binibigkas ang panalangin sa pagbabasbas ng tubig.

  5. Buong paggalang nating iniinom ang tubig at inilalagay muli sa trey ang basong maliit.

  6. Hindi natin kailanman pinaglalaruan ang tinapay o ang basong maliliit na pangsakramento.

Ipaliwanag na ang paggawa sa mga bagay na ito ay nagpapakita na tayo ay magalang habang tinatanggap natin ang sakramento.

Gawain

  • Paano tayo magiging magalang habang nagsasakramento?

Gawain

Iparinig na mabuti sa mga bata ang mga galaw na iyong inilalarawan. Sabihin sa kanilang tumayo kapag nagsabi ka ng isang bagay na dapat nilang gawin o isipin habang nagsasakramento. Gamitin ang sumusunod na mga halimbawa o ang ilang sariling iyo:

Gawain

  • Makinig na mabuti habang binibigkas ang mga panalangin sa sakramento.

  • Alalahaning mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesus.

  • Isipin ang tungkol sa pagpipiknik.

  • Alalahaning pinagaling ni Jesus ang mga taong maysakit.

  • Makipag-usap sa iyong kapatid na lalaki o babae.

  • Kumislot.

  • Isipin ang tungkol sa pagbabasbas ni Jesus sa mga bata.

Patotoo

Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kung gaano ang iyong pasasalamat sa pagkakaroon ng sakramento upang tulungan tayong alalahanin si Jesucristo at ang nagawa niya para sa atin. Ipaliwanag na higit kang nagpapasalamat kapag ang bawat isa ay magalang habang nagsasakramento upang mapagtuunan mong mabuti ang pag-iisip tungkol kay Cristo.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Before I Take the Sacrament” (Children’s Songbook, p. 73) o “To Think About Jesus” (Children’s Songbook, p. 71).

  2. Paguhitin ang bawat bata ng isang larawan ng kanyang sarili na tumatanggap ng sakramento. Pamagatan ang bawat larawan ng Maaari kong isipin si Jesus habang tumatanggap ako ng sakramento.

  3. Magdala sa klase ng mga walang lamang trey na pangsakramento para sa tinapay at tubig. Pahawakan at patingnan sa mga bata ang mga trey. Ipalarawan sa mga bata ang nangyayari habang pinangangasiwaan ang sakramento sa pulong sakramento.

  4. Ipasadula sa mga bata ang ilan sa mga kinagigiliwan nilang mga kuwento mula sa buhay ni Jesus.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Ipaliwanag ang sakramento sa madaling paraan: Ipakita ang isang larawan ni Jesus at sabihin sa mga bata na may panahon sa Linggo na inaalaala natin si Jesus sa isang natatanging pamamaraan. Ito ay kapag kumakain tayo ng maliit na piraso ng tinapay at umiinom ng tubig mula sa basong maliit habang nagsasakramento. Ipaliwanag na habang nagsasakramento ay inaalaala natin kung gaano tayo kamahal ni Jesus at iniisip ang maraming bagay na nagawa niya upang tulungan tayong maging masaya.

  2. Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Ang Kuwentong Tungkol kay Jesus” (Tell Me the Stories of Jesus, Children’s Songbook, p. 57) o “Jesus Wants Me for a Sunbeam” (Children’s Songbook, p. 60).

  3. Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw sa sumusunod na talatang gawain habang binibigkas mo ang mga salita:

    Ang Paglikha

    Sinabi ni Jesus na ang araw ay dapat sumikat (gumawa ng malaking bilog sa may uluhan sa pamamagitan ng mga kamay),

    Ang ulan ay dapat bumagsak (ibaba ang mga kamay sa may harapan ng katawan habang iwinawagwag ang mga daliri),

    Ang mga bulaklak ay dapat lumaki (bahagyang itikom ang mga kamay, nakaharap paitaas ang mga palad).

    Sinabi ni Jesus na dapat umawit ang mga ibon (ibukas at isara ang mga daliri at ang hinlalaki na tulad ng tuka ng ibon),

    At ito’y nagkagayon, nagkagayon (ihalukipkip ang mga kamay).

    (Johnie B. Wood, sa Sing, Look, Do, Action Songs for Children, iniwasto upang ilimbag ni Dorothy M. Peterson [Cincinnati: Standard Publishing Co., 1965].)

    Paalalahanan ang mga bata na binigyan tayo ni Jesus ng maraming bagay upang pasayahin tayo. Habang nagsasakramento, maipakikita natin na tayo ay nagpapasalamat sa pamamagitan ng pag-iisip ng tungkol kay Jesus.