Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 9: Nagpapasalamat Ako Para sa Tubig


Aralin 9

Nagpapasalamat Ako Para sa Tubig

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na makadama ng pagpapasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para sa tubig.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Genesis 1:9–10; Exodo 17:1–6; at Mateo 3:13–17.

  2. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia.

    2. Kung maaari, kumuha ng mga larawan ng iba’t ibang uri ng katawan ng tubig, katulad ng mga lawa, ilog at dagat.

    3. Larawan 1–8, Pagpapasa ng Sakramento (62021); larawan 1–11, Batang Lalaki na Binibinyagan (62019); larawan 1–18, Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 208; 62133).

  3. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Hilingin sa isang bata na magpunta sa harapan ng klase. Ibulong sa kanyang tainga ang isang gawain na ginagamitan ng tubig, katulad ng pagsesepilyo ng ngipin, paghuhugas ng mga kamay o pagdidilig ng mga halaman. Ipagawa sa kanya ang gawain habang hinuhulaan ng ibang bata ang isinasagawa. (Maaaring kailanganin mong ipakita sa mga bata kung paano isinasagawa ang bawat tagpo.) Hayaang magkaroon ng pagkakataon ang bawat bata na magsagawa ng gawain.

Ituro na ang bawat gawaing isinagawa ay nangangailangan ng tubig. Sabihin sa mga bata na dapat nating pasalamatan ang Ama sa Langit at si Jesus sa pagbibigay sa atin ng tubig.

Ang tubig ay isang mahalagang bahagi ng Paglikha

Basahin nang malakas at ipaliwanag ang Genesis 1:9–10.

  • Bakit napakahalaga ng tubig sa atin?

  • Paano natin nakukuha ang ating tubig?

Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang tubig ay nagmumula sa maraming pinanggagalingan, kasama na ang mga lawa, ilog, dagat, ulan at niyebe. Ipaliwanag na ang niyebe at yelo ay tumigas na tubig. Ipakita ang mga larawan ng mga katawan ng tubig na nakuha mo at pag-usapan kung saan nanggagaling ang tubig sa inyong lugar. Sabihin sa mga bata na ikaw ay nagpapasalamat na ang tubig ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit.

Awit

Awitin ang “Masayang Gawain” (Fun to Do, Children’s Songbook, p. 253). Para sa mga talata, magpabanggit sa mga bata ng mga paraan ng paggamit ng tubig, katulad ng paglalaba ng mga damit, paliligo o pagsesepilyo ng kanilang mga ngipin. Kumatha ng mga galaw para sa awit alinsunod sa isinasaad ng mga salita.

Paglalaba ay masaya,

Gawain na masaya!

Paglalaba ay masaya,

Masayang gawain.

(© 1963 ng D.C. Heath and Company. Muling inilimbag nang may pahintulot.)

Kailangan natin ng tubig para sa maraming bagay

  • Bakit kailangan natin ng tubig? Saan ito ginagamit?

Ipaliwanag na ang lahat ng nabubuhay, kasama na ang mga tao, mga hayop, at halaman ay kailangan ang tubig upang mabuhay. Kung maaari, bigyan ang bawat bata ng isang maliit na tasa ng tubig na maiinom.

  • Paano nakakukuha ng tubig na kailangan nila ang mga hayop at mga halaman?

Ipaliwanag na kailangan din natin ang tubig para sa ibang bagay, katulad ng paglalaba at pagluluto.

Binigyan ni Jesus si Moises at ang mga Israelita ng tubig sa disyerto

Kuwento

Isalaysay ang kuwento ni Moises na kumukuha ng tubig mula sa isang bato, na matatagpuan sa Exodo 17:1–6. Ipaliwanag na ang mga tao ay nasa mainit at tuyong disyerto. Walang tubig doon.

Kuwento

  • Ano ang maaaring nangyari kung hindi tumanggap ng tubig ang mga Israelita?

  • Nauhaw na ba kayo nang matindi? Ano ang pakiramdam kapag nakainom kayo ng malamig na tubig kapag kayo ay nauuhaw?

Ang tubig ay mahalaga sa Simbahan

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–18, Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus. Ikuwento ang pagbibinyag ni Jesus, na matatagpuan sa Mateo 3:13–17.

Kuwento

  • Saan bininyagan si Jesus?

  • Paano bininyagan si Jesus?

Ipakita ang larawan 1–11, Batang Lalaki na Binibinyagan.

Kuwento

  • Saan tayo binibinyagan kapag tayo ay walong taong gulang?

  • Nakakita na ba kayo ng isang taong binibinyagan?

Pahintulutang mag-usap ang mga bata tungkol sa nangyari nang makita nila ang isang taong bininyagan. Ipaliwanag na kailangan natin ng tubig upang mabinyagan.

Ipakita ang larawan 1–8, Pagpapasa ng Sakramento.

Kuwento

  • Paano natin ginagamit ang tubig sa pulong sakramento?

Ipahiwatig ang iyong pasasalamat sa tubig upang tayo ay mabinyagan at makatanggap ng sakramento.

Patotoo

Ipahiwatig ang iyong patotoo sa plano ng Ama sa Langit at sa kanyang pagmamahal sa atin sa pagbibigay sa atin ng tubig. Sabihin sa mga bata na nagpapasalamat ka sa Ama sa Langit at kay Jesus sa kahanga-hangang kaloob na ito.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Bigkasin ang sumusunod na talata na kasabay ang mga bata, na ginagawa ang mga isinasaad na galaw:

    Ang mga Patak ng Ulan

    Kapag nauuhaw ang mga bulaklak

    At ang mga dahon ay natitigang (buksan ang mga kamay at iunat ang mga bisig paitaas),

    Masasaya’t maliliit na patak ng ulan

    Ang bumabagsak mula sa kalangitan (ibaba ang mga kamay at iwagwag ang mga daliri).

    Sa buong paligid nagtitilamsikan (iwagwag ang mga daliri sa tagiliran)

    Sa kanilang masayang paglalaro,

    Hanggang sa abutan ng sikat ng araw (itaas ang mga kamay sa uluhan at gumawa ng bilog)

    At sila’y habuling papalayo (itago sa likod ang mga daliri).

  2. Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa “Rain is Falling All Around” (Children’s Songbook,p. 241) o “Sabi ng Munting Sapa, ‘Magbigay,’” (Piliin ang Tama, B).

  3. Paguhitin ang bawat bata ng larawan ng katawan ng tubig katulad ng lawa, ilog, o mga patak ng ulan. Isulat sa papel ng bawat bata ang Nagpapasalamat ako para sa tubig.

  4. Magpabanggit sa mga bata ng tungkol sa o ipagawa ang mga paraan na maaari silang maglaro sa tubig, katulad ng paglalangoy, at iba pa.

  5. Tulungan ang mga bata na maunawaan na tinutulungan tayo ng tubig na linisin ang mga bagay. Ipagawa sa kanila ang mga gawaing paglilinis na ginagamitan ng tubig katulad ng paglalaba ng mga damit o paghuhugas ng kanilang mga kamay.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Gawin ang ilan o ang lahat ng sumusunod na gawain upang matulungan ang mga bata na matutuhan ang iba’t ibang paraan ng paggamit ng tubig:

    1. Bigyan ang bawat bata ng kaunting maiinom na tubig. Habang umiinom ang mga bata, ipaliwanag na ang tubig ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa daigdig. Makaiinom tayo ng tubig kapag tayo ay nauuhaw.

    2. Maglagay ng kaunting tubig sa isang palangganita at tulungan ang bawat bata na hugasan ang kanyang mga kamay. Paalalahanan ang mga bata na naiplano ng Ama sa Langit at ni Jesus na magkaroon tayo ng tubig. Ipaliwanag na magagamit natin ang tubig upang mahugasan ang mga bagay.

    3. Kung maaari, ilabas ang mga bata at hayaang diligin ng bawat isa ang isang halaman. O magdala ng halaman sa klase at hayaang diligan ng kaunting tubig ng bawat bata ang halaman. Ipaliwanag na kailangan din ng mga halaman ang tubig upang mabuhay at lumago.

  2. Gawin ang mga sumusunod na galaw habang nagkukunwari ang mga bata na umuulan—mahina sa umpisa, at dahan-dahang lumalakas.

    1. Sama-samang tapikin ang mga daliri.

    2. Sama-samang tapikin ang mga kamay.

    3. Tapikin ang mga tuhod, na pinagliliwas ang mga kamay.

    4. Tapikin ang mga paa.