Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 36: Maaari Akong Maging Mabuting Halimbawa


Aralin 36

Maaari Akong Maging Mabuting Halimbawa

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na magpakita ng mabuting halimbawa sa iba sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesus.

Paghahanda

  1. May panalanging pag-aralan ang Mateo 4:19; Lucas 19:1–10; Juan 13:15; at 3 Nephi 17:11–24.

  2. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia at isang Aklat ni Mormon.

    2. Ilang bakas ng mga paa na ginupit mula sa papel.

    3. Larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo (Pakete ng Larawan sa Sining ng Ebanghelyo 240; 62572); larawan 1–63, Si Zaqueo sa Isang Puno; larawan 1–64, Nananalangin si Jesus na Kasama ang mga Nephita (62542).

  3. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Bigkasin ang mga salita sa “Ako’y Gayahin” (Do As I’m Doing, Children’s Songbook, p. 276), na kasama ang mga bata. Pasundan sa mga bata ang anumang galaw na ginagawa mo, katulad ng pagpapagulong ng iyong mga kamay, pagpalakpak ng iyong mga kamay, o pagkukunwaring lumilipad na tulad ng isang ibon.

Ako’y gayahin;

Sundan mo ako!

Ako’y gayahin;

Sundan mo ako!

Mataas o mababa,

Mabilis o mabagal,

Ako’y gayahin;

Sundan mo ako!

Ako’y gayahin;

Sundan mo ako.

(© 1963 ng D. C. Heath and Company. Muling inilimbag nang may pahintulot.)

Ipaliwanag sa mga bata na nang gawin nila ang mga galaw na ginawa mo, sinusunod nila ang iyong halimbawa. Kapag sinusundan ang halimbawa ng isang tao, ginagawa natin ang ginagawa nila. Sabihin sa mga bata na sinabi ni Jesus, “Magsisunod kayo” (tingnan sa Mateo 4:19).

Ipinadala ng Ama sa Langit si Jesucristo sa Lupa Upang Maging Halimbawa para sa Atin

Ipakita ang larawan 1–3, si Jesus ang Cristo. Ipaliwanag na ang isa sa mga dahilan ng pagpunta ni Jesus sa mundo ay upang maging halimbawa para sa atin at ipakita sa atin kung paano mamuhay. Si Jesus ay ganap. Ang ibig sabihin nito ay ginawa niya ang lahat ng bagay sa tamang paraan. Ang paraan ng kanyang pamumuhay noong narito sa mundo ay paraang dapat nating sikaping ipamuhay.

Buklatin ang Biblia at basahin ang Juan 13:15 sa mga bata. Sabihin sa mga bata na ito ang mga salita ni Jesus. Bigyang-diin na nais nating maging katulad ni Jesus at sundin ang kanyang halimbawa.

Awit

Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa unang bahagi ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (I”m Trying to Be Like Jesus, Children’s Songbook, p. 78).

Sinisikap kong tularan;

Ang ugali ni Jesus.

Aking ipinapakita,

Pagmamahal sa lahat.

(© 1980 ni Janice Kapp Perry. Ginamit nang may pahintulot.)

Awit

  • Anong mga uri ng bagay ang dapat nating gawin kung sinisikap nating maging katulad ni Jesus?

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–63, Si Zaqueo sa Isang Puno, at isalaysay ang kuwento ni Jesus at Zaqueo, na matatagpuan sa Lucas 19:1–10. Ipaliwanag na nagpakita sa atin ng mabuting halimbawa si Jesus nang naging mabait siya kay Zaqueo. Kahit na hindi ibig ng ibang tao si Zaqueo, nais ni Jesus na magpunta sa kanyang bahay at maging kaibigan niya.

Kuwento

  • Paano naging mabait si Jesus kay Zaqueo? (Tingnan sa Lucas 19:5.)

  • Ano sa palagay ninyo ang nadama ni Zaqueo nang naging mabait si Jesus sa kanya?

Awit

Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Lahat ay Magmahalan, Sabi ni Jesus” (Jesus Said Love Everyone, Children’s Songbook, p. 61), na ginagamit ang mga galaw na nakasaad sa ibaba:

Lahat ay magmahalan (ipakabukas ang mga kamay);

Sabi ni Jesus (itangu-tango ang ulo).

Kung puso’y may pag-ibig (ilagay ang mga kamay sa tapat ng puso),

Mamahalin ka (yakapin ang sarili).

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–64, Nananalangin si Jesus na Kasama ng mga Nephita, at isalaysay ang kuwento kung paano nanalangin si Jesus para sa mga batang Nephita, na matatagpuan sa 3 Nephi 17:11–24. Ipaliwanag na ipinakita ni Jesus sa pamamagitan ng halimbawa na kailangan nating manalangin para sa iba.

Kuwento

  • Sino ang ipinanalangin ni Jesus? (Tingnan sa 3 Nephi 17:21.)

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ng mga bata nang manalangin si Jesus para sa kanila?

  • Sino ang maaari nating ipanalangin?

Talakayin ang mga tao na maaari nating ipanalangin, katulad ng mga kasapi ng mag-anak, mga taong maysakit, ang mga misyonero, at ang ating mga pinuno ng Simbahan.

Gawain

Ipakita ang larawan 1–63, Si Zaqueo sa Isang Puno, at ang larawan 1–64, Nananalangin si Jesus na Kasama ang mga Nephita, sa magkabilang panig ng silid, at maglagay sa sahig ng mga bakas ng paa na gawa sa papel na patungo sa bawat larawan. Paawitin ang mga bata o ipabigkas muli ang mga salita sa unang bahagi ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” habang sinusundan nila ang mga bakas ng paa na patungo sa bawat larawan.

Tumigil sa bawat larawan at ipasalaysay muli sa mga bata ang kuwento, sa abot ng kanilang makakaya. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na sila ay maaaring maging mabuting halimbawa katulad ni Jesus sa bawat kalagayan. Halimbawa, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga laruan o makipaglaro sa isang bata na nangangailangan ng kaibigan (Zaqueo), at maaari silang manalangin para sa isang taong maysakit o nangangailangan ng natatanging tulong (pananalangin para sa mga batang Nephita).

Tulungan ang mga bata na malaman na kapag nagpapakita sila ng pagmamahal sa iba sa pamamagitan ng pagiging mabait at sa pamamagitan ng pananalangin para sa kanila, ay sinusunod nila ang halimbawa ni Jesus. Nagpapakita din sila ng mabuting halimbawa sa ibang mga tao.

Awit

Awitin o bigkasin ang mga salita sa koro ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus,” na ginagamit ang mga galaw na nakasaad sa ibaba:

Mahalin ninyo ang bawat isa (yakapin ang sarili).

Kabaita’y inyong ipakita (kamayan ang isang tao).

Maging mapagmahal sa diwa’t gawa (magkunwaring ang isang kamay ay ulo ng isang hayop at haplusin ito sa pamamagitan ng kabilang kamay),

Ito ang aral ni Jesus (pagdikitin ang mga kamay, na nakaharap sa itaas ang mga palad, katulad ng isang aklat ng banal na kasulatan).

(© 1980 ni Janice Kapp Perry. Ginamit nang may pahintulot.)

Maaari tayong maging mabubuting halimbawa sa iba

Ipaliwanag na katulad ng pagsunod ng mga bata sa halimbawa ni Jesus, ang ibang tao ay nagmamasid sa kanila at sinusundan ang kanilang mga halimbawa.

Gawain

Hayaang magpunta ang isang bata sa harapan ng klase at maging pinuno. Hayaang pamunuan ng bata ang ibang mga bata sa mga galaw katulad ng pagpalakpak ng mga kamay, pag-ikot, o paglundag. Ulitin ang gawain upang mabigyang pagkakataon ang ibang bata na maging pinuno.

Ipaliwanag na may ibang higit na mahahalagang paraan upang maging halimbawa kaysa sa paggalaw ng ating mga katawan. Sabihin sa mga bata na maaari silang maging mabubuting halimbawa sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuting bagay, katulad ng pagsasabi ng totoo, pagsunod sa kanilang mga ina at ama, pagbabahagi ng kanilang mga laruan, pagiging magalang sa simbahan, at pagtulong sa kanilang mga mag-anak.

Gawain

  • Ano ang maaari ninyong gawin upang maging mabuting halimbawa sa iba?

Papag-isipin ang bawat bata ng isang paraang siya ay maaaring maging mabuting halimbawa at sabihin sa klase kung ano ang kanyang gagawin.

Patotoo

Isalaysay ang isang pagkakataon nang sinunod mo ang mabuting halimbawa ng isang tao. Ibahagi ang iyong pakiramdam tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesus. Himukin ang mga bata na magpakita ng mabuting halimbawa sa iba sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na gagawin ni Jesus.

Mga Gawaig Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Gumawa ng simpleng korona o sumbrero mula sa papel para sa bawat bata. Sa bawat korona o sumbrero, isulat ang Maaari akong maging isang mabuting halimbawa. Talakayin ang mga paraang maaaring maging mabuting halimbawa ang mga bata sa buong linggo.

  2. Awitin ang “Jesus Once Was a Little Child” (Children’s Songbook, p. 55), “Jesus Wants Me for a Sunbeam” (Children’s Songbook, p. 60), o “I Am like a Star” (Children’s Songbook, p. 163).

  3. Ipakita ang isang plaslayt o ibang munting ilaw. Sindihan ito at talakayin kung paanong nakatutulong sa mga tao ang plaslayt kapag ito ay nakasindi. Basahin nang malakas ang unang parirala sa 3 Nephi 12:16. Ipaliwanag sa mga bata na sila ay katulad ng mumunting ilaw kapag nagpapakita sila ng mabubuting halimbawa, sapagkat minamasdan sila ng ibang tao at sila ay sinusundan. Ipahawak sa isang bata ang plaslayt at akayin ang iba sa paligid ng silid. Ulitin hanggang sa ang bawat bata na nais maging pinuno ay nagkaroon ng pagkakataon.

  4. Patayuin ang mga bata at ipagawa ang mga galaw sa sumusunod na talatang gawain:

    Mahal ni Jesus ang Maliliit na Bata

    Ang ilang bata ay nagtatakbuhan sa maalikabok na lansangan (tumakbo sa kinatatayuan),

    Pinagmamadali ang kanilang maliliit na paa (ituro ang mga paa),

    Upang sa maraming tao ay makipagsiksikan (magkunwaring nakikipagtulakan sa maraming tao)

    Lumapit kay Jesus upang makita ang kanyang mukha (tumingkayad at lumingun-lingon).

    “Itaboy sila,” ang sabi ng ilang nakatatanda (itaas ang kamay na tila nagsasabing “tigil”).

    “Marami siyang ginagawa upang lapitan ng mga bata” (sumimangot at umiling).

    Ngunit sabi ni Jesus, “Palapitin sila sa akin” (ikaway ang mga kamay).

    “Sila’y mahalaga at mahal sa akin” (yakapin ang sarili).

    (Hinango mula kay Margaretta Harmon sa Bible Story Finger Plays and Action Rhymes [Cincinnati, Ohio: Standard Publishing, 1964], p.27.)

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Malilitt na Bata

  1. Hilingin sa mga bata na ulitin ang salitang halimbawa. Sabihin sa kanilang ang isang mabuting halimbawa ay isang taong nais mong maging katulad kapag malaki ka na. Ang mga magulang natin ay maaaring maging mabubuting halimbawa sa atin. Hilingan ang mga bata na magbanggit ng mga bagay na ginagawa ng kanilang mga magulang upang mapangalagaan sila o mapaligaya sila.

  2. Hayaang maghawakan ng mga kamay ang mga bata at gumalaw sa isang bilog habang inaawit o binibigkas mo ang mga salita sa “When We’re Helping” (Children’s Songbook, p. 198). Ulitin ang awit hanggang nais ninyo, na pinapalitan ang ina ng ama, kuya, ate, lola o lolo.

  3. Laruin ang “Sundin ang Pinuno” na kasama ang mga bata. Papilahin ang mga bata. Ang unang bata sa pila ay tatakbo, tatalon, lulundag o gagawin ang ibang galaw papunta sa kabilang panig ng silid. Susundan ng ibang bata ang unang bata, na ginagawa ang ginawa niya. Pagkatapos ay pupunta ang unang bata sa dulo ng pila, at ang kasunod na bata ang magiging bagong pinuno. Ipagpatuloy hanggang sa ang bawat bata ay magkaroon ng pagkakataon na maging pinuno.