Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 27: Maaari Tayong Manalangin Bilang Isang Mag-anak


Aralin 27

Maaari Tayong Manalangin Bilang Isang Mag-anak

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na maunawaan na ang palagiang pangmaganak na panalangin ay tumutulong na mapanatiling malapit ang isang maganak sa Ama sa Langit at sa bawat isa.

Paghahanda

  1. May panalanging pag-aralan ang Alma 34:19–27 at 3 Nephi 18:17–21. Tingnan din sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (31110), kabanata 8.

  2. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Aklat ni Mormon.

    2. Ginupit na larawan 1–26, ama; ginupit na larawan 1–27, ina; ginupit na larawan 1—28, batang babae; ginupit na larawan 1–29, batang lalaking nasa gulang ng misyonero (ang mga katulad na ginupit na larawan ay matatagpuan din sa pangkat 1 ng mga Ginupit na Larawang Pantulong sa Primarya).

    3. Larawan 1–10, Pangmag-anak na Panalangin (62275); larawan 1–15, Pagbabasbas ng Pagkain; larawan 1–44, Nagtuturo si Jesus sa Kanluraning Bahagi ng Daigdig (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 316; 62380).

  3. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman ng Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Hilingan ang mga bata na magsabi ng tungkol sa isang bagay na ginagawa nila na kasama ang kanilang mga mag-anak. Bigyan ng pagkakataon ang bawat bata upang sumagot. Pagkatapos ay ipakita ang larawan 1–10, Pangmag-anak na Panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

  • Ano ang ginagawa ng mag-anak na ito?

Ipaliwanag na kapag tayo ay nananalangin bilang isang mag-anak, ginagawa natin ang isang bagay na nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na gawin natin. Ang pananalangin bilang isang mag-anak ay tinatawag na pangmag-anak na panalangin.

Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na manalangin tayo na kasama ang ating mga mag-anak

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–44, Nagtuturo si Jesus sa Kanluraning Bahagi ng Daigdig. Sabihin ang tungkol sa pagdalaw ni Jesucristo sa mga Nephita at pag-uutos sa kanila na manalangin, na katulad ng inilalarawan sa 3 Nephi 18:17–21. Ipakita sa mga bata ang Aklat ni Mormon at basahin nang malakas ang 3 Nephi 18:21. Tulungan ang mga bata na maunawaan na nais ni Jesus na manalangin tayo na kasama ang ating mga mag-anak. Sa katulad na paraan na binasbasan ang mga batang Nephita sa pamamagitan ng pangmag-anak na panalangin, ay gayundin na tayo ay babasbasan sa pamamagitan ng pangmag-anak na panalangin.

Maaari tayong magkaroon ng pangmag-anak na panalangin araw-araw

Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na manalangin tayong kasama ang ating mag-anak tuwing umaga at gabi. Karaniwan na ang tatay o ang taong namamahala sa mag-anak ang humihiling sa isang tao upang magbigay ng panalangin. Kahit sino sa mag-anak ay maaaring magbigay ng pangmaganak na panalangin.

  • Kailan tayo dapat manalangin na kasama ang ating mga mag-anak?

  • Sino ang maaaring bumigkas ng pangmag-anak na panalangin?

Awit

Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Panalangin ng Mag-anak” (Family Prayer, Children’s Songbook, p. 189).

Mag-anak nati’y tipunin,

Sa pananalangin.

Ama’y pasalamatan,

Sa biyayang nakamtan.

Awit

  • Ano ang binabanggit natin sa mga pangmag-anak na panalangin?

Ipaliwanag na ang mga bagay na sinasabi natin sa mga pangmag-anak na panalangin ay katulad din ng mga sinasabi natin sa sarili nating mga panalangin sa umaga at gabi. Ngunit sa mga pangmag-anak na panalangin ay binabanggit natin ang mga bagay na may kinalaman sa buong mag-anak, hindi lamang sa ating mga sarili.

Awit

Pagbalik-aralan ang mga bagay na binabanggit natin kapag nananalangin tayo sa pamamagitan ng pag-awit o pagbigkas ng mga salita sa pangalawang talata ng “Ako ay Nananalangin nang may Pananampalataya” (I Pray in Faith, Children’s Songbook, p. 14).

Simula ko’y, “Mahal na Ama sa Langit”;

Salamat sa pagpapala;

At sa kanya’y hihingin ang kailangan,

Sa pangalan ni Jesus, Amen.

(© 1987 ni Janice Kapp Perry. Ginamit nang may pahintulot.)

Awit

  • Ano ang sinasabi natin sa simula ng panalangin?

  • Ano ang sinasabi natin sa hulihan ng panalangin?

  • Ano ang dapat gawin ng lahat habang binibigkas ang panalangin?

Ipaliwanag na ang pagsasabi ng “amen” sa hulihan ng isang panalangin ay nangangahulugan na sumasang-ayon tayo sa binanggit sa panalangin.

Ipakita ang larawan 1–15, Pagbabasbas ng Pagkain. Ipaliwanag na nananalangin din tayo bilang isang mag-anak kapag humihingi tayo ng pagbabasbas sa ating pagkain.

Awit

  • Ano ang sinasabi natin kapag humihingi tayo ng pagbabasbas sa pagkain? (Pinasasalamatan natin ang Ama sa Langit para sa pagkain at hinihiling sa kanyang basbasan ito.)

  • Sino ang maaaring bumigkas ng panalangin upang humiling sa Ama sa Langit na basbasan ang pagkain?

Awit

Bigkasin muli ang mga salita sa “Ako ay Nananalangin nang May Pananampalataya.”

Tumatanggap tayo ng maraming biyaya sa pamamagitan ng samasamang pananalangin bilang isang mag-anak

Kuwento

Ginagamit ang mga ginupit na larawan 1–26 hanggang 1–29, isalaysay ang isang kuwento tungkol sa isang mag-anak na sama-samang nananalangin para sa isang kasapi ng mag-anak na naglilingkod sa misyon. Maaaring naisin mong gamitin ang sumusunod na mga ideya:

Si Catherine ay isang batang babae. Mahal niya ang kanyang mag-anak at alam na siya ay mahal nila. Kung minsan ang kanyang nakatatandang kapatid na [lalaki] na si Paul ay nagsasalaysay sa kanya ng mga kuwentong mula sa Biblia at sa Aklat ni Mormon. Pinag-aaralan ni Paul ang mga aklat na ito dahil sa nais niyang magpunta sa misyon at sabihin sa ibang mga tao ang tungkol sa mga ito.

Isang araw ay tumanggap ng liham si Paul. Nang buksan niya ang liham, siya ay tuwang-tuwa. “Magmimisyon na ako!” ang sabi niya. Pagkaraan ng ilang linggo, sa wakas ay nakahanda nang umalis si Paul. Bago siya umalis, ang mag-anak ay lumuhod para sa pangmag-anak na panalangin. Pinasalamatan ng ama ni Catherine ang Ama sa Langit para sa maraming biyayang tinanggap ng kanilang mag-anak at sa pagkakataon na makapaglingkod si Paul sa misyon. Hiniling niya sa Ama sa Langit na basbasan si Paul, na panatilihin siyang ligtas, at tulungan siyang maging isang mabuting misyonero. Ang panalangin ay nagdulot ng maligayang pakiramdam kay Catherine. Alam niyang tutulungan ng Ama sa Langit si Paul sa kanyang misyon. Si Catherine at ang kanyang mag-anak ay nanalangin araw-araw para kay Paul habang siya ay nasa kanyang misyon.

Ipaliwanang na maaaring sama-samang manalangin ang mga mag-anak para sa isang taong maysakit, para sa tulong sa isang suliranin ng mag-anak, para sa isang misyonero na nangangailangan ng tulong ng Ama sa Langit, at para sa marami pang mga dahilan. Ipaliwanag na maaari tayong manalangin para sa alinmang bagay na mahalaga sa atin. Gamitin ang Alma 34:19–27 upang tulungan ang mga bata na maunawaan kung kailan mananalangin.

Basahin muli nang malakas ang 3 Nephi 18:21. Paalalahanan ang mga bata na ipinangako ni Jesus na tayo ay pagpapalain kung nagkakaroon tayo ng pangmag-anak na panalangin.

Patotoo

Ipahiwatig ang iyong patotoo sa pangmag-anak na panalangin. Maaaring naisin mong pag-usapan ang tungkol sa isang panahon kung kailan pinatatag ng pangmag-anak na panalangin ang iyong sariling mag-anak.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Gawin ang sumusunod na talatang gawain na kasama ang mga bata:

    Ito ang nanay ko, na tumutulong sa akin sa paglalaro (itaas ang unang daliri):

    Ito ang tatay ko, na gumagawa sa buong maghapon (itaas ang pangalawang daliri).

    Ito ang kuya ko, na napakalakas at napakatangkad (itaas ang pangatlong daliri);

    Ito ang ate ko, na nais maglaro ng bola (itaas ang pang-apat na daliri).

    At ako ito; ikinagagalak kong sabihin (itaas ang hinlalaki).

    Sama-samang lumuluhod ang mag-anak namin sa panalangin (itikom ang kamao).

  2. Isa-isang ihagis o iabot ang isang malambot na bagay katulad ng supot ng bins o bola sa mga bata. Pagkatapos na masapo ng mga bata ang bagay, hilingan silang magbanggit ng isang bagay na mapasasalamatan nila sa Ama sa Langit kapag binibigkas nila ang pangmag-anak na panalangin. Pagkatapos na magkaroon ng pagkakataon ang bawat bata, ulitin ang gawain, na ipinababanggit sa mga bata ang mga bagay na maaari nilang hilingin sa Ama sa Langit kapag binibigkas nila ang pangmag-anak na panalangin.

  3. Bigyan ang bawat bata ng isang pirasong papel at mga krayola o mga lapis. Ipaguhit sa mga bata ang mga larawan ng kanilang mga mag-anak na nananalangin. Pamagatan ang bawat larawan ng Maligaya ako kapag samasamang nananalangin ang aking mag-anak.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Tulungan ang mga bata na ulitin ang talatang ito nang hanay sa hanay:

    Mahal natin ang Ama sa Langit;

    Pinasasalamatan natin siya kapag tayo’y nananalangin.

    Mahal tayo ng Ama sa Langit;

    Naririnig niya ang mga bagay na ating binabanggit.

  2. Isalaysay ang kuwento ng isang mag-anak na sama-samang nananalangin at tumatanggap ng kailangang tulong. Halimbawa, maaaring naligaw ang isang mag-anak at pagkatapos ay nahanap nila ang daan; maaaring naiwala nila ang isang bagay at pagkatapos ay nahanap ito; o maaaring maysakit ang isa sa mag-anak at pagkatapos ay napagaling. Imungkahi na bilang karagdagan sa pananalangin para sa tulong, dapat alalahanin ng mag-anak na mag-alay ng panalangin ng pasasalamat pagkatapos na tanggapin ang tulong na kailangan nila. Paalalahanan ang mga bata na maligaya ang Ama sa Langit kapag pinasasalamatan natin siya para sa mga biyaya na ibinibigay niya sa atin.

  3. Awitin o bigkasin ang mga salita sa una at pangatlong mga talata ng “Thanks to Our Father” (Children’s Songbook, p. 20).