Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 7: Tinutulungan Ako ng Espiritu Santo


Aralin 7

Tinutulungan Ako ng Espiritu Santo

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na maunawaan na ang Espiritu Santo ay tumutulong sa atin.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Juan 14:16-17; 2 Nephi 32:5; Moroni 10:4-5; at Doktrina at mga Tipan 39:23; 130:22. Tingnan din ang Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (31110), kabanata 7.

  2. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia at isang kopya ng Doktrina at mga Tipan.

    2. Isang pangkaraniwang bagay at isang bag na paglalagyan nito.

    3. Larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 240; 62572); larawan 1–4, Ang Unang Pangitain (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 403; 62470).

  3. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Palapitin mo sa iyo ang isang bata. Bumulong sa kanyang tainga ng isang bagay tungkol sa Espiritu Santo, katulad ng “Tinutulungan ng Espiritu Santo ang Ama sa Langit at si Jesus.” Ulitin ito sa ibang bata na nasa klase (maaari mong sabihin ang gayunding bagay sa bawat bata). Tanungin ang mga bata kung alam nila kung sino ang inyong pag-uusapan sa araw na ito. Ipaliwanag na pag-uusapan ninyo ang tungkol sa katulong ng Ama sa Langit at ni Jesus.

Ipakita ang larawan 1–4, Ang Unang Pangitain. Ituro ang Ama sa Langit at si Jesus at ipaliwanag na sila ay may mga katawang lupa na katulad ng sa atin. Ipaliwanag na ang Espiritu Santo ay katulad ng Ama sa Langit at ni Jesus sa maraming paraan. Mahal niya tayo at tayo ay tinutulungan. Ngunit wala siyang katawang lupa na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesus. Siya ay espiritu kaya tahimik niyang nailalagay ang mga ideya sa ating mga isipan at binibigyan tayo ng mga damdamin ng kasayahan at kaaliwan.

Binibigyan tayo ng aliw at tulong ng Espiritu Santo

  • Kapag kayo ay nasasaktan o nalulungkot, paano kayo naaaliw o pinabubuti ang inyong pakiramdam ng inyong nanay o tatay?

Ipakita ang larawan 1–3, Si Jesus ang Cristo. Sabihin sa mga bata na alam ni Jesus na ang mga disipulo, na kanyang mga katulong, ay malulungkot kapag siya ay namatay, kaya’t sinabihan niya sila na hihilingin niya sa Ama sa Langit na ipadala ang isang taga-aliw upang tulungan silang hindi gaanong malungkot (tingnan sa Juan 14:16–17).

Sabihin sa mga bata na ang Espiritu Santo ang taga-aliw na ito, at maaaliw din niya tayo. Ipaliwanag na kapag tayo ay nalulungkot o nababagabag, tayo ay tutulungan ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagpapadala ng Espiritu Santo upang tayo ay aliwin.

Kuwento

Ipaliwanag na ang Espiritu Santo ay maaari ding magbabala at gumabay sa atin kapag kailangan natin ng tulong. Isalaysay sa iyong sariling pananalita ang sumusunod na kuwento tungkol sa batang Harold B. Lee, na naging ikalabingisang Pangulo ng Simbahan:

“Marahil ay walong taong gulang ako noon, o mas bata pa, nang ako ay dalhin ng aking ama sa isang bukid sa hindi kalayuan. Habang siya ay nagtatrabaho ay sinisikap kong gawing abala ang aking sarili sa mga bagay na ginagawa ng isang batang lalaki. Mainit ang araw at maalikabok at naglaro ako hanggang sa ako ay mapagod. Sa kabila ng bakod ay may sirang kamalig na labis na nakaakit sa akin. Sa aking isipan ay tila isang kastilyo ang sirang kamalig na ito na nais kong galugarin, kaya nagpunta ako sa bakod at nagsimulang umakyat upang makalipat at makapunta sa kamalig na iyon. Mayroon akong narinig na isang tinig na nagsabi ng napakahalagang bagay na ito, ‘Harold, huwag kang pupunta doon.’ Lumingon ako upang makita kung sino ang bumanggit ng pangalan ko. Ang tatay ko ay nasa kabilang dulo ng bukid. Hindi niya nakikita ang ginagawa ko. Wala akong nakitang nagsasalita. Noon ay napag-alaman ko na may isang tao na hindi ko nakikita ang nagbabala sa akin na huwag magpunta doon. Kung anuman ang naroon ay hindi ko na malalaman, ngunit nalaman ko kaagad na may mga taong hindi natin nakikita na maaaring makipag-usap sa atin” (sa Conference Report, Mexico City Area Conference 1972, p. 48–49).”

Ipaliwanag na minsan ay bumubulong sa atin nang malakas ang Espiritu Santo, katulad ng ginawa niya kay Pangulong Lee, ngunit kadalasan ay binibigyan lamang niya tayo ng pakiramdam sa kung ano ang dapat at hindi natin dapat gawin.

Tinutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman ang tama

Ipaliwanag na mahal tayo ng Espiritu Santo at tinutulungan tayong piliin ang tama. Pag-isipin ang mga bata ng mabubuting bagay na ginawa nila, katulad ng pagsunod sa mga magulang, pagtulong sa iba, at pagsambit ng kanilang mga panalangin.

  • Ano ang inyong pakiramdam kapag ginagawa ninyo ang mga bagay na tama?

  • Ano ang inyong pakiramdam kapag ginagawa ninyo ang mga bagay na mali?

Ipaliwanag na ang Espiritu Santo ay tumutulong sa atin na malaman ang pagkakaiba ng tama at mali sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng mabuti at mainit na damdamin kapag may isang bagay tayong ginawa na tama at malungkot na pakiramdam kapag ginawa natin ang isang bagay na mali.

Ipabahagi sa mga bata ang mga pagkakataon nang makadama sila ng mabuti at mainit na pakiramdam dahil sa nakagawa sila ng tamang pagpili o nakatulong sa isang tao. Tulungan silang maunawaan ang impluwensiya ng Espiritu Santo.

Awit

Kasabay ng mga bata, bigkasin ang mga salita sa “Dinggin, Dinggin.” (Listen, Listen, Children’s Songbook, p. 107).

Munting tinig ay dinggin!

Dinggin, dinggin!

Kung ikaw ay pipili,

S’ya’y gabay mo, ‘lagi.

Tinutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay tunay

Ipaliwanag na matutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman kung ang isang bagay ay totoo o tunay. Ipakita sa mga bata ang isang bag na may lamang isang bagay. Sabihin sa mga bata na may isang bagay na nasa loob ng bag, ngunit huwag ipakita sa kanila ang bagay.

  • May laman ba ang bag na ito?

Ipaliwanag na kahit na hindi nakikita ng mga bata ang bagay na nasa loob ng bag, alam nila na naroon ito dahil sinabi mo sa kanila. Kahit na kakaunting tao lamang ang nakakita sa Ama sa Langit at kay Jesus, matutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman na ang Ama sa Langit at si Jesus ay tunay at mahal nila tayo. Ipaliwanag na ang kaalamang ito ay tinatawag na patotoo. Minsan ay ipinahahayag ng mga tao ang kanilang mga patotoo sa mga pulong sa Simbahan at sinasabi sa atin na alam nila na buhay si Jesus. Tinulungan sila ng Espiritu Santo upang malamang ito ay totoo.

Matatanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo

Isalaysay ang iyong karanasan sa pagpapabinyag at pagtitibay. Sabihin kung ano ang iyong naramdaman nang ipatong ng mga kalalakihan na maytaglay ng pagkasaserdote ang kanilang mga kamay sa iyong ulo at ibinigay sa iyo ang kaloob na Espiritu Santo.

Basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 39:23 hanggang sa ang Espiritu Santo. Ipaliwanag na kapag ang mga bata ay walong taong gulang na at nabinyagan at napagtibay, magagawa nilang tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo. Ang kaloob na Espiritu Santo ang tutulong sa kanila na tuparin ang mga pangakong ginawa nila noong sila ay binyagan.

Patotoo

Ipahiwatig ang iyong pasasalamat sa Espiritu Santo at sabihin sa mga bata kung paano kang inaliw ng Espiritu Santo at tinulungang malaman kung ano ang tama.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa “The Still Small Voice” (Children’s Songbook, p. 106) o “The Holy Ghost” (Children’s Songbook, p. 105).

  2. Magpakita ng mga larawan ng mga taong gumagawa ng mabubuting bagay katulad ng pagbibigayan at pagtutulungan sa isa’t isa. Tanungin ang mga bata kung ano ang kanilang pakiramdam kapag gumagawa sila ng mga bagay na tama. Ilarawan sa mga bata ang ilang kalagayan ng mga tao na gumagawa ng mabubuti at masasamang bagay, katulad ng pagtulong sa kanilang mga ina, pakikipag-away sa kanilang mga kapatid, pagbabahagi ng kanilang mga laruan, at pagsuway sa kanilang mga magulang. Pangitiin ang mga bata kapag ang galaw ay mabuti at pasimangutin kapag ang galaw ay masama.

  3. Sa marahang tinig ay sabihing, “Ang lahat ng nakaririnig sa aking tinig, ilagay ang inyong daliri sa inyong ilong. Ang lahat ng nakaririnig sa aking tinig, ilagay ang inyong kamay sa inyong ulo.” Magpatuloy, na tinutukoy ang iba pang mga bahagi ng katawan, hanggang sa ang lahat ng bata ay nakikinig sa iyong marahang tinig. Ipaliwanag na kahit na nagsasalita ka nang marahan, kapag nakikinig ang mga bata, ay maririnig nila ang iyong tinig at makasusunod sa iyong mga tagubilin. Ipaliwanag na ang Espiritu Santo ay nangungusap sa atin sa marahang tinig. Kung makikinig tayong mabuti ay sasabihin niya sa atin ang mahahalagang bagay.

  4. Isalaysay sa pamamagitan ng iyong sariling pananalita ang sumusunod na kuwento tungkol kay Pangulong Wilford Woodruff ang ikaapat na Pangulo ng Simbahan:

    Isang gabi habang ang Pangulong Woodruff, ang kanyang asawa, at ang kanilang apat na anak ay naglalakbay, sila ay tumigil upang makitulog sa bahay ng isang kaibigan. Tatlo sa mga bata ang natulog sa bahay samantalang ang Pangulong Woodruff, ang kanyang asawa at ang isang anak ay natulog sa labas sa kanilang karwahe. Sinabi ni Pangulong Woodruff: “Kahihiga ko pa lamang sa aking higaan nang isang tinig ang nagsabi sa akin: ‘Magbangon ka at ialis mo ang iyong karwahe.’ Iyon ay hindi kulog, kidlat o isang lindol, kundi ang payapang maliit na tinig ng Espiritu ng Diyos—ang Espiritu Santo.… Bumangon ako at inialis ang aking karwahe … at itinabi sa bahay. Habang pabalik ako sa higaan ang Espiritu ring iyon ay nagsabi sa akin, ‘Humayo ka at ilayo ang iyong mga mola sa puno.’ … Inilipat ko ang mga ito sa kakahuyan at itinali ang mga ito. Pagkatapos ay nagbalik ako sa higaan. Sa loob ng tatlumpung minuto ay nagdaan ang isang buhawi sa puno na dating pinagtalian ko ng mga mola, binunot ito sa lupa at inihagis ng mga isang daang yarda ang layo at sinira ang dalawang bakod na dinaanan nito, at ibinagsak ito … sa [dating] kinatatayuan ng aking karwahe…. Sa pamamagitan ng pagsunod sa paghahayag ng Espiritu ng Diyos sa akin ay nailigtas ko ang aking buhay at mga buhay ng aking asawa at anak, gayundin ang sa aking mga hayop” (“Leaves from My Journal,” Millenial Star, 12 Dis. 1881, p. 790–91).

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Isang linggo bago ang araling ito, hilingin sa mga magulang ng bawat bata na hayaang magdala ang bata ng isang “nakagiginhawang bagay” sa klase. Ito ay maaaring isang natatanging kumot o laruan o isang natatanging awit na aawitin. Magdala ng ilang labis na bagay sakaling makalimutan ng isa na magdala.

    Sa klase, pag-usapang kasama ang mga bata kung paano ipinadadama sa kanila ng mga bagay na ito na sila ay ligtas at minamahal. Ipaliwanag na ang isa sa mahahalagang katulong ng Ama sa Langit at ni Jesus ay makapagpapadama sa atin na tayo ay ligtas at minamahal. Ang nilikhang ito ay tinatawag na Taga-aliw kung minsan, dahil ipinadadala siya ng Ama sa Langit sa atin kapag tayo ay nakadarama ng kalungkutan o pag-aalala. Ang nilikhang ito ay ang Espiritu Santo, isang kahanga-hangang kaibigan!

  2. Awitin o bigkasin ang mga salita sa mga linya ng “Ang Munting Tinig.” (The Still Small Voice, Children’s Songbook, p. 106) at tulungan ang mga bata na gawin ang nakasaad na mga galaw:

    Dinggin, dinggin (takpan ng kamay ang tainga).

    Sa ‘tin s’yang nagsasabi (ilagay ang hintuturo sa labi).

    Dinggin, dinggin (takpan ng kamay ang tainga)

    Ang munting tinig (ipatong ang kamay sa dibdib).