Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 31: Nagpapasalamat Ako Para sa Aking Tahanan


Aralin 31

Nagpapasalamat Ako Para sa Aking Tahanan

Layunin

Upang himukin ang bawat bata na makadama ng pagpapasalamat para sa kanyang tahanan at upang tumulong na mangalaga nito.

Paghahanda

  1. May panalanging pag-aralan ang 1 Nephi 2:2–6; 17:7–8; at 6, 23.

  2. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Aklat ni Mormon.

    2. Isang sisidlan na may tubig, isang sisidlan na may lupa at isang maliit na sanga. Kung mamarapatin mo, magdala ng mga larawan ng isang lawa, lupa at isang puno.

    3. Papel at krayola o mga lapis.

    4. Larawan 1–60, Si Lehi at ang Kanyang mga Tao ay Dumating sa Lupang Pangako (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 304; 62045); larawan 1–61, Paglalakbay Mula sa Nauvoo (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 410; 62493).

  3. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Ipakita ang sisidlan o larawan ng tubig at itanong kung anong mga hayop o mga kulisap ang tumitira sa tubig. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng marami hangga’t maaari. Ipakita ang lupa at pagkatapos ang sanga, at tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga hayop at mga kulisap na gumagawa ng kanilang tahanan sa lupa at mga puno.

Gawaing Pantawag Pansin

  • Ano sa palagay ninyo ang magiging anyo ng inyong tahanan kung ito ay nasa tubig?

  • Ano ang maaaring mangyari kung ang inyong tahanan ay nasa isang puno?

Maraming iba’t ibang uri ng mga tahanan

Ipaliwanag na ang mga hayop at mga kulisap ay nakatira sa maraming iba’t ibang uri ng tahanan. Ang mga tao ay nakatira din sa iba’t ibang uri ng mga tahanan.

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–60, si Lehi at ang Kanyang mga Tao ay Dumating sa Lupang Pangako, at ipakita ang Aklat ni Mormon habang isinasalaysay mo ang tungkol kay Lehi at sa kanyang mag-anak at ang mga uri ng mga tahanan na kanilang tinirahan (tingnan sa 1 Nephi 2:2–6; 1 Nephi 17:7–8; at 1 Nephi 18:6, 23). Ang mag-anak ni Lehi ay may maginhawang tahanan sa Jerusalem , ngunit nang sabihin ng Panginoon sa kanila na lisanin ang Jerusalem, sila ay naglakbay sa disyerto at nanirahan sa mga tolda. Pagkalipas ng maraming taon ay inutusan ng Panginoon si Nephi, ang anak na lalaki ni Lehi, na magtayo ng isang sasakyang-dagat. Si Lehi at ang kanyang mag-anak ay tumira sa sasakyangdagat habang naglalakbay sila patungo sa lupang pangako, isang pook na inihanda ng Ama sa Langit at ni Jesus upang kanilang tirahan. Pagkatapos na dumating sa lupang pangako, muling nanirahan sa mga tolda si Lehi at ang kanyang mag-anak hanggang sa makapagtayo sila ng higit na pangmatagalang mga tahanan.

Kuwento

  • Anong iba’t ibang uri ng mga tahanan ang tinirahan ni Lehi at ng kanyang mag-anak?

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–61, Ang Paglalakbay Mula sa Nauvoo. Sabihin ang tungkol sa mga naunang kasapi ng Simbahan na nagtatag ng isang lungsod na tinawag na Nauvoo. Masipag silang gumawa upang maitayo ang kanilang mga tahanan at ang isang magandang templo. Ngunit ang ilang tao sa paligid ng Nauvoo ay hindi nalugod sa mga kasapi ng Simbahan at pinilit silang lumisan. Naglakbay ang mga kasapi ng Simbahan na ang tanging dala ay ang mga ari-arian na nagkasya sa mga natataklubang bagon. Dahil sa ang mga natataklubang bagon ay maliliit, kinailangang iwanan ng marami sa mga bata ang kanilang mga laruan. Ang ilan sa mga tao ay tumira sa kanilang natataklubang bagon at sa mga tolda nang mahabang panahon.

Kuwento

  • Bakit magiging mahirap ang tumira sa isang natataklubang bagon o tolda?

Gawain

Patayuin ang mga bata at ipagawa ang sumusunod na talatang gawain:

Ang mga batang tagabunsod ay naglakad at nag-usap-usap (lumakad sa kinatatayuan);

Pagkatapos sila ay naglaro at kandirit na nagpalundag-lundag (lumundag o tumalon sa kinatatayuan).

Nang gumabi, mga tala’y nagkislapan at nagningning (isara at ibukas ang mga kamay);

Sa loob ng kanilang mga bagon ay natulog at nanaginip (ipikit ang mga mata, ihimlay ang ulo sa mga kamay).

Ang tahanan ay isang pook kung saan tayo ay minamahal

Ipaliwanag na ang uri ng tahanan na ating tinitirahan ay hindi mahalaga. Maaari tayong tumira sa isang malaking bahay, sa isang maliit na bahay, isang paupahang-bahay, isang tolda o isang bangka. Ang mahalagang bagay ay na ang ating mga tahanan ay mga pook kung saan nagmamahalan ang bawat isa sa mga kasapi ng mag-anak. Magsabi ng tungkol sa iyong sariling tahanan at kung ano ang ginagawa mo upang gawin itong kaibig-ibig na pook.

  • Bakit gusto ninyong nasa tahanan?

  • Paano ninyo malalaman na mahal kayo ng inyong mag-anak?

  • Nagpalipas na ba kayo ng gabi nang malayo sa tahanan?

  • Saan kayo natulog?

  • Ano ang naging pakiramdam ninyo nang magbalik kayo sa inyong sariling tahanan?

Paalalahanan ang mga bata kung gaano kasarap ang magbalik sa kanilang sariling mga tahanan at mga higaan.

Awit

Hayaang tumayo ang mga bata at makinig habang binibigkas mo ang mga salita sa “Tahanan” (Home, Children’s Songbook, p. 192). Sabihin sa mga bata na yakapin ang kanilang mga sarili sa tuwing maririnig nila ang salitang tahanan. Kung nanaisin mo, ulitin ang talata at hayaang awitin o bigkasin ng mga bata ang mga salita na kasama ka.

Puso’y masaya

Kapag nasa tahanan.

Dito matatagpuan

Ang pagmamahalan.

(© 1975 ng Sonos Music, Orem, Utah. Ang lahat ng karapatan ay nakalaan. Ginamit nang may pahintulot).

Matutulungan natin ang ating mga mag-anak na pangalagaan ang ating mga tahanan

Ipaliwanag na kailangan nating pangalagaan ang ating mga tahanan upang ang mga ito ay maging mabuting pook na titirahan. Ang bawat kasapi ng mag-anak ay dapat na tumulong na panatilihing masinop at malinis ang tahanan.

Gawain

Ipasadula sa mga bata ang mga bagay na magagawa nila upang tumulong na mapanatiling masinop at malinis ang kanilang mga tahanan, katulad ng pagdampot ng kanilang mga laruan, pagwawalis ng sahig, at pagtutupi at pagliligpit ng kanilang mga damit.

Anyayahan ang mga bata na isa-isang lumapit at tumayo sa tabi mo. Ilarawan sa bawat bata ang kalagayan kung saan siya ay maaaring maging mabuting tagatulong sa tahanan. Tanungin ang bata kung ano ang kanyang gagawin sa bawat kalagayan upang makatulong. Gamitin ang sumusunod na halimbawa o gumawa ng mga sarili mong kalagayan upang umangkop sa mga kasapi ng klase:

Gawain

  • Natapon ang isang basong tubig sa sahig nang hindi mo sinasadya. Ano ang dapat mong gawin?

  • Naglaro ka ng iyong maliliit na piraso ng kahoy sa buong maghapon. Ngayon ay oras na para kumain. Ano ang gagawin mo sa iyong maliliit na piraso ng kahoy?

  • Nagmamadali ang iyong ina sa paghahanda ng hapunan sa mesa. Kailangan niya ng isang tao upang maiayos ang mesa bago makakain ang mag-anak. Ano ang maaari mong gawin?

  • Nalabhan na ang iyong mga damit at maayos na naitupi. Ano ang dapat mong gawin sa mga ito ngayon?

  • Naglalaro ka sa labas at punung-puno na ng putik ang iyong mga sapatos. Ano ang dapat mong gawin bago ka pumasok sa bahay?

  • Magulo ang iyong higaan nang umagang magbangon ka mula rito. Ano ang dapat mong gawin dito?

Himukin ang mga bata na pag-usapan ang mga bagay na ginagawa nila upang makatulong sa pagpapanatiling masinop at malinis ng kanilang mga tahanan. Sabihin sa mga bata kung paano kang gumagawa upang mapanatiling masinop at malinis ang iyong tahanan.

Gawain

Bigyan ang mga bata ng papel at mga krayola o lapis at hayaan ang mga bata na gumuhit ng larawan ng isang bagay na gagawin niya sa buong linggo upang makatulong sa tahanan. Pamagatan ang bawat larawan ng Nagpapasalamat ako para sa aking tahanan.

Patotoo

Ibahagi ang iyong damdamin tungkol sa iyong tahanan at ipahiwatig ang iyong pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pagbibigay biyaya sa iyo ng isang tahanan.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Magdala ng ilang pangkaraniwang kagamitang pantahanan (kahit isa lamang para sa bawat bata) sa isang supot. Hayaang pumili ang bawat bata ng isang bagay mula sa supot at ipaliwanag kung paano gamitin ito habang tumutulong sa paligid ng bahay. Halimbawa, ang isang tela ay magagamit sa pagpupunas ng alikabok o pagpapatuyo ng mga pinggan, ang isang kutsara ay magagamit kapag inihahanda ang mesa para sa pagkain, at ang isang laruan ay maaaring iligpit kapag naglilinis ng silid.

  2. Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Masayang Gawain,” (Fun to Do, Children’s Songbook, p. 253), na ginagamit ang mga parirala na katulad ng “Ang pagliligpit ng higaan ay masayang gawain” o “Ang pag-aayos ng mesa ay masayang gawain” habang isinasadula (pantomime) ang galaw.

  3. Bakasin ang mga kamay ng bawat bata sa isang pirasong papel upang maiuwi. Pamagatan ang bawat papel ng Ako ay may mga kamay na tumutulong. Pag-usapan ang maaaring gawin ng mga kamay ng mga bata upang makatulong.

  4. Papagkunwariin ang mga bata na ang kanilang mga upuan ay mga natataklubang bagon. Hayaang hilahin nila ang kanilang mga upuan at gumawa ng malaking bilog na katulad ng ginawa ng mga tagabunsod kapag gabi na bilang pananggalang mula sa mga hindi magiliw na mga tao at mababangis na hayop. Hayaang isadula nila ang pagsisiga at pagluluto ng hapunan, pag-aawitan at pagsasayawan pagkatapos ng hapunan, at paglulan sa kanilang mga bagon (mga upuan) upang matulog.

  5. Magdala ng mga larawan ng iba’t ibang mga tahanan, o iguhit ang mga ito sa pisara o sa isang pirasong papel. Talakayin sa mga bata kung saang yari ang bawat bahay at kung paano ang tumira dito. Maaari mong isama ang isang tolda, isang igloo (bahay na yari sa mga bloke ng yelo na pabilog ang bubong), isang kastilyo, isang kubo at isang bahay na nasa tayakad.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Awitin o bigkasin ang mga salita sa “When We’re Helping” (Children’s Songbook, p. 198). Ipasadula ng mga bata ang mga bagay na magagawa nila upang makatulong sa paligid ng kanilang mga tahanan.

  2. Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw sa sumusunod na laro sa daliri:

    Masisipag na maliliit na daliri (itaas ang isang kamao),

    Sino ang tutulong sa ating sumunod?

    “Ako.” “Ako.” “Ako.” “Ako.” “Ako.” (magiladlad ang isang daliri sa bawat “Ako” hanggang sa ang lahat ng mga daliri ay mailadlad),

    Ang sabi ng masisipag na daliri.