Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 17: Nagpapasalamat Ako Para sa Aking mga Kamay


Aralin 17

Nagpapasalamat Ako Para sa Aking mga Kamay

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na pahalagahan ang kanyang mga kamay at ang mga nagagawa ng mga ito.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Mateo 19:13–15 at Doktrina at mga Tipan 20:70; 35:6; 42:43–44.

  2. Maghanda ng isang bag o kahon na naglalaman ng mga karaniwang bagay na may iba’t ibang pagkayari at hugis, katulad ng isang bato, dahon, isang piraso ng tela, isang kutsara, isang suklay, at isang lapis. Magdala ng kahit na isang bagay para sa bawat bata sa klase.

  3. Kung maaari, gumawa ng kopya ng bigay-sipi ng pakikipag-usap sa pamamagitan ng senyas (na matatagpuan sa hulihan ng aralin) para sa bawat bata.

  4. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia.

    2. Isang maliit na bagay tulad ng isang butones o barya.

    3. Larawan 1–8, Pagpapasa ng Sakramento (62021); larawan 1–11, Batang Lalaking Binibinyagan (62018); larawan 1–12, Batang Babaeng Pinagtitibay (62020); larawan 1–39, Pagbabasbas ng Isang Sanggol; larawan 1–40, Pangangasiwa sa Maysakit (62342).

  5. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Paalala sa guro: Maging madaling makadama sa mga damdamin ng sinuman sa mga bata sa iyong klase na may mga pisikal na kapansanan. Ituon ang pansin sa mga bagay na nagagawa ng kanilang katawan, hindi sa kanilang mga kapansanan.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Ipaabot sa kamay ng isang bata ang bag o kahon na inihanda mo, nang hindi tinitingnan ang loob nito. Hilingin sa bata na salatin ang isa sa mga bagay at sabihin kung ano ang salat nito (malambot, matigas, makinis, magaspang), at subukang hulaan kung ano ito. Pagkatapos ay ipaalis sa bata ang bagay mula sa bag o kahon at ipakita ito sa klase. Ipahipo ito sa ibang mga bata. Ipagpatuloy hanggang sa ang bawat bata ay magkaroon ng pagkakataon.

Gawaing Pantawag Pansin

  • Ano ang ginamit mo upang maabot ang bag (kahon)?

  • Ano ang ginamit mo upang masalat ang bagay?

Ipaliwanag na ang ating mga kamay ay malaking pagpapala sa atin. Magagamit natin ang ating mga kamay sa maraming paraan.

Magagawa natin ang maraming bagay sa pamamagitan ng ating mga kamay

Ipataas sa mga bata ang kanilang mga kamay at tumingin sa mga ito. Pagusapan ang magagawa ng mga bata sa pamamagitan ng kanilang mga kamay. Maaari nilang damputin ang isang bagay sa pamamagitan ng kanilang mga daliri at hinlalaki; mahahawakan nila ang isang bagay sa kanilang mga palad; maikakaway nila at maihaharap sa anumang direksiyon ang kanilang mga kamay.

Gawain

Sa pamamagitan ng paggamit ng isang maliit na bagay na katulad ng isang butones o barya, hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagsubok na damputin ang bagay nang hindi ginagamit ang kanilang mga hinlalaki. Paalalahanan ang mga bata na ang bawat isang bahagi ng ating katawan ay mahalaga.

Gawain

Gawain

  • Paano kayong tinulungan ng inyong mga kamay upang makapaghanda sa pagpunta sa simbahan?

Ipasadula sa mga bata ang mga gawain sa umaga, katulad ng paghihilamos ng kanilang mukha, pagbibihis, pagsusuklay ng kanilang buhok, pagkain, at pagsisipilyo ng ngipin.

Gawain

  • Paano kayong tinutulungan ng inyong mga kamay na maglaro?

Ipasadula sa mga bata ang mga paraan ng paggamit nila ng kanilang mga kamay sa paglalaro, katulad ng pagpapatalbog ng bola, pagpapakain ng manika, paggawa sa pamamagitan ng maliliit na mga bloke ng kahoy o buhangin, o pagtugtog ng tambol.

Gawain

  • Paano kayong tinutulungan ng inyong mga kamay na magtrabaho?

Ipasadula (pantomime) sa mga bata ang mga paraan ng paggamit nila ng kanilang mga kamay sa pagtatrabaho, katulad ng pagdampot ng mga laruan, paghahanda ng mesa, pagliligpit ng higaan, o pagpapakain ng isang alaga.

Gawain

  • Paano kayong tinutulungan ng inyong mga kamay kapag nagpupunta kayo sa simbahan?

Ipasadula (pantomime) sa mga bata ang mga paraan ng paggamit natin ng ating mga kamay sa simbahan, katulad ng pakikipagkamay, paghawak ng isang larawan, pagtataas ng kamay upang sagutin ang isang tanong, o pagtanggap ng sakramento.

Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang ating mga kamay ay isang malaking pagpapala sa atin at nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na gamitin natin ang ating mga kamay upang tulungan ang ating sarili at ang iba. Ipaliwanag na ayaw ng Ama sa Langit at ni Jesus na gamitin natin ang ating mga kamay sa pagiging malupit sa iba—upang manghampas o mangurot o mangalmot. Nais nilang matutuhan nating gamitin ang ating mga kamay sa mga tamang paraan.

Ginagamit ng ibang tao ang kanilang mga kamay upang tulungan tayo

  • Paanong ginagamit ng inyong mga magulang at ng ibang kasapi ng maganak ang kanilang mga kamay upang tulungan kayo?

Pag-usapan kung paano inihahanda ng ating mag-anak ang ating pagkain, nilalabhan ang ating mga damit, itinatali ang ating mga sapatos, nakikipaglaro sa atin, at ginagawa ang marami pang bagay para sa atin.

Ipaliwanag na tayo ay maaaring basbasan ng mga kalalakihang maytaglay ng pagkasaserdote sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Isa isang ipakita ang mga larawan na nakalista sa bahaging “Paghahanda,” at ipabanggit sa mga bata ang iba’t ibang uri ng mga pagbabasbas na matatanggap natin sa pamamagitan ng mga kamay ng mga maytaglay ng pagkasaserdote. Tulungan silang maunawaan na maaari tayong mabigyan ng mga pagbabasbas kapag tayo ay mga sanggol; maaari tayong binyagan kapag tayo ay walong taong gulang; maaari tayong pagtibayin pagkatapos ng binyag at mabigyan ng kaloob na Espiritu Santo; maaari nating tanggapin ang tinapay at tubig, na nabasbasan at ipinapasa ng mga maytaglay ng pagkasaserdote, sa panahon ng sakramento bawat linggo; at maaari tayong tumanggap ng mga pagbabasbas kapag maysakit tayo.

Kuwento

Buksan ang inyong Biblia sa Mateo 19:13–15 at isalaysay ang kuwento ng pagbabasbas ni Jesus sa mga bata. Basahin nang malakas ang unang bahagi ng talata 13 (hanggang sa ipanalangin). Pag-usapan kung paanong ginamit ni Jesus ang kanyang mga kamay upang basbasan ang mga bata.

Ipaliwanag na ginamit din ni Jesus ang kanyang mga kamay upang tulungan ang mga tao sa ibang paraan, katulad ng pagbabasbas sa kanila kapag sila ay maysakit, bulag, o bingi.

Maaaring makapagsalita ang ating mga kamay

Gamitin ang iyong mga kamay upang kumaway o sumenyas. Tanungin ang mga bata kung ano ang sinasabi mo sa pamamagitan ng iyong mga kamay.

Ipaliwanag na ang ilang taong bingi at hindi makarinig o makapagsalita ay gumagawa ng mga senyas sa pamamagitan ng kanilang mga kamay na nangangahulugan ng mga salita. Nagsasalita sila sa pamamagitan ng kanilang mga kamay. Ito ay tinatawag na pakikipag-usap sa pamamagitan ng senyas.

Gawain

Sa pamamagitan ng paggamit ng bigay-sipi sa hulihan ng aralin, turuan ang mga bata kung paanong sabihin ang “ama,” “ina,” at “Mahal kita” sa pakikipag-usap sa pamamagitan ng senyas. Kung maaari, bigyan ang bawat bata ng isang kopya ng bigay-sipi upang maiuwi at maibahagi sa kanyang mag-anak.

Patotoo

Itaas ang iyong mga kamay at ipahiwatig ang iyong pasasalamat sa mga ito. Himukin ang mga bata na pasalamatan ang Ama sa Langit para sa kanilang mga kamay at gamitin ang kanilang mga kamay upang tulungan ang kanilang mga sarili at ang iba.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Bakasin ang mga kamay ng bawat bata sa isang pirasong papel. Isulat ang Nagpapasalamat ako para sa aking mga kamay sa bawat papel, at pakulayan sa bata ang bakas at ipauwi ito.

  2. Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita ng “I Have Two Little Hands” (Children’s Songbook, p. 272) o “My Hands” (Children’s Songbook, p. 273). Kumatha ng mga galaw na ayon sa isinasaad ng mga salita.

  3. Kung ipinapahintulot ng lugar at panahon, dalhin ang mga bata upang maglakad sa labas para hipuin ang mga bagay na may iba’t ibang salat, katulad halimbawa ng laryo, simento, mga katawan ng puno, at damo.

  4. Gawin ang sumusunod na gawain upang tulungan ang mga bata na bilangin ang kanilang mga daliri at hinlalaki:

    Pagbibilang ng mga Daliri

    Itaas ang isang kamay at gamitin ang isang daliri ng kabila mong kamay upang magturo at magbilang, nagsisimula sa pinakamaliit na daliri.

    Isa, dalawa, tatlo, apat na mga daliri.

    Ngayo’y may dagdag pang isang hinlalaki.

    Limang lahat sa isang kamay,

    Ayon sa plano ng Ama.

    Itaas ang kabilang kamay at ituro at bilangin sa gayunding paraan.

    Isa, dalawa, tatlo, apat na mga daliri.

    Ngayo’y may dagdag pang isang hinlalaki.

    Limang lahat sa kamay ding ito.

    Ang mga ito’y natuturuan ko.

    Itaas ang kapwa mga kamay at itikom ang bawat daliri kapag ito ay nabilang.

    Sampu lahat—muli nating bilangin.

    Isa at dalawa at tatlo at apat,

    Lima, anim, pito, walo, siyam, sampu—lahat.

    (Ituwid ang lahat ng mga daliri nang sabay-sabay.)

    Matuwid na nakatatayo silang lahat.

  5. Awitin ang awit na “Masayang Gawain” (Fun To Do, Children’s Songbook, p. 253), nang ilang ulit. Sa bawat talata, hayaang magsabi ang mga bata ng isang bagay na nagagawa ng kanilang mga kamay, katulad halimbawa ng pagpapatalbog ng bola, pagpitas ng isang bulaklak, paghehele ng isang manika, pagtugtog ng piyano, o pagkaway ng pamamaalam.

  6. Tulungan ang mga bata na gawin ang sumusunod na talatang gawain, na ginagamit ang mga galaw na isinasaad ng mga salita:

    Naaabot Ko ang Mataas

    Naaabot ko ang mataas,

    At ang mababa’y naaabot ko,

    At kapwa kamay ay pinagkakamay ko.

    Ang aking mga daliri inilaladlad ko,

    At ngayo’y gumagawa ako ng kamao.

    Naaabot ko ang harapan,

    At naaabot ko ang likuran;

    Ipinapalakpak ko ang aking mga kamay

    Sa ganitong paraan.

    Pagkatapos ay ipinapatong at ipinapahinga

    Ang mga ito sa aking kandungan,

    Nang buong katahimikan.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Tulungan ang mga batang gawin ang mga galaw sa sumusunod na talatang gawain habang binibigkas mo ang mga salita:

    Gusto Ko ang Aking mga Kamay

    Gusto ko ang aking mga kamay; sila’y aking mga kaibigan (ilagay ang mga kamay sa harapan at tumingin sa mga ito).

    Sila’y abala at tumutulong hanggang sa maghapon (isadula ang mga gawaing ginagawa ng mga kamay).

    Tahimik silang humahalukipkip (ihalukipkip ang mga kamay) o pumapalakpak ng napakalakas (pumalakpak)!

    Ako’y nakapagmamalaki kapag sila’y gumagawa ng tama!

  2. Paupuin nang pabilog ang mga bata. Ilarawan ang isang kalagayan at ipasadula (pantomime) sa mga bata kung ano ang dapat gawin ng kanilang mga kamay sa kalagayang iyon.

    Mga halimbawa:

    Ipakita ninyo sa akin kung ano ang dapat gawin ng inyong mga kamay bago ang oras ng pagkain.

    Ipakita ninyo sa akin kung ano ang dapat gawin ng inyong mga kamay kapag pinakikinggan ninyo ang isang kuwento.

    Ipakita ninyo sa akin kung ano ang dapat gawin ng inyong mga kamay kapag inuutusan kayong damputin ang inyong mga laruan.

    Ipakita ninyo sa akin kung ano ang dapat gawin ng inyong mga kamay kapag kayo ay nananalangin.

    Ipaliwanag na kailangan nating tulungan ang ating mga kamay na gawin ang mga bagay na dapat nilang gawin.

  3. Bigkasin ang sumusunod na talata na kasama ang mga bata, na ginagawa ang mga galaw na isinasaad ng mga salita:

    Ipalakpak ang Inyong mga Kamay

    Ipalakpak ang inyong mga kamay,

    Ipalakpak ang inyong mga kamay,

    Ipalakpak na katulad ng ginagawa ko.

    Hawakan ang inyong balikat,

    Hawakan ang inyong balikat,

    Hawakan na katulad ng ginagawa ko.

    Tapikin ang inyong tuhod,

    Tapikin ang inyong tuhod,

    Tapikin na katulad ng ginagawa ko.

    Igalaw ang inyong ulo,

    Igalaw ang inyong ulo,

    Igalaw na katulad ng ginagawa ko.

    Ipalakpak ang inyong mga kamay,

    Ipalakpak ang inyong mga kamay,

    Ngayo’y patahimikin ang mga ito.

our hands can talk

Nakapagsasalita ang Ating mga Kamay

Ako

Mahal

Ikaw

Ina

Ama