Aralin 24
Mahal Ko ang Aking mga Kapatid
Layunin
Upang himukin ang bawat bata na magpakita ng pagmamahal sa kanyang mga kapatid.
Paghahanda
-
Pag-aralan nang may panalangin ang Exodo 1:22–2:10.
-
Sa pagsang-ayon ng pangulo ng inyong Primarya, anyayahan ang isang ina na dalhin niya ang kanyang sanggol sa klase. Hilingan siyang magsalita tungkol sa kung paano niya inaalagaan ang sanggol, kabilang na ang mga bagay na ginagawa niya at ng kanyang mag-anak upang mapanatiling ligtas ang sanggol. Himukin siya na sabihin ang tungkol sa pagmamahal na kanyang nadarama para sa kanyang sanggol. Kung walang ina na mayroong sanggol, maaari mong anyayahan ang isang ina na magpunta at magdala ng mga larawan ng kanyang anak noong sanggol pa.
-
Mga kailangang kagamitan:
-
Isang Biblia.
-
Isang manikang sanggol.
-
Larawan 1–2, Si Moises sa mga Takbang Yantok (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 106; 62063); larawan 1–13, Joseph Smith (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 400; 62449).
-
-
Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.
Paalala sa guro: Sa pagbibigay mo ng araling ito, maging madaling makadama sa mga damdamin ng mga bata sa iyong klase na walang mga kapatid.
Mga Gawain sa Pagkatuto Gawaing
Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.
Maaari nating mahalin ang ating mga kapatid
-
Mayroon ba sa inyong may nakababatang kapatid na lalaki o babae?
Hilingan ang mga bata na may nakababatang kapatid na lalaki o babae na magsalita tungkol sa sanggol at sabihin kung paanong naghanda ang kanilang mag-anak para sa isang bagong sanggol.
-
Mayroon ba sa inyong may nakatatandang mga kapatid na lalaki o babae?
Hayaang mag-usap nang ilang sandali ang mga bata tungkol sa kanilang mga kapatid. Paalalahanan ang mga bata na pinag-usapan ninyo sa nakaraang aralin kung paanong ang mga mag-anak ay magkakaiba. Ang ilang mga tao ay may maraming kapatid, at ang ilang tao ay may kakaunti o ni walang kapatid. Kahit na gaano pa kadami ang ating mga kapatid, dapat nating ipakita ang ating pagmamahal sa kanila at maging mabait sa kanila.
Matutulungan natin ang ating mga kapatid
-
Paano ninyo matutulungan ang inyong mga kapatid?
-
Paano kayong tinutulungan ng inyong mga kapatid?
Makatutulong tayo sa ating mga nakababatang kapatid
Ipaliwanag na kung minsan ay mahirap kapag ang isang sanggol ay isinilang sa isang mag-anak dahil nakukuha ng sanggol ang marami sa panahon at pagtingin ng mga magulang. Tulungan ang mga bata na maunawaan na kahit na maging abala ang mga magulang sa bagong sanggol, mahal pa rin nila ang lahat ng iba nilang anak. Paalalahanan ang mga bata na kailangan ng tulong ng isang sanggol sa halos lahat ng mga bagay, samantalang ang mga nakatatandang anak (katulad ng nasa klase mo) ay makagagawa ng maraming bagay para sa kanilang sarili at para sa isang nakababatang kapatid.
-
Paano ninyong matutulungan ang inyong mga magulang sa isang nakababatang kapatid?
Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman
Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.
-
Bigyan ng papel at mga krayola o mga lapis ang mga bata, at ipaguhit sa kanila ang mga larawan ng kanilang mga kapatid. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagpapakita ng kanilang mga larawan at pag-uusap tungkol sa kanilang mga kapatid. Himukin ang mga bata na sabihin ang mga bagay na gusto nilang gawin na kasama ang kanilang mga kapatid.
-
Kumuha ng isang larawan ng bawat bata noong sila ay mga sanggol pa at pahulaan sa mga bata kung sino ang sanggol. (Tiyaking isauli nang walang sira ang mga larawan sa mga magulang.) Paalalahanan ang mga bata na may nakatatandang mga kapatid na ang kanilang mga kapatid ay tumulong sa pag-aalaga sa kanila noong sila ay mga sanggol pa.
-
Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Masayang Gawain” (Fun to Do, Children’s Songbook, p. 253) na ginagamit ang mga parirala na katulad ng “Ang paghehele ng isang sanggol ay masayang gawain” o “Ang pagtulong sa aking kapatid [na babae] ay masayang gawain.” Kumatha ng mga galaw na isinasaad ng mga salita.
-
Awitin o bigkasin ang mga salita sa unang talata ng “When We’re Helping” (Children’s Songbook, p. 198) na inihahalili ang kapatid [na babae] o kapatid [na lalaki] sa ina, o awitin ang ikalawang talata ng “Mag-anak na Kaysaya” (A Happy Family, Children’s Songbook, p. 198).
-
Magdala ng larawan ng iyong sariling mag-anak at sabihin sa mga bata ang tungkol sa iyong mga kapatid. Maaari mong naisin na magbahagi ng ilang masasayang karanasan ninyo nang kayo ay magkakasama.
-
Tulungan ang mga bata na isadula ang kuwento ni Miriam at ng sanggol na si Moises sa mga takbang yantok, na ginagamit ang mga kagamitan na katulad ng isang manikang sanggol, isang maliit na basket o kahon, isang kumot, at isang bandana.
Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata
-
Maglagay ng maliit ngunit madaling makilalang gamit ng sanggol sa isang supot o malaking medyas. Padukutin ang mga bata sa loob nang hindi tumitingin at subukang hulaan kung ano ang bagay sa pamamagitan ng paghipo nito.
-
Awitin o bigkasin ang mga salita sa kapwa mga talata ng “Mag-anak na Kaysaya” (A Happy Family). Habang umaawit ka, maghawakan ng mga kamay at gumalaw nang pabilog na kasama ang mga bata, o gumawa ng mga simpleng galaw na lalapat sa awit.
-
Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw sa sumusunod na laro sa daliri habang binibigkas mo ang mga salita:
Ganito ang ginagawa ng sanggol:
Klap - klap - klap - klap (ipalakpak ang mga kamay)!
Ganito ang ginagawa ng sanggol:
It, bulaga, nakita kita (maglaro ng it, bulaga, sa pamamagitan ng mga kamay)!
Ganito ang ginagawa ng sanggol:
Gapang - gapang - gapang - gapang (palakarin ang mga daliri sa hangin).
Ganito ang ginagawa ng isang sanggol:
Tulog - tulog - tulog - tulog (ihilig ang pisngi sa mga magkadaop-palad na mga kamay).
-
Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw sa sumusunod na talatang gawain habang binibigkas mo ang mga salita:
Ang Munting Sanggol na si Moises
Ang munting sanggol na si Moises ay may bangkang higaan (itikom nang bahagya ang isang kamay at ilagay ang hintuturo ng kabilang kamay dito).
Binantayan ng kanyang mapagmahal na kapatid sa damuhang pinagtaguan (sumilip sa pamamagitan ng paglalagay ng mga daliri ng kamay sa may mata).
Isang araw ay natagpuan siya ng prinsesa (yumuko nang kaunti na nakatingin sa ibaba) at siya ay kanyang kinuha (magkunwaring iniaangat ang sanggol);
Ang sabi niya’y, “Kukunin ko ang sanggol na ito at siya ay aking pangangalagaan” (magkunwaring iniuugoy ang sanggol sa kamay).
(Mula sa Fascinating Finger Fun ni Eleanor Doan. © 1951. Ginamit nang may pahintulot.)