Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 19: Nagpapasalamat Ako Para sa Aking mga Mata


Aralin 19

Nagpapasalamat Ako Para sa Aking mga Mata

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na pahalagahan ang kanyang mga mata at ang nagagawa ng mga ito.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Juan 9:1–7 at 3 Nephi 11:1–17.

  2. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia at isang Aklat ni Mormon.

    2. Isang ikiran ng sinulid na may malaking butas at isang sintas o isang piraso ng pisi. (Kung malaki ang iyong klase, maaari mong naising magdala ng higit para sa bawat isa.)

    3. Isang bandana o tela para pampiring.

    4. Larawan 1–43, Pinagagaling ni Jesus ang Bulag (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 213; 62145); larawan 1–44, Nagtuturo si Jesus sa Kanluraning Bahagi ng Daigdig (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 316; 62380).

  3. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Paalala sa guro: Maging madaling makadama sa mga damdamin ng sinuman sa mga bata sa iyong klase na may mga pisikal na kapansanan. Ituon ang pansin sa mga bagay na nagagawa ng kanilang mga katawan, hindi sa kanilang mga kapansanan.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Ipakita sa mga bata kung gaano kadaling isuot ang sintas o pisi sa ikiran ng sinulid nang nakabukas ang iyong mga mata. Pagkatapos ay isara ang iyong mga mata at sikaping isuot ang sintas sa ikiran ng sinulid. Bigyan ng pagkakataon ang bawat bata upang subukin.

Ang ating mga mata ay pagpapala sa atin

Ipaliwanag na mayroon tayong mga mata upang tayo ay makabasa at matuto, gumawa at maglaro, at makita ang magandang daigdig.

Talakayin sa mga bata kung paanong magiging kaiba ang kanilang buhay kung sila ay hindi nakakakita.

  • Paano ninyo kakainin ang inyong pagkain?

  • Paano ninyo malalaman kung anong damit ang isusuot?

  • Paano ninyo mahahanap ang daan sa paligid ng inyong tahanan?

Awit

Tulungan ang mga bata na bigkasin ang mga salita sa “Dalawang Matang Maliliit” (Two Little Eyes, Children’s Songbook, p. 268).

Mga matang kumukurap,

At nakakakita;

Ulo, balikat, tuhod;

Bahagi ng katawan.

Tralala, ang mata ko’y nakakakita,

Mga matang kumukurap,

Bahagi ng katawan.

(Mula sa Merrily We Sing, © 1948, 1975 ng Pioneer Press, Inc. [isang sangay ng Jackman Music]. Ginamit nang may pahintulot.)

Gawain

Patanawin ang mga bata sa bintana (o patingnan ang isang magandang larawan) at magkunwaring ito ang kauna-unahang pagkakataon na sila ay makakita. Anyayahan silang sabihin ang tungkol sa nakita nila. Pag-usapan ang mga kulay at mga hugis. Tulungan ang mga bata na makilala kung gaanong pagpapala ang makakita.

Gawain

  • Ano ang ilan sa mga bagay na paborito ninyong makita?

Ipaliwanag na ang mga mata ng ilang tao ay hindi gaanong makakita. Kinakailangang magsalamin ang mga taong ito o magsuot ng contact lens upang matulungan silang makakita. Ang ilang tao ay bulag at hindi makakita ng anumang bagay.

Gawain

Talakayin kung paanong ang mga taong bulag ay natututong maglakad-lakad nang nag-iisa na may kasamang gabay na aso o tungkod. Piringan ang isa sa mga bata at magkunwari kang gabay na aso. Iunat ang iyong kamay upang mahawakan ng bata na katulad ng tali ng aso. Akayin ang bata sa palibot ng silid. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagkukunwaring mga bulag o gabay na aso.

Kuwento

Ipakita ang larawan 1–43, Pinagagaling ni Jesus ang Bulag, at isalaysay ang kuwento tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa lalaking bulag, na matatagpuan sa Juan 9:1–7.

Kuwento

  • Ano ang ginawa ni Jesus sa putik? (Tingnan sa Juan 9:6.)

  • Ano ang nangyari nang ang lalaking bulag ay naligo sa paliguan? (Tingnan sa Juan 9:7.)

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ng lalaki nang makakita siya?

Nagpapasalamat ako sa Ama sa Langit para sa aking mga mata

Gawain

Patayuin ang mga bata at ulitin ang sumusunod na talata na kasama ka, na itinuturo ang bawat bahagi ng katawan kapag ito ay nabanggit:

Ako’y Nagpapasalamat Para sa Aking mga Mata

Ako’y nagpapasalamat para sa aking mga mata,

Sa aking tainga, bibig at ilong;

Nagpapasalamat sa aking kamay at bisig,

Sa aking binti, paa at daliri.

(Hinango sa isang talata ni Lucy Picco.)

Kuwento

Ipasa ang larawan 1–44, Nagtuturo si Jesus sa Kanluraning Bahagi ng Daigdig, at hilingan ang bawat bata na magsabi ng isang bagay na nakikita niya sa larawan. Isalaysay ang kuwento tungkol sa pagdalaw ni Jesus sa kanluraning bahagi ng daigdig, na matatagpuan sa 3 Nephi 11:1–17.

Kuwento

  • Sino ang nakita ng mga tao?

  • Ano ang naramdaman ng mga tao nang makita nila si Jesus? (Tingnan sa 3 Nephi 11:16–17.)

  • Ano ang kulay ng bata ni Jesus? (Tingnan sa 3 Nephi 11:8.)

Ipaliwanag na maaaring hindi natin magawang makita si Jesus nang harapharapan na katulad ng mga tao ni Nephi, ngunit sa tuwing makikita natin ang magandang daigdig, maaalala natin ang kanyang pagmamahal sa atin.

Patotoo

Sabihin sa mga bata kung gaano ang iyong pasasalamat para sa iyong mga mata. Sabihin kung paanong ang magagandang nilikha na nakikita mo sa araw-araw ay nakapagpapaalala sa iyo sa pagmamahal ni Jesus at ng Ama sa Langit para sa iyo. Paalalahanan ang mga bata na pasalamatan ang Ama sa Langit para sa kanilang mga mata.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Anyayahan ang mga bata na buong ingat na titigan ang mga mata, talukap ng mata, kilay, at pilik-mata ng bawat isa. Ipaliwanag na ang ating mga talukap ng mata, kilay, at pilik-mata ay tumutulong upang mapangalagaan ang ating mga mata sa dumi, alikabok, at pawis.

  2. Bago magklase, gumamit ng matalim na bagay katulad halimbawa ng aspili upang gumawa ng bilog o parisukat sa pamamagitan ng pagtutusok sa isang pirasong papel. Sa klase, isa-isang piringan ang mga bata at hilingin sa kanilang salatin ang bahagi ng papel na may mga tusok at sabihin kung anong hugis ang mga ito. Ipaliwanag na ito ay katulad ng braille (ang paraan ng pagsusulat para sa mga bulag na gumagamit ng mga titik na gawa sa nakaumbok na mga tuldok), na siyang paraan ng pagbabasa ng mga bulag.

  3. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga bag na papel, gumawa ng mga mata na nagmumulat at pumipikit (tingnan ang paglalarawan sa hulihan ng aralin) para sa bawat bata. Isulat sa bawat bag na papel ang Nagpapasalamat ako para sa aking mga mata. Pakulayan sa mga bata ang mga mata at gumuhit ng buhok sa kanilang bag na papel. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga mata na gawa sa bag na papel, isadulang (pantomime) kasama ng mga bata ang mga panahon na ating binubuksan at ipinipikit ang ating mga mata, katulad halimbawa kapag gumigising tayo o matutulog, kapag nananalangin tayo at kapag tayo ay nagugulat.

  4. Kung maaari, dalhin ang mga bata sa labas upang maglakad sa kalikasan. Hilingan silang itiklop ang kanilang mga kamay at maging napakatahimik habang sila ay naglalakad, upang mapagtuunan nila ng pansin ang paggamit ng kanilang mga mata. Kapag bumalik na sila sa klase, anyayahan silang maghalinhinan sa pagsasabi kung ano ang nakita nila.

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Awitin o bigkasin ang mga salita sa “Papkorn” (Popcorn Popping, Children’s Songbook, p. 242). Ipaliwanag na ang mga bulaklak ng sampaguita ay katulad ng papkorn.

    Magdala ng bulaklak ng sampaguita sa klase at ipakita ito sa mga bata. Talakayin kung paano ito nahahawig sa papkorn.

    • Ano ang ginagamit ninyo upang makita ang mga bagay na ito? (Mga Mata.)

    Ipaliwanag na dapat tayong magpasalamat sa Ama sa Langit para sa ating mga mata.

  2. Patayuin ang mga bata at ipabigkas ang mga salita sa “Hipuin ang Inyong mga Mata,” na ginagawa ang mga galaw na isinasaad ng mga salita:

    Hipuin ang inyong mga mata,

    Hipuin ang inyong mga ilong,

    Hipuin ang inyong mga tainga,

    Hipuin ang inyong mga daliri sa paa.

    Ipakaunat ang inyong mga kamay,

    Abot langit itong ikaway.

    Ilagay ang inyong mga kamay sa inyong buhok;

    Buong katahimikang sa upua’y maupo.

  3. Ipakita sa mga bata ang isang maliit na bagay. Ipaliwanag na ilalagay mo ito kahit saan sa loob ng silid, at gagamitin nila ang kanilang mga mata upang hanapin ito. Ipapikit sa mga bata ang kanilang mga mata, at ilagay ang bagay sa lugar na makikita ngunit hindi gaanong mapapansin. Ipamulat sa mga bata ang kanilang mga mata at ipahanap ang bagay nang hindi gumagalaw o gumagawa ng ingay. Sabihin sa kanilang itiklop ang kanilang mga kamay kapag nahanap na nila ang bagay. Paalalahanan ang mga bata na kailangang maging tahimik sila at hayaan ang iba na hanapin ang bagay sa pamamagitan ng kanilang mga mata. Ulitin ng maraming ulit ayon sa nais.