Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Aralin 23: Ako ay Kabilang sa Isang Mag-anak


Aralin 23

Ako ay Kabilang sa Isang Mag-anak

Layunin

Upang tulungan ang bawat bata na maunawaan na binalak ng Ama sa Langit na ang bawat isa sa atin ay mapabilang sa isang mag-anak na nangangailangan sa atin at nagmamahal sa atin.

Paghahanda

  1. Pag-aralan nang may panalangin ang Lucas 1:26–35.

  2. Kilalaning mabuti ang mga mag-anak ng mga bata sa iyong klase at maghandang banggitin ang isang positibong bagay na nangyayari sa bawat isa sa atin, katulad ng isang bagong silang na sanggol, isang kapatid na lalaki o babae na nasa misyon, o isang gawain ng mag-anak sa labas.

  3. Mga kailangang kagamitan:

    1. Isang Biblia.

    2. Tisa at pambura.

    3. Larawan 1–5, Mag-anak na May Sanggol (62307); larawan 1–7, Isang Mapagmahal na Mag-anak; larawan 1–16, Ang Pagsilang (Pakete ng Larawan ng Sining ng Ebanghelyo 201; 62495); larawan 1–23, Isang Pugad na May Maliliit na Ibon; larawan 1–51, Isang Mag-anak na Samasamang Gumagawa (62313); larawan 1—53, Kasayahang Pangmag-anak (62384).

  4. Gawin ang mga kinakailangang paghahanda para sa anumang Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman na nais mong gamitin.

Paalala sa guro: Maging madaling makadama sa mga pangmag-anak na kalagayan ng mga bata sa iyong klase. Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang mahalagang bagay sa isang mag-anak ay hindi ang bilang ng mga tao sa mag-anak, kundi na ang mga kasapi ng mag-anak ay nagmamahalan sa isa’t isa at pinangangalagaan ang bawat isa.

Mga Gawain sa Pagkatuto

Anyayahan ang isang bata na magbigay ng pambungad na panalangin.

Gawaing Pantawag Pansin

Ipakita ang larawan 1–23, Isang Pugad na May Maliliit na Ibon. Hayaang pagusapan ng mga bata ang tungkol sa larawan at ipatukoy sa kanila ang mga ibon at ang pugad.

Gawaing Pantawag Pansin

  • Sino ang gumawa ng pugad para sa maliliit na mga ibon?

  • Bakit kailangan ng maliliit na ibon ang isang ina at ama upang mangalaga sa kanila? (Upang pakainin sila, upang panatilihin silang mainit, at upang ilayo sila sa panganib.)

  • Kapag ang maliliit na ibon ay lumaki na nang kaunti at lumakas, sino ang magtuturo sa kanilang lumipad?

Ipaliwanag na ang maliliit na ibon ay kabilang sa isang mag-anak na tutulong na pangalagaan ang kanilang mga pangangailangan.

Ako ay kabilang sa isang mag-anak

  • Mayroon ba kayong mag-anak?

  • Bakit kailangan ninyo ng isang mag-anak na mag-aalaga sa inyo?

Ipakita ang larawan 1–5, Mag-anak na May Sanggol. Pagbalik-aralan kung paanong binalak ng Ama sa Langit upang ang bawat isa sa atin ay mapunta sa mundo at maging bahagi ng isang mag-anak. Ipaliwanag na kapag isinilang ang isang sanggol, hindi kayang pangalagaan ng sanggol ang kanyang sarili. Kailangan nito ng isang mag-anak upang mangalaga dito.

  • Sino ang nag-alaga sa inyo nang kayo ay isilang?

  • Ano ang ilan sa mga bagay na ginawa para sa inyo ng inyong mag-anak noong sanggol pa kayo?

  • Ano ang ilan sa mga bagay na ginagawa ng inyong mag-anak para sa inyo ngayon?

  • Sino ang nagplano upang kayo ay mapabilang sa isang mag-anak?

Tulungan ang mga bata na maunawaan kung gaano kaligaya ang kanilang mga mag-anak noong sila ay isinilang. Bigyang-diin kung gaano sila kamahal ng kanilang mga magulang at ng iba pang mga kasapi ng mag-anak at nais na sila ay lumigaya.

Awit

Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa “Ako ay Anak ng Dios” (Mga Himno at Awit Pambata).

Ako ay anak ng Dios,

Dito’y isinilang.

Handog ay ‘sang tahanang may

Mahal na magulang.

Akayin at patnubayan,

Sa tamang daan.

Turuan ng gagawin

Nang S’ya’y makapiling.

Ipakita ang larawan 1-16, Ang Pagsilang, at ipaliwanag na si Jesus ay isinilang sa isang mag-anak nang siya ay magpunta sa lupa (tingnan sa Lucas 1:26–35).

Awit

  • Sino ang mga tao sa larawang ito?

  • Sino ang ina ni Jesus?

  • Sino ang ama ni Jesus? (Paalalahanan ang mga bata na ang Ama sa Langit ang ama ni Jesus; si Jose ay isang mabuting tao na pinili ng Ama sa Langit upang kumalinga kay Maria at Jesus.)

  • Ano sa palagay ninyo ang nadama nina Maria at Jose tungkol kay Jesus?

  • Ano sa palagay ninyo ang ginawa nina Maria at Jose upang mapangalagaan ang sanggol na si Jesus?

  • Sino ang nagplano upang magkaroon si Jesus ng mag-anak na magmamahal at mangangalaga sa kanya?

Mahal ng Ama sa Langit at ni Jesus ang bawat mag-anak

Ipakita ang larawan 1-7, Isang Mapagmahal na Mag-anak. Ipaliwanag na ang ilang mga mag-anak ay mayroong isang ina at isang ama, at ang ilang maganak ay may iisa lamang na magulang. Ang ilang mag-anak ay mayroong lolo at lola o ibang tao na tumutulong upang mapangalagaan ang mga bata. Ang ilang mga mag-anak ay may maraming anak, samantalang ang ibang mga mag-anak ay may iisang anak o walang mga anak. Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang bawat mag-anak ay magkakaiba at mahal ng Ama sa Langit at ni Jesus ang bawat mag-anak.

Gawain

Anyayahan ang bawat bata na magsabi ng tungkol sa kanyang mag-anak. Isaisang tulungan ang bawat bata na gumuhit ng mga larawang patpat sa pisara upang sumagisag sa mga kasapi ng kanyang mag-anak. Hilingin na sabihing malakas ng bata ang pangalan ng bawat kasapi ng mag-anak at pagkatapos ay bilangin ang mga kasapi ng mag-anak. Sa pagtatapos ng bawat bata, ibahagi sa klase ang isang bagay na iyong natutuhan tungkol sa mag-anak ng bata.

Nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na magpakita ng pagmamahalan sa bawat isa ang mga kasapi ng mag-anak

Awit

Tulungan ang mga bata na awitin o bigkasin ang mga salita sa “Mag-anak na Kaysaya” (A Happy Family, Children’s Songbook, p. 198).

Mahal ko ang nanay ko;

Mahal namin, tatay ko;

Kami’y mahal n’ya kaya,

Mag-anak nami’y kaysaya.

(Mula sa Merrily We Sing, © 1948, 1975 ng Pioneer Music Press, Inc. [isang sangay ng Jackman Music]. Ginamit nang may pahintulot.)

Awit

  • Paano ninyong alam na mahal kayo ng inyong mag-anak?

  • Ano ang inyong ginagawa upang ipakita sa mga kasapi ng inyong mag-anak na mahal ninyo sila?

Ipakita ang larawan 1–53, Kasayahang Pangmag-anak.

Awit

  • Ito ba ay maligayang mag-anak? Paano ninyong alam?

  • Ano ang ikinalulugod ninyong gawin na kasama ang inyong mag-anak?

  • Kapag ang lahat ay mabait sa bawat isa, ano ang inyong pakiramdam?

Ipakita ang larawan 1-51, Isang Mag-anak na Sama-samang Gumagawa.

Awit

  • Ano ang ginagawa ng mag-anak na ito?

  • Ano ang ginagawa ninyo upang makatulong sa inyong mag-anak?

  • Ano ang pakiramdam ninyo kapag tinutulungan ninyo ang mga kasapi ng inyong mag-anak?

Gawain

Papag-isipin ang mga bata ng iba’t ibang paraan na makatutulong sila sa kanilang mga mag-anak sa tahanan, katulad ng pagdampot ng kanilang mga laruan, pakikipaglaro sa sanggol, o pagtulong sa paghuhugas ng mga pinggan. Hayaang isadula ng mga bata ang kanilang mga kuru-kuro. Himukin ang mga bata na tulungan ang kanilang mga mag-anak sa buong linggo.

Patotoo

Ibahagi ang iyong damdamin ng pasasalamat sa Ama sa Langit para sa biyaya ng pagiging bahagi ng isang mag-anak.

Mga Gawaing Nagpapayaman sa Kaalaman

Pumili ng ilan sa mga gawaing ito upang gamitin sa aralin.

  1. Awiting muli ang “Mag-anak na Kaysaya.” Pumili ng apat na bata upang sila ang maging mag-anak sa awitin. Ipahawak sa kanila ang mga tanda upang ipakita kung aling kasapi ng mag-anak ang isinasagisag ng bawat isa. Tumayo sa likuran ng apat na bata at ituro ang ulo ng batang tinutukoy habang inaawit o binibigkas mo ang mga salita na kasama ang mga bata. Ulitin ang awit, na pinahihintulutan ang ibang bata na maging ang mga kasapi ng mag-anak. Ipagpatuloy hanggang sa ang bawat bata ay magkaroon ng pagkakataon.

  2. Sabihin sa mga bata ang tungkol sa mga tagubilin ni Haring Benjamin sa mga mag-anak, na matatagpuan sa Mosias 4:14–15. Basahin nang malakas ang huling kalahating bahagi ng talata 15. Hilingan ang mga bata na magmungkahi ng mga paraan upang mahalin at paglingkuran ng mga kasapi ng mag-anak ang bawat isa.

  3. Tulungan ang mga bata na gawin ang sumusunod na laro sa daliri:

    Ang Aking Mag-anak

    Narito ang maganda kong ina (ituro ang hintuturo);

    Narito ang matangkad kong ama (ituro ang gitnang daliri).

    Narito ang ate ko (ituro ang palasingsingan),

    At hindi lang iyan ang tungkol dito.

    Narito ang nakababata kong kapatid na lalaki (ituro ang kalingkingan),

    Na tunay na napakaliit.

    Sino naman ang taong ito (ituro ang hinlalaki)?

    Mangyari pa, ito’y ako.

    Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, tingnan ninyo (hawakan ang bawat daliri habang nagbibilang ka),

    Lumikha ng mag-anak na napakasaya!

    Tulungan ang bawat bata na ipakita ang angkop na bilang ng mga daliri upang isagisag ang bilang ng mga tao sa kanyang mag-anak (kung ang mag-anak ng isang bata ay mahigit sa sampung tao, patulungin ang isa pang bata). Tulungan ang bawat bata na ulitin ang huling dalawang linya ng talata, na bumibilang hanggang sa bilang ng mga tao sa kanyang mag-anak bago sabihing “lumikha ng mag-anak na napakasaya!”

Mga Karagdagang Gawain para sa mas Maliliit na Bata

  1. Ipakita ang larawan 1-23, Isang Pugad na May Maliliit na Ibon. Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw sa “Mga Ibon sa Puno” (Birds in the Tree, Children’s Songbook, p. 241), habang inaawit o binibigkas mo ang mga salita:

    Ang maliit na pugad (magkasamang itikom nang bahagya ang mga kamay)

    Sa puno’y makikita (itaas ang mga kamay at gumawa ng bilog sa may uluhan).

    Itlog ay bilangin mo;

    Isa, dalawa, tatlo (itaas ang isa, dalawa, at tatlong mga daliri).

    Inahi’y nasa pugad (itikom nang bahagya ang kaliwang kamay, ipatong ang kanang kamay)

    Nang itlog ay limliman (itaas ang tatlong daliri).

    Ama’y palipad-lipad (igalaw ang mga kamay na tila lumilipad)

    Upang sila’y bantayan.

  2. Tulungan ang mga bata na gawin ang mga galaw sa sumusunod na talata habang binibigkas mo ang mga salita:

    Ang Aking Mag-anak

    Tulad ng mga ibon sa itaas ng puno (ipagaspas ang mga kamay bilang mga pakpak),

    Ako’y may mag-anak na sariling akin (ituro ang sarili).

    Binibigyan nila ako ng pagkain (magkunwaring kumakain)

    At sa paglalaro’y tinuturuan din (tumalon),

    Upang ako’y maging ligtas at maligaya sa maghapon (ngumiti ng malaking ngiti).

  3. Bigkasin ang mga sumusunod na salita o awitin ang mga ito sa alinmang naaangkop na himig:

    Mahal ka ni Inay, Mahal ka ni Inay.

    At gayundin ni Itay, at gayundin ni Itay.

    Ang mga tao sa mag-anak ninyo, ang mga tao sa mag-anak ninyo,

    Ay nagmamahal sa iyo ng totoo, nagmamahal sa iyo ng totoo.